webnovel

KABANATA 16

PAPUNTA kami ngayon sa office ng school para makipag-usap kay Cid at sa ama nito. Nasa unahan namin si Dexter kaya kitang-kita ko ang mukha niya. Hindi ko alam ang iniisip nito. Nakangiti siya at parang may pinagtatawanan.

"Oh, Tosh, may dumi ba ako sa mukha?" nagtataka nitong tanong sa akin. Biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha nito at seryoso akong tiningnan na tila sinusuyod ang kaloob-looban ko ng kaniyang mapanuring mga mata.

Hindi ko kinayang makipagtitigan kaya ako na ang unang nagbawi ng tingin. "W-wala. Wala naman, Dex," sabi ko na lang. Hindi na ito sumagot pero halatang hindi siya kumbinsido sa sagot ko.

Nang makarating nga kami sa mismong pinto ng office ay tatlong beses na kumatok si Dexter bago binuksan ang pintuan. Kitang-kita ko ang prenteng nakaupo na si Cid at si Mang Pilo.

Agad na kumulo ang dugo ko sa pagiging kalmado ng mga ito. Maging ang katabi kong si Nakame ay gustong manapak ngunit mahigpit na hinawakan ni Dexter ang mga kamay namin.

Upang mapayapa ang aming mga sarili ay binati kami ni Mr. Suarez at saka kami sinabihan na umupo na. Mabuti na lang at wala dito si Dada, kundi madadagdagan lang ang naranasan nitong trauma kapag nakita nito ang muntik nang makagahasa rito.

"Ipinatawag ko kayo rito dahil gustong makipag-usap nina Cid at Mang Pilo."

"Ano pa bang pag-uusapan, sir? Eh, muntik lang namang mapariwara ang kakambal naming babae dahil sa hayop na iyan!" hindi nakapagtimping sabi ni Nakame. Kasabay niyon ang marahas na pagtayo nito at isang suntok ang pinadapo sa mukha ni Cid.

Agad ko siyang hinila, habang si Mang Pilo ay dinepensahan ang anak nitong si Cid. Nanatili lang nakayuko ang huli, habang si Dexter naman ay tahimik lang na nakamasid.

Mabilis na namagitan si Mr. Suarez. "Tama na iyan, Nakame at Tosh. Naparito lamang sina Cid at ang ama niya para humingi ng tawad sa nangyari."

"Sorry? Para saan? Alam mo ba, Cid, muntik mo nang maga. . ." hindi nito naituloy ang sasabihin at malakas na napamura. "Grabeng trauma ang inabot ni Dada sa ginawa mo. Ayaw na niyang lumabas dahil sa nangyari kagabi, tapos sorry? Ganon na lang? Ipapakulong ka naming animal ka!"

Halos magliyab ang mga mata ni Nakame.

"Can you sit down first, Mr. Lacus? Kaya nga narito kayo ngayon sa opisina para mapag-usapan ito nang maayos."

Alam kong nagrerelbe na ang kalooban ni Nakame, naiintindihan ko ito. Ngunit kailangan na muna naming manahimik para sa ikakaayos ng kaso ni Dada. Napatingin ako kay Dexter na agad nagsalita nang makaupo kami ni Nakame.

"Maaayos naman ito, Mr. Suarez. Hindi kami magdedemanda dahil alam naming mahirap lamang sina Cid at higit sa lahat ay hindi maipapakulong ito dahil tulad namin ay menor de edad pa lang si Cid."

Hindi ko alam kung ano ang tinutumbok ni Dexter, hinayaan ko na lang ito ang makipag-usap tutal ay siya ang nakakaalam ng ikakaayos ng kaso ni Dada. Tumango-tango lang si Mr. Suarez at hinayaang magpatuloy sa pagsasalita si Dexter. "Hindi kami magpapasa ng demanda sa korte kong papayag sila sa kondisyon namin."

"A-anong kondisyon?"ani Mang Pilo, samantalang si Cid ay nanatiling nakayuko.

"Magdrop-out ka sa school na ito, Cid, at mangibang bayan kayo," simpleng sabi ni Dexter ngunit pansin kong may kalakip iyong gigil.

"Hindi maari ang sinasabi mo. Scholar ang anak ko sa school na ito. Mahihirapan kaming makalipat sa ibang bayan dahil narito sa bayang ito ang nag-iisang lupang kinatitirikan ng bahay namin."

Bagamat nakangisi ay kitang-kita ko ang pagkairitang bumadha sa mukha ni Dexter. "Wala akong pakialam! Kung ayaw mong sapilitang ipakulong namin ang anak mo ay sumunod na lang kayo sa kondisyon ko."

Ang tahimik na nakikinig lang na si Cid ay tila nagpanting ang tainga dahil sa klase ng pakikipag-usap ni Dexter sa ama nito. "Sobra ka naman, Dex! Ako ang may kasalanan sa inyo hindi ang ama ko kaya puwede bang igalang mo naman siya?!"

Napailing-iling si Dex habang diretsong nakatitig kay Cid na inaalayan ng ama nito. "Im just giving you better option, Cid. Akala mo ba ay maipagpapatuloy mo pa ang pagiging scholar dito sa school na ito? Eh, di ba dinurog ko na nga iyang dalawang binti mo? Kaya wala ka nang kakayahan pang makapaglaro ng basketball kung saan ka scholar. At saka, Mang Pilo, kalat na kalat na sa buong bayan ang ginawa ni Cid. Kakayanin nyo ba ang panglilibak ng mga tao? Kung gusto mong igalang ko ang ama mo, Cid, dapat unahin mo munang igalang ang sarili mo."

Napayuko na lang ang mag-ama sa tinuran ni Dexter.

Mayamaya ay nagpaalam na ang mag-ama para umalis.

"So, sinasang-ayunan nyo na ang sinabi ko, Cid?"

Matalim lang na napatingin si Cid habang si Mang Pilo ay nakaiwas ang tingin.

"Aalis ako sa school na ito Dexter pero hindi kami aalis ng tatay ko sa bayan na ito, dahil dito kami nabuhay. Dito rin kami mamamatay!"

Blangko lang na nakatitig si Dexter sa mag-ama, ramdam ko ang tinitimping galit nito. "Okay, sige, Cid at Mang Pilo. Kung iyan ang desisyon ninyo ay hindi ko kayo mapipilit. Pero sana hindi ninyo ito pagsisihan balang araw."

Siguiente capítulo