𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪...
𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪. 𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪.
𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘪𝘣𝘪𝘨-𝘴𝘢𝘣𝘪𝘩𝘪𝘯 𝘯𝘪𝘵𝘰?
Nagsimulang maramdaman ni Maia ang paninikip ng kaniyang dibdib at lalamunan. Bumibilis ang kaniyang paghinga at halos siya ay pagpawisan ng malagkit.
Lumunok siya at sa kabila ng panlalabo ng kaniyang mga mata, ay muli niyang binasa ang mga nakasulat sa mga aklat tungkol sa katawan at kaluluwa na kaniyang nakita at kasalukuyang nakabuklat sa sahig ng silid-aklatan kung saan siya nakaupo.
"...𝘮𝘨𝘢 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘺 𝘬𝘢𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵𝘪 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢 𝘢𝘺 𝘣𝘪𝘩𝘪𝘳𝘢...."
"...𝘯𝘢𝘣𝘶𝘣𝘶𝘩𝘢𝘺 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘨 𝘪𝘴𝘢 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘥𝘢𝘭𝘢𝘸𝘢𝘯𝘨 𝘥𝘦𝘬𝘢𝘥𝘢..."
"...𝘸𝘢𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘪𝘺𝘢𝘬 𝘯𝘢 𝘱𝘢𝘭𝘪𝘸𝘢𝘯𝘢𝘨 𝘴𝘢 𝘴𝘢𝘯𝘩𝘪 𝘢𝘵 𝘭𝘶𝘯𝘢𝘴..."
"...𝘢𝘺𝘰𝘯 𝘴𝘢 𝘱𝘢𝘨-𝘢𝘢𝘳𝘢𝘭, 𝘮𝘢𝘢𝘢𝘳𝘪𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘯𝘩𝘪 𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘩𝘪𝘬𝘢 𝘯𝘨𝘶𝘯𝘪𝘵 𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘱𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘵𝘶𝘯𝘢𝘺 𝘢𝘵..."
"...𝘴𝘪𝘵𝘸𝘢𝘴𝘺𝘰𝘯𝘨 𝘯𝘨... ..𝘥𝘢𝘭𝘢𝘸𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘢𝘸𝘢𝘯..."
"...𝘪𝘮𝘱𝘰𝘴𝘪𝘣𝘭𝘦 𝘢𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘴𝘢𝘴𝘢𝘮𝘢 𝘯𝘨 𝘥𝘢𝘭𝘢𝘸𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘨𝘬𝘢𝘪𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢..."
"...𝘯𝘢𝘨𝘥𝘶𝘥𝘶𝘭𝘰𝘵 𝘯𝘨 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘣𝘢𝘭𝘪𝘸 𝘰 𝘱𝘢𝘨𝘬𝘢𝘸𝘢𝘭𝘢 𝘴𝘢 𝘴𝘢𝘳𝘪𝘭𝘪."
"...𝘱𝘢𝘨-𝘢𝘯𝘨𝘬𝘪𝘯 𝘯𝘨 𝘪𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢 𝘴𝘢 𝘪𝘴𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘢𝘸𝘢𝘯..."
"...𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘵𝘢𝘸𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘺 𝘪𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘮𝘢𝘵𝘢𝘺 𝘴𝘢 𝘭𝘰𝘰𝘣 𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘵𝘭𝘰 𝘩𝘢𝘯𝘨𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘪𝘮 𝘯𝘢 𝘣𝘶𝘸𝘢𝘯..."
Malakas na pinakawalan niya ang hingang hindi niya namalayan na kaniyang pinipigilan habang awtomatikong humawak ang isa niyang kamay sa kaniyang dibdib. Muli niyang tinignan ang aklat na nagsasabi na imposible ang pagkakaroon ng dalawang magkaibang kaluluwa sa isang katawan at kung paanong hindi tatagal ang katawang may ibang kaluluwa... na lalong nagpalalim at nagpabigat sa kaniyang paghinga na tila siya ay nasa karagatan at nalulunod. Paupo siyang umatras palayo sa mga aklat hanggang sa bumangga siya sa isang istante. At gamit ang istanteng iyon na pang-suporta, pinilit niya ang sarili na tumayo.
Ngunit natigilan siya at ibinaba ang tingin sa mga nakakalat na aklat. "Tama, h-hindi... hindi ko m-maaaring i... i-iwan ang mga ito," sambit niya sa pagitan ng mga malalim na paghinga.
Gumapang siya pabalik sa mga aklat at agad na isinara ang mga ito. Dahan-dahan siyang tumayo at ibinalik ang mga ito kung saan niya kinuha habang ang kaniyang mga kamay ay nagsimulang manginig.
𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘺𝘢𝘳𝘪?
𝘚𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢...
𝘕-𝘕𝘢𝘴𝘢𝘢𝘯... 𝘕𝘢𝘴𝘢𝘢𝘯 𝘴𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?
𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘺𝘢𝘳𝘪?
𝘚𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢...
𝘕𝘢𝘴𝘢𝘢𝘯 𝘴𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?
Iyon ang paulit-ulit na naglaro sa kaniyang isipan hanggang sa magulat siya sa paglaglag ng huling aklat na kaniyang hawak. Tinitigan niya ito. Ito ang aklat na nagsasaad na ang magkaibang kaluluwa ay hindi maaaring magsama ng mapayapa sa isang katawan.
Pinulot niya ito ngunit muli niyang nabitawan sapagkat patuloy at lumala ang panginginig ng kaniyang mga kamay. At nagpaulit-ulit ang ganoong pangyayari hanggang sa ikaapat na pagkakataon ay hindi niya maiwasang lumuha.
"Nasaan si Malika?" mahina niyang bulong.
Nangatog ang kaniyang mga tuhod kasabay ng pagtakas ng hagulgol sa kaniyang bibig at siya ay tuluyang mapaluhod. At sa pagtama ng kaniyang tuhod sa sahig ay agad niyang pinigilan ang sarili. Nilunok niya ang mga iyak na nais niyang pakawalan, pinulot ang aklat at ibinalik iyon sa istante bago pinunasan ang kaniyang pisnging basang-basa ng mga luha.
"Hindi. Hindi. Hindi maaari," matigas niyang sambit habang pilit inaayos ang kaniyang paghinga.
Nilibot niya ang tingin sa paligid habang siya ay tila hinihingal pa rin. 𝘒𝘢𝘪𝘭𝘢𝘯𝘨𝘢𝘯𝘨 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘢𝘭𝘪𝘴 𝘯𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘥𝘪𝘵𝘰.
Pinunasan niya ang kaniyang mga pawis, pinagpag ang bestido at huminga ng malalim bago halos patakbong tinungo ang pinto ng silid-aklatan.
Hindi pa rin niya lubos na maunawaan kung ano ang kaniyang nabasa... kung gaano katotoo ang mga iyon... at kung ano ang dapat niyang maramdaman bukod sa takot at kaba.
At si Malika...
𝘖𝘩, 𝘎𝘰𝘥...
Suminghap siya at tila habulin niyang muli ang kaniyang paghinga. 𝘈𝘯𝘰'𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘯𝘨𝘺𝘢𝘳𝘪 𝘬𝘢𝘺 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?
Tinulak niya ang pinto nang may buong lakas at pagkatapos lamang ng ilang hakbang ay bumangga siya sa isang tao.
"P-Paumanhin po," walang lingon na sambit niya sa kung sinuman ang kaniyang nabangga bago siya nagpatuloy sa paglalakad.
"B-Binibini?!"
Walang marinig si Maia, ang kaniyang isip ay nakatuon sa kaniyang nabasa at sa katotohanang kailangan na niyang makabalik sa Palasyo Raselis. Iba na ang kaniyang pakiramdam at tila nais na lamang niyang mawalan ng malay ngunit hindi niya gagawin iyon sa lugar na ito.
Bumilis ang kaniyang paglakad sa pag-asang makaalis... makalabas... makabalik sa silid ni Malika at---
Ramdam niya ang paghawak ng kamay sa kaniyang kaliwang braso at nang siya ay huminto ay agad ding bumitaw ang kamay na iyon. "Binibini, ayos ka lang ba?"
At sa pagbitaw nito, muli niyang ipinagpatuloy ang paglalakad. Ngunit bago pa siya makahakbang muli ay humarang sa kaniyang harap ang taong humawak sa kaniya.
Kunot-noong inangat niya ang kaniyang tingin. Lalaki ito at matangkad na hindi na niya nagawang makita ang mga mata at buong mukha nito. Wala siyang lakas upang iangat ng husto ang kaniyang ulo at sa nanlalabo pa rin niyang paningin, wala ring saysay sa pagtingin sa kung sino ito.
Gumalaw ang bibig ng lalaki at ang tanging nakuha niya lamang sa sinabi nito na hindi niya rin gaano katiyak kung tama ang kaniyang pagkakarining ay, 'tulong'.
Tinatanong ba siya nito kung kailangan niya ng tulong?
𝘏𝘢𝘩! 𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘢𝘭𝘢𝘮 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘪𝘵𝘰...
Umiling-iling siya at nagpatuloy sa paghakbang ngunit umatras lamang ito at hindi umalis sa kaniyang harapan. At ilang saglit ay hinawakan nito ang magkabilang braso niya marahil dahil halos mawalan siya ng balanse.
Ngunit nais lamang ni Maia na makaalis dito. Nais na niyang umuwi...
𝘜𝘮𝘶𝘸𝘪?
Nagsimula na naman ang kaniyang pakiramdam na tila siya ay nalulunod at hindi makahinga. Saan siya uuwi?
Wala siyang uuwian...
Nakakulong siya sa katawan ni Malika. Hindi niya alam kung nasaan ito. Hindi niya alam kung paano siya makababalik.
At---
Patay na siya.
Tama. Patay na siya.
𝘋𝘢𝘱𝘢𝘵 patay na siya.
Kaya bakit siya ang nandito at nawawala si Malika?
Si Malika....
𝘕𝘢𝘴𝘢𝘢𝘯 𝘴𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢?!
"Binibini? Binibini?!"
Gulat na tinignan niya ang nagsalita at sumalubong sa kaniyang paningin ay mga bughaw na bughaw na mga mata. Umatras siya dito at iniwas ang kaniyang tingin.
𝘚𝘪𝘯𝘰 𝘣𝘢 𝘪𝘵𝘰? 𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘣𝘢 𝘭𝘢𝘨𝘪 𝘪𝘵𝘰𝘯𝘨 𝘩𝘶𝘮𝘢𝘩𝘢𝘳𝘢𝘯𝘨?
𝘕𝘢𝘪𝘴 𝘬𝘰 𝘭𝘢𝘮𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘢𝘭𝘪𝘴...
𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘩𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘢𝘬𝘰 𝘮𝘢𝘬𝘢𝘢𝘭𝘪𝘴?
𝘉𝘢𝘬𝘪𝘵 𝘩𝘶𝘮𝘢𝘩𝘢𝘳𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘯𝘨 𝘵𝘢𝘰𝘯𝘨 𝘪𝘵𝘰?
"Bini---"
"Nais mong makatulong? Umalis ka sa aking harapan!" madiin niyang sambit.
Nang tila ay natigilan ito, sinamantala iyon ni Maia at agad na tumakbo palayo dito.
Tumakbo siya nang tumakbo, malakas na tibok ng puso ang kaniyang naririnig at malabong paligid ang kaniyang nakikita, hanggang sa makalabas siya ng palasyo.
______________________________
Sa isang bahagi ng palasyo, may isang ginoo na may napakahaba at kulay pilak na buhok ang tila ay mauubusan na ng pasensya. Ilang minuto na siyang umiikot sa palasyo ngunit ni anino ng Mahal na Prinsipe ay hindi pa rin niya nakikita.
Kung may isa lamang siyang natitiyak, tiyak siyang wala ang Kamahalan sa bulwagan.
Matapos ng isang malalim na paghinga, nagpasya siyang ikutin muli ang Palasyo ng Hari at marahil ay sisimulan niya ang paghahanap sa silid-aklatan. Kung bakit kasi hindi na lamang mag-anunsyo ang Prinsipe na nakapili na ito ng Binibining papakasalan, nang sa gayon sana ay hindi na ito nagtatago sa tuwing may malaking pagdiriwang.
Lumiko siya sa pasilyo na patungo sa silid-aklatan at nakaramdam siya ng ginhawa nang makita ang kanina pa niya hinahanap na nakatayo sa gitna ng pasilyo.
"Iyong Hirang?" pagtawag niya dito.
Hindi sumagot ang Kamahalan, ni hindi ito kumilos na tila ba ay hindi siya nito narinig. Nanatili itong nakatalikod sa kaniya na parang estatwa.
"Iyong Hirang?" pag-ulit niya. "Ayos lang po ba kayo?"
Sa pagkakataong iyon, narinig siya ng Kamahalan at bahagyang ipinihit nito ang ulo upang siya ay tignan. "Idris? Hm. Ano ang iyong ginagawa dito?" mahina nitong sambit.
Kumunot ang kaniyang noo kasabay ng kaniyang bahagyang pagyuko dito. May kakaiba sa Prinsipe na hindi niya mawari o maintindihan. Masaya pa ito at mataas ang enerhiya nang magtungo at lumabas sa bulwagan ngunit ngayon ay tila wala itong gana.
"Kamahalan, hinahanap na po kayo ng Mahal na Hari at Reyna," aniya. "Ipagpaumanhin po ninyo ngunit sa aking palagay ay kailangan na po nating bumalik sa bulwagan."
Umikot ang Prinsipe at humarap sa kaniya. Ang tinig nito ay mahina pa rin na tila ay naubusan ito ng lakas. "Sa iyong palagay, ako kaya ay hahayaan ng mga Kamahalan kung aking sasabihin na hindi mabuti ang aking pakiramdam?"
Lalong lumalim ang mga linya sa kaniyang noo at inangat niya ang kaniyang tingin dito. "Iyong Hirang, ano po ang inyong nararamdaman?"
Ngumisi ang Mahal na Prinsipe. "Ah... Kung sana ay ganoon lamang kadaling ipaliwanag."
"K-Kamahalan?"
Tinitigan siya nito at sa unang pagkakataon ay nakakita siya ng emosyon sa mga mata nito na hindi pa niya nakikita kahit minsan---nasasaktan ito.
"Hindi ko alam, Idris," anito, ang tinig nito ay may lungkot at dismaya... at kirot.
Sa tagal niyang naglilingkod bilang kanang-kamay ng Prinsipe at sa tagal nilang magkaibigan, ngayon lamang niya itong nakitang ganito na tila ay wala sa sarili at hindi niya maiwasang mag-alala. "Kamahalan, ano po ba ang nangyari sa inyo?"
Tumingin ito sa itaas, huminga ng malalim bago ibinuga ng malakas ang hangin na iyon. "Ano nga ba ang nangyari?"
Nagsimula itong maglakad at naguguluhang sinundan niya ito ng tingin. Hindi niya maintindihan ang nais nitong iparating.
"Mahal na Prinsipe, ano po ang nangyari?" mariin niyang pag-ulit. Hindi niya alam kung paano ito tutulungan at kung paano ito iintindihin kung hindi ito magsasabi. Ngunit tunay na nanahimik lamang ito at nagpatuloy sa paglalakad.
Makalipas ng ilang paghakbang nito na tila ay wala talaga itong balak na siya ay pansinin, nilinaw niya ang tanong dito. "Iyong Hirang, ano po ang nangyari sa inyong hinahanap?"
Agad na huminto ang Kamahalan. At matapos ang ilang segundong katahimikan ay sumagot ito, ang tinig nito ay bumalik na sa normal nitong lakas at tunog ngunit ngayon ay mas seryoso at may halong pagka-irita. "Katulad ng iyong nakikita, nawawala pa rin."
Huminga nang malalim si Idris. Sa ikinikilos ng Kamahalan, hindi magiging mabuti kung haharap ito ng ganito sa pamilya nito at sa mga maginoo ng buong kaharian. Dagdag pa na dapat ang gabing ito ay isang masayang pagdiriwang. Ngunit ang itsura at kalagayan ng Prinsipe ay taliwas sa lahat ng iyon.
Saglit na pinagdikit niya ang kaniyang mga labi bago nagdesisyon na magsalita bilang matalik nitong kaibigan, "Kaius, sabihin mo sa akin kung ano ang nangyayari sa iyo ngayon. Hindi ka maaari---"
"𝘎𝘪𝘯𝘰𝘰𝘯𝘨 Idris," pagputol ng Prinsipe sa kaniya na nagpangiwi sa kaniya. "Ayon sa iyo ay hinahanap na ako ng aking Ina at Ama kung kaya kailangan na na tayo ay bumalik sa bulwagan," pagpapatuloy nito, ang mga panga nito ay naninigas. "Mali ba ako ng dinig?"
Marahan siyang yumuko dito. "Hindi po, Iyong Hirang. Iyon po ang aking mga sinabi."
May ilang segundong katahimikan ang bumalot sa pasilyo bago niya muling narinig ang yapak ng Mahal na Prinsipe hanggang sa unti-unti iyong humina.
Tumayo siya nang maayos at bumuga ng hangin, ang dalawang kamay niya ay kaniyang ipinahinga sa magkabilang gilid ng kaniyang baywang. Kung ano man ang nangyari sa Kamahalan, tiyak siyang seryoso iyon sapagkat hindi lang kakaiba ang mga ikinikilos nito.
Sa dami na ng kanilang pinagsamahan, ngayon lamang niya nasaksihan at narinig ang ganoong kalamig at katalim na tinig at mga titig nito. At may pakiramdam siya na walang balak ang Mahal na Prinsipe na sabihin sa kaniya kung ano ang tunay na nangyari. Hindi ngayon. Hindi sa mga susunod na araw. At maaaring hindi kahit kailan.
Bumuntong-hininga siya at nagpasyang habulin na ang Prinsipe. Ang kaniyang problema sa ngayon ay hindi niya alam kung paano ipaliliwanag sa Mahal na Hari at Reyna ang dahilan kung bakit nakasimangot at mainit na naman ang ulo ng tagapagmana ng trono ng Kaharian ng Aguem.