webnovel

VII

Malakas na bumuga ng hangin si Maia. Nakabalik na siya sa silid ni Malika at napagpasyahan niyang isulat ang laman ng journal ayon sa kaniyang alaala upang kahit paano ay makagawa siya ng plano.

Tinitigan niya ang naisulat. Ayon sa journal na pinatunayan rin ng alaala ni Malika, nawala si Selina sa araw ng pagdiriwang ng pagkakatatag ng Kaharian ng Aguem.

At sa mga darating na araw, magsisimula na ang ika-sampung taon na pagkawala nito.

Panandaliang nag-isip si Maia. Sa isang kuwento, ang mga ganoong pangyayari ang hudyat ng pagsisimula ng pagtakbo ng istorya. Malaki ang tiyansa na nalalapit na ang pagbabalik ni Selina.

At ibig-sabihin, nalalapit na rin ang nakatakdang kamatayan ni Malika.

Sumandal si Maia sa kaniyang inuupuan. Sa mga impormasyong kaniyang nalalaman, may dalawang bagay siyang maaaring gawin:

Una, hangga't maaari ay kailangan niyang umiwas sa atensyon at gulo. Kailangan niyang iwasan ang mga taong posibleng may galit kay Malika, ang mga taong lubos na nagmamahal kay Selina katulad ng pamilya nito at ang mga taga-silbi sa Palasyo Raselis, at lalo na ang mga taong posibleng umibig dito.

Ayon sa journal, maraming binata ang hahanga kay Selina na nagmula sa iba't-ibang katayuan sa lipunang ito. May prinsipe, mga pantas, mga kabalyero...

Humalukipkip si Maia habang nakatitig sa mga naisulat at hindi niya maiwasang bumuntong-hininga. Masyadong maraming tao ang kailangan niyang iwasan na pati siya ay naiisip na hindi magiging madali iyon.

Ngunit...

May isa pa siyang maaaring gawin.

Mas madali iyon kaysa sa una niyang plano ngunit magbibigay iyon ng napakalaking pagbabago sa buhay ni Malika: Ang paglisan niya sa palasyo at sa kahariang ito.

Masisiguro niya na malalayo sa kamatayan si Malika kung tunay na lilisan siya sa pagbabalik ni Selina o kung makaaalis siya sa lalong madaling panahon. Malaki nga lang ang pag-aalinlangan niya sa planong iyon dahil hindi niya alam kung ano ang madarama ni Malika kapag nakabalik na ito. Kung tutuusin, wala siyang karapatan na gawin iyon. Hindi niya pag-aari ang katawan nito. Hindi dapat siya ang nagdedesisyon para sa buhay nito.

Ngunit nagsimula na siya. At hindi niya kaya na hayaan na lamang itong mamatay kung may magagawa pa siya sa ngayon.

Kinagat niya ang kaniyang labi at tinitigan ang talaarawan sa mesa bago kinuha ang pluma at nagsimula muling magsulat.

Susulatan niya si Malika. Hihingi siya ng paumanhin sa pagdedesisyon niya sa buhay nito at sasabihin dito ang lahat ng plano at nalalaman niya. Malaki ang posibilidad na hindi maalala ni Malika ang mga nangyayari ngayon kaya mainam na ito ang gawin niya. At kung makabalik na ito, at magpasya pa ring maghiganti, wala na siyang magagawa. Ngunit gagawin niya ang makakaya na ipakita dito na kaya nitong magsimula ng bagong buhay malayo sa gulo at paghihiganti.

Dahil alam na alam niya kung anong klaseng sakit ang naidudulot ng aksiyon na iyon.

Patapos na siya sa pagsulat nang biglang tumigil ang kaniyang kamay dahil sa pagkatok ni Mindy.

"Pasok," tahimik niyang sagot bago ipinagpatuloy ang pagsusulat sa huling bahagi ng kaniyang liham, ang kaniyang pangalan.

"Binibini, dumating na po ang mga alahas na inyong pinamili."

Bahagyang kumunot ang noo ni Maia sa narinig. Ibinaba niya ang pluma at maingat na isinara ang talaarawan bago siya tumayo at nilingon si Mindy...

At halos mapanganga siya nang makita ang mga kahon na nakalagay sa karetilyang tulak-tulak nito.

Alanganing nilapitan niya ito at kumuha ng isang kahon upang tignan ang laman at hindi niya maiwasang mangiwi nang makita ang kwintas na gawa sa naglalakihang brilyante.

Agad niya itong isinara at ibinalik sa karetilya. Tila sasakit rin ang kaniyang ulo nang mapagtantong nasa higit sa sampu ang mga kahon na naroon na magkakaiba ng hugis at laki.

"Mindy, pakitabi mo na ang lahat ng ito," walang gana niyang sambit.

Hindi niya lubusang maintindihan kung bakit kailangan ni Malika ng maraming alahas. Sa laki ng halagang natatanggap nito, bakit hindi nito naisip kahit minsan na bumili ng masustansiyang pagkain para naman magkalaman ang katawan nito?

Sigurado na magtatatalon pa siya sa tuwa kung mga prutas at gulay ang nakalagay sa karetilya.

"B-Binibini?! H-Hindi niyo po ba titignan ang mga alahas? Hindi po ba at matagal niyong hinintay ang mga ito?" gulat na sambit ni Mindy na sa sobrang gulat nito ay tila pati siya ay nakaramdam ng gulat.

"Nakita ko na ang mga iyan," aniya, na masasabi niyang totoo dahil si Malika mismo ang pumili sa mga disenyo ng alahas.

Bumuntong-hininga siya doon. Sa totoo lang, nahihirapan siyang intindihin ang mga bagay na ginagawa ni Malika. Sa mga alaala nito, masipag itong mamili ng mga bagong gamit---

At ngayong nalaman niya iyon, ginagawa ito ni Malika upang kalimutan ang sakit na nadarama nito sa pakikitungo dito ng pamilyang umampon dito... at takasan ang katotohanan na dala ng karamdaman nito.

Sumeryoso ang mukha ni Maia na halos manigas ang kaniyang panga. Naglakad na lamang siya patungo sa pinto upang magtungo sa silid-aklatan at mag-isip ng mga mas mahahalagang bagay---mga bagay na maaaring makatulong kay Malika.

Naalala niya na may mga bagay pa siyang maaaring makita doon na makatutulong sa kaniya katulad na lamang ng mapa ng mundong ito. Kakailangan niya iyon sa kaniyang mga plano.

"Saan po kayo tutungo, Binibini?" pagpigil sa kaniya ni Mindy na hindi niya inaasahan.

"Sa silid-aklatan, bakit?"

Tila nabigla si Mindy at agad na yumuko ng bahagya. Mabuti nalang at tila ay sinunod nito ang kaniyang sinabi na huwag nang luluhod sa harap niya dahil kung hindi niya sinabi iyon, tiyak siya na uulitin nito ang nagawang iyon base sa reaksyon ng mukha nito.

"H-Hindi ko po layon na kayo po ay tanungin sa inyong nais g-gawin, Binibini," natatarantang sagot nito. Huminga ito ng malalim bago nagpatuloy sa isang kalmado at tahimik na tinig. "Nag-aalala lamang po ako sa inyong pakiramdam. Maaari niyo naman po akong utusan na lamang na kunin ang aklat na inyong nais. Hindi niyo po kailangang pagurin ang inyong sarili sa pagtungo sa silid-aklatan, Mahal na Binibini."

Hindi niya maiwasang magbigay ng maliit na ngiti sa dalagang ito. Tunay na napakabuti ng kalooban nito. "Maayos na ang aking pakiramdam, Mindy. Huwag kang mag-alala."

Biglang inangat ni Mindy ang mukha nito hanggang sa nanatiling nakatitig lamang ang mga mata nito sa mukha niya. Naiintindihan ni Maia na nabigla ito dahil ang mga sinabi niya ay malabong sabihin ni Malika. Ngunit...

Marahil ay nasa katawan siya nito, ngunit may pakiramdam siya na nais din iyong sabihin ni Malika kay Mindy. Dahil kahit ayaw mang aminin ni Malika, ramdam niya na sa lahat ng tao sa mundong ito, si Mindy ang natatanging taong pinagkakatiwalaan nito.

Ngayong iniisip niya, bukod sa pagiging pala-utos, reklamador, at mainitin ng ulo ni Malika, ni minsan ay hindi nito pisikal na sinaktan o inunsulto si Mindy. Sa kabila ng reputasyon nitong pagiging maldita at pagkakaroon ng masamang ugali, wala itong ginawa o inutos kay Mindy na masasabi niyang sobra-sobra o hindi patas.

Marahil iyon din ang dahilan kung bakit napansin ni Maia na kahit may kaba si Mindy, masasabi niyang hindi ito takot kay Malika... at madali para dito na kausapin at lapitan ang amo nito.

At marahil, magiging ayos lang kung pagkakatiwalaan din ito ni Maia.

Tumikhim siya. "Mindy, ako sana ay may ipapakiusap sa iyo."

Hangga't maaari, nais niya sanang gawin ng mag-isa ang paghahanap sa kaluluwa ni Malika. Ngunit kung nais niyang mapabilis at mapadali ang lahat, kakailanganin niya ng tulong.

Wala naman siyang balak sabihin kay Mindy ang lahat o ang idamay ito. Kailangan niya lamang ito sa ngayon dahil hindi pa maaaring makalabas at makagalaw ng malaya si Malika dahil hindi pa tapos ang kaparusahan nito sa paglabag sa Punong Lakan.

Kumurap at tumayo nang maayos si Mindy. "Akin pong tungkulin na gawin ang lahat ng inyong ipag-uutos, Mahal na Binibini."

Hindi pa rin kumportable si Maia sa paraan ng pakikitungo nito kay Malika at hindi niya alam kung masasanay pa siya ngunit wala siyang magagawa doon sa ngayon at hindi naman iyon mahalaga.

Iba ang mundong ito at kailangan niyang sumunod sa sistema na nagpapatakbo dito kung nais niyang makaalis dito nang hindi nadadamay ang buhay ni Malika at pati na rin ni Mindy. At kung tutuusin, madali lang naman iyon para sa kaniya.

Buong buhay niya ay sinanay na siya sa pagpapanggap. At ang pagganap bilang isang mayaman at malditang dalaga ay lubos na napakadali kumpara sa mga dating katauhan na ginampanan niya. Kayang-kaya niyang tapusin ang misyon na ito nang walang paghihirap.

Ang hindi niya lamang maintindihan ay parang may mali siyang nararamdaman...

Sa paligid...

Hindi.

Sa katawan niya.

Agad niyang isinantabi ang isiping iyon sa isang sulok ng kaniyang utak. Sa ibang panahon na niya iyon pagninilayan.

"Kailangan ko na hanapan mo ako ng isang mapagkakatiwalaan na mananahi... at panday," aniya, ang mukha niya ay seryoso.

Tila nabigla at nagtaka si Mindy sa huli niyang sinabi. "P-Panday po, Binibini?"

"Oo. Panday o kahit ay pamilihan ng armas kung wala. Ikaw na ang bahala. Basta ay tiyakin mo na mapagkakatiwalaan. Hindi naman kailangan na kilala... hangga't maaari nga sana ay iyong hindi gaanong alam ng karamihan. Maaari ba iyon?"

Tumayo nang maayos si Mindy bago bahagyang yumuko. "Gagawin ko po ang aking buong makakaya, Mahal na Binibini."

Isang malalim na hinga ang pinakawalan niya. "Maraming salamat."

Lalabas na siya ng silid nang huminto siyang muli at nilingon ang nakayuko pa ring si Mindy. May isang bagay pa siya na nais sabihin dito magmula nang nagising siya sa mundong ito.

"Mindy," pagtawag niya dito na agad tumingin sa kaniya. "Nais ko rin sana na humingi ng paumanhin sa'yo... sa pagsigaw ko sa iyo noong nakaraang araw."

Kitang-kita niya ang pamumula ng mukha ni Mindy at kung paano bumilog ang mga mata nito dahil sa hiya at gulat. At bago pa ito magsalita ay pinigilan na niya ito sapagkat ang paghingi ng paumanhin ay isang bagay din na nais sabihin dito ni Malika.

"Alam ko na mainitin ang aking ulo at may mga panahong sa'yo ko nababaling ang aking mga sama ng loob. Sa kadahilanang iyon, nais kong humingi ng paumanhin... at maraming salamat. Maraming salamat na sa kabila ng lahat ng iyon ay nandiyan ka pa rin at handa akong pagsilbihan. Nais ko rin na iyong malaman na ikaw ang natatanging taong aking pinagkakatiwalaan. Sana ay hindi magbago iyon."

Tila lalong namula ang mukha nito at agad na yumuko. "T-Tu...Tunay na nabigla po ang taga-silbi na ito sa inyong mga binigkas, Mahal na Binibini! Sa katotohanan ay hindi ko po alam ang aking dapat sabihin, ngunit... ngunit n-naniniwala po ako na hindi niyo po kailangang humingi ng paumanhin. Akin pong tungkulin na sundin ang inyong mga utos at nararapat lamang po na ako ay inyong pagsabihan sa tuwing ako ay nagkakamali." Lumalim ang pagkakayuko nito. "A-At... At ang taga-silbi na ito po ang p-puno ng pasasalamat sa inyo. Lubos po akong nagpapasalamat na ako po ay patuloy niyong tinatanggap bilang inyong tagapaglingkod sa kabila ng katotohanan na ako po ay hindi nararapat sa tungkuling ito. At m-maraming salamat po sa inyong tiwala. Isang napakalaking karangalan na marinig po iyon sa inyo. M-Makatitiyak po kayo na aking gagawin ang lahat upang hindi masira ang t-ti...tiwalang inyong binigay sa akin, Mahal na Binibini!"

Napako ang tingin ni Maia kay Mindy. Halo-halong pakiramdam ang nabuo sa loob niya sa mga sinabi nito. Nakaramdam siya ng panatag, marahil para kay Malika sapagkat nakahingi na ito ng paumanhin... at marahil ay siya rin.

Ngunit hindi niya ring maiwasang makaramdam ng konsensya.

Napakabuti at napaka-inosente ni Mindy. Hindi naman niya kailangang banggitin dito na pinagkakatiwalaan ito ni Malika. Ngunit ginawa niya sa kadahilanang alam niyang mas pag-iigihin nito na gawin nang maayos ang mga bagay na hihilingin niya dito at maaaring pagkatiwalaan rin siya nito.

Tinanggal niya ang tingin dito at lumabas na ng silid. Bumalik ba siya sa dati niyang gawain? Ang pagkuha sa tiwala ng isang tao upang mas madali sa kaniyang magamit at paikutin ito?

Binilisan niya ang paglalakad. Ayaw man niyang aminin ngunit alam niya sa sarili niya na handa siyang gawin iyon.

Para kay Malika...

At para sa mga kasagutan na hinahanap niya.

Siguiente capítulo