webnovel

ALEXANDER

Hindi man ako kumbinsido sa naging sagot ni Liane dahil alam kong nagsisinungaling lang ito ay pinalampas ko na. At palihim na lang itong pinagmasdan na halatang pilit inaabala ang sarili sa pagdampot sa nahulog na record book.

"May kailangan kayo, sir?" Usisa nito habang nagkukunwaring may binabasa sa hawak na notebook.

"Wala naman. Tinitingnan ko lang kung kamusta ang ginagawa mo. Ano nga pala ang ginagawa mo rito sa loob?"

"Kumuha si Melanie ng isang box ng face powder. At dahil narito na rin lang ako sa loob ay tinitingnan ko kung saan nakapwesto ang bawat produkto para madali kong malaman kung saan pupunta kapag may kukuha."

"Good. Siya nga pala, may baon ka bang pagkain?"

"Ha? Nawala sa isip ko na magbaon ng pagkain. Sasabay na lang ako kay Melanie," sagot nito na itinuon sa ibang direksyon ang paningin.

"Huwag na. Kapag sumapit ang break time pumunta ka sa opisina ko, magdadala raw ng pantanghalian si Jake sumabay ka na sa akin."

"Pero sir… nakakahiya naman. Baka kung anong isipin ng ibang mga empleyado mo?"

"Wala akong pakialam. Basta pumunta ka dahil kapa hindi ka pumunta ako mismo ang hihila sa 'yo patungo sa opisina." At bago pa ito muling makasagot ay mabilis na akong lumabas ng stock room at nagbalik sa opisina.

Pagkapasok ko ay agad ko iyong ini-lock at nagtungo sa aking mesa. Bago ako maupo ay dinukot ko muna ang phone ko na kahit mahina ang signal ay nagagamit pa rin namin. Dahil iyon ang kapalit ng proteksyong kinakailangan namin. Kailangan kong tawagan si Jake para magpa-deliver ng pagkain, dahil hindi naman totoong magdadala ito ng pagkain.

Ilang ring pa ang lumipas bago ito sagutin at bago pa man makapagsalita ang nasa kabilang linya ay inunahan na niya ito.

"Magdala ka ng pagkain dito para sa tanghalian."

"Hello rin sa 'yo. Wala ka talagang manners, 'no?"

"Tsk! Kumilos ka na at damihan mo dahil dito kakain si Liane."

"What? Ang daya mo talaga. D'yan na rin ako kakain. Ta—"

"Huwag mo ng ituloy 'yang binabalak mo. Hindi pa kumportable si Liane sa presensya nating apat."

"Wala naman akong gagawin, ah," pagkakaila nito na halata ang pagpipigil ng tawa.

"Bilisan mo na."

"Ano — "

"Bahala ka na. Sige, bye."

"Wait — "

Nang matapos ang tawag ay agad kong sininop ang mga nagkalat na papel sa mesa at pinagpatung-patong sa isang tabi para magkaroon ng espasyo na paglalapagan ng pagkain.

Napapailing na lang ako dahil sa liit ng espasyo ng opisina ko. Dahil ng gawin ang opisinang ito ay wala sa isip ko ang tungkol sa babaeng itinakda para sa amin.

"P'wede na siguro 'to." Pagkatapos ay napatingin ako sa suot kong wrist watch para alamin ang oras. "Two hours before lunch time." At para libangin ang sarili ay lumabas muna ako para mag-ikot.

Paglabas ko ng pinto ay una kong napansin si Liane na tahimik na nakaupo sa may mesa at nakatulala sa kawalan. At kahit limang dipa ang layo ko mula rito ay kitang-kita ko ang takot sa mga mata nito na para bang may kung ano itong kinatatakutan. Lalapitan ko sana ito para muling usisain nang bigla na lang sumulpot sa harapan ko si Marie, ang humahawak sa record ng mga tauhang under nito.

"Sir, busy po ba kayo?" Hindi agad ako nakasagot dahil gustong-gusto kong lapitan si Liane, pero naisip kong kahit tanungin ko ito ng paulit-ulit ay hindi ito magsasabi kung hindi nito gusto.

"Two hours akong libre, bakit?"

"May mga itatanong lang po sana ako."

"Gano'n ba? Tara sa opisina ko." Hindi ko na hinintay ang sagot nito at agad ng tumalikod para buksan ang pinto.

Siguiente capítulo