webnovel

V

Agad na isinara ni Maia ang talaarawan ni Malika. Kakaibang lamig ang gumapang sa kaniyang buong katawan sa nabasa. Marahil dahil nasa katawan siya nito ngunit damang-dama niya ang pagkasuklam nito.

Huminga siya ng paulit-ulit upang pakalmahin ang sarili bago binasa muli ang huling sulat ni Malika. May mga salita roon na hindi niya lubusang maintindihan.

𝘒𝘶𝘯𝘨 𝘣𝘢𝘣𝘢𝘭𝘪𝘬 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘪𝘯 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵𝘪 𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢...

Kalahati ng kaluluwa...

Ibig sabihin ba nito ay kalahati lang ang kaluluwa ni Malika? At iyon ang karamdaman nito?

Kumirot ang kaniyang ulo at nanikip ang kaniyang dibdib. 𝘏𝘦𝘵𝘰 𝘯𝘢 𝘯𝘢𝘮𝘢𝘯...

May ideya na siya noong una palang ngunit ngayon ay tila lalong tumibay ang ideyang iyon. Sa tuwing may maaalala siya sa mga karanasan ni Malika, kikirot at sasakit rin ang ulo at dibdib niya.

Ngunit base sa mga alaala ni Malika, hindi ito nakakaalala ng kahit ano sa tuwing sasakit ang ulo at dibdib nito. Hindi niya tuloy alam kung bakit talaga sumasakit ang ulo at dibdib niya; kung dahil ba sa karamdaman ni Malika o dahil sa mga alaalang nalalaman niya.

Nagpasalamat nalang siya na hindi ganoon kasakit ang pagkirot ng ulo niya sa pagkakataong ito at nang humupa ang sakit ay naging malinaw sa kaniya ang tunay na nangyari kay Malika.

Limang taon na ang nakalilipas nang may nakasalubong ito na isang babae na nagsabi na kalahati lang ng kaluluwa nito ang nasa katawan nito at dahil doon ay hindi magtatagal ang buhay nito. Noong una, hindi iyon pinaniwalaan ni Malika at itinaboy ang babae. Ngunit isang taon pagkatapos ng pagkikitang iyon, nagsimulang manghina ang katawan ni Malika.

Nagsimula sa kaunting pagkirot ng ulo nito at minsanang paninikip ng dibdib hanggang sa mas tumindi at dumalas, at makalipas ng ilang buwan ay tila naging normal na na makararanas ito ng kakaibang sakit ng ulo at dibdib. Sa pangyayaring iyon napagtanto ni Malika na maaaring may katotohanan ang sinabi ng babaeng nakasalubong nito noon kaya sinubukan nito na hanapin kung sino man iyon.

Ngunit sa paghahanap ay nalaman nitong pumanaw na ang babae...at ang mga tanong ni Malika ay hindi na nasagot.

Hindi naman sumuko si Malika doon. Sinubukan din nitong maghanap ng solusyon sa sakit na mayroon ito gamit ang mga aklat ngunit tila isa talaga itong misteryong karamdaman sapagkat walang aklat ang naisulat tungkol dito.

Naisip ni Malika na lumapit sa mga dalubhasang manggagamot ngunit mas naging matimbang dito na hindi magpakita ng kahinaan sa ibang tao lalo na sa mga taong alam nitong matutuwa sa pagkakaroon nito ng karamdaman.

Lumipas ang mga buwan at taon na walang nahanap na sagot si Malika. Umasa nalang ito na isang araw ay babalik na lamang ng kusa ang kalahati ng kaluluwa nito hanggang sa pati iyon ay naglaho kaya nag-isip nalang ito ng paraan na masigurong hindi lang ito ang nasasaktan at nahihirapan.

Napatingin si Maia sa hawak na talaarawan. Hindi na nakapagtataka kung bakit kakila-kilabot ang isinulat nito. Puno ito ng galit na lalo lang lumalim dahil sa karamdaman nitong tila ay walang gamot.

Napahinto siya at tinikom ng maigi ang kaniyang mga labi. Posible ba talaga na walang gamot o solusyon?

Ngunit bago pa niya matapos nang tuluyan ang isiping iyon, naalala niya na sa mundong kinalakihan niya, maraming karamdaman ang wala talagang solusyon katulad nalang ng cancer, dementia, Huntington's disease, at AIDS.

Mas lalo pa siguro kung tungkol sa kaluluwa ang karamdaman, hindi ba?

Bumigat ang mga balikat niya. Kung ganoon, ang sakit na iyon ba ang magiging dahilan kung bakit mamamatay si Malika sa katapusan ng kuwentong ito?

𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪.

Malakas ang kaniyang pakiramdam at malaki ang tiyansa na may papatay kay Malika dahil sa ugali nito. At sa galit na mayroon ito pati na rin ang katotohanan na maaaring marami rin ang may galit dito, hindi rin tiyak ni Maia kung magiging sadya o hindi ang pagkakapatay dito.

At iyon ang magiging problema niya. Mahihirapan siya ngayon na alamin kung saan manggagaling ang panganib. Hindi niya alam kung sino ang dapat iwasan.

Sumandal siya at tinitigan ang kisame na kulay pula. Bakit kung makapagsalita siya ay parang may balak siyang tulungan si Malika?

Ang dapat niyang isipin ay kung paano siya makaaalis sa katawan nito. Isa pa, kung naisulat na ang kuwento nito, hindi ba at wala na siyang magagawa doon?

Ang tanging problema niya ngayon ay ang oras. Dapat makaalis na siya sa katawang ito bago makabalik si Selina. Ayon sa journal, doon magsisimula ang paglalim ng selos at galit ni Malika na siyang magdadala sa kamatayan nito.

Ipinatong niya ang kaliwang kamay sa noo at ilang segundo lang ang lumipas bago ang kamay na iyon ay kumuyom ng mahigpit.

Iyon ang katotohanan na alam niya. Mamamatay rin si Malika kaya kailangan niyang makaalis dito...

Ngunit bakit?

Bakit iba ang nadarama niya? Bakit tila mali para sa kaniya ang ganoong kaisipan?

Unti-unting lumuwag ang pagkakakuyom ng kaniyang kaliwang kamay kasabay ng pagkalma ng kaniyang pag-iisip at nadarama.

Alam niya ang sagot doon. Simula nang magising siya sa mundong ito, may katotohanang alam ng kaniyang puso na pilit niyang hindi pinapansin at ibinabaon...

Isang katotohanan na kailangan niyang tanggapin...

Ang katotohanan na kapag nilisan niya ang katawan ni Malika, wala na siyang babalikan.

Dahil ang katawan na mayroon siya... Ang kaniyang katawan ay wala na.

Nasa ilalim na iyon ng lupa.

Na 𝘴𝘪𝘺𝘢 ay namatay noong araw na iyon.

At dahil doon, mali para sa kaniya na balewalain ang katotohanang nalalaman niya tungkol sa kahihinatnan ni Malika.

Buhay pa ito. At hindi katulad niya, hindi pa ito gumagawa ng kahit anong krimen. May pag-asa pa ito. Maaari pang mabago nito ang buhay na mayroon ito.

At maaari... maaaring matulungan niya pa ito.

Na maaaring kaya siya nandito ay upang tulungan si Malika na baguhin ang hinaharap nito.

Na maaaring sa pagkakataong ito, makapagligtas na siya ng isang buhay.

Ngunit...

Ngunit paano kung mali siya? Paano kung mali na naman siya?

Kung mangyari iyon, malaki ang posibilidad na mapaaga ang pagkawala ng buhay ni Malika.

At hindi maaaring mangyari iyon. Hindi---

"𝘏𝘪𝘯𝘥𝘪 𝘬𝘢 𝘮𝘢𝘭𝘪, 𝘔𝘪𝘢..."

Lumaki at bumilog ang mga mata ni Maia sa alaala niyang iyon sa kaibigan.

"𝘛𝘢𝘮𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢 𝘮𝘢𝘨𝘭𝘪𝘨𝘵𝘢𝘴 𝘯𝘨 𝘣𝘶𝘩𝘢𝘺."

May kirot sa puso niya na muli na namang lumitaw at sa kabila ng pagnais niya na umiyak ay hindi niya magawa. "Hindi ko na alam... Kali..."

Huminga siya ng malalim at biglaang umayos ng upo na dahilan kung bakit nalaglag ang talaarawan ni Malika na ipinatong niya sa kaniyang mga hita. Tinitigan niya ito ng ilang segundo bago siya nagpasyang ito ay pulutin.

𝘒𝘢𝘭𝘢𝘩𝘢𝘵𝘪 𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘭𝘶𝘭𝘶𝘸𝘢...

𝘚𝘪𝘨𝘶𝘳𝘰 𝘢𝘺 𝘮𝘢𝘪𝘯𝘢𝘮 𝘯𝘢 𝘩𝘢𝘯𝘢𝘱𝘪𝘯 𝘬𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘴𝘢𝘯𝘩𝘪 𝘴𝘢 𝘬𝘢𝘳𝘢𝘮𝘥𝘢𝘮𝘢𝘯 𝘯𝘪 𝘔𝘢𝘭𝘪𝘬𝘢.

Alam niya na nagawa na iyon ni Malika ngunit tiyak niya na naging limitado ang paghahanap nito. Ito lang at si Mindy ang nakakaalam sa karamdaman na mayroon ito. At sa paraan ng pagpapalaki sa mga babae sa mundong ito, walang kakayahan ang mga ito na maghanap ng impormasyon ng katulad sa kaya niyang gawin bilang isang rebelde at kalaban ng pamahalaan at iba pang mga pribadong samahan.

Malaki ang tiyansa na may mahanap siyang bagong impormasyon. At maaaring pagkatapos niyon ay mahanap niya rin ang sagot sa kaniyang mga katanungan. Sa kung bakit at paano siya napunta dito.

Tama. Marahil magandang doon siya magsimula. Ang hanapin ang kalahati ng kaluluwa ni Malika.

Ilang segundo lang ang lumipas nang biglang lumabas ang mga linya sa noo niya. 𝘚𝘢𝘯𝘥𝘢𝘭𝘪 𝘯𝘨𝘢 𝘭𝘢𝘯𝘨...

Kung nandito siya sa katawang ito, ibig sabihin ba ay may isa't kalahating kaluluwa ang nandito? O nang dahil sa kaniya ay tuluyan nang nawala si Malika at siya na ang pumalit?

Ramdam niya ang pagbilis ng tibok ng kaniyang puso at ang pamumuo ng mga butil ng pawis sa kaniyang noo. Tumayo siya kasabay ng mabilisang pagbukas ng pinto---

"Binibini."

Gulat na nilingon ni Maia ang pinto at hindi niya naiwasang bumangga ang kaniyang binti sa mesa.

"Bumalik na ang Punong Lakan at inaasahan kayo sa kaniyang silid-talaan pagkatapos ng inyong almusal."

Sa isa't kalahating kaluluwa, sa kung nasaan si Malika, sa pagbukas bigla ng pinto, o sa matandang lalaking pumasok nang walang pasabi, hindi alam ni Maia kung saan siya pinaka-nagulat.

Ipinatong niya ang kaniyang kanang palad sa kaniyang dibdib, ang paghinga niya ay halos kasabay ng bilis ng tibok ng kaniyang puso. "A-Ano?!"

Nang mapansin ng matandang lalaki na wala pala sa kama ang kausap nito, naiinis na binaling nito ang katawan sa kaniya ngunit nanatili itong nakayuko na tila ay ayaw siya nitong makita. "Lubos ko pong alam ang taglay ninyong talino at matalas na pandinig, kaya hindi ko na po uulitin. Kung inyong mamarapatin..."

Katulad ng pagpasok nito, ganoon din kabilis ang paglabas nito. At hindi maiwasan ni Maia na makaramdam ng inis. 𝘞𝘩𝘢𝘵 𝘵𝘩𝘦--- 𝘚𝘪𝘳𝘢 𝘶𝘭𝘰 𝘣𝘢---

Kung hindi siya nagkakamali, iyon ang Punong Katiwala sa palasyo ng pamilya Raselis na si Otis. Hindi man nakita ni Maia ang buong mukha ng matandang iyon, ngunit lahat ng pangmamata at pambabastos na binato nito kay Malika ay naging malinaw sa kaniya.

Bilang isang tagapaglingkod, wala itong karapatan na bigla nalang pumasok sa silid ni Malika nang walang pahintulot. At ang paraan ng pakikipag-usap nito sa kaniya sa kabila ng paggamit nito ng 'po' ay walang katiting na paggalang. Kahit sino nga ang makaririnig, hindi maikakaila na mababa ang tingin nito kay Malika at nasusuklam ito na bigyan galang ang isang alipin noon.

Wala namang kaso kay Maia kung hindi ito maging magalang sa pakikipag-usap ngunit ang hindi pagkatok? Tila ay labis naman na iyon.

Ganito ba ang araw-araw na nararanasan ni Malika sa mga taga-silbi dito?

"Binibini?!" Nag-aalalang pumasok si Mindy sa silid at agad na lumuhod sa kaniyang harapan na ang noo ay dikit na dikit sa sahig. "P-Paumanhin po, Binibini. Hindi ko po napigilan ang pagpasok ng Punong Katiwala."

Nagulat si Maia sa pagpasok at pagluhod ni Mindy. Hindi siya sigurado kung gaano siya katagal na nakatingin dito bago bumalik ang ulirat niya.

Malinaw na sa kaniya ang social structure sa mundong ito ngunit ang makita ang ganitong patunay nang harap-harapan, hindi niya lubusang matanggap. Ngunit kung iisipin, ganito rin ang posisyon ni Mindy nang una niya itong makita.

Napaatras siya at kinamot niya ang kaniyang noo, ang inis na mayroon siya para sa tagapaglingkod ng Punong Lakan ay nabawasan dahil sa gulat na kaniyang naramdaman sa ginawa ni Mindy. "T-Tumayo ka na, Mindy. Hindi mo naman kailangang gawin iyan."

Inangat nito ang mukha nito ngunit nanatili pa ring nakaluhod. At sa itsura nito ay si Maia ang hindi kumportable.

Noong una niyang masulyapan ang kasuotan nito, doon nagsimula ang pakiramdam niyang may mali. Napaka-iksi kasi at halos parang tela lamang na ibinalot sa katawan nito ang suot nito. Bukod sa mga binti at mga braso nito, pati ang likod nito ay kitang-kita.

At kung may tao sa likuran nito, tiyak niyang nakita na ang kaluluwa ni Mindy.

Sa alaala ni Malika, nasa labing-anim na taong gulang na si Mindy. Dalaga na ito. Hindi dapat ganito ang suot nito...

Ngunit bahagi iyon ng sistema.

Sa mundong ito, ang katawan ay pinaka-iingatan, lalo na sa mga kababaihan. Mas kaunting bahagi ng katawan ang nakikita, mas binibigyan respeto ang isang tao. At kung kitang-kita na ang halos buong katawan ay itinuturing na walang silbi at madalas ay masahol pa sa alipin ang turing.

Kaya isa rin sa mga kaparusahan sa mundong ito ay ang pagtatanggal sa saplot ng isang taong lumabag sa batas sa harap ng maraming tao. Tunay na kahihiya-hiya at nakabababa ng tingin sa sarili.

Iwinasiwas niya ang kanang kamay niya. "Wala kang ginawang mali. Tumayo ka na."

Dahan-dahang tumayo si Mindy na ipinagpasalamat niya. Hindi niya alam kung masasanay siya sa ganitong eksena. Ibang-iba sa pinakita ni Otis.

Ngunit kung siya lang, mas tanggap pa niya ang pagtrato ni Otis sa kaniya kaysa sa ginagawa ni Mindy. Hindi dapat lumuluhod ng ganoon ang isang tao sa harap ng kapwa nito kahit pa sabihing mas nakatataas sa katayuan ang isa.

"Mindy, sana ito na ang huling beses na luluhod ka ng ganoon sa harap ko," walang malalim na pag-iisip na sabi ni Maia.

Bumilog muli ang mga mata nito. "B-Binibini? Ngu---"

"Utos iyon, Mindy," aniya. "Hindi ko na uulitin."

Umupo siyang muli sa kanape at binuklat muli ang talaarawan ni Malika. Hindi siya sigurado kung tama ang sinabi niya kay Mindy ngunit hindi niya kaya na may taong muling luluhod sa kaniya ng ganoon. Nakakasuka. Nakasusuklam.

Hindi siya perpekto. Hindi siya malinis. Hindi siya mabuti.

Hindi siya karapat-dapat sa ganoong respeto. Siya o si Malika...

O kahit na sino sa mundong ito.

Natigilan siya nang mapansin na nanginginig ang kaniyang mga kamay. Hindi niya akalaing ganito kabilis ang pagbalik ng inis na nadarama niya kanina, at mas malala pa.

Kinalma niya ang sarili bago nagsalitang muli. "Mindy, kung maaari ay pakihanda na lamang ang aking pampaligo. Pinapatawag ako ng Punong Lakan."

Katahimikan ang sumagot sa kaniya kaya bahagya niya itong nilingon. "Mindy?"

Halos tumalon ito sa pagkagulat ngunit agad ding tumugon. "M-Masusunod po, Binibini!"

Bumuntong-hininga si Maia. Pakiramdam niya ay natakot niya si Mindy. Mukhang napalala niya pa ang pagiging maldita ni Malika sa paningin nito.

Ngunit, hindi iyon ang problema niya sa ngayon. Sinubukan niyang hanapin ang mga alaala ni Malika kaugnay sa Punong Lakan. Ngunit bukod sa pangalan nito, malabo ang lahat.

"Tch." Tumayo siya at ibinagsak sa mesa ang talaarawan.

Tila mahihirapan siyang alisin ang inis na kaniyang nararamdaman. At ang lahat ng kaniyang kaba at pagtataka sa mga kasalukuyang nangyayari sa kaniya at sa katawang ito ay tila nakalimutan ng kaniyang isip.

Siguiente capítulo