Umiwas ako ng tingin sa kaniya. Hindi ko kayang titigan siya sa mga mata dahil hindi ko alam kung saan ako masasaktan. Hindi ito ang inaasahan ko.
"Ikaw si Ayla Encarquez 'di ba?" pag-uulit niya pa sa unang sinabi kanina.
Napalunok ako. Hindi ko alam kung giginhawa ba ang pakiramdam ko dahil hindi nangyari ang inaasahan ko o masasaktan dahil sa napagtantong ako na lang ang nakakaalala sa nakaraan.
"S-Sir Vad..." pahapyaw akong ngumiti, hindi alam kung ano ang sasabihin. Meron ba dapat?
"Grabe, ilang taon kitang hindi nakita. Kumusta ka na?"
Bumalik ang tingin ko sa kaniyang mga mata.
Nasa iisang bayan lang tayo, palagi kitang nakikita, pero ako nga pala si nobody kaya hindi mo na talaga ako mapapansin. Ibang-iba ka na talaga.
"O-Okay lang, heto b-buhay pa rin," sagot ko, hindi makatingin sa kaniyang mga mata. "Sige po, Sir Vad, kailangan ko na po kasing umalis."
Hindi ko na hinintay ang sagot niya, basta na lang akong umalis sa kaniyang harapan para bumalik kung saan naglalagi ang iba pa naming kasamahan.
Sunod-sunod na paghinga ang ginawa ko. Sinusubukang pakalmahin ang sumasabog kong puso dahil sa kaba at iba pang nararamdaman sa kalooblooban ko. Gusto kong umiyak pero ewan ko, nagugulohan ako.
"Okay ka lang, Ayla?" agad na tanong sa akin ni Tita Gina nang makabalik na ako sa puwesto namin.
Pagak akong ngumiti sa kaniya at tumango na para sa sagot.
"Pagod ka na ba? Kaonting tiis na lang at matatapos din tayo rito," dugtong ni Tita Gina sa sinabi niya kanina.
Tuluyan akong ngumiti sa kaniya para hindi na siya mag-alala pa.
"Okay lang po talaga ako, Tita Gina. Hindi po ako pagod. Kayang-kaya ko pa po," paninigurado ko sa kaniya.
Tumango siya at tinapik ang aking balikat.
"Sa bahay ka na matulog ha? Nakapagpaalam ka naman siguro sa mga magulang mo, 'di ba?"
Tumango ako bilang sagot at hindi na niya hinabaan pa ang aming pag-uusap dahil may umagaw na sa kaniyang pansin.
"Hoy, Ayla! Nakita ko kanina..." Nilingon ko naman ngayon si Zubby na mukhang kararating lang sa puwesto namin. "Kinausap ka niya? Anong sinabi niya sa 'yo? Anong ginawa mo? Hoy? Okay ka lang?" sunod-sunod na tanong niya.
Malawak akong ngumiti kay Zubby para ipakita sa kaniyang okay lang ako.
"Okay lang ako, Zub, walang kakaibang nangyari. Nagtanong lang siya tungkol sa ibinigay kong pagkain," pagdadahilan ko kahit hindi naman iyon ang sinabi ni Vad sa akin. "Wala na sa akin 'yon, Zub, okay na talaga ako. Magtiwala ka sa akin," dagdag na sabi ko pa para hindi na niya isipin pa na naapektuhan ako sa paghaharap namin ni Vad.
Malalim na nagbuntonghininga si Zubby at tinapik ako sa balikat.
"Mabuti naman at okay ka na. Sabi sa 'yo, wala na lang sa kaniya ang kung ano man ang nangyari sa nakaraan, e."
'Yon nga ang masakit, Zubby. Ang katotohanang wala na lang pala sa kaniya ang nangyari noon at muntik niya pa akong hindi makilala. Ako na lang pala ang naiwan.
"O siya, sige, balik sa trabaho," aniya.
Pinagbutihan ko ang pagtatrabaho ko. Huling araw ko na ito at eleksiyon na sa makalawa. Kaonting tiis na lang, Ayla.
Madaling araw na kaming natapos kaya sakto lang na dito ako ngayon matutulog sa bahay nina Zubby. Sa sahig ng kuwarto nilang dalawa ni Zenna, nilatagan ako ni Tita Gina ng banig at manipis na foam, binigyan ng isang unan at kumot. Hindi kasi kami magkasya ni Zubby sa kama niya kaya rito na ako sa sahig matutulog.
Kanina pa mahimbing ang tulog ni Zubby. Ako naman ay hirap namang makatulog dahil sa mga nangyari kanina. Napatitig ako sa madilim na kisame ng kuwarto ni Zubby at inalala ang mga nangyari kanina.
Nakalimutan na ba niya ang nangyari rati? Bakit parang hirap siyang maalala ako? Ilang beses na niya akong nakita sa headquarters pero bakit no'ng araw lang na iyon niya nalaman ang pangalan ko at naalala? Hindi ba importante ang nangyari noon? Wala lang ba talagang halaga si Ate Aylen sa kaniya? E, bakit ganoon na lang siya kung magalit sa akin? Bakit ganoon na lang siya kung sumbatan at paratangan ako?
Si Ate Aylen...
Kung ganoon nga, siguro hindi naman masamang pangarapin siya mula sa malayo? Siguro hindi na masama na kahit ilang taon na ang nakalipas, heto pa rin ako't patagong may nararamdaman sa kaniya. Ano ba ang nangyayari sa akin?
Nagdaan ang eleksiyon at gaya ng inaasahan, Mayor pa rin namin si Mayor Sally Montero. Bise-Mayor pa rin si Vice Mayor Amell Zamora. Walo sa sampung ka-partido ni Mayor Montero ang nanalo sa pagka-konsehal. Ang pang-siyam na nanalo ay galing sa kabilang partido at ang ika-sampu ay galing naman sa independent party. Nanguna sa pagkapanalo ang baguhan at ang batang si Einny Lizares.
Gaya ng inaasahan, kasama na ako sa listahan na makakatanggap ng educational assistance sa susunod na taon. Isang malaking kaginahawaan na iyon.
Kaya nang matapos ang eleksiyon at bumalik sa normal ang takbo ng bakasyon ko, mas pinagbutihan ko pa ang paghahanap ng tatrabahuing bukirin at mga lupain. Doble-kayod ang ginawa ko para madagdagan ang ipon ko.
Ilang araw na lang at pasukan na. Tapos na akong mag-enroll para sa darating na grade twelve. Nagsisimula na rin ang program para sa nalalapit na taunang piyesta ng aming bayan sa katapusan ng Mayo.
Isang payapang hapon, sa ilalim ng puno ng santol dito sa likuran ng bahay namin, tinanaw ko ang malawak na bukirin, na siyempre hindi namin pag-aari, at ang pinakamataas na bundok sa bayan namin na Bundok ng Lunay.
Isa ito sa mga araw na wala akong ginagawa, free time kumbaga, tapos mag-isa pa ako sa bahay. Gustuhin ko mang gumala sa bayan, ayoko naman kasi alam kong dagdag gastos na naman. Inaaya na nga ako ni Zubby at ng iba pa naming kaklase pero ang sabi ko, sa mismong araw ng piyesta na lang ako gagala para isang bagsakan na lang.
Sinimot ko ang panghapong hangin. Malapit ng matapos ang araw at mag-isa pa rin ako sa bahay. Katatapos ko lang magsaing at hinihintay ko na lang na maluto iyon para makapagluto na ako ng ulam para mamayang gabi.
Kaagapay ang musika na galing sa aking cell phone para magbigay ingay sa aking tahimik na paligid, inalala ko ang mga mangyayari sa akin sa hinaharap. Wala lang, nag-i-imagine lang, ganoon.
At sa mga ganitong mag-isa ako, palaging pumapasok sa isipan ko si Ate Aylen. Palagi naman, hindi naman talaga siya nawala sa isipan ko.
Dalawa talaga kaming magkapatid, bunso ako, si Ate Aylen ang panganay. Isang taon lang yata ang agwat naming dalawa pero kahit ganoon, pinaramdam niya sa akin na parang magka-edad lang kaming dalawa. Mahal na mahal ako ni Ate Aylen at para sa akin, siya na ang pinakamasiyahing taong nakilala ko. Siya palagi ang nagbibigay kulay sa buhay namin. Mahal na mahal namin siya. Minsan nga, naikukumpara kaming dalawa dahil siya, sobrang daldal at masiyahin, habang ako ay tahimik at mahiyain. Pero kahit ganoon, hindi pinaramdam ni Ate Aylen sa akin na ganoon nga akong klaseng tao. Sandalan ko siya sa lahat ng bagay, ganoon din siya sa akin.
Katulad din kami ng ibang magkapatid, nag-aaway sa maliit na dahilan pero hindi natatapos ang araw na iyon nang hindi kami nagbabati. Kahit kasalanan ko, si Ate palagi ang unang nanghihingi ng tawad sa akin, kahit kasalanan ko ako 'yong sinusuyo niya. Mapagkumbaba siya, hindi katulad ko na dahil sa sobrang tahimik, grabe na kung magalit.
Hindi naman talaga ganito ang pamilya namin. Isa kami sa pinaka-normal na pamilya sa bayan namin, walang problemang kinakaharap kahit na hindi naman ganoon ka-komportable ang buhay.
Nagkandaleche-leche lang talaga ang lahat, e.
Napabuntonghininga na lang ako.
"Ayan ka na naman, Ayla e," bulong ko sa sarili ko sabay palis sa bumagsak na namang luha. Masakit pa rin pala maski ang masasayang alaala niya. Akala ko kaya ko na. Hindi pa pala.
"Makapag-luto na nga lang ng ulam," sabi ko na lang sabay tayo at pinatay ang musika ng aking cell phone. Pumunta ako sa abohan ng aming bahay para tingnan kung ano na ang situwasiyon ng kanin na sinasaing ko.
Sanay na sanay na ako sa malamig na pakikitungo ni Tatay. Sanay na sanay na rin ako sa mga panahong saka lang ako papansinin ni Nanay kung importante ang aming pag-uusapan o tungkol sa gawaing-bukid. Sanay na sanay na ako sa mga magulang ko. Kinalakihan ko na ito at saka tanggap ko na ito nga ang kaparusahan ng aking ginawa noon. Dapat lang na mangyari sa akin ito ngayon. Sino ba naman ako para maghangad pa na bumalik sa dating sigla ang pamilya namin?
Araw ng piyesta ng bayan namin. Matapos ang maagang gawain sa bukirin, agad akong naligo sa bahay at nag-ayos. Handa na rin ang extra'ng damit ko na inilagay ko sa maliit na bag ko na kalimitang ginagamit ko sa eskuwelahan at kung minsan ay sa mga ganitong klaseng gala. Nagdala na ako ng extra kasi alam kong sa bahay na naman nina Zubby ako matutulog.
Ang sabi sa akin ni Zubby dapat daw bago pa man ang pananghalian, nandoon na ako sa bahay nila kasi manunuod daw kami ng street dancing kasama ang iilang kaklase namin. Nag-aya raw kasi si Raffy kasi gumala siya sa bayan namin.
Nakatingin ako sa mukha ko sa sirang salamin ng aking silid. Buhaghag ang buhok ko, wala pang suklay at katatapos ko lang magbihis.
Naguguluhan kasi ako, hindi ko kasi alam kung anong gagawin ko sa buhok ko. Masiyadong makapal at medyo kulot pa kaya nahihirapan na talaga ako.
"Bagong tigyawat na naman," sabi ko na lang sa sarili ko habang pinipisil ang panibagong tigyawat na tumubo sa may bandang noo ko.
Maitim na nga ang kulay ng balat ko dahil sa madalas akong nakababad sa arawan, tutubuan ka pa ng tigyawat. Hay buhay.
Pinindot-pindot ko na lang iyon at nagsuklay ng buhok. Ilulugay ko na lang ito.
Matapos makapag-suklay, isinukbit ko ang dadalhin kong bag at handa nang lumabas para makaalis.
Kalalabas ko pa lang ng silid ko ay siyang pagbukas nang marahas ng pintuan ng bahay namin.
"Ano ba, Boyet! Lasing ka na naman! Ke-aga aga nagpapakalunod ka na naman sa alak."
Padarag na isinalampak ni Tatay ang sarili niya sa kawayang bangko ng maliit na sala namin. Nakasunod sa kaniya si Nanay.
Natigilan ako sa may hamba ng pintuan ng silid ko at tiningnan ang mga magulang ko.
"Ano ba ang pakialam mo, Helena? Pabayaan mo nga ako!" susuray-suray na sagot ni Tatay, halos hindi na maintindihan dahil parang nagkabuhol-buhol na ang kaniyang dila.
Humigpit ang hawak ko sa sling ng aking bag at tumalikod para bumalik sa aking silid.
Lasing na naman si Tatay at mukhang mag-aaway na naman sila ni Nanay.
"Paano kita papabayaan, e, lasing na lasing ka na at nakakahiya ka na."
Tinanggal ko sa pagkakasukbit ng sling bag ko at inilapag ito sa higaan.
"E, nakakahiya pala ako, edi pinabayaan mo na lang sana ako. Nakakahiya ako 'di ba? Kasi naglasing na naman ako? Ano ba ang pakialam mo? Buhay ko naman 'to, pera ko naman ang pinang-inom ko. Ano bang pakialam mo, Helena?" sigaw naman ni Tatay kay Nanay.
Umupo ako sa kahoy na higaan at kinuha sa bag ko ang cell phone at saka nagtipa ng mensahe para kay Zubby.
Ako:
Pasensiya na Zub, hindi na muna ako gagala ngayon. Ang dami kasing gawain sa bukid.
At saka ko si-n-end ang mensaheng iyon kay Zubby pero sa kasawiang palad, naubusan ako ng load.
Hay buhay.
Dahan-dahan akong humiga sa higaan ko at kahit ayaw ko mang pakinggan, wala akong nagawa kundi ang ipasok sa tenga ang mga masasamang salitang ibinato ni Tatay kay Nanay, sa akin, at sa kung gaano ka-leche ang buhay namin ngayon.
"Kasalanan ni Ayla lahat ng ito, e. Kung sana hindi niya pinabayaan si Aylen, edi sana buhay pa iyon, sana masaya pa tayo, sana hindi ganito ka-leche ang buhay natin ngayon, Helena! Kasalanan ni Ayla ang lahat ng ito."
Mariin akong pumikit at dinama ang sakit ng mga salitang binitiwan ni Tatay para sa akin.
Siguro nga, kasalanan ko ang lahat ng ito.
Dumilat ako at tinitigan ang bubong ng aming bahay, hinayaan ang sariling ipatak ang sunod-sunod na luha pati na ang mga alaala ng nakaraan.
Isang payapang hapon. Isang payapang bakasyon. Katulad nang palaging nagawian, magkasama na naman kami ni Ate Aylen sa bukid.
"Ayla, halika rito, isuot mo 'tong ginawa kong korona para sa 'yo."
Tahimik kong pinapakain ng halaman ang alaga naming kambing nang bigla akong tawagin ni Ate. Lumingon ako sa kaniya. Nakaupo lang siya sa damuhan habang may pinagkakaabalahan.
Inilapag ko ang isang sanga na punong-puno ng dahoon na pinapakain ko sa kambing at hinayaan iyon doon para malapitan si Ate.
"Halika halika," aniya at iminuwestra pa ang harapan niya para makaupo ako roon.
"Ano 'yan, Ate?" naguguluhan kong tanong kasi hindi ko naman alam kung ano itong mga pinaggagawa niya. Ang alam ko lang ay maraming bulaklak ng santan sa paligid niya ngayon.
"Ginawan kita ng korona!" nakangiting sabi niya tapos ay dahan-dahan niyang inilagay sa aking ulo ang mga bulaklak ng santan na ginawa niyang pabilog, sakto lang ang laki para sa ulo ko. "Ayan! Bagay na bagay sa 'yo, Ayla!"
Tumingala ako, baka sakaling makita ko kung gaano nga kaganda.
"Ngumiti ka!" Sinunod ko ang sinabi niya. Ngumiti nga ako. "Sabi na, bagay sa 'yo, e," dagdag na sabi niya pa.
"Paano po ba gawin 'to, Ate?" kuryusong tanong ko at tiningnan na ang nagkalat na bulaklak ng santan.
"Gusto mo turuan kita? Makinig ka ha?"
Maingat na tumango ako kay Ate, baka kasi mahulog ang kung ano 'yung inilagay niya sa ulo ko.
"Kukuha ka ng isang pirasong bulaklak ng santan tapos kukuha ka rin ng isa pa," pa-unang sabi niya na sinabayan niya pa ng pagkuha ng dalawang pirasong maliliit na bulaklak ng santan. "Itong dulo ng bulaklak," at itinuro niya ang dulo ng bulaklak. "Itutusok mo rito sa gitna ng bulaklak," at itinuro naman niya ang maliit na butas sa gitna ng maliliit na petals ng santan. Ginawa niya nga ang sinabi niya.
"Lagay ka lang nang lagay hanggang sa makabuo ka ng bilog. Kung gusto mong gumawa ng pulseras, puwede rin. Kuwintas, puwedeng-puwede rin. Tapos korona rin katulad nang ginawa ko para sa 'yo. 'Di ba, madali lang, Ayla?"
Tumango ako sa sinabi ni Ate Aylen.
Bilib na bilib talaga ako sa kaniya, sa lahat ng sinasabi niya sa akin, sa mga ginagawa niya. Para sa akin tama lahat iyon.
"Puwede mo ring sipsipin ang katas ng santan, Ayla. Tara, maghanap tayo."
Pinagmasdan ko siya sa kaniyang panibagong gagawin.
Kumuha ulit siya ng isang pirasong santan sa isang kumpol ng santan na mukhang pinitas niya sa kung saan man. Nang makakuha siya, may kinuha siya mula sa gitna ng bulaklak. Isang manipis na parte ng santan tapos ma-ingat niyang itinapat sa akin ang dulo nito.
"Ito, kita mo 'to? Matamis 'yan, subukan mo," pag-uudyok niya pa sa akin kaya sinunod ko naman ang gusto niyang mangyari. Sinipsip ko ang maliit na katas na iyon. "O 'di ba? Matamis 'no?"
Nakangiti akong tumango sa kaniya.
"Anong ginagawa ng dalawang prinsesa ko?"
"'Tay!" Nang marinig namin ang boses ni Tatay, nag-unahan kami ni Ate na lapitan siya.
Umupo siya sa harapan namin at isa-isa niyang tinanggap ang yakap at halik na ibinigay namin sa kaniya.
"Ang sarap naman nito."
"'Tay, 'Tay, ginawan po ako ng korona ni Ate Aylen!" agad na kuwento ko. Kinarga ni Tatay si Ate Aylen at nakangiti siyang lumingon dito.
"Talaga?" may mangha sa boses ni Tatay nang itanong niya iyon kay Ate. Tumango si Ate.
Humawak ako sa kamay ni Tatay dahil alam kong aalis na kami. Galing kasi siya sa bukid na inaararo niya, sumama kami ni Ate.
"Ang galing talaga ng Aylen ko!" Pinasakay ni Tatay si Ate Aylen sa kalabaw namin tapos ako naman ang kinarga niya para ako naman ang sumakay sa kalabaw, sa likuran mismo ni Ate Aylen. "Hawakan mo nang mabuti si Ayla, Aylen ha?"
"Opo 'Tay!" nakasaludong sabi pa ni Ate.
Marunong si Ate pagdating sa kalabaw kaya ako 'yong nasa likuran niya at siya ang may hawak ng lubid para siya ang gumiya sa daan.
Kinuha muna ni Tatay ang kasama naming kambing bago kami tumulak pauwi.
Mahigpit ang naging yakap ko kay Ate habang naglalakad na ang kalabaw. Nasa gilid lang namin si Tatay, sinisiguradong hindi kami malalaglag.
Masaya ang buhay nang ganito. Simple, payapa, walang kahit anong problema. Sa edad na sampung taon, naging payapa na ang buhay ko. Hindi man kami mayaman pero masaya naman kaming pamilya.
Nang makauwi sa bahay, malawak ang ngiting sinalubong kami ni Nanay. Una niya akong pinababa sa kalabaw at mahigpit na niyakap tapos ay si Ate.
"Kumusta ang dalawang prinsesa? Hindi ba kayo naging pasaway habang nagtatrabaho si Tatay?" agad na tanong niya sa amin ni Ate habang isa-isang pinunasan ang aming likuran.
Tinulungan na rin kami ni Nanay maghubad ng damit para makaligo na.
Si Ate ang kuwento nang kuwento sa kung anong ginawa namin maghapon doon sa bukid. Ako naman ay tumatango-tango lang. Hindi makasingit sa pagsasalita.
Halos ganoon ang ganap ng aming bakasyon sa araw-araw. Simple lang. Laro lang nang laro. Gawain ng isang simpleng bata sa galing sa isang simpleng pamilya.
Isang araw, hindi kami sumama sa bukid ni Ate Aylen. Si Nanay naman ngayon ang sinamahan namin sa kaniyang paglalaba sa isang mayamang pamilya rito sa bayan namin.
"'Nay, kaninong bahay po 'to?" tanong agad ni Ate nang makarating kami sa isang magarang bahay.
Sementado kasi ang bahay nila kaya para sa akin magara na ito. 'Yong bahay kasi namin ay gawa lang sa kawayan tapos maliit lang, hindi katulad ng bahay na nasa harapan namin ngayon, maganda tapos malaki tapos sementado pa, maganda pa ang kulay, kulay asul!
"Bahay ito ng mga Montero, Aylen. Si Konsehal Sally Montero," sagot ni Nanay sa naging tanong ni Ate. "O, 'wag kayong makulit ha? Tutulungan niyo si Nanay sa paglalaba."
"Montero po, 'Nay? Parang may kaklase po akong Montero po ang apelyido."
Ako lang ang tumango sa huling sinabi ni Nanay. Si Ate kasi biglang may sinabi kay Nanay kaya napatingin na lang ako sa kaniya.
"O? Mayroon ba? Ano ang pangalan?" kuryusong tanong ni Nanay sa sinabi ni Ate.
"Salvador po 'yong totoo niyang pangalan, 'Nay, pero tinatawag namin siyang Vad kasi 'yon daw po ang palayaw niya kasi magkapareho raw sila ng pangalan ng Tatay niya kaya dapat daw na Vad lang ang itawag namin sa kaniya."
Nagpalipat-lipat lang kay Nanay at Ate ang aking tingin. Nakikinig sa kung ano ang pinag-uusapan nilang dalawa.
"O? Talaga? Bahay nila ito, anak. Anak pala ni Konsehal Montero ang kaklase mo, anak."
"Talaga po, 'Nay? Bahay nila 'to? Ang laki po," namamanghang sabi ni Ate kaya napatingin na rin ako sa bahay.
Ang yaman naman ng mga kaklase ni Ate. 'Yong mga kaklase ko, hindi nga ako mabigyan ng papel, e.
"Baka nandito siya, bumati ka ha?"
Bumalik ang tingin ko kay Nanay.
"Oo naman po, 'Nay, mabait naman po si Vad, namamansin naman po," sagot naman ni Ate bago kami tuluyang pumasok sa bahay na iyon.
Kinausap si Nanay ng isang ginang na tinawag niya kaninang Ma'am Julieta. Mabait ang ginang kasi hindi siya nagalit na isinama kami ni Nanay, binati nga niya pa kami, e. Naalala ko kasi rati na may amo si Nanay na nagalit nang dalhin niya kami habang naglalaba siya kaya simula no'n umalis na si Nanay sa pinaglalabhan niyang iyon at naghanap naman ng iba. Ito siguro 'yong bago niya.
"Um, Mrs. Montero, nandito po ba si Vad?" Bago kami makaalis sa harapan ng ginang na iyon, bigla siyang tinanong ni Ate Aylen.
"Kilala mo si Vad?"
Tumingin ako sa ginang na iyon na tinawag ni Nanay kanina na Ma'am Julieta tapos tinawag naman ni Ate na Mrs. Montero.
"Opo, magka-klase po kasi kami ni Vad, Mrs. Montero," sagot naman ni Ate kaya siya naman ngayon ang tiningnan ko.
"Hala, pasensiya na po, Ma'am Julieta. Masiyado po kasing madaldal si Aylen," wika ni Nanay. "Aylen, huwag."
"No, it's okay. Natutuwa rin ako na malaman na magka-klase ang anak nating dalawa. Gusto mong palabasin ko si Vad? He's in his room."
Tapos ay may tinawag na isang babae ang ginang na iyon.
"Palabasin mo si Vad sa kaniyang room tapos sabihin mong nandito ang kaklase niya. Ano nga ulit ang pangalan mo, hija?"
"Aylen po. Aylenah Romelena A. Encarquez po," masiglang sagot naman ni Ate.
Ako po, hindi niyo po tatanungin?
"Sabihin mo kay Vad na nandito ang kaklase niyang si Aylenah Romelena Encarquez." Nilingon ulit ng ginang ang babaeng tinawag niya kanina. "Ang jolly ng anak mo, Helena."
"Oo nga po, Ma'am Julieta, e. Madaldal po talaga itong si Aylen, kaya pasensiya na po."
"Ano ka ba, Helena, parang hindi naman tayo magka-klase niyan. Julieta na lang kasi. 'Wag na 'yong Ma'am. Alam mo namang patanda na ang edad natin tapos tatawagin mo pa ako sa ganiyan."
Parehong tumawa ang ginang at si Nanay.
"Magka-klase rin po kayo rati, 'Nay?"
"Yes, Aylen. Magka-klase kami ng Nanay mo noong high school. Just like you and my Vad."
"Wow!" namamanghang sagot ni Ate Aylen. Maski ako ay tahimik na ring namangha dahil sa sinabi ng ginang.
"Ikaw, hija, what's your name?"
Hala.
Agad nanlaki ang mata ko nang bigla akong nilingon ng ginang na iyon. Hindi ko kasi inaasahan na mapapansin niya ako.
"A-Aylana Rommelle po," simpleng sagot ko na lang habang nakayuko.
"Mahiyain po kasi itong si Ayla, Julieta, kaya tahimik lang."
Tumango ang ginang at ngumiti sa akin.
"Makipaglaro kayong dalawa kay Vad habang naglalaba ang Nanay n'yo. Aalis kasi kami ng dalaga ko, maiiwan namin si Vad. Mabuti na lang talaga at isinama mo itong dalawang supling mo, Helena, para naman may ka-laro si Vad at nang hindi lang computer games ang inaatupag no'n."
Maya-maya lang din ay nagsimula na sa kaniyang trabaho si Nanay. Pero 'yong kaklase raw ni Ate Aylen na si Vad ay hindi pa rin lumalabas.
Nakaupo ako sa isang sulok, nakatingin sa ginagawang paglalaba ni Nanay sa malawak na bakuran ng bahay ng mga Montero. Si Ate naman ay minsang tinutulungan si Nanay pero lagi siyang sinasaway kasi nga dapat ay hindi na siya tumutulong.
Nanaig ang desisyon ni Nanay kaya bumalik si Ate sa tabi ko.
"Ang tagal namang lumabas ni Vad," narinig kong sabi niya habang paupo siya sa tabi ko.
"Bahay 'to ng kaklase mo, Ate?" Ngayon lang ako nagkaroon ng pagkakataon na itanong ito sa kaniya matapos ang pag-uusap namin ng ginang.
"Oo, Ayla, si Salvador Montero V. Vad 'yong tawag namin sa kaniya."
"Ah. Vad..."
"Aylenah?"
Natigil ang usapan namin ni Ate nang biglang may tumawag sa kaniyang pangalan. Sabay kaming lumingon ni Ate kung saan nanggagaling ang boses.
"Hi, Vad!" agad na tumayo si Ate sa kaniyang pagkakaupo at masigasig na kinawayan at binati ang batang lalaking iyon.
Tiningnan ko nang mabuti ang lalaking iyon.
Siya si Salvador Montero V? Si Vad Montero? Ang ganda ng mukha niya. Ang ganda ng ngiti niya. Ang guwapo niya!
"Anong ginagawa mo rito?" Lumapit siya sa puwesto namin ni Ate pero nakatitig pa rin ako sa kaniya.
Ang guwapo niya. Ibang-iba 'yong mukha niya sa mukha ng mga kaklase ko. Mga gusgusin 'yon, e, tapos siya ang linis-linis ng mukha niya, ang ganda-ganda niya. Guwapo kumbaga.
"Si Nanay 'yong naglalaba ng mga damit niyo, Vad. Sumama kasi ako kay Nanay pero hindi ko talaga alam na ito pala ang bahay niyo. Bakit ang tagal mong lumabas? Kanina pa ako naghihintay sa 'yo."
Nagpalipat-lipat kay Ate ang tingin ko at sa guwapong lalaking ito.
"Naligo pa kasi ako." Pinasadahan niya ng tingin si Ate mula ulo hanggang paa. "Ang itim-itim mo na," puna niya sa kulay ng balat ni Ate.
Pinag-ekis ni Ate ang kaniyang braso at maarteng sumagot.
"Maitim nga pero masaya naman ang naging bakasyon ko."
"Sige nga, kuwentuhan mo nga ako sa naging bakasyon mo?" may panghahamon sa boses ng batang lalaking iyon.
Agad naman nag-kuwento si Ate Aylen sa mga ginawa namin buong bakasyon. Buong kuwento ni Ate, nakatitig lang sa kaniya ang batang lalaking iyon, at buong kuwento rin ni Ate, ako naman ang nakatitig sa batang lalaking iyon. Ang guwapo niya.
"Sino 'yan?" Matapos ang kuwento ni Ate ay bigla na lang akong itinuro no'ng batang lalaking iyon. Nagtataka yata siya sa presensiya ko kaya sa sobrang taranta ko at pagkabigla sa pagbaling niya ng tingin sa akin ay napaayos ako ng tayo.
"Ah, kapatid ko 'to. Siya si Ayla!"
Inakbayan ako ni Ate at mas lalong ipinaharap sa batang lalaking iyon. Tiningnan niya ako mula hanggang paa kaya napayuko na lang ako.
"H-Hello..." nahihiyang bati ko pa.
"Doon tayo sa loob." At bigla niyang hinablot ang kamay ni Ate. E, nakaakbay si Ate sa akin kaya pati ako, nakaladkad din.
Doon ko unang nakilala si Vad Montero. Kaklase siya ni Ate Aylen. Ang sabi ni Ate sa akin, hindi naman talaga sila close no'ng Vad Montero'ng iyon. Nang dahil lang talaga sa paglalaba ni Nanay tuwing Sabado sa kanilang bahay na kasama kami, naging malapit lalo ang dalawa.
Sa tuwing nagkikita kami, malimit niya akong kausapin dahil si Ate lang talaga ang kinakausap niya. Nag-uusap sila tungkol sa mga assignments nila, sa mga kaklase, sa kahit anong ganap sa kanilang paaralan. E, hindi naman ako maka-relate kasi nga hindi naman nila ako kaklase at mas bata ako kaysa sa kanila. Kaya ang ginagawa ko na lang ay basahin ang mga librong nilalatag ni Vad para paglaruan namin. 'Yon na lang ang pinagtotoonan ko ng pansin.
Isang Sabado, nandito na naman kami sa bahay ng mga Montero. Magkausap na naman si Ate at si Vad at mukhang may ginagawang takdang-aralin. Nandito kami sa ilalim ng malaking puno na nilatagan ng lamesa at mga bangko. Mula rito sa puwesto namin ay nakikita ko si Nanay na naglalaba lang. Nagbabasa na naman ako sa librong inilatag ni Vad sa amin. Hindi naman kasi nila ginagalaw dahil silang dalawa lang talaga ang nag-uusap.
"Ayla, may sasabihin ako sa 'yo."
Agad akong napaayos ng upo nang sa wakas ay nabigyan na ako ng pansin ni Ate Aylen.
"Ano 'yon, Ate?" agad na sagot ko. Natuwa kasi talaga ako dahil kinausap na ako ni Ate kahit na nasa harapan lang namin si Vad.
"Alam mo bang napulot ka lang nina Nanay at Tatay sa tae ng kalabaw?"
"Hahahahahahahah!"
Naluluha kong tiningnan si Ate. Si Vad naman ay tawa pa rin nang tawa na mas lalong ikina-inis ko.
Napulot?
Agad akong tumakbo palayo sa kanila at pinuntahan si Nanay. Tinawag pa ako ni Ate nang bigla akong tumakbo pero naiiyak talaga ako. Lalo na no'ng tumawa si Vad.
"'Nay, ang sabi ni Ate Aylen, napulot niyo lang daw po ako sa may tae ng kalabaw? Totoo po ba 'yon, 'Nay?" agad na sumbong ko matapos akong sabihan ni Ate Aylen nang ganoon. Nasa likuran ko lang siya at naririnig ko ang tawa niya.
Natigil si Nanay sa paglalaba. Pinatuyo niya 'yong basang kamay niya at marahang hinawakan ang aking pisnge. Ngumiti nang pagkalawak-lawak si Nanay sa akin.
"'Wag kang maniniwala riyan sa Ate Aylen mo. Siya 'yong nakita lang natin sa may mga kawayan doon sa likuran ng ating bahay."
"Nanay!" Narinig kong pagmamaktol ni Ate pero dahil sa sinabi ni Nanay, unti-unting lumawak ang aking ngiti at agad nilingon si Ate at binelatan.
"Ikaw pala 'yong napulot lang, e," pangangantiyaw ko agad sa kaniya.
Humaba ang kaniyang nguso pero agad din namang sinabayan ako sa pagtawa.
"Anak ka pala ng biyak na kawayan, Aylen, e," biglang sulpot ni Vad. Mas lalo niyang tinawanan si Ate Aylen kaya kusa akong tumigil sa pagtawa at pinagmasdan silang dalawa.
Si Nanay bumalik na sa paglalaba, ang dalawa naman ay nagkukulitan na kaya wala akong nagawa kundi ang balikan ang tinatambayan namin.
Wala na naman sa akin ang atensiyon nila. Tahimik ko na lang na pinagpatuloy ang pagbabasa.
Ganoon palagi ang nangyayari sa tuwing naglalabada si Nanay. Na-i-echapuwera ako. Gusto ko ring mapalapit kay Vad. Gusto ko siyang maging kaibigan pero bakit si Ate na lang palagi ang kaniyang napapansin? Sana pala kami na lang 'yong magkaklase. Hindi naman nalalayo ang edad naming dalawa.
Lumipas ang mga taon at ganoon pa rin. Naglalabada pa rin si Nanay sa mga Montero. Mas lalong napalapit si Vad at si Ate. At ako naman ay hindi pa rin napagtotoonan ng pansin ni Vad.
Alam kong may kakaiba na akong nararamdaman kay Vad. Isang paghanga yata. Isang malalim na paghanga.
"Alam mo, Ayla, lilipat na si Vad sa private school. Sabi niya, do'n na raw siya pag-aaralin ng mga magulang niya ng high school," biglang nagsalita si Ate Aylen habang nakamasid kami sa ma-bituwing langit matapos ang hapunan.
Nasa loob lang sina Nanay at napili naman naming tumambay na dalawa rito sa labas.
Ibig sabihin, hindi na sila magiging magka-klase?
"Pero ang sabi niya, magkikita pa naman daw kami kasi r'yan lang naman daw siya sa MCCEI mag-aaral. May Sabado naman kaya hindi raw dapat ako malungkot."
Nilingon ko siya sa karagdagang sinabi niya.
Magha-high school na si Ate sa pasukan, ako naman ay mage-grade six na.
Wala akong masabi sa sinabi ni Ate kaya nanatili akong tahimik. Nagpatuloy siya sa pagku-kuwento tungkol kay Vad at habang ginagawa niya 'yon, nakatingala siya sa kalangitan habang tumitingkad ang kaniyang mga mata sa tuwing binabanggit ang pangalan niya.
Alam kong masiyado pa akong bata para maintindihan ito pero isa lang ang alam ko. May gusto ako kay Vad.
Ganoon din si Ate.
~