webnovel

Sarili

Kinailangan kong humilata sa tabing kalsada sa ilalim ng puno sa pagod kakatakbo. Hindi ko alam kung gaano na ko kalayo kay H. Tumigil lang ako sa pagtakbo nang hindi ko na naririnig ang hangin at mga batong nagliliparan.

Sa tagal nang panahong naandito ako sa ganitong sitwasyon, ngayon lang ako ulit natakot. Ngayon lang ulit ako tumakbo ng ganito.

Pagod na pagod ako sa pagtakbo na kailangan kong magpahinga. Gulong gulo man ang isip ko pero nagtatalo to sa katotohanang pagod ako. Pinikit ko ang mga mata ko at pinilit magpahinga. Rinig na rinig ko parin ang paghinga ko. Gusto kong itabi sa isip ko na nawalan nanaman ako ng kaibigan.

Inakala ko talagang kaibigan ko si H. Hindi na naman ako bago sa ganun. Ang pinagkaiba lang ngayon, buhay ko ang kapalit.

Malapit na kong makatulog sa pag-iisip nang biglang:

"Dude, 'bat ka tumakbo?"

Napatalon ako sa gulat sa kinatatayuan ko. Gulat at takot dahil boses yun ni H. Nasundan niya ko. Bigla akong napatayo at nakita kong andun sya. Inosenteng nakatayo sa harapan ko.

"Bakit ako tumakbo!?!?" galit 'kong tanong.

"Sinabi mong mamatay ako! Sabay nag 'earth bend' ka para gumawa ng higanteng orasan sa likuran mo, tapos nag air bending ka din! Halos pabagyuhin mo yung paligid! Dude! Ano? Aantayin kong mag avatar state ka?" sobrang nerd ko, alam ko - pero ganun ka eksakto ang ginawa niya. Sobrang cool nun alam ko pero kasi narinig kong hindi na ko makakabalik sa totoong oras at mamamatay ako kapag nangyari yun, kaya nakakatakot yung mga ganung eksena.

"Sabi mo kasi bored ka. Haha." patawa parin ang sagot niya. Nagagalit na ko. Pakiramdam ko pinaglalaruan niya na ko. Pina power trip niya ko dahil lang alam niyang wala akong magagawa.

"Isa pa, kung gusto kitang patayin, Sept..." nawala ang ngiti sa mukha niya. "Hindi na kailangan dahil..."

"...ganun na ang mga susunod na mangyayari." tumingin sya sakin. Tingin na dapat naiintindihan ko na kung nasan ako at kung anong sunod na makukuha kong mga sagot.

Nakaramdam ako ng galit dahil nagkaron ako ng hinala kung sino talaga si H - kung bakit madami syang alam sa buhay ko at kung bakit makapangyarihan sya. Sa kabila ng hinala na yun, kailangan ko syang tanungin:

"Mabuti ka ba o masama?"

Nakita ko sa mga mata niya ang lungkot. Mukang nalaman niya na ang iniisip ko. Nababasa niya ang naiisip ko. Nababasa niya ang bawat salitang umaandar sa isip ko.

"Mabuti" diretso niyang sagot

.

Naalala ko ang kapirasong naramdaman ko bago magsimulang huminto ang oras. Nabadtrip lang ako. May naramdaman ba kong konting kirot sa dibdib? Konti nga lang ba ang naramdaman ko? O talagang wala akong naramdaman?

Hindi ko matanggap na yun ang huli kong ginawa kay Mama, yun ang huli kong ginawa sa career ko at umabot ako sa huling sandali ng hindi ko pinatawad si Elya.

Hindi ko matanggap. Alam kong may magagawa si H para hindi yun ang mangyari. Alam ko na ang kaya niyang gawin, alam kong may magagawa sya. Siya na lang ang pag-asa ko at kailangan kong makumbinsi syang ilabas ako sa bangungot na 'to.

Agad akong tumakbo sa may tulay na malapit at tumayo sa harang at nagtatangkang tatalon. "Tatalon ako!" pananakot ko sa kanya.

Naglalakad lang sya palapit sakin habang nagsisisigaw ako na tatalon ako. "Tatalon talaga ko!"

"Dude! Anong pag iisip yan?" sigaw niya nang medyo malapit na sya sakin. "Ayaw mong mamatay kaya magpapakamatay ka na lang?" paliwanag niya.

Bobong bobo na ko alam ko pero hindi niyo ko masisisi kung takot na takot na din ako. Buhay ko ang kapalit at nakataya. Kailangan ko ng ideya - kahit anong ideya, pangit o maganda.

"Mas maigi nang ako ang pumatay sa sarili ko kesa ikaw!" palusot ko na kunyari may pride pa rin ako kahit pang ewan yung dahilan ko.

"Anong pinagkaiba nun sa tingin mo? Ay teka, meron, yung atake sa puso makikita agad ang bangkay mo at maayos ka sa kabaong - kapag naman tumalon ka dyan ilang araw ka pa bago makita tapos siguradong ang pangit mo na by that time. Pero, kung tutuusin, IT DOESN'T EVEN MATTER. Patay ka din naman" paliwanag niya. Hindi magaling na negotiator ng nag a attempt ng suicide si H pero nakumbinsi niya ko dahil wala naman talaga kong balak mag suicide. O baka kasi alam niyang di ko naman talaga balak ituloy? Niloloko ko lang talaga sya para ilabas niya ko sa nakahintong oras na 'to. Desperado na ko.

Nakita ko ang isang babaeng nakatayo sa tabi ng tulay. Hindi ako sigurado pero mukang si ate ang malungkot at mukang itutuloy ang pagtalon sa tuloy, buti na lang at huminto ang oras. Hanggang sa makaisip ako ng masamang plano.

Agad akong kumuha ng stick ng kahoy at tinutok ko sa lalamunan niya. "Ilabas mo ko dito o papatayin ko to si ate!" pagbabanta ko. Nanginginig na ko sa takot. Hindi ko kayang pumatay, alam ni H yun pero hindi ko malalaman kung hindi ko susubukan, kailangan kong lumabas. Kailangan kong umuwi kay Mama. Hindi pwedeng yun ang huli kong ginawa. Parang manikin lang ang babae habang pinagbabantaan ko ang buhay niya. Sa kauna-unahang pagkakataon, nagbanta ako ng buhay ng isang tao.

"Takot ka sa dugo." sagot ni H na may halong pagkadismaya. Wala talagang solusyon sa ganto. Mahirap kalaban si H lalo na't marami syang alam tungkol sakin.

"Isa pa, totoong mamamatay sila kapag nagpaka Jack the reaper ka dito pero..." dahan dahan syang nalapit at kinukuha ang stick sa kamay ko at binato sa tulay.

"Kailangan mong kumalma, ok?" sabi niyang kasabay ng pagtapik ng balikat ko. Hinawakan niya din sa balikat ang babae at sinabi ang kaparehong mga salita.

"Kailangan mong kumalma..."Dinala niya nag babae palayo sa tulay at inihiga niya sa lilim ng puno. May mga binulong sya sa tenga ng babae pero hindi ko alam kung sobrang hina o mga salitang hindi ko maintindihan ang mga sinabi niya.

"Siguro alam mo na sa puntong 'to na, walang imposible sakin?" kalmado syang ngumiti.

"Pwede kang magbasabog ng isang buong building, pero alam kong alam mo na kaya kong ibalik yun. Kaya mong pumatay ng physical, totoo yun. Pero alam mong kaya kong bawiin ang ginawa mo"

"Hindi mo din naman gagawin yun dahil hindi ka ganun ka samang tao, Sept. Hindi mo kailangang magsinungaling sakin."

Napaluhod ako, napadapa sa lupa at napahagulgol sa iyak. Ito na ang katapusan ng buhay ko. Atake sa puso ang ikinamatay ko at ngayon siguradong hindi ako tatanggapin ni H sa kung saang maiging lugar man dapat dinadala ang mga mabubuting tao. Makasarili ako, sya na mismo ang nagsabi.

"Ikakamatay..." pagtatama niya sa naiisip ko. "Nasa loob tayo ng huling tibok ng puso mo. Huling tibok ni Sept. Ang kaliitliitan mong pagkakataon"

Pagkakataon?

"Mapupunta ba ko sa baba?" tanong ko. Hindi ako relihiyosong tao. Hindi ako panatiko niya. Hindi ako karapatdapat na isama niya.

"Dapat… I mean, lahat naman ng tao, dapat. Lahat kayo may kanya kanyang dahilan para mapunta dun sa lugar na iniisip mo. Mula sa mga naiisip mong malalala tulad ng pagpatay ng tao hanggang sa simpleng pagsisinungaling." simpleng sagot lang binigay niya. "Pero, kung makikilala mo ko, malalaman mong wala akong balak sumuko sa mga taong mahal ko."

���Isang persona ang namatay sa krus para sa'yo. Ano pa sa tingin mo ang hindi kayang gawin para maligtas lang kayo?" madiin ang pagkakasabi niya nito na parang sinasabing itatak ko 'to sa isipan ko.

Takot man ako sa mga ngiti niya pero nakakakalma ang mga sinabi niya. May pag-asa pa ko? Pero mas gusto ko sanang mabuhay pa. Mas gusto ko pa sanang makuha ang mga gusto ko. Mas gusto kong mabuhay para sa sarili ko.

"Pero syempre, lagi 'tong nasa desisyon mo. Kung tatanggapin mo ko ng totoo sa puso mo. At ulit, wag mong tatangkaing magsinungaling o magsabi ng hindi bukal sa puso dahil ang magiging problema natin ngayon..." lumapit sya sakin at hinawakan ang puso ko. Hindi metaphor! Literal! Totoong pumasok ang kamay niya sa dibdib ko, naramdaman ko pa ang kamay niya sa tumitibok kong puso.

Hawak niya ang buhay ko, kayang kaya niyang pisilin yun at katapusan ko na kaagad. Hindi niya tinatanggal ang tingin niya sa mga mata ko - nang bigla niya hinugot ang mga kamay niya dala dala ang isang kwintas na may maliit na pendant na kulay puti.

Pinakita niya sakin at sumenyas na isuot ko ang kwintas. "...Nakikita ko ang puso mo kapag nagsasabi ka ng totoo."

"Subukan mong magsabi ng kasinungalingan." utos niya. Nalilito pa ko kung anong sasabihin ko.

"Ahmm.. kulay pula ang suot mo?" pagkasabi ko nito, mula sa puti, umilaw ang pendant ng kulay berde.

Tumingin sya sakin na parang nagma magic trick.

"OHA!" pagpapasikat niya. Dude, nag earth bending ka na sa harapan ko, tingin mo magugulat pa ko ng legit na lie detector test?

"Gusto ko yang suot mo" - berde

"Nababad trip na ko" - puti

"TRAYDOR KA!" - puti

"Ha! Kahit sarili mong imbensyon sang ayon sakin na traydor ka talaga" pagmamalaki ko.

"Hindi ibig sabihing totoo sa puso mo ang sinasabi mo eh yun na ang TOTOONG totoo. May Universal truth tayo, alam mo yun. Sincerity test lang yan para sa'yo. Alam mong hindi ko kelangan niyan." pagyayabang niya.

Alam niya ang puso ko. Mas malala pa to sa pekeng lie detecting test na napapanuod ko sa TV. Alam kong patay agad ako kapag nagkatanungan kung karapatdapat ako sa langit. Kapag tinanong niya lahat ng ginawa ko sa lupa, kung naging mabuti ba kong tao, kung naging mapagpatawad ba ko, siguradong sya na mismo maghahatid sakin sa kung saan ako dapat.

Pero kung naging masama man akong tao, dahil yun sa mga nasa paligid ko! Dahil yun sa lahat ng ginawa nila sakin! Sinubukan kong maging mabuti! May mga taong dapat sisihin sa lahat ng mga maling ginawa ko. Kasalanan 'to ni Mama at ng boyfriend niya. Kasalanan ng lahat ng nanakit sakin. Hindi ko kasalanan kung bakit kailangan ko lang mabuhay ng mag-isa!

"Bakit ngayon ka lang nagpakita o nagparamdam manlang?" tanong ko nang punong puno ng galit at panunumbat.

Ang tagal tagal kong nagdadasal. Ang tagal tagal kong naniwala na walang imposible sa'yo. Ang tagal na pala talaga kitang tinuring na kaibigan - tapos lilitaw ka lang sa huling tibok ng puso ko? Papaniwalaing may kontrol ako sa lahat hanggang sabihin sakin na katapusan ko na?

"Bakit ngayon mo lang ako nakita o naramdaman manlang?" balik na tanong niya. "Ngayon, kailangan mo nang masagot ang tanong ko, Sept. Anong nangyari? Bakit ka nagdesisyong isipin mo lang ang sarili mo?"

Ang una kong ginawa sa paghinto ng oras ay gumanti. Sunod, kumuha ako ng mga bagay na hindi sakin. Bakit hindi ko naisip na gumawa ng para sa mundo? Puro para sakin ang ginawa ko. Halos kada takbo ng isip ko may sasagi sakin na kapakanan ng iba pero tinatanggal ko lahat sa isipan ko. Inisip ko na para sakin ang lahat ng nangyayaring 'to.

Bakit ako naging makasarili?

Dahil kay Mama, dahil kay Elya. Dahil sa lahat ng taong nakapaligid sakin. Hindi ko kasalanan, wala akong kasalanan. May mga rason ako kung bakit

Bawat salita niya parang naturok sa puso ko. Laging kong hinihiling na makausap ko sya. Hindi lang sa panalangin, hindi lang sa salita ng iba kundi marinig ko sya talaga. At ngayon, kinakausap niya ko at tinatanong ng mahirap na tanong.

"Lagi akong pangalawa, H" halos hindi ko masabi habang nakatingin ako ng diretso sa kanya.

"Lagi akong pangalawa. Hindi ko manlang natanggap ang recognition na kaya ko sa career, mabilis lang akong pinalitan ng babaeng minahal ko ng totoo at higit sa lahat, nalaman kong pangalawa lang ako sa lalaking minahal ni Mama.

Hindi ko makita ang halaga ko sa mga tao. Lagi akong huling napipiling kapareha sa P.E. Insignificant ako sa klase. Hindi ko kayang mag stand out. Isa lang ako sa marami.

Naisip kong hindi mo ko nakikita. Inisip kong walang kwenta ang mga dasal ko dahil sa dami naming naghahangad ng pabor mo. Madami kaming nahiling. Madami kaming hangad pero halatang halata kong iba ang dasal na sinasagot mo.

At ngayon, huli na lahat. Huli na para magsisi ako. Dapat tinanggap kita tulad ng mga sinasabi ng mga Pastor katulad ng taong yan. Ngayon alam kong di mo ko tatanggapin kasama ka. Dahil makasarili ako." Natural ang mga salitang lumabas sakin. Lumabas ang lungkot na sa matagal na panahon ko nang tinatago.

"Hindi mo ko matatanggap kung iniisip mo ang sarili mo. Hindi mo ko 'matatanggap' kung iniisip mong wala kang kasalanan sa lahat ng mga nangyari sa buhay mo. Hindi magwu work yung iniisip mong apology para maligtas ka lang, hindi dahil nakikita mong may mali ka sa mga actions na ginawa mo. Papano kukunin sayo ang kasalanan mo kung hindi mo matanggap na yung mga kasalanan na 'yun ay nasa mga kamay mo talaga?

'Wag kang mag alala. Hindi tayo magko compute ng mga mali mo. Magku kwentuhan lang tayo, tulad ng lagi nating gingawa." buntong hininga ang ginawa niya bago sya magsalita ulit.

"May isang kwento kang nalilimutan..." sagot niya. Magkahalong lungkot at pag-asa ang boses niya habang nakatingin sa kawalan.

"Sa dami nang kwento ng mga tao ang nasabi ko sayo, sa haba ng panahong na andito tayo. May isang kwentong malapit sayo na hindi ko pa nasasabi." Lumingon sya sakin at unti unting lumapit.

At sa isang iglap, nagbago ang anyo ni H. Hindi na sya yung pastor na nakikita ko. Naging ako sya. Pero ganun parin ang suot niya. Waw, hindi bagay sakin yung ganung suot. Ang weird makitang ganun ang itsura ko.

Hindi 'to katulad nang makita ko ang sarili ko sa salamin. Ang nakikita ko sa salamin ay yung mga anggulo na gusto ko. Anggulo na natingin ng direkta sa mga mata ko. Anggulo na may mga magaganda kong katangian - confident.

Iba 'to. Nakikita ko lahat ng mali ko. Lahat ng hindi tama sakin. Kitang kita ko na hindi ako deserving sa lahat ng nakuha ko. Kitang kita ko na hindi ko kaya. Takot - ito ang nakita ko sa mga mata ng 'Ako' na nasa harapan ko. Hindi sapat. Pangalawa lagi.

"Sabi mo hindi tayo magbibilangan ng mga mali ko?" ito lang ang mga nasabi ko kay H. Wala akong pang depensa sa lahat ng nakita ko. Totoo lahat ng 'yun.

"Hindi tayo nagbibilangan ng mali. Nilagay lang kita sa kinatatayuan ng mga taong tinitignan mo. Hindi salamin ng tingin mo sa sarili mo kundi salamin ng kung papano mo tignan ang iba. Same measurement of judgment to others applied to you." paliwanag niya.

"Pero, hindi mo nakikita lahat. May mga bagay na nagbulagbulagan ka. May mga bagay na inalis mo sa mata mo. May mga mahahalagang bagay ang hindi na nakikita ng mga mata mo." dalawang palakpak ang ginawa niya para mapa pikit ako. Pagmulat ng mga mata ko, bumalik sya sa dating muka na pinapakita niya sakin.

"Nakalimutan mo ang kwento ni Sept"

Isang kisapmata lang ang bilang para mapunta kami sa dati naming bahay. Sa dati naming baryo. Gusto kong itanong kay H kung bakit kami nandidito pero hindi ko maibuka ang bibig ko. Hanggang isang bata ang tumakbo sa bandang likuran ko.

"Mama!" sigaw niya. Si Sept.

Isang batang walang kamuwang muwang at may liwanag ang mukha. Hindi tulad ng Sept na nasalamin ko kay H.

"Nasan tayo?" tanong ko sa isip ko dahil hindi ko maibuka ang bibig ko.

"Nasa mga kwento ng huling tibok" nakangiti si H habang nakatingin sa paligid.

Mga kwento ng isang tibok?

Siguiente capítulo