webnovel

May Kapalit ang Lahat ng Bagay

Kinabukasan, pagdating pa lang ni Lin Che ay sinabihan na agad siya ng kompanya na tinanggap na ng management ang endorsement deal para sa kanya. Sinabi din sa kanya na dumiretso na kaagad para pumirma.

Noon pa man ay hindi mahirap kausapin si Lin Che, at isa ito sa mga nagugustuhan ng kompanya sa kanya. Hindi siya maarte at hindi rin nagbago ng ugali kahit na sumisikat na ito ngayon.

At dahil din ito sa tiwalang ibinibigay niya kay Yu Minmin. Alam niya na para sa ikagaganda ng career niya ang ano mang desisyon na ginagawa ni Yu Minmin.

"Priority pa rin natin na ma-maintain ang magandang image mo sa alinmang endorsements na makukuha mo. At lahat ng mga pinili ko ay maganda para sa career mo. Ito naman ay isang cellphone brand sa bansa natin. Karamihan sa mga gumagamit nito ngayon ay mga kabataan. Madalas din itong ipapalabas sa mga TV," ang paliwanag ni Yu Minmin.

"Ilang buwan ang kontrata'ng 'to?", tanong ni Lin Che.

"Hanggang isang taon ang aabutin ng endorsement mong 'to. Hindi mahilig sa matagalang contract ang kompanyang ito--puro mga short term lang. Pero narinig ko din na baka hanggang apat na buwan lang ipapalabas sa mga TV ang commercials mo, at sapat naman na siguro 'yon. Kung papatagalin naman nang husto, eh baka magsawa na ang mga viewers."

"Sabagay, tama naman." Kilala ni Lin Che ang brand ng cellphone na ito. Nagkaroon na din siya ng ganito noon. Napalitan nga lang nang bilhan siya ni Gu Jingze ng bagong cellphone na siyang ginagamit na niya ngayon.

Hindi naman nagtagal ang pagpirma niya ng kontrata. Sabay silang lumabas ni Yu Minmin. Habang naglalakad ay nagsalita si Yu Minmin, "Sa pagkakaalam ko ay si Mu Feiran ang unang inimbita para sa commercial na 'to. Maswerte nga tayo at naibigay pa 'to sa atin. Magagaling lahat ng direktor na hahawak nito. Kaya tiyak na magiging classic ang resulta pagkatapos. Sigurado akong papatok ito sa masa!"

Sumagot naman si Lin Che, "Talaga? Kung ganon, kumain tayo at magcelebrate ngayong gabi."

"Maganda nga iyan. Ikaw ang magbabayad ha. Malaki din naman ang ibabayad sayo para sa endorsement fee mo."

"Oo naman, syempre. It's my treat." Pero, habang sinasabi niya ito ay may nakasalubong si Lin Che. Nakatayo ito sa harapan niya--nakapustora at proud na naglalakad papunta sa kanila habang nakatingin sa kanya. Bahagya din itong nakangiti.

Hindi niya inaasahan...pero si Mo Huiling ang nakaharap sa kanya ngayon.

Talagang hindi niya inaasahan na makita si Mo Huiling dito. Napahinto sa paglalakad si Lin Che at sabay ding napatigil si Yu Minmin. Kakikitaan ng pagtataka ang mukha nito habang nakatingin sa babaeng palapit sa kanila.

"Lin Che." Nakangiti pa rin si Mo Huiling habang humahakbang palapit sa kanila. "Pumunta ka rito para pumirma ng kontrata. Tama ba ako?"

Medyo pilit ang ekspresyon sa mukha ni Lin Che habang nakatingin kay Mo Huiling at sumagot, "Tama ka, Miss Mo. What a coincidence. Bakit ka pala nandito?"

Sa tuwing makikita niya si Mo Huiling ay palagi na lang itong gumagawa ng eksena sa lahat ng bagay. At walang panahon si Lin Che para pansinin pa ano man ang gusto nitong gawin.

Palagi itong nakasuot ng mataas na heels. At dahil sa taas ng sandals nito ay mas lalong nakakailang na lumapit dito. Kung sabagay, hindi naman talaga madaling lapitan ang babaeng ito sa lahat ng oras. Mayaman at elegante kasi ito.

Mas lalong ngumiti si Mo Huiling habang tinitingnan si Lin Che mula ulo hanggang paa. "Pagmamay-ari ng pamilya namin ang brand ng cellphone na pinirmahan mo para maging endorser."

Muling napatigil si Lin Che.

Nagulat siya. Maya-maya din ay may nararamdaman na siyang hindi maganda sa sitwasyon niya.

Nakangiti pa rin ito habang nagkukunwaring mag-close sila ni Lin Che at kinuha ang kamay niya. "Lin Che, noon pa man ay alam ko na na ikaw ang nararapat para sa project na 'to. Tiyak na magiging maganda ang commercial dahil ikaw ang artistang nandoon."

"Miss Mo, ikaw ba ang nagrekomenda sa'kin para sa commercial na ito?", tanong ni Lin Che.

"Ako nga," may kinang sa mga matang sagot ni Mo Huiling.

Tiningnan naman ito ni Lin Che. "Ganoon ba? Sa totoo lang, hindi naman talaga ako bagay sa mga ganitong produkto. Hindi ba't si Mu Feiran naman talaga ang unang kinuha ninyo para maging endorser? Mas nararapat siya dito, kaysa sa akin."

"Bakit? Galit ka pa rin ba dahil sa sinabi ko noon? Humingi na ako ng tawad kay Gu Jingze at pinagsisihan ko na 'yon. Ginagawa ko lang din naman 'to para ipakita sa'yo na sinsero ako. Sana naman ay hindi ka na magalit sa'kin."

Hindi makuha ni Lin Che kung ano na naman kaya ang binabalak na gawin ni Mo Huiling. Basta ang alam niya lang ay hindi maganda ang nangyayari sa kahit anong bagay na may kinalaman sa babaeng ito.

Ngumiti ulit si Mo Huiling at sinabi, "Excited na talaga akong makita ang commercial mo. Good luck, Lin Che."

Nagpatuloy pa sa pang-iinis si Mo Huiling pagkatapos sabihin iyon. Ayon pa dito ay inaamin nito na nagkamali ito at sinadya siyang puntahan para humingi ng tawad sa kanya.

Noon lang din nakapagsalita si Yu Minmin nang makaalis na si Mo Huiling. "Magkaibigan kayo?"

Umiling naman agad si Lin Che. "Kilala ko lang siya. Pero imposibleng maging magkaibigan kami."

Sa katunayan, nahalata naman din 'yon ni Yu Minmin kanina. "Kung ganoon, ano na ang plano mo sa commercial na 'to? Mukhang hindi naman talaga niya ginusto na ibigay sayo ang proyektong ito para tulungan ka. Nagtataka nga din ako kung bakit sa apat na nag-audition ay ikaw kaagad ang nakuha. Nung una ay akala ko na baka masyado lang talagang busy si Mu Feiran at wala itong time dahil sa film festival nito sa Japan. Hindi ko naman alam na..." Tumingin sa kanya si Yu Minmin. "Kung ayaw mong gawin 'to, pwede pa naman nating bawiin at itigil ang kontrata."

Nang marinig iyon ni Lin Che ay agad niya itong pinigilan. "Hindi na kailangan. Magsu-shoot lang naman ako ng commercial. Wala lang naman talaga sa'kin 'yon. Sadyang may galit lang talaga siya sa'kin. Ilang beses ko nang sinabi sa kanya na wala akong kinalaman sa mga bagay na 'yon, pero ayaw niyang maniwala. At wala talaga siyang balak na maniwala. Sa ngayon naman, sumunod nalang tayo sa gusto niya at gawin ang nararapat. Saka nalang tayo umaksyon kung talaga mang may iba pa siyang gagawin."

Napabuntung-hininga nalang si Yu Minmin sabay iling.

HIndi nagtagal ay nakauwi na si Lin Che. Napansin niya na nandoon na rin si Gu Jingze. Nang makita din nito na nakarating na siya ay agad itong nagtanong, "Bakit ganyan ang tingin mo sa'kin?"

Sumagot naman siya, "Wala naman... So, pagmamay-ari pala ng pamilya nina Miss Mo ang PIPT cellphones, ano."

Nang marinig ang pangalang 'Miss Mo', agad na napaangat ng ulo si Gu Jingze. Parang may hinahanap ang mga mata na nakatingin kay Lin Che. "Anong nangyari sa kanya?"

"Wala naman. Nalaman ko lang sa kanya."

"Matagal na'ng hawak ng pamilya nila ang brand na 'to. These past years ay malaki ang perang inilabas nila para i-market ang brand na 'to at para mas lalong makilala. Ano ba talaga ang nangyari? Lin Che, sabihin mo sa'kin." Hindi naniniwala si Gu JIngze na basta na lang uungkatin ni Lin Che ang tungkol dito.

Sumagot si Lin Che. "Wala talaga. Nalaman ko lang na sila pala ang may-ari nito. Gagawa kasi ako ng commercial para sa brand na ito at pumirma na ako ng kontrata sa kompanya nila."

Malalim ang tinging tinitigan ni Gu Jingze si Lin Che. Maya-maya ay sumimangot ito na para bang may biglang naalala at sinabi sa kanya, "Sige na, magpalit ka na muna ng damit mo. May tatawagin lang ako sandali."

Pumasok na kaagad si Gu Jingze sa kanyang study room. Isinara niya ang pinto at kaagad nabalot ng seryosong ekspresyon ang kanyang mukha. Kinuha niya ang cellphone at tinawagan si Mo Huiling.

"Huiling," agad na bungad niya nang sagutin nito ang tawag.

Sa kabilang linya ay nagtanong si Mo Huiling, "Jingze, may problema ba?"

"Ikaw ba ang nag-utos na kunin si Lin Che para magshoot ng commercial para kompanya ninyo?", direktang tanong ni Gu Jingze.

Sumagot naman si Mo Huiling, "Oo, ako nga. Bakit? Nagkataon lang naman na naghahanap kami ng bagong spokesperson para sa taong ito. Naisip ko na maganda naman ang image ni Lin Che at nababagay siya para sa produkto namin at isa pa, kilala ko siya personally, kaya inirekomenda ko siya kay Papa."

"Huiling, kung may problema ka man, sabihin mo lang sa akin," sabi ni Gu Jingze.

Sandaling hindi umimik si Mo Huiling bago nagtanong, "Bakit? Gu Jingze, ano ang ibig mong sabihin?" May lamig sa boses ni Mo Huiling. "Bakit? Iniisip mo ba na binabalak akong hindi maganda kaya inirekomenda ko siya?"

Ilang segundong hindi sumagot si Gu Jingze. "Syempre, umaasa ako na hindi nga totoo ang iniisip ko."

Mahahalata naman kaagad ang paghihisterikal sa boses ni Mo Huiling. "Jingze, kailan pa ba naging ganyan ang tingin mo sa'kin ha? Gusto ko lang namang humingi ng tawad sa'yo. Kaya tinulungan ko si Lin Che. Gusto ko lang naman na malaman mo na aware ako sa mga pagkakamali na nagawa ko kaya tinulungan ko si Lin Che na makuha itong endorsement na 'to. Iniisip mo ba na may iba akong gagawin sa kanya? Endorsement deal lang talaga 'yon..."

Humugot ng malalim na buntung-hininga si Gu Jingze bago nagsalita. "Okay. Okay. Since ikaw na nagsabi niyan, pipiliin kong paniwalaan ka."

Sumagot din si Mo Huiling, "Wala na talaga akong ibang iniisip ngayon. Naiinis talaga ako sa'yo. Madalang ka na nga lang tumawag sa'kin, tapos ano? Tumawag ka lang para kausapin ako tungkol dito?"

Siguiente capítulo