webnovel

CHAPTER 15

ISANG kaibigan na naman ang nalagas sa magbabarkada. Ang dating pito ay tatlo na lamang.

Nasa burol ang mga ito ngayon ni Tim. Nang mapuntahan si Tim sa kuwarto nito ay nakita na lang itong nakasabit gamit ang lubid na itinali sa isang pakong nakakubli sa kisame. Nangingitim na ang mukha nito habang ang dila ay nakalaylay na, ang isang mata ay tuluyan nang lumabas. Kagimbal-gimbal itong tingnan.

Nakaupo lamang sina Jacob, Nana at Girly. Umiiyak si Girly habang yakap ni Nana. "Ba-bakit ba nangyayari sa... sa atin ito? Isinumpa ba tayo? Sino naman ang su-susunod? Ako?" tanong ni Girly, halos hindi makapagsalita dahil sa sobrang pag-iyak.

"Ssshhh, tahan na, Girly. Hindi namin hahayaang may mangyaring masama sa 'yo," pag-aalo ni Nana.

Tumingin dito si Girly, pinakatitigan si Nana. Nagulat si Nana nang sampalin siya ni Girly. Lumayo si Girly kay Nana.

"Ikaw. Ikaw ang may dala ng kamalasan sa atin Nana!" sigaw ni Girly, tiningnan ng masama si Nana. Dahil doon ay nakuha na nito ang atensiyon ng ibang bisita.

Pinuntahan ni Jacob si Nana, pinatayo. "Ano bang pinagsasabi mo diyan, Girly?" pagalit na tanong ni Jacob.

"Lumayo ka sa kanya, Jacob. Siya ang nagdala ng malas sa atin. Dahil may kakambal 'yang engkanto. Malas 'yan. Dahil sa kanya isa-isa na tayong mamamatay. Marahil ay gumaganti ang engkanto niyang kambal," sabi ni Girly habang dinuduro-duro pa si Nana.

Ang mga tsismoso at tsismosa ay nakikinig at tumatango-tango. Alam ng mga nandito ang tungkol sa tsismis noon pa na engkanto ang kakambal ni Nana.

"Paalisin niyo ang babaeng 'yan dito. Malas lang ang dala niyan! Nang dahil sa kanya isa-isang namamatay ang mga kaibigan ko!"

Hindi makapaniwala si Nana sa narinig. Kaibigan niya? Kaibigan ko rin naman sila, ah? tanong nito sa kanyang isipan. Sasagot pa sana si Nana pero hindi na natuloy dahil hinigit na ito ni Jacob papalayo bago pa ito kaladkarin ng ibang bisita doon.

Nakasakay na ngayon sina Jacob at Nana sa sasakyan ng lalaki. Napaiyak si Nana dahil sa tinuran ni Girly.

Diyos ko, bantayan niyo po ang aking kaibigan. Hindi niya po alam ang ginagawa niya, dasal pa ni Nana.

"Malas ba talaga ako?" sambit ni Nana sa sarili, pero narinig iyon ni Jacob.

"Huwag mong sabihin 'yan, Nana. Hindi ka malas. Huwag mo nang isipin ang sinabi ni Girly kanina, nadala lamang siya sa kalungkutan dahil sa pagkawala ni Tim," pagpapagaan loob ni Jacob kay Nana.

"Paano nga kung ako lang ang kailangan ni Tina? Na hindi siya titigil hangga't hindi ako sumasama sa kanya? Baka ikaw din ay mapahamak dahil sa 'kin," malungkot na sabi ni Nana.

"Nana naman. Huwag mong sabihin iyan. Sasamahan kita kung ano mang binabalak mong gawin, tayo na lang ang magkakampi dito. Sabay nating lulutasin ito," usal ni Jacob.

Tumango na lamang si Nana. Hindi. Hindi ko papayagang madamay ka rito, Jacob. Ako lang ang kailangan niya, sabi ni Nana sa loob nito.

Nakauwi na si Nana. Mas lalo itong nalungkot dahil ito na lamang ang mag-isa sa bahay. Kung narito lang si Tina at magkaayos kami, hindi kaya magiging ganito buhay ko? tanong ni Nana sa sarili.

Inaamin nito na namimiss na nito si Tina. At nagsisisi si Nana sa mga kasamaang nagawa sa kakambal. Pero nasa huli talaga ang pagsisisi. Napaupo na lang si Nana sa sofa at napaiyak. Baka nga dahil sa akin kaya nangyayari ito. Patawarin mo ako, Tina, sa lahat ng nagawa namin noon.

Sa pagkakataong iyon ay gusto na lamang ni Nana na maglaho pero alam nitong hindi dapat takbuhan ang problema.

Biglang nakaramdam ng panlalamig si Nana at napayakap sa sarili. Pakiramdam nito ay parang may yumakap dito, ipinaparating na maayos lang ang lahat. Nararamdaman nito si Tina. Tina?

"Tina? Ikaw ba talaga 'to?" tanong ni Nana, parang kumakausap sa hangin. Kung may makakakita man dito ay mapagkakamalan itong baliw.

Walang sumagot. Kahit hindi alam ni Nana kung sino ba talaga iyon ay parang gumaan ang pakiramdam nito at unti-unting bumibigat ang talukap ng mga mata. Pero bago pa ito makatulog ay may narinig muna itong isang mahinang boses.

"Nandito lang ako sa tabi mo, Nana..."

Siguiente capítulo