Chapter 17: Ang Prinsesa ng Florania
TAHIMIK na nakaupo si Ruby sa hardin ng palasyo. May lungkot ang kanyang mga mata habang seryoso niyang pinagmamasdan ang mga ulap. Halos humigit isang taon na rin pero malinaw pa rin sa alaala niya ang mga huling nangyari sa mundo nina Richard.
Dugua't nakabulagta sa harapan niya sina Cherry, Aling Gina at si Richard. Isang maputing matanda kasi ang bigla na lamang dumating na may dalang armas na 'di niya malaman ang tawag. Pinatamaan nito ang mag-iina kaya ngayo'y siya na lang ang natitirang nakatayo.
"Hmm... Pretty lady?" wika ni Hanz na dahan-dahan siyang nilapitan.
"Come with me and you'll be safe..."
Dito na siya kinabahan, masama ang mga titig ng matanda sa kanya.
"Masama kang tao! Sinaktan mo sila! Lapastangan!" Pinaghahampas ni Ruby si Hanz pero agad din siya nitong nakapitan.
"Your beautiful huh... and fresh. Hmm..." wika nito sa dalaga na nakuha pa nitong amuyin. Pinwersa ng matanda na maisandal sa dingding si Ruby at dito na siya pinaghahalikan.
"Tulong! Tu--" Pero agad nabusalan ni Hanz ang bibig ng dalaga. Hanggang sa isang tinig ang kanilang narinig.
"Isa kang masamang nilalang! Wala kang respeto sa mga babae... 'Di ka man managot sa batas ng tao... Papanagutin kita sa batas ng mga diwata!"
"Kamatayan!"
Isang magandang babae ang lumitaw at sa kumpas ng kamay nito'y nagbaril sa sarili si Hanz. Agad ngang niyakap ni Ruby ang diwata, takot na takot siya pero naalala niya sina Richard. Napatakbo siya sa binata.
"Gumising ka! Gumising ka," pilit niyang ginising ang walang-malay at duguang binata.
"Maayos na ang lahat," Hindi pa rin siya sumuko at umaasang mumulat ang mata ni Richard.
"Ikinalulungkot ko, Prinsesa Ruby. Subalit ang kasintahan mo'y wala ng buhay. Maging ang pamilya nito," malungkot na winika ng diwata. Dito na humagulhol ng iyak si Ruby. Mahigpit niyang niyakap ang duguang katawan ni Richard.
"Ang daya mo! 'Wag mo akong iwanan..."
Nadudurog sa labis na sakit ang puso ng prinsesa. Maging ang diwata ay tila nadadala rito.
"May alam akong paraan para muli silang mabuhay..." Nasabi ng diwata.
"Iyon ay kung tatanggapin mo ang kapalit nito."
Nabigla si Ruby sa itinanong ng diwata. Mabilis siyang tumayo at sinabing tatanggapin ang kahit anong kapalit.
"Nagbago ka na nga, Prinsesa Ruby," wika ng diwata.
"Ang kapalit ng kaligtasan nila'y ang pagbalik mo sa Florania. Mabubuhay sila at ang lalaking mahal mo... pero, hindi mo na siya makakasama dito sa mundo nila kailanman."
Nakaramdam ng dagdag na lungkot at napaluha lalo si Ruby nang malaman ang kondisyon. Maiiligtas niya ang lalaking pinakamamahal niya pero kapalit no'n ay ang paglalayo ng kanilang landas. Napailing siya, pero kailangan niya iyong gawin.
"Tina... Tinatanggap ko ang kondisyon," At muli niyang niyakap si Richard.
"Para sa 'yo ang gagawin kong ito... Pangako, hinding-hindi kita kakalimutan..."
"Maraming salamat sa lahat... Hin-ding... Hind...i k-kita... mmmakaka...limutan..."
Ginawaran niya ng halik sa pisngi si Richard. Umaagos ang napakarami niyang luha. Hindi niya matanggap na magkakalayo sila ng binata... Ngunit iyon lang ang paraan at handa niyang isakripisyo ang kaligtasan nila para sa kanyang kaligayahan.
"Paalam... Prinsipe ko.
At sa isang kumpas-kamay ng diwata... sa isang iglap ay nabago ang lahat. Napunta sa ospital ang mag-iina at sa paggising nila'y may maganda na silang buhay. Kapalit ng lahat ng 'yon ay ang pagkakabalik ni Ruby sa Florania. Nalaman niya na nagkasakit pala ang ama niyang hari dahil sa pag-aalala sa nawawalang anak. Umiyak nang umiyak si Ruby habang niyayakap ang ama habang nakahiga sa kama. Nangako siya na magbabago na at magiging isang mabuting prinsesa. Ibinalita agad sa buong Florania ang muling pagbabalik ng niya. Parang isang himala pa nga na biglang bumuti ang kalusugan ng hari makalipas ang ilang araw at agad itong nagsabi na magkakaroon ng isang linggong pagdiriwang.
Ikinwento ni Ruby ang lahat ng nangyari sa kanyang ama.
"Walang ipinagbago." Napangiti si Ruby dahil gano'n pa rin ang ayos ng silid niya. Nasa mesa pa rin ang litrato ng kanyang ina. Kinuha niya ito't inilagay sa tapat ng kanyang puso.
"Matagal po akong nawala at marami po akong natutunan..." bulong niya.
Humiga siya sa kanyang kama at tiningnan ang suot niyang singsing... do'n na siya nakaramdam muli ng lungkot.
"Sana man lang ay nakapagpaalam ako sa 'yo nang maayos. Pangako, iingatan ko ito. Mahal na mahal kita, Richard..." Hanggang sa tuluyan na siyang nakatulog.
*****
"RICHARD?"
Isang pamilyar na lalaki ang nakita ni prinsesa Ruby. Hindi siya maaaring magkamali, ito ang lalaking mahal niya. 'Di na siya nagdalawang-isip pa... agad niya itong pinuntahan at niyakap. Ang lalaking nagturo sa kanya na maging masaya, ang nagturo sa kanya kung pa'no magmahal...
"Maraming salamat! Hinding-hindi kita malilimutan." Hinigpitan pa niya ang pagkakayakap dito.
"Mananatili ka sa puso ko... habang-buhay--"
Pinilit pa niyang magtagal sa piling ng binata, pero unti-unti na lang siyang naglaho... Hindi na niya maramdaman ang binata
"Richard!" nagising na lang siya na umiiyak. Ito na nga siguro ang katotohanang dapat niyang tanggapin... na hindi sila magkakatuluyan ng lalaking mahal niya. Magkaiba sila ng mundong ginagalawan. Kung kailan pa niya natutunang magmahal ay do'n pa sila nagkahiwalay. Pero wala na siyang magagawa, kailangan niyang lumayo para mabuhay ito. Kaya nga niya tinanggap na bumalik muli ng Florania, upang muling mabuhay sina Richard.
"Lapastangan! Saan mo ba ako dadalhin? Magdahan-dahan ka nga at narurumihan ako. Grrr! Humanda ka 'pag nakauwi ako ng Florania... Ipapapugot ko ang ulo mo!" wika ni Ruby nang mapunta siya sa mundo ni Richard.
"Eh... Kung hindi kaya kita tulungan. Alam mo, kanina pa akong nabibingi sa iyo. Ang arte mo na, ang yabang mo pa! Sige... umuwi ka na mag-isa. Prinsesa ka, 'di ba? Sige..." Hindi naman natutuwang sagot ng binatang si Richard.
Ngunit kahit ganoon ang naging ugali ng prinsesa'y sa huli'y inalagaan at iningatan siya ng binatang iyon. Na kahit 'di naging maganda ang pakikitungo niya rito ay 'di siya pinabayaan nito.
Bigla pang natawa si Ruby nang maalala niya nang minsang umigib sila ng tubig... Nasuntok ni Aling Susan si Richard dahil sa kanya. Naisip niyang siguro kung sa kanya tumama 'yon ay baka nag-iyak na siya dahil sa sakit. Napangiti siya habang inaalala 'yon. Alam niyang hahanap-hanapin ng kanyang panlasa ang pagkain ng noodles, tuyo, sardinas at kung ano-ano pa na wala sa Florania. Ang luto ni Richard na napakasarap. Napangiti siyang muli nang maalala niyang minsan siya'y nagluto, palaging sunog... pero sarap na sarap si Richard do'n.
Naalala niya rin nang pumunta sila sa Park... Tuwang-tuwa siya sa pagsakay ng tricycle at ang dami pa niyang nakitang matataas na gusali. Gusto niya ulit makasakay do'n, sabi pa niya sa sarili.
"Gusto kong kumain ng ice cream at cotton candy," sabi rin niya. Naalala niya rin ang pagkain nila sa Jollibee, sa kainan na may malaking bubuyog. Lahat ng 'yon ay 'di na niya matitikman dahil walang gano'n sa Florania.
Habang inaalala niya ang mga nangyari ay bigla syang napangiti at napakagat sa labi. Naalala niya bigla ang una niyang halik... ang unang halik kay Richard. Uminom kasi siya no'n ng gin. Napakampay siya ng paa sa ere nang maalala ang matamis at malambot na labi ng binata. Naaalala niya rin ang pagtulog nila na magkatabi... at mas lalo niyang hinangaan si Richard dahil kahit minsan ay 'di siya nito pinagsamantalahan, liban na lamang kapag may pagkakataong nagiging mapusok ang prinsesa.
Ang daming mga masasayang bagay ang nangyari na 'di niya makakalimutan. Ang mga tawanan at asaran... Ang mga lambinga't biruan. Lahat ng 'yon ay alaala na lang at mukhang 'di na mauulit pa. Muli siyang nakaramdam ng lungkot. Gusto niya kasing makitang muli si Richard pero wala na siyang magagawa dahil ito ang kondisyon ng diwata. Kailangan niyang magsimulang muli dito sa Florania. Nagbago na siya at pipilitin niyang sumaya para na rin sa lahat ng mga taong mahalaga sa kanya... kay Richard na hindi na yata niya makikita pa.
Dumaan ang mga araw at lumipas ang mga buwan... Isang mabuti't mapagmahal na prinsesa ang minahal ng mga Floranians. Palagi siyang nakikisalamuha sa mga mamamayan at dahil na rin sa pag-uugali niyang ito'y... marami nang mga prinsipe ang pumupunta sa Florania para siya'y suyuin. Subukang mapaibig.
Karamihan sa mga ito'y mabubuti't maginoo pero kahit isa'y walang napusuan si prinsesa Ruby. Kahit kasi maraming buwan na ang lumipas ay nananatili pa rin sa puso niya si Richard. Hindi naman ito masisi ni haring Alberto dahil batid niya na mahal na mahal ng anak ang binata na nakilala sa mundo ng mga tao.
Hanggang isang araw... Isang normal na araw para sa kaharian ng Florania. Isang mensahe't balita ang natanggap ng palasyo.
"Mahal na Hari! Balitang-balita na ang pagbalik ng pamangkin ng yumaong hari ng Armenia na si prinsipe William... At sa loob ng isang araw ay kinoronahan siya bilang hari. Isang kasaysayan ang kanyang pagiging hari, sapagkat siya ang pinakabata!" paglalahad ng ministro ng Florania. Biglang natawa si haring Alberto, naalala nito nang ito'y minsang dumalaw sa Florania kasama ang amang si prinsipe Arnold.
"Ang palangiting bata na nakausap ko no'n," wika pa ni haring Alberto.
"Nagpadala rin po siya ng mensahe, ipinapaalam po niya na siya'y pupunta rito sa kaharian upang ligawan ang mahal na prinsesa Ruby," dagdag pa ng ministro. Normal lang ang reaksyon ni Haring Alberto, batid nito kasing 'di magtatagumpay ang batang hari. Kahit na gustuhin, nasa prinsesa pa rin ang desisyon sa buhay pag-ibig nito.
"Matagal ang magiging paglalakbay nila papunta rito, mapapaghandaan pa natin ang kanilang padating," wika ng hari.
Kinagabihan, tinungo ng hari ang kanyang anak na si Ruby sa silid nito. Naabutan nitong nakadungaw sa bintana ang dalaga at mukhang may malalim na iniisip.
"Mukhang may bumabagabag sa maganda kong prinsesa?" wika ni haring Alberto. Niyakap agad siya ng prinsesa matapos iyon.
"Ama, hanggang ngayon kasi'y... hinahanap-hanap ko pa rin si Richard."
"Hindi mawala ang kagustuhan kong makita siya..."
"Napakaswerte ng binatang 'yan. Totoo't wagas ang pagmamahal mo sa kanya..." wika ni Haring Alberto.
"Pero 'wag ka nang malungkot, balang-araw... malay mo, makahanap ka ng kagaya niya. Kaya anak, ngumiti ka na... papangit ka n'yan."
"Eh... Si ama talaga." Napangiti na tuloy si Ruby.
Naupo sila sa kama, dito na naisipan ng hari na ikwento ang tungkol kay haring William.
"Anak, natatandaan mo pa ba si prinsipe William?" tanong nito sa prinsesa. Napakunot naman ng noo si Ruby.
"Prinsesa... Kapag ako ay lumaki... Pangako, babalik ako rito para pakasalan ka!"
Natawa bigla nang bahagya si Ruby nang maalala niya 'yon. Napangiti siya nang hindi inaasahan. Naalala niya si Richard. Imposible man, pero tila magkahawig ang batang prinsipe at ang binata para sa kanya.
"Ano ang dahilan ng iyong pagtawa?" tanong ng hari.
"Alam n'yo ba ama... Baka 'di n'yo paniwalaan ang aking sasabihin... Nang nakilala ko kasi si Richard ay bigla kong naalala ang batang nakilala ko no'n... si prinsipe William. 'Di ko nga maintindihan kung bakit ganoon..." pagtataka ng prinsesa. Si William na makulit at nagawa siyang mapatawa nang mga panahong iyon.
"Bakit n'yo nga po pala naitanong?" dagdag pa ng prinsesa.
"Naaalala mo pa siguro ang nangyari no'n sa Armenia... Biglang nawala sina prinsipe Arnold kasama ang mag-ina niya at makalipas ang napakaraming taon... Bumalik ang anak nito, si prinsipe William at siya na ngayon ang hari ng Armenia," kwento ng Hari sa anak niya.
"Nagpadala siya ng mensahe. Pupunta raw siya rito upang ikaw ay ligawan..."
Natahimik bigla si prinsesa Ruby, "Ayos lang ama na ligawan niya ako... Pero alam n'yo na ang mangyayari..."
"Hindi niya kayang tumbasan si Richard... kahit siya pa ang hari ng Armenia."
Sa kabila noon, may isang hindi pangkaraniwang kabog sa dibdib ang biglaang naramdaman ng prinsesa.