webnovel

Kabanata 8 - It would be fun

"Paano natin sasabihin sa kanya na dito ka muna tutuloy? Baka isipin na naman niya ay pinagkakaisahan natin siya," Sunod-sunod na tanong ni Miguel kay Phoebe na hindi rin makasagot sa mga sandaling iyon.

Sumabat si Roja. "Kung sabihin nalang kaya natin ang totoong dahilan kung bakit dito muna tutuloy si Phoebe? Ang dali-dali lang ng solusyon, pinapahirapan niyo na naman ang mga sarili niyo," Iritado nitong anas na ikinabaling sa kanya ng tatlo.

Bahagyang natawa si Miguel pero maya-maya ay siniko ng pagkalakas-lakas ang binata. "Parang hindi mo naman kilala 'yang si Marco. Baka nakakalimutan mong may trust issues 'yang hinayupak na 'yan? Panigurado kapag nalaman niyang may kinalaman tayo sa paglipat ni Phoebe sa apartment natin ngayong gabi ay iba ang isiipin niyan,"

Napatango si Aleman. At sa pagkakataong iyon ay hindi niya na kailangan pang mag-isip tungkol sa sinabing iyon ni Miguel.

It's Marco, for Pete's sake!

Paniguradong maha-high blood na naman ang lalaking iyon sa oras na malaman nito na madadagdagan silang apat sa kanilang apartment magmula ngayong gabi.

Wala kasing mahanap na matutuluyang apartment ngayon si Phoebe dahil biglaan ang pagpapaalis sa kanila ni Klesha ng kanilang landlady. Hindi kasi nakakapagbayad ang dalawang dalaga at inabot na nang tatlong buwan ang kanilang bill. Wala rin naman silang maibigay na pera sa kadahilanang natanggal sila sa trabaho mula pa noong nakaraang araw.

Ang sabi ni Phoebe sa kanila ay ayaw din naman niyang makaabala sa kanila lalong-lalo na kay Marco pero ayaw nitong magpakita sa kanyang mga magulang dahil baka masampal lang siya ng kanyang ina. Minsan na itong umalis ng kanilang bahay na luhaan at bugbog-sarado ng kanyang ama dahil sa nawalan ito ng trabaho.

Ayaw na nitong maulit pa ang pagkakataong iyon at mas pipiliin nitong hindi makita ang kanyang mga magulang kaysa makatikim ng pagmamaltrato sa mga ito.

Napabuntung-hininga si Aleman. "Para wala na kayong maging problema, ako nalang ang haharap at magsasabi sa kanya ng bagay na 'to," aniya na agad nilang ikinahintong lahat.

Kunot-noong napatitig sa kanya si Phoebe. "Sigurado ka?"

"Oo," Mabilis niyang sagot at pagkuwan ay inayos ang kanyang sarili. "Mas mabuti nang ako lang ang makatanggap ng galit niya kaysa pati ikaw ay madamay. Baka mamaya niyan ay mangyaring hindi ka niya patulugin dito, malaking problema mo pa," Ngiti niya sa dalaga sabay baling sa dalawa na tila ba may kung anong iniisip. "Kayo? Wala ba kayong matinong gagawin dyan kundi ang tumayo nalang? Gusto niyo 'kong samahan?"

Napatitig sa kanya ang mga ito kasabay niyon ang ngiting sumilay sa kanilang mga labi.

Napaakbay sa kanya si Miguel. "Siguro, ikaw nalang muna 'Man ang humarap sa kanya ngayon. Pass muna kami," anito na agad din namang ikinatango ni Roja. "Saka nasungitan niya na 'ko kahapon. Ikaw naman ngayon,"

Sa sinabing iyon ni Miguel ay napailing nalang si Aleman at maya-maya ay dali-daling itinulak palayo sa kanya ang binata. Ang dami nitong palusot samantalang siya naman talaga palagi ang ibinabala nila sa kanyon. Mabuti na nga lang at si Marco lang ang haharapin niya. Paano pa kaya kung ibang tao iyon?

Lagot na siya.

Isang buntung-hininga ang pinawalan ni Aleman bago pa man siya tuluyang maupo sa couch sa tabi ni Marco. Nanonood ito ng palabas sa kanyang laptop at tulad ng nakagiwian ay tila ba wala itong pakialam sa mga taong nasa paligid niya. Sana nga lang ay masabi niya ng matino ang kanilang problema at nang matahimik na rin ang kaluluwa ng kanyang mga kasama.

Kapag nangyaring mahambalos siya ni Marco, tinitiyak niyang ito na ang huling pagkakataon na isusugal niya ang kanyang sarili sa patalim.

Napatikhim siya. "Tol, gusto mong uminom ng beer? Meron pang tira si Miguel sa refrigerator at dahil hindi naman tayo papasok bukas, itagay na natin 'yun," Bungad niya sabay upo sa tabi nito.

Napakibit-balikat ito sabay pindot ng space bar ng kanyang laptop hudyat na saglit nitong itinigil ang kanyang pinapanood.

"Sige ba, walang problema," anito at napasandal sa kanyang kinauupuan. "Pero baka mamaya niyan ay magbunganga na naman si Miguel dahil ipinainom mo 'yung beer niya? Hindi kaya siya magalit?" tanong nito.

Bahagya siyang natawa sa kanyang loob-loob. Magalit pa kaya ang loko kung iyon lang ang tanging solusyon para matapos ang kanilang problema?

Napailing siya sabay bukas ng refrigerator. "Hindi. Subukan niya at nang makita niya kung ano ang hinahanap niya," anito sabay baling sa loob ng kwarto kung saan ay natanaw niya si Miguel na pinanlalakihan siya ng mga mata. "Saka mayaman naman 'yun, siguradong marami siyang pambili. Di tulad natin na hindi man lang makapag-ambag sa grocery dito sa apartment,"

Pagak na natawa si Marco. "Talaga bang tayo pa ang hindi makapag-ambag?" Iling niyang anas. "Di ba pwedeng silang dalawa ni Roja na walang ibang ginawa kundi ang tumunganga sa harap ng tv?"

Hindi kaagad nakasagot si Aleman. Bagkus ay muli niyang ipinukol ang kanyang tingin sa loob ng kwarto kung saan ay agad na natigil si Roja ganon din si Miguel na dali-daling nag-thumbs up sa kanya sa mga sandaling iyon.

Kaya naman matapos ang eksenang iyon ay isang ngiti ang siyang sumilay sa kanyang mga labi habang binubuksan ang dalawang beer para sa kanilang dalawa ni Marco. Bilib talaga siya sa kaibigan niyang iyon dahil kahit salita lang nito ay hindi nila siya kayang tanggihan. Tiyak na iyon din ang gagawin sa kanya nito mamaya.

Wag lang sanang umabot sa punto na makarinig siya ng mga masasakit na salita mula rito. Dahil kung hindi ay hindi siya magdadalawang-isip na gawin din iyon sa loko.

"Siyangapala, ang sabi sa 'kin ng landlady ay magkakaroon daw tayo ng ambagan sa susunod na buwan," Pagsisimula niya at muling bumalik sa pagkakaupo sa couch.

"Bakit daw?" tanong naman nito at mabilis na itinungga ang bote ng beer. "Nagkaron na naman ba ng technical issue ang apartment building? O kukuha na naman siya ng pang-mahjong niya sa mga boarders niya?" Sarkastikong anas nito.

Napailing siya sabay halakhak. "Ganyan ba talaga ang tingin mo kay Aling Topaz?" tanong lang din niya na agad nitong ikinatango. "Pero seryosong usapan, hindi tayo mag-aambag para sa personal finance niya. Kundi magbibigay tayo para sa kay Mang Maki dahil sa susunod na linggo ay magre-retire na raw siya. Sa katunayan ay nakausap ko siya no'ng nakaraang araw at iyon din ang sinabi niya,"

Napatangong muli si Marco. "Ganon ba?" anito. "Walang problema. Pero sa ngayon ay sa'yo na muna ako kukuha ng perang pang-ambag dahil hindi pa 'ko nakakapaglabas ng pera mula sa ATM. Bwisit kasi 'yung tatlo, nakakasawa na ang pagmumukha," Kunot-noong anas nito at pagkuwan ay tuluyang itiniklop ang kanyang laptop.

Matapos ang usapang iyon ay dali-dali niyang nilaklak ang bote ng beer na hawak niya. Bagamat masakit sa lalamunan dahil sa tapang niyon ay tiniis nalang niya para na rin kahit papano ay makapag-isip siya ng pwede niyang sabihing paraan upang masabi niya ang problema nilang apat.

Pero dahil hindi ganoon katindi ang ugali ngayong gabi ni Marco, meron sigurong pag-asang tanggapin nito ng matino ang pananatili ni Phoebe sa kanilang apartment.

Crossed fingers!

He took a deep breath. "Siyangapala, may gusto nga pala 'kong sabihin sa'yo,"

"Ano 'yun?" Mabilis nitong tanong na hindi man lang tumitingin sa kanya.

Lumagok muna siya ng beer bago sumagot. "Anong magiging pakiramdam mo kapag nalaman mong dito na muna titira si Phoebe sa apartment natin?" aniya na agad na ikinahinto ni Marco sa pag-inom. "Ilang buwan na kasi silang hindi nakakapagbayad ng bill nila sa kanilang apartment at ang problema pa ay natanggal pa sila sa kanilang mga trabaho noong nakaraang araw. Kaya sa ngayon, kung pwede ay humihingi siya ng permiso para dito muna tumira," Mahaba niyang paliwanag na walang reaksyong ikinatitig sa kanya ni Marco.

Sa sinabi niyang iyon ay agad nitong inilapag sa coffee table ang boteng hawak nito. Bahagya itong napailing at maya-maya ay naniningkit ang mga mata nitong napatitig sa kanya.

Ramdam niya na para bang ayaw nitong maniwala. Sa katunayan ay palagi naman. Hanggang sa hindi nagtagal ay unti-unting nagbago ang awra ng mukha nito nang marinig nito ang mga sumunod na sinabi niya.

"Seryoso 'ko, Marco. Kung ayaw mong maniwala, tanungin mo si-"

"This is ridiculous," Putol nito sabay baling sa bote ng beer na hawak ni Aleman. "Wag mong sabihin na inaya mo lang ako ng inuman dahil gusto mong sabihin sa'kin ang tungkol sa bagay na 'yan?"

Napalunok si Aleman. "Kind of," aniya na siyang naging dahilan ng mabilis na pagtayo ni Marco sa kinauupuan nito. "Hindi ko naman sinasadya. Gusto ko lang masabi sa'yo ng maayos ang tungkol sa bagay na 'to. At bukod sa pag-aya ko sa'yo ng pag-inom ay wala akong ibang maisip na paraan kung papaano ako magsisimula," Paliwanag niya. "Masisisi mo ba 'ko kung alam kong ganyan ang magiging reaksyon mo?"

Pagak na natawa ang huli. "Aba't kasalanan ko pa talaga?" Napameywang nitong anas.

"Hindi ko sinasabing kasalanan mo," Mabilis niyang sagot. "Kawawa naman kasi 'yung tao. Wala siyang ibang mapuntahan kundi-"

"Wala akong pakialam kahit ano pang klaseng problema meron siya," anito na agad na ikinahinto ni Aleman. "Alam niyo naman siguro na hindi kami nakakatagal na magsama sa iisang bubong, hindi ba? Bakit kailangan niyo pang pumayag sa pabor niya na alam niyong kayo lang din ang mahihirapan sa huli?"

Sa sinabing iyon ni Marco ay mas mabilis pa sa alas-kuatrong nagtangis ang mga bagang ni Aleman. Sa puntong ito ay hindi lamang kanyang mga kamao kundi pati na rin ang kanyang mga paa ay nangangati dahil sa narinig niya mula sa binata. Gusto niyang makasapak sa mga sandaling iyon para kahit papaano ay matanggal ang inis niya.

Ngunit pasalamat nalang si Marco dahil kahit papaano ay kabisado na ng husto ni Aleman ang kanyang ugali. Ganoon din ang history nito at ni Phoebe.

It's hard to accept the fact that he hates her because, in the past, he's so madly in love with her. And maybe, if that incident didn't happened, they would be living in an alternate world.

"Sa tingin mo, gusto naming marinig ang paulit-ulit na pag-aaway niyong dalawa? Anong tingin mo sa'min, mga referee? No way," sambit niyang muli at pagkuwan ay napabaling sa kwartong kinalulugaran ng tatlo. "Pero kung hindi lang kasi kinakailangan ay walang dahilan para pumayag kami. Ayaw din naman kasi naming mabugbog siya ng kanyang tatay at makatanggap siya ng sunod-sunod na pagmamaltrato mula-"

"Aalis nalang siguro 'ko," Maya-maya'y rinig nilang sabat ni Phoebe. "Sinubukan ko lang naman kung papayag ka dahil wala 'kong ibang choice. Salamat nalang Aleman," Baling nito sa binata habang pilit na napapangiti.

"Sa'n ka pupunta niyan?" tanong niya.

Napakibit-balikat ito. "Ewan. Pero as long as nakarating ako sa tutuluyan ko ngayong gabi ay icha-chat ko kaagad kayo. Ayaw ko rin naman kasing mag-alala kayo sa 'kin,"

Matapos sabihin iyon ay agad na nagpaalam si Phoebe sa kanilang apat. Ngunit sa kasagsagan ng pagtalikod ng dalaga ay agad namang nagkatinginan sina Miguel at Roja. Halata sa mga mukha nila na ayaw nilang umalis si Phoebe sa oras ding iyon. Madilim na kasi at baka mapano pa ito.

Sa kabilang banda naman ay ganoon din si Aleman. Problemado siya sa kahihinatnan ni Phoebe kung magkataon. Kaya naman sa mga sandaling iyon ay kulang nalang ay lamunin niya ng buhay si Marco. Nakatayo lamang doon sa kanyang likuran ang binata na tila ba wala talagang balak na baguhin ang kanyang desisyon.

Ngunit kasabay ng pagbukas ng pinto ni Phoebe ay ang agad din nitong paghinto ganon din ang tatlong kalalakihan nang marinig nila ang mga salitang binitawan ni Marco.

"Walang aalis," Kunot-noo niyang anas na agad nilang ikinatitig sa kanya. "Just stay here,"

Si Roja ang nagsalita. "Are you sure?"

Napatango ito. "Bakit gusto niyong magbago ang isip ko?" tanong nito na siyang naging dahilan ng mabilis na pagsara ni Phoebe ng pinto at pag-iling nina Miguel at Roja. "Sa ngayon ay dito ka muna habang wala ka pang nahahanap na bakanteng apartment. Panigurado rin kasing kapag hinayaan kitang umalis ay magwawala ang tatlong unggoy na 'to at baka sa huli ay ako pa ang palayasin nila sa sarili kong apartment,"

Matapos sabihin iyon ay agad na nilisan ni Marco ang lugar na iyon at pagkuwan ay dali-daling nagtungo papasok sa kusina. Habang naiwan naman ang dalawang kalalakihan at si Phoebe na napapangiti sa puntong iyon.

Dali-dali silang napabaling kay Aleman sa mga sandaling iyon at tila ba nagpapasalamat sa ginawa niyang pakikipag-usap kay Marco. Kung tutuusin kasi ay talagang sa kanilang lahat ay siya lang ang may kayang makipaglaro sa ugali ng binata.

Bagamat mas nauna sina Roja at ang kapatid ni Phoebe na makilala ito. Ngunit si Aleman ang mas nakakaalam kung ano ang tinatakbo ng utak ng binata. He treats him like his own brother and he's so lucky to meet Marco even at the most vulnerable time.

"This would be fun," Maya-maya'y basag ng katahimikan ni Aleman. "Sa tingin niyo, sa'n kayang kwarto matutulog si Phoebe? Sa kwarto natin o sa kwarto ni Marco?" Nakangisi nitong anas kasabay ng lihim nilang pagbaling kina Phoebe at Marco na tila ba saliwa sa isa't-isa habang nandoon sa kusina.

Siguiente capítulo