Nakapasa ako sa entrance exam sa State College na kinuhanan ko ng entrance exam noong nakaraan. Ito ay ang Northern Negros State College of Science and Technology, in short Nonescost. Pero kaakibat ng aking pagkapasa ang listahan ng mga kursong puwede kong kunin base sa naging score ko sa entrance exam. Nakatitig ako ngayon sa papel na iyon at ang nangunguna sa listahan ay ang kurso na Information Technology. I.T.
Takip-silim na at nakaupo ako ngayon sa labas ng aming bahay, hawak ang kapirasong papel na iyon na ngayong araw ko rin natanggap, matiyaga akong naghintay sa pagdating ng aking mga magulang para ibalita ito sa kanila. Sa makalawa na rin nga pala ang araw ng pagtatapos namin. Handa na ako, handa na ang susuotin kong puting toga, ang mga makakasama ko na lang ang hindi. Hindi ko kasi alam kung tuloy ba na masasamahan ako ng mga magulang ko sa araw ng pagtatapos ko. Isa kasi iyon sa itatanong ko sa kanila mamaya kapag umuwi na sila galing sa trabaho.
Biglang umihip ang isang malamig na hangin, inalon nito ang aking makapal at kulot na buhok. Dinama ko ang malamig na kapaligiran at inilagay ang takas na buhok sa likuran ng aking tenga at napagpasiyahang tumayo para buksan na ang ilaw ng bahay. Sa loob na lang ako maghihintay sa kanilang dalawa.
Inilapag ko ang kapirasong papel na iyon sa ibabaw ng hapag-kainan para mabuksan na ang nag-iisang ilaw ng aming bahay. Maliwanag naman kahit isang bombilya lang ang gamit para sa sala at kusina ng aming maliit na bahay-kubo.
Maya-maya lang din ay sabay na dumating si Nanay at Tatay sa bahay.
Tahimik ang kanilang pagdating. Lagi naman. Hindi naman talaga sila nag-uusap lalo na kung magsasabay sa pagdating. Hindi lang kasi ang relasyon ko sa kanila ang nalamatan, pati ang relasyon nilang dalawa. Lagi silang nag-aaway lalo na kung lasing si Tatay. Walang mintis.
Maski sa aming hapunan, tahimik kaming tatlo.
Pinapakiramdaman ko ang paligid, naghahanap ng tamang tiyempo kung anong pagkakataon ko para maisingit ang aking hinaing sa kanila. Maya't-maya ang sulyap ko sa kanila.
"May sasabihin ka ba sa amin, Ayla? Kanina ka pa tingin nang tingin, ah?"
Anak ng baboy.
Matinding paglunok ang nagawa ko sa kanin at ulam na kasusubo ko pa lang. Muntik pa akong mabulonan dahil sa sinabi ni Tatay.
Tumikhim ako at sinalubong ang tingin ni Tatay.
"Kung wala kang sasabihin, ako, may sasabihin ako sa 'yo."
Magsasalita na sana ako pero kusa ring natigilan dahil sa sinabi ni Tatay.
"A-Ano po 'yon?"
"'Wag ka munang magkolehiyo. Mag-trabaho ka muna sa bukid o 'di kaya'y maghanap ka na muna ng trabaho para matulungan mo kami ng Nanay mo sa gastusin dito sa bahay."
Ano?
"P-Po?"
"Bingi ka ba o hindi ka na naman nakikinig?"
"Pero, 'Tay…"
"Walang pero pero. Susundin mo ang sasabihin ko!"
Biglang tumayo si Tatay kaya humugot ako ng isang malalim na hininga at tumayo na rin.
Hindi puwede ito!
"Mag-aaral po ako ng kolehiyo, 'Tay!" lakas-loob na sabi ko.
Nakita ko ang kaniyang pagtigil sa pag-alis sa aming hapag-kainan at dahan-dahan siyang lumingon sa akin.
"Mag-aaral ka? Saan ka hahanap ng pera ipampapa-aral? Magtrabaho ka na lang Ayla, hindi 'yong pinapangarap mo pa ang imposible!" singhal niya sa akin.
"'Di ba po, 'yon naman po ang pangarap ninyo sa amin ni Ate Aylen? Ang mapag-aral kami ng kolehiyo? 'Tay, abot-kamay ko—"
"'Wag na 'wag mong babanggitin ang pangalan ng Ate mo!" nakadurong pagpuputol niya sa sinabi ko.
Nagulat ako sa kaniyang ginawa. Muntik na niyang isampal sa akin ang kamay niyang matulis na nakaduro sa akin. Nanlilisik ang kaniyang mga mata at animo'y galit na galit sa akin.
Hindi pala animo, talagang galit siya sa akin.
"'Tay, gusto ko pong mag-aral. Kahit hindi niyo na po ako suportahan ng pera. Ang gusto ko lang po talaga ay ang mag-aral. May iskolarship na po ako, at may sapat na ipon na para mapag-aral ang sarili ko. Hindi po ako manghihingi sa 'yo ng kahit isang kusing. Ang gusto ko lang po ay ang suportahan niyo ako sa desisyon kong makapag-aral ng kolehiyo. Ang gusto ko lang po ay ang ma-i-ahon kayo sa hirap, 'Nay, 'Tay." Isa-isa kong nilingon ang mga magulang ko. Si Nanay ay nakatayo na rin sa kaniyang upuan at nagpalipat-lipat lang ang tingin sa aming dalawa at mukhang aawatin kami. Si Tatay, masama pa rin ang tingin sa akin, mababakas na ang galit sa kaniyang mga mata.
"Huh!" hindi makapaniwalang singhal niya. "Ngayon nagyayabang ka na hindi mo kailangan ang pera ko? Sige, mag-aral ka. Pero ito ang tatandaan mo..." itinuro niya ulit ang kaniyang hintuturo sa akin at masakit akong tiningnan. "'Wag na 'wag kang lalapit sa akin para humingi ng pera. Mayabang ka 'di ba? Pag-aralin mo ang sarili mo."
Tumalikod si Tatay sa akin.
"Helena, 'wag mong bibigyan ng pera 'yan. Kahit ano ang mangyari, huwag!" sabi niya kay Nanay bago lumabas ng bahay nang padarag.
Nanghihina akong umupo ulit sa aking upuan.
"Ayla, bakit mo naman sinagot nang ganoon ang Tatay mo? Hindi ba puwedeng sundin mo na lang ang sinabi niya? Masiyadong mahirap mag-aral ngayon, Ayla. Mas makabubuti kung magtatrabaho ka muna at tutulungan mo kami."
Napalingon ako kay Nanay dahil sa sinabi niya. Naiiyak na ako. Hindi ko na kaya.
"Mas madali po akong makahahanap ng trabaho, 'Nay, kung mataas ang napag-aralan ko. At saka, 'Nay, pangarap namin ni Ate 'to—"
"'Wag mong gagamitin ang Ate mo, Ayla, sa mga matatayog mong pangarap. Alam ko na masiyado kang ambisyosa at pinagsasabi mo kay Tiya Judy mo na mag-aaral ka ng kolehiyo at i-aahon mo kami sa hirap. Imposible ang lahat ng iyon, Ayla, kasi kahit anong gawin mong sikap, mananatili kang alipin ng mga mayayaman sa bayang ito."
Sinapo ko ang noo ko at binalikan ang gabing nag-usap kami ng mga magulang ko. 'Yong sagutan namin ni Tatay, ang sinabi sa akin ni Nanay.
Naipaglaban ko nga ang gusto kong makapag-aral ng kolehiyo, hindi naman nagustuhan ng mga magulang ko ang naging desisyon kong iyon. Dapat ba sundin ko sila o dapat na sundin ko ang sarili ko? Ano ba ang dapat?
"Ayla!" napaangat ako ng tingin nang marinig ko ang boses ni Sia.
Kumaway siya sa akin nang magtama ang tingin naming dalawa. Nasa likuran niya ang kaniyang mga magulang kaya agad akong napatayo at nilapitan silang tatlo.
Graduation namin ngayon kaya abala ang lahat nang nasa paligid ko.
"Mano po, Tito Orlan, Tita Cecil," at isa-isa akong nagmano sa mga magulang ni Sia na elegante ngayon sa kanilang mga pormal na damit.
Ngumiti si Tita Cecil sa akin at pinisil pa ang aking pisnge. Si Tito Orlan naman ay tinapik ng marahan ang aking ulo. Pareho silang nakangiti sa akin.
"Nasaan ang mga magulang mo, Ayla?" agad na tanong ni Tito Orlan.
Bahagya akong napayuko dahil sa tinanong niya.
"H-Hindi po sila makakapunta, Tito, may trabaho po kasi silang dalawa ngayon," magalang na sagot ko.
Ngumiti ako para ipakita sa kanilang okay lang sa akin na wala ang mga magulang ko ngayon kahit hindi naman.
"Ano? Trabaho? Alam ba nilang graduation day mo ngayon, Ayla?" may pag-aalarma sa boses ni Tita Cecil nang itanong niya sa akin iyon. Gulat na gulat din siya.
"Okay lang naman po, Tita Cecil. Nasabihan ko na naman po 'yong adviser namin tungkol dito kaya sasamahan po niya ako mamaya sa pagma-martsa," pagdadahilan ko.
Isa-isa kong tiningnan silang dalawa. Si Tita Cecil ay may pag-aalalang nakatingin sa akin. Si Tito Orlan naman ay nakatitig lang sa akin at mukhang may gustong sabihin.
"Umamin ka nga sa akin, Ayla… hanggang ngayon ba, pinaparusahan ka pa rin ni Kuya Romelito nang dahil sa nangyari kay Aylen?"
Agad akong umiling sa sinabi ni Tito Orlan.
"H-Hindi po, Tito Orlan, hindi po. Nagkasagutan lang po kami no'ng isang araw, kaya naiintindihan ko po kung bakit napili nilang lumiban muna sa graduation ko, Tito. Okay lang po talaga." Sinabayan ko ng ngiti ang sinabi ko para hindi na sila mag-alala pa.
"Ayla, that's not okay," biglang sabi ni Sia. "This is a special day for us. Graduation natin ito sa high school. Araw ng pagtatapos. Minsan lang mangyari sa buhay natin ito. Dapat nandito si Tito Boyet at Tita Helen. Mas maiintindihan ko siguro kung si Tito Boyet lang ang wala, but Tita Helen? Hindi na tama 'to, Ayla."
Umiling ako at ngumiti kay Sia.
"Okay lang talaga, Sia. 'Wag niyo na pong isipin pa. Kaya ko naman po."
Biglang pinisil ni Tita Cecil ang aking pisnge.
"Ano ba itong napag-awayan niyo't mukhang malaki yata?" Namaywang si Tito Orlan nang itanong niya sa akin iyon kaya napatingin ako sa kaniya. Seryoso ang paraan ng pagtingin niya sa akin.
"T-Tungkol po sa pag-aaral ko sa kolehiyo," nakayukong sagot ko, hindi ko makayanang salubungin ang seryosong tingin ni Tito Orlan sa akin.
Marahas na napabuntonghininga si Tito Orlan kaya bumalik ang tingin ko sa kaniya. Umiwas siya ng tingin sa akin at nakalagay ang kaniyang kaliwang kamay sa may bibig niya.
"Sumama ka sa bahay mamaya, doon ka na kumain ng hapunan."
Akala ko kung ano na ang sasabihin niya, 'yon lang pala.
"Ayla!"
Sa pangalawang pagkakataon, may tumawag na naman sa pangalan ko. Sabay kaming apat na napalingon sa may gilid namin at agad ko nga'ng nakita ang kaniyang mukha. Kumaway siya sa akin at nang makalapit, agad akong inakbayan!
"Kumusta ka na Aylana?" pinisil niya ang aking pisnge kaya nakalimutan ko nang panandalian ang usapan namin nina Tito Orlan.
"Hi, Ate Ayla!" bati naman ng isang batang lalaki rin sa akin.
"Kuya Osias! Oasis!" nakipag-apir ako sa batang bumati sa akin na si Oasis, bunsong kapatid nina Sia at Kuya Osias. "Kuya Osias, umuwi ka pala?" gulat na tanong ko sa Kuya ni Sia.
"Siyempre naman, magtatapos ang dalawang prinsesa sa buhay ko, e, palalampasin ko ba 'yon?" pinisil niya ulit ang aking pisnge.
"Mabuti pa, Osias, ikaw na ang sumama kay Ayla sa pagma-martsa."
Ha?
Natigil ang pag-aasaran at kaonting kuwentuhan namin ni Kuya Osias dahil sa sinabi ni Tita Cecil.
"Ha, bakit naman, Ma? Wala ka bang kasama, Ayla?" tanong niya sabay lingon sa akin.
"W-Wala kasi sina Nanay," nakayukong sagot ko na lang.
Isang malalim na buntonghininga ang nagawa ni Kuya Osias.
"Okay ba, walang problema," sabi niya matapos ang ilang segundo at muling pinisil ang aking pisnge.
Nagpatuloy ang graduation. Sinamahan nga ako ni Kuya Osias sa pagma-martsa. Parehong mga magulang ni Sia ang kasama niya sa pagma-martsa habang ang bunsong kapatid nilang si Oasis, na sampung taong gulang na, ay siyang nakahawak sa digital camera nila para kuhanan kami ng picture sa pagma-martsa. Ang cute nga, e.
Batian dito, batian doon lang ang nangyari nang matapos ang graduation namin. Ni anino ng mga magulang ko, hindi ko talaga nakita sa eskuwelahan. Hindi talaga sila sumipot. Masakit pero naiintindihan ko naman.
Sumama nga ako kina Tito Orlan sa kanilang bahay matapos ang graduation at ang kaonting batian sa mga kamag-aral ko na kakilala ko rin. Nag-picture din kami nina Zubby, Fabio, at ng iba pa, pati na rin ng mga kaklase ko. Medyo humaba nga, e, kaya saktong nag-alas sais ay nakarating kami sa malaking bahay ng pamilya ni Sia.
Bitbit ang puting toga na ginamit ko kanina, pumasok kami sa loob. Tahimik ang kanilang bahay at mukhang walang party na magaganap gaya ng akala ko.
"Sa makalawa pa kami mag-c-celebrate ng graduation ni Olesia, Ayla. Isasabay din sa graduation party ng pinsan mong si Garry. Nagtapos na rin kasi iyon sa kolehiyo e," kuwento ni Tita Cecil habang papasok kami sa kanilang bahay.
Pinsan. Pinsan ko nga sila pero hindi naman ganoon ang naging turing nila sa akin. Si Kuya Garry ay panganay na anak ng kapatid ni Tito Orlan na si Tito Oliver.
Tumango na lang ako at hinayaan ang sariling magpatianod sa hangin. Graduation day ko ngayon, dapat masaya ako pero paano nga ba ang maging masaya kung buhay pa nga ang mga magulang mo, wala naman sila rito. Kasama mo nga sila sa iisang bubong pero kung ituring ka nila parang hindi ka naman nila anak.
May inihandang handaan sa bahay nila. Masaya naming pinagsaluhan iyon. Ay mali, sila lang pala ang masaya dahil kahit anong gawin ko, hindi ko talaga kayang magsaya.
Nakamasid lang ako sa kanilang buong pamilya. Masaya, nagtatawanan, nagku-kuwentuhan. Nakakainggit. Ganito rati ang pamilya ko, e. Ganitong-ganito, maliban na lang sa marangyang buhay, pero ganito talaga ang relasyon namin noon.
May magagawa pa ba ako para ibalik sa dating ayos ang pamilya ko? Kasi sa tingin ko, isang malaking lamat na ang nangyari at taun-taon ay unti-unting lumalaki ang lamat.
Matapos ang hapunan, agad binuksan ni Tito Orlan ang topiko tungkol sa naudlot naming pag-uusap kanina nang magkita kami.
Umalis na si Oasis sa hapag-kainan dahil nagtago na sa kaniyang kuwarto para raw maglaro ng computer games. Pero ang natitirang miyembro ng kanilang pamilya ay nanatili pa rito sa hapag-kainan.
Nagtanong si Tito Orlan kung ano ang naging sagutan namin ni Tatay. Sinabi ko naman na tungkol sa pagko-kolehiyo ko. Sinabi kong ayaw ni Tatay na mag-aral ako pero nagawa ko nga'ng ipaglaban pero hindi niya ako susustentuhan. Na pati rin si Nanay ay hindi sang-ayon sa gusto kong mag-aral ng kolehiyo.
Na-i-kuwento ko na rin sa kanila ang tungkol sa assistance na matatanggap ko galing kay Mayor at ang pagkakapasa ko sa state college na kinuhanan ko ng exam.
Nakinig sila. Nakinig sila sa bawat sinabi ko.
Hanggang sa sinabi sa akin ni Kuya Osias na pag-aaralin niya ako. Isa nga pala siyang seaman at dapat ang pag-aaralin niya ay si Sia. Gusto ko sanang tumanggi pero ipinilit niya. Allowance lang naman daw ang ibibigay niya sa akin kasi panigurado raw na wala na akong babayaran sa papasukan ko. Kababalita lang daw kasi na libre na ang mag-aral sa mga state colleges at universities kaya ang sabi niya sa akin, 'yong assistance na matatanggap ko mula sa lokal na gobyerno ay paniguradong i-co-convert sa cash at 'yon na raw ang ipanggagastos ko sa iba pang bayarin sa paaralan at siya na ang bahala sa allowance.
Gustong-gusto kong tumanggi kasi sobrang nakakahiya. Hindi nila ako responsibilidad at hindi na dapat nila ginagawa ito. Ano na lang ang sasabihin ng mga kapatid ni Tito Orlan kapag nalaman nilang pinag-aral ako ni Kuya Osias? Hindi maayos ang relasyon nilang magkakapatid ngayon kaya nga ayaw ni Tatay na lumapit ako kay Sia lalo na kay Tito Orlan pero sinuway ko pa rin siya.
"Edi hindi natin sasabihin sa kanilang lahat na bibigyan kita ng allowance. Maldita at bratty talaga itong si Olesia Cecilia pero alam kong hindi niya ipagsasabi sa iba ang tungkol dito. Siya pa nga ang nagpumilit sa akin na pag-aralin kita sa La Salle kasama niya pero alam kong tatanggi ka na sa La Salle kita pag-aralin kaya mas mabuti na itong bibigyan na kita ng allowance."
'Yan ang naging sagot ni Kuya Osias sa akin na agad sinang-ayonan ng kaniyang pamilya.
Sa huli, wala nga akong nagawa kundi ang magpasalamat sa kanilang oportunidad na ibinigay sa akin. Alam kong malaking utang na loob ito pero magsisikap talaga ako para masuklian ito sa tamang panahon. Hindi ko sila bibiguin.
Nakapag-enroll ako sa Nonescost sa kursong I.T. o Information Technology. Naging matiwasay ang unang taon ko sa kolehiyo. Medyo mahirap lalo na sa pagbi-biyahe kasi mas pinili kong umuwi pa rin sa bahay imbes na mag-boarding house kasi kahit wala na kaming iringan ng aking pamilya, alam kong kailangan pa rin nila ako. Hindi naman din kasi sobrang hectic ng schedule ko na umaabot na talaga ng gabi, maaga naman kasi akong nakakauwi kaya okay lang.
Ang hirap no'ng high school, pero mas mahirap sa kolehiyo. Grabeng adjustment 'yong ginawa ko dahil mag-isa kong tinahak ang kolehiyo. Wala na kasi si Zubby para hawiin ang mga taong madadaraanan namin sa tuwing may siksikan, wala na kasi si Zubby na siyang tagapagsalita ko, wala na kasi si Zubby na siyang kaibigan ko at sabihan ko ng lahat ng problema ko. Hindi kasi siya sa parehong kolehiyo nag-aral, sa isang state university pero malayo sa bayan namin, doon pa sa kabisera ng probinsiya, sa Bacolod.
Sobrang tahimik ko no'ng mga first semester ng first year college ko. Mas nag-focus kasi ako sa pag-aaral pero nang dumating na ang ikalawang semester, doon na ako napalapit sa mga kaklase ko, sa mga kapareha kong kurso.
Mas lamang ang lalaki sa kurso namin pero may iilan din namang babae. Mas napalagayan ko ng loob ang mga babae sa klase namin. Sampu kami sa section namin na babae at ang natitirang bilang ay mga lalaki na. Maingay nga palagi ang klase namin, e.
Gumaan ang naging experience ko sa kolehiyo. Patuloy ang pagsusustento ni Kuya Osias sa akin. Nagpapasalamat din ako sa mga kaklase ko na dahil sa kanila ay unti-unti kong nakikita na malaki pala ang mundo.
Sa mga panahong iyon, kinalimutan ko ang pansariling nararamdaman. Nakalimutan kong may gusto nga pala ako kay Vad Montero. Iba nga pala ang pakiramdam ko kay Sonny Lizares. May ibang ibig sabihin nga pala ang pagiging kaibigan ni Fabio Varca sa akin.
Sobra kong in-enjoy ang buhay kolehiyo na nakalimutan ko ang nararamdaman ko kay Vad Montero. At ang natira ay ang dalawa pang kakaibang nararamdaman sa magkaibang lalaki.
Inilapag ko ang limang kandila na aking binili sa labasan kanina at nag-sign of the cross para magsambit ng isang panandaliang dasal.
Ikalimang taon ng kaniyang death anniversary. Ikalabing-siyam na kaarawan ko na. At sa wakas, ni isang patak ng luha ay hindi na kumawala sa aking mga mata.
Matapos makapagdasal, inayos ko ang kaniyang puntod, nilinisan ko at inalisan ng mga tuyong dahon at kung anu-ano pang kalat.
"Ate, dumating na rin ang araw na natanggap ko na ang lahat," bulong ko sa hangin habang naglilinis ng kaniyang puntod. "Hindi ko alam kung paano pero isang araw, nagising na lang ako na dapat tanggapin ko nang wala ka na talaga. Maaaring hindi ka na nga babalik pero alam ko naman na nandito ka lang palagi sa aming tabi para bantayan kami. Sana, Ate, sina Nanay at Tatay naman ang mamulat sa katotohanan. Sana mapatawad na nila ako."
Hindi ko na hinabaan ang dalaw ko sa kaniya at agad ding umalis para mamili ng konsumo sa bahay. Magba-bakasyon na at marami pa akong naiwang pera galing sa allowance na buwan-buwang pinapadala ni Kuya Osias sa akin. Sa katunayan nga, sobrang laki na ng ipon ko ngayon. Gusto ko na nga sanang tumigil na siya sa pagpapadala pero ayaw naman niya. Sabi niya ipunin ko na lang daw. Wala rin akong nagawa.
Bitbit ang mga pinamili, lumabas ako ng Jera na katapat lang ng shopping center ng bayan at handa na sanang tahakin ang daan papunta sa terminal ng traysikel na papunta sa amin nang kusang natigilan ang aking mga paa pati na ang tibok ng aking puso.
Isang malaking tarpaulin ang aking nakita na nakapaskil sa malaking harapan ng shopping center ng bayan. Isang tarpaulin na ang laman ay isang pagbati sa anak ng bayan na naging top one sa isang Chemical Engineering Board Exam. Nakapasa siya at siya ang nanguna sa board exam!
Boy tingkoy…
Ilang buwan akong walang balita sa kaniya. Maski sa facebook, hindi ko siya nababalitaan. Tapos ngayon, bigla siyang magpapakita sa akin at sa isang malaking tarpaulin pa talaga?
Aba't ang talino pala niya? Hindi halata. Sobrang yabang ng awra niya, sobrang yabang ng litrato niyang inilagay doon sa tarpaulin, at sobrang guwapo niya.
Anak ng baboy, Ayla?
Umiling ako at nag-iwas ng tingin para tahakin na talaga ang daan papunta sa terminal.
Nang makasakay, agad kong kinalikot ang cell phone ko. Hinanap ko ang tungkol sa ganoong balita. Mabuti na lang talaga at nakapag-load ako ng pang-internet kanina kaya may makikita akong picture. Hindi 'yong puros free data lang ang nakikita ko.
So 'yon na nga, matagal na pala ang pagkakapasa niya. Noong Setyembre pa. December na ngayon at ngayon ko lang talaga napansin ang tarpaulin niyang iyon? O baka ngayon lang din inilagay 'yon? Kasi seryoso, hindi ko talaga napansin noong mga nakaraang araw at linggo.
Ang imposible niya talaga. Kayamanan, kagalingan sa napiling propesiyon, kakisigan, kaguwapohan, katalinuhan, kapangyarihan. Lahat ng iyon, mayroon siya. Pati siguro mga kababaihan, mayroon din siya.
Nagpatuloy ang buhay ko hanggang sa naitaguyod ko ang aking sarili kaagapay ang mga piling tao na makapagtapos ako ng pag-aaral.
Ang bilis ng panahon, magtatapos na ako ngayon sa kolehiyo. May mga napagdaanan man na problema sa apat na taon ko sa kolehiyo, hindi naman kasing laki at kasing bigat sa dating napagdaanan ko.
Nang malaman ng mga magulang ko na magtatapos na ako sa kolehiyo, agad silang nag-presenta na sasamahan nila ako sa aking pagtatapos, pambawi man lang daw sa hindi nila pagsipot noong high school graduation ko. Hindi ko nga alam, gusto ko na lang matawa dahil sa biglang pagbaliktad ng mundo.
"Pasensiya ka na, Ayla, kung naging malupit ako noon sa 'yo." Matapos kong sabihan sina Nanay at Tatay tungkol sa araw ng pagtatapos ko at matapos nilang sumang-ayon ay ayan agad ang sinabi ni Tatay sa akin.
"Sobrang sakit lang kasi nang nagawang pag-iwan ni Aylen sa atin. Aaminin ko, mahal na mahal ko ang batang iyon. Pasensiya ka na kung ikaw ang napagbuntonan ko nang lahat ng galit ko," dagdag na sabi niya pa.
Tinapik ko ang kaniyang balikat at ngumiti.
"Wala na po 'yon, 'Tay. Naiintindihan ko po ang lahat. Matagal ko na pong napatawad ang sarili ko. Matagal ko na rin po kayong napatawad."
Marami akong natutunan sa apat na taon kong pananatili sa kolehiyo. Natuto akong maintindihan ang lahat para mapatawad ko ang sarili ko. Aksidente ang lahat ng nangyari kay Ate noon, naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang galit ni Nanay at Tatay sa akin. Lahat 'yon, dala ng pagiging matured ko, ay tinaggap ko nang buo at inintindi.
Malapit kami bilang pamilya noong nabubuhay pa si Ate pero hindi kami 'yong tipo na kailangan talagang sabihin ang lahat ng rason, sabihin ang lahat ng kung anu-ano para lang makapag-explain. Isang sapat na pasensiya at pagpapatawad lang, okay na sa amin. Wala nang mahabang drama. 'Yan lang naman talaga ang gusto kong marinig mula sa kanila.
Kaya no'ng araw ng aking pagtatapos sa kolehiyo, may katiting na kasiyahan sa aking puso lalo na no'ng makita ko ang pareho kong magulang na nandito ngayon sa tabi ko at sasamahan akong magmartsa para sa aking pagtatapos. Isang pangarap na hindi ko naabot noong nasa high school ako.
Nasa kabilang siyudad talaga ang kolehiyong pinapasukan ko pero dahil sa sobrang dami naming graduates ngayon, sa coliseum ng aming bayan ginanap ang graduation. Punong-puno nga ito kanina kaya nang matapos, agad kong inaya ang mga magulang ko na kumain kami sa isang kainan dito sa aming bayan.
Actually, sinabi lang sa akin ni Sia ang tungkol dito. Magpapakain daw sina Tito Orlan para sa pagtatapos kong ito. Ayoko sana kasi alam kong magpapang-abot si Tito Orlan at si Tatay pero naisip ko rin na baka ito na ang pagkakataon na ayusin nila ang kung ano man ang naging alitan nila bilang magkapatid. Nasa maayos na naman ngayon si Tatay, nagawa nga niyang magpakumbaba sa akin, sa kapatid niya pa kaya?
Nang makarating sa sinabing restaurant ni Sia, agad kong nakita ang naghihintay sa amin na sina Tita Cecil, Tito Orlan, at ang bunso nilang si Oasis. Nasa ibang bansa pa rin si Kuya Osias at abala naman sa kaniyang sariling mundo si Sia na sabi sa akin ay magtatapos na rin sa makalawa.
Nagbigay-galang ako sa dalawa at ngumiti. Tipid namang bumati si Nanay sa kanilang dalawa habang si Tatay naman ay mariin lang na nakatingin sa nasa harapan niyang si Tito Orlan.
"Congrats, Ayla!" malawak na ngiting bati sa akin ni Tita Cecil. Yumakap ako sa kaniya at ganoon din si Tito Orlan na binati na rin ako.
"Kuya Romelito…" nakangiting bati ni Tito Orlan sa kaniya.
"Orlando…" Pero si Tatay, isang malamig na ngiti ang kaniyang ipinukol sa kaniya. "Anong ginagawa niyo rito?"
Biglang namuo ang tensiyon sa pagitan nilang dalawa rito sa aming lamesa. Pareho pa rin silang nakatayo at mukhang walang balak na umupo.
"Osias wants to celebrate Ayla's success. Graduate na si Ayla kaya nararapat lang na i-celebrate iyon, Kuya," sagot naman ni Tito Orlan sa isang kalmadong paraan.
"Hm, mabuti pa umupo na tayong lahat. Lalamig ang pagkain. Ate Helen, Kuya Boyet…" at ngayon ay si Tita Cecil naman ang nagsalita sa isang malamunay na paraan sabay muwestra sa mga pagkain na nakahain na nga sa aming harapan.
Mabuti na lang talaga at wala masiyadong tao ngayon sa restaurant na napili nina Sia. Walang makakapansin sa tensiyon na nandito ngayon sa lamesa namin.
Masamang tiningnan ni Tatay si Tito Orlan pero sinunod din naman ang sinabi ni Tita Cecil. Napangiti na rin si Nanay at umupo na rin sa tabi ni Tatay. Ako naman ay kaharap si Oasis na nasa kabilang dulo rin ng parihabang lamesang ito.
Tahimik ang naging pag-kain namin na mas lalong nagparamdam sa akin sa tensiyon na namamagitan sa kanila.
"Ayla, bakit ba sila nandito?" patapos na kami sa pagkain nang biglang basagin ni Tatay ang katahimikan.
Matinding paglunok ang nagawa ko at humigpit na rin ang hawak ko sa tinidor at kutsara.
"A-Ano—"
"May masama ba na nandito kami, Kuya? Pamangkin naman namin si Ayla at nandito lang kami para i-celebrate ang kaniyang naabot sa buhay," kalmado pa ring sabi ni Tito Orlan.
"At kailan naman kayo nagkaroon ng pakialam kay Ayla?"
Anak ng baboy talaga.
"Matagal na kaming may pakialam kay Ayla. In fact, tinutulungan nga siya ni Osias sa kaniyang pag-aaral."
"Anong klaseng tulong? 'Di ba nasa ibang bansa ang panganay niyo?" sarkastikong tanong ni Tatay.
Nailapag ko ang kubyertos na hawak ko at matinding paglunok ang nagawa ko.
"He helped Ayla through her financial needs. Because that's what families are for, helping each other."
"A-Anong sinabi niyo?"
Anak ng baboy!
Hinampas ni Tatay lamesa at mariing tiningnan si Tito Orlan. Agad siyang pinigilan ni Nanay at ako naman ay hindi ko na alam kung ano ang gagawin.
"Totoo ba ang sinabi niya, Ayla? Na pinag-aral ka ng anak nila nang hindi namin alam?" tumingin si Tatay sa akin gamit ang kaniyang nanlilisik na mata. Hindi na ako makatingin sa kaniya ngayon at kinakabahan na rin. "Ayla, sumagot ka!"
Anak ng baboy!
Halos mapatalon ako dahil sa naging sigaw ni Tatay.
"Boyet, tama na…"
Dahan-dahan akong tumango.
Pagkatapos kong sumagot, biglang padarag na umalis si Tatay na agad ding sinundan ni Nanay. Gusto ko silang sundan pero nag-aalangan ako dahil nandito pa sina Tito.
"Sige na, sundan mo na sila. Naiintindihan ko kung saan nanggagaling ang galit ni Kuya kaya naiintindihan ko ang naging reaksiyon niya. Sige na, Ayla."
Nagpasalamat ako sa kanila, isang sinserong pagpapaalam bago sinundan ang mga magulang ko na naghahanap na ng masasakyan pauwi.
"Bakit hindi mo sinabing pinag-aaral ka nila? 'Di ba sinabi ko sa iyo noon pa na huwag kang hihingi ng tulong sa pamilya nila? Susumbatan ka ng mga iyan gaya ng naging sumbat nila sa akin matapos ang lahat. Matagal ko nang sinabi sa iyo na layuan mo na sila. Magkapareho nga tayo ng apelyido pero hindi natin sila pamilya!" agad na bulyaw ni Tatay sa akin nang makarating kami sa bahay.
"'T-Tay, hindi naman ganoon ang pamilya ni Tito Orlan. Simula pa lang, mabuti na ang pakikitungo nila sa atin. Sa katunayan nga po, sila po ang nagsabi sa akin na huwag babanggitin sa iba niyo pang kapatid kasi alam nilang susumbatan nga ako ng iba mong kapatid, 'Tay. Nagmagandang-loob lang naman po sila."
Nag-away nga kami ni Tatay nang gabing iyon. Hindi ko alam kung ano ang puno't-dulo nitong galit ni Tatay sa kaniyang mga kapatid. Maaaring anak nga siya sa labas pero itinuring naman siya nang maayos ni Tito Orlan kaya bakit pati si Tito Orlan, may galit siya?
~