webnovel

Kabanata 6

"Ito pala ang kakayahan ng isang Fortem," nakangising sabi no'ng lalaki, nakasuot siya ng maskara kaya hindi ko malalaman kung ano ba talaga ang hitsura niya. "Unbelievable. You already summoned your Telum even without proper training."

Itinulak ko siya nang napakalakas gamit ang hawak kong sandata, medyo lumayo siya sa akin pero hindi sapat ang ginawa ko para hindi niya ako mahabol.

"Pity. Walang magliligtas sa 'yo ngayon, Fortem. Nakakalungkot, hindi man lang masisilayan ng pinuno ng Alhesia ang napakahalaga nilang Fortem bago ito namatay, ano na lang ka—"

Hindi naituloy ng lalaki ang sasabihin niya dahil may biglang tumagos na medyo mahabang kutsilyo sa leeg niya. Nasa likuran niya na pala si Vera na ngayon ay kulay violet na ang mga mata.

"H'wag ka namang bastos, sa tingin mo ba, gano'n na lang kadaling matalo ang B-rank ng Alhesia? Gano'n ba kababa ang tingin niyo sa amin?" tanong ni Vera tsaka inalis ang sandata niya, unti-unting bumuhos ang dugo no'ng lalaki, ngunit hindi kulay pula ang dugo niya, kundi kulay violet din.

Kung kalaban namin siya, ibig sabihin, isa siyang Prodigium. Hindi ko inaasahan na kahit sa anong oras ay maaaring may pumatay sa 'kin, kailangan ko talagang matutong gumamit ng sarili kong kapangyarihan sa lalong madaling panahon, alam ko kasing hindi lang buhay ko ang pwedeng mapahamak, kundi pati na rin ang buhay ng pamilya ko.

"Magaling ka, ngunit sa tingin mo ba... ito talaga ang pakay ko? Paano kung isa lamang akong distraksyon para maging matagumpay ang misyon ng mga kasama ko? Nag-iisip ka ba?" nakangising tanong ng Prodigium sa harap namin, nakita ko namang may sumilay din na ngisi sa mga labi ni Vera. Akala ko, aatakihin niya pa 'yung kalaban pero nanatili lang siyang nakatayo sa harapan ko.

"Any moment now," bulong niya. Pakalipas ng tatlong segundo, tuluyan na ngang bumagsak ang katawan ng kalaban at naging abo ito.

"P-Paano?" Nakita ko ang pagngisi ni Vera, inalis niya na rin naman 'yung Telum niya.

"Simple lang, may poison ang Telum ko, nakakamatay ang poison na taglay nito just within 5 seconds." Bigla akong kinabahan dahil sa sinabi niya, kayang-kaya niya pala akong patayin ngayon. Myghad, kailangan ko na talagang mag-ingat sa mga sinasabi ko sa harap niya, baka mawalan siya ng pasensya sa akin e.

Tiningnan ko naman pagkatapos ang pulang pana na hawak-hawak ko, unti-unti na itong nawawala, ramdam ko rin ang panghihina ng katawan ko.

Fudge, hindi ko alam na masyadong nakakakuha ng lakas 'yong ginawa ko.

"Ally, okay ka lang ba?" tanong sa akin ni Vera, ngumiti naman ako tsaka tumango. Kailangan kong umuwi sa bahay namin, baka may nangyaring masama kina Mama at sa mga kapatid ko.

"Vera, kailangan na nating makabalik agad sa bahay namin. Bilisan natin," sabi ko tsaka hinawakan ang kamay niya. Tumango naman siya bilang tugon at tumakbo na nga kami nang napakabilis. Hindi pa nakalipas ng sampung segundo, nakabalik na kaagad kami sa bahay.

Bigla akong dinaluyan ng kaba sa buo kong katawan at nagsitayuan din ang mga balahibo ko no'ng nakita kong sira na ang pintuan namin.

Hindi ko kakayanin na may mangyaring masama sa kanila, hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may nasaktan sa pamilya ko.

"Mama! Andrew! Andrei!" tawag ko sa mga pangalan nila ngunit walang sumasagot, mas lalo akong kinakabahan kapag ganito ang nangyayari.

"Ally, nandito sila, nararamdaman ko. Kasama nila ang ina at mga kapatid mo, h'wag kang mag-alala, papunta na rito si Dashiell. Hindi niya hahayaan na may mangyaring masama sa pamilya mo. Sa ngayon, kailangan nating siguraduhin na hindi nila sasaktan ang pamilya mo, hindi ito ang panahon para maging mahina ka. Kailangan mong maging malakas para iligtas sila," wika ni Vera. Huminga naman ako nang malalim at tumango.

Kailangan kong lakasan ang loob ko para sa kanila, paano ko sila maliligtas kung sa mga ganitong bagay ay titiklop kaagad ako?

"Tara, pumasok na tayo," pag-aaya ko kay Vera. Tumango naman siya.

Dahan-dahan kaming pumasok sa loob ng bahay namin, sobrang gulo ng mga gamit namin, parang may dumaan na napakalakas na bagyo. Natumba na ang cabinet na puno ng mga libro ko, nagkalat din ang mga basag na baso at plato.

"Magandang araw sa iyo, Fortem!" sabay kaming napatingin ni Vera sa hagyan no'ng narinig namin ang malalim na boses ng isang lalaki.

Kulay dilaw ang buhok niya at kasing pula ng rosas ang mga mata niya. Nakangisi lamang siya habang nakatingin sa akin, at dahil sa ngising pinapakita niya, lalong umaapoy sa loob ng katawan ko ang pinaghalong galit at takot.

Galit dahil sa ginawa niya sa bahay namin at sa pamilya ko, at takot dahil hindi namin alam kung ano ang kalagayan ngayon nina Mama, Andrew, at Andrei.

"Ano ang kailangan mo sa 'min?" tanong ko sa kan'ya, mukhang natuwa pa siya dahil tinanong ko 'yon sa kan'ya.

Unti-unti siyang bumaba kaya agad akong napaatras, nakita kong muling bumalik sa kulay lila ang mga mata ni Vera. Hindi pa pinapalabas ni Vera ang Telum niya pero ramdam ko ang pag-iiba ng ihip ng hangin. Mukhang handang patayin ni Vera ang Prodigium na ito sa oras na gumawa siya ng hindi niya magugustuhan.

"Subukan mong gawin ang nasa isip mo ngayon, isang taas ko lamang ng kamay ko ay mamamatay ang pamilya ng Fortem ninyo." Parang tumigil ako sa paghinga nang narinig ko ang sinabi niya.

"Vera, please... h'wag," pakiusap ko sa kan'ya. I don't want to take the risk, alam ko kasing hindi magdadalawang-isip ang kalaban namin sa pagpatay sa buong pamilya ko.

"You don't have to beg, Ally." Napatingin ako sa likuran ko at tumambad nga sa akin ang mukha ni Dashiell. Naging turquoise na rin ang mga mata niya. "Hindi mo kailangang magmakaawa na hindi nila saktan ang pamilya mo, you're better than that."

Nilagpasan niya ako at siya na ang humarap do'n sa Prodigium. Hindi ko na kayang tumingin sa mga mata nila, pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat na tawagin nilang Fortem.

"Pakawalan mo ang pamilya niya," mariin na sabi ni Dashiell ngunit tanging isang nakakainis na ngisi lamang ang iginawad niya.

"Hindi mo 'ko utusan." Lalong namula ang mga mata niya tsaka sumugod bigla kay Dashiell, inilabas na rin ni Dashiell ang Telum niya, susugatan niya na sana 'yung kalaban ngunit umiwas ito.

Nakita kong may sumugod rin kay Vera ngunit mabilis siyang kumilos at agad na pinabagsak 'yung dalawang Prodigiums, abala ang mga kalaban sa pag-atake kina Dashiell at Vera kaya kinuha ko na ang pagkakataon na 'yon para pumunta sa kwarto ko, sigurado akong nando'n sina Mama at ang mga kapatid ko.

Kailangan ko silang puntahan, kailangan kong siguraduhin na walang nangyaring masama sa kanila.

Pipihitin ko na sana ang door knob pero bigla akong nakaramdam ng matalim na bagay sa leeg ko. Tumigil ako sa pagkilos para hindi ako masugatan, nanlalamig ang buong katawan ko. Pakiramdam ko, kaunting sugat lang na makukuha ko mula sa kanila ay masasaktan na ako nang sobra.

Ganito ba talaga kapag natatakot at mahina?

"Sige! Kaunting maling galaw lang ninyo, patay 'tong Fortem na 'to!" sigaw ng lalaking may hawak sa akin, ito 'yung kulay dilaw ang buhok. Nakawala pala siya sa paningin ni Dashiell, at ngayon, ako naman ang hindi makawala.

Nakapulupot ang isa niyang braso sa 'kin habang nakatutok naman ang matatalim niyang kuko sa leeg ko.

"Pakawalan mo siya. Ayokong aksayahin ang lakas ko para sa isang tulad mo," malamig na sabi ni Dashiell, natawa naman ang lalaking nasa likod ko ngayon. Nagsitayuan ang mga balahibo ko no'ng naramdaman kong inaamoy niya na ang buhok at ang leeg ko.

The heck! Hindi lang pala masama ang ugali ng lalaking 'to, manyak din pala!

Lalo akong kinilabutan no'ng naramdaman ko na ang kamay niya sa beywang ko, pilit akong nagpupumiglas pero binabalik niya ang matatalim niyang kuko sa leeg ko. Kaunting galaw lang, matutusok na ako nito.

"B-Bitawan mo 'ko!" sigaw ko para mapakita ko sa kan'yang hindi ako natatakot, pero tinraydor ako ng nanginginig kong boses.

"F*ck. Vera, make a force field!" malakas na sigaw ni Dashiell, agad naman siyang sinunod ni Vera at nakita ko na ngang may bumalot na violet na force field sa buong bahay namin.

Mukhang hindi niya hahayaan na makalabas basta-basta ang mga Prodigiums at hindi niya rin hahayaan na may madamay na iba pang inosenteng tao sa gagawin niya.

"Let go of me!" sigaw ko ngunit mas hinigpitan niya lang ang hawak niya sa akin, binuksan niya ang kwarto ko at nakita ko na nga sina Mama, Andrew, at Andrei na walang malay. "A-Ano ang ginawa mo sa kanila?"

Tumawa siya nang napakalakas at muli akong pinaharap kay Daered. Lumabas na naman ang apoy mula sa Telum niya, matalim din ang paraan ng pagtingin niya sa Prodigium na hawak-hawak ako ngayon.

"Oh ano? Galit ka na?" nakakainsultong tanong niya kay Dashiell. Kung malakas lang ako, hindi ko na kailangan pang hintayin sina Dashiell at Vera para ligtasin ako, kung malakas lang ako, kanina ko pa nakuha sina Mama at kanina ko pa sila naalis sa panganib.

Kaso hindi e, hindi ako malakas. Isa lamang akong pabigat.

"Didn't you hear what she said?" narinig kong tanong ni Dashiell habang umaakyat sa hagdan, si Vera naman ay abala pa rin sa pakikipaglaban sa ibang tao at sa pananatili ng force field na nakapalibot sa amin ngayon.

Habang palapit nang palapit si Dashiell sa amin, dahan-dahan naman kaming umaatras hangga't sa nakapasok na nga kami sa kwarto ko. Sinulyapan ko sina Mama at nakahinga naman ako nang maluwag no'ng nakita kong wala naman silang sugat sa katawan.

"Let go of her," muling sabi ni Dashiell, umiling na lang din naman ang lalaking nasa likod ko bilang sagot. Nakakatakot tingnan ngayon si Dashiell dahil mukhang wala talaga siyang papalagpasin. Napakatinding galit ang makikita sa mga mata niya.

Makalipas ng dalawang segundo, naramdaman ko na lang ang pagluwag ng hawak sa akin ng Prodigium, kinuha ko na 'yung pagkakataon na iyon na makalaya mula sa pagkahawak niya. Agad akong lumapit kina Mama.

Kaya pala lumuwag ang kapit niya sa akin dahil pinutol na ni Dashiell ang dalawa niyang braso gamit ang kan'yang Telum.

"T*ngina! Magbabayad ka sa ginawa mo! Hindi ko hahayaan na magtagumpay kayo!" malakas na sigaw ng Prodigium na 'yon, kasunod no'n ay ang muli niyang pagsigaw dahil sa tindi ng sakit. Napangiwi na lang ako nang nakita kong pinutol pa ni Dashiell ang dalawa niyang paa, at dahil sa napakatinding sugat na natamo niya, unti-unti na siyang nagiging abo.

"Ikaw ang magbabayad sa ginawa mo, isusumpa kita hanggang sa kamatayan mo," malamig na sabi ni Dashiell tsaka tinapakan ang abong iniwan ng Prodigium na 'yon.

Nagkatinginan kaming dalawa ni Dashiell, tumakbo ako papalapit sa kan'ya at niyakap siya nang napakahigpit.

"M-Maraming salamat, Dashiell," mahina kong sabi, naramdaman ko ang pagtapik niya sa likuran ko kaya kumalas na ako sa yakap.

"Tutulungan ko si Vera sa baba, bantayan mo rito ang pamilya mo, kapag may nangyaring masama, tawagin mo lang ako." Tumango na lang ako bilang tugon kaya nagsimula na siyang lumakad pababa, lumapit naman ako kay Mama na ngayon ay wala pa ring malay.

"Ma, gising. Kailangan nating umalis dito." Tinapik-tapik ko ang pisngi niya pero hindi man lang sila nagigising.

"Hindi sila magigising sa ginagawa mo." Mabilis akong napatayo dahil sa malalim na boses na narinig ko sa aking likuran. Itinuon ko ang atensyon ko sa kan'ya, hindi ko naman makita ang mukha niya dahil may suot siyang itim na mask.

"Sino ka? Ano ang kailangan mo?" sunod-sunod kong tanong niya, hindi niya ako sinagot at tinapat na lamang ang kamay niya sa akin. May bumalot na pulang usok sa akin na naging dahilan kung bakit ako hindi makagalaw.

Pilit akong nagpupumiglas lalo na no'ng nakita kong papalapit na siya kina Mama. Sinubukan kong sumigaw pero walang lumalabas na boses sa bibig ko. Tanging iyak na lamang ang kaya kong gawin habang tinitingnan siyang kinukuha sina Mama at ang mga kapatid ko.

"Mas ligtas siya sa 'kin, Ally. H'wag kang mag-alala, hindi ko sila sasaktan, aalagaan ko sila." Parang nabiyak ang puso ko no'ng tuluyan na silang naglaho. Nawala ang pulang usok na nakabalot sa katawan ko, unti-unti akong napaluhod dahil sa biglang pagkawala ng aking lakas.

Napakatindi ng galit na nararamdaman ko ngayon, iyak ako nang iyak at sigaw nang sigaw hanggang sa mabasag ang mga salamin sa kwarto ko. Napatingin ako sa mga pira-pirasong salamin na nahulog sa sahig, nakita kong pula na ang mga mata ko, kakulay na nito ang nagbabagang apoy.

"Ally! Ano ang nangyari?!" Natuon ang atensyon ko sa may pintuan no'ng narinig ko ang boses nina Dashiell at Vera. Hinahabol nilang dalawa ang kanilang mga hininga, nakita ko rin ang pag-aalala sa kanilang mga mata.

"Kinuha niya sina Mama, kailangan nating ibalik dito ang pamilya ko, kailangan natin siyang patayin!"

Nakita kong nagkatinginan sina Dashiell at Vera, umiling si Dashiell at dahan-dahan na lumapit sa akin.

"Calm down, Ally. We need to think about this." Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya, ano ang ibig niyang sabihin? Kailangan pa naming pag-isipan kung pupuntahan na ba namin ngayon sina Mama?

No! Gusto kong puntahan ngayon sina Mama, kailangan ko na silang iligtas. Hindi ko kayang matulog nang hindi nalalaman na maayos ang karamdaman nila.

"Ally..." Hahawakan na sana ako ni Dashiell pero itinapat ko sa kan'ya ang kamay ko, bigla siyang tumilapon sa pader at napasigaw.

Kung pipigilan nila akong makapunta sa Eldarmar, well, hindi ko sila hahayaan na pigilan ako. Walang makakapigil sa akin sa pagligtas ng pamilya ko.

"Vera! Now!" Nakaramdam ako ng hapdi sa leeg ko, napatingin ako kay Vera na ngayon ay may hawak-hawak na needles.

Unti-unting nanlabo ang paningin ko, nawawala rin ang aking balanse at malapit na ring bumagsak ang katawan ko sa mabubog na sahig, mabuti na lang at mabilis na tumakbo papalapit sa akin si Dashiell at hinawakan ako.

"I'm sorry for this, Ally. H'wag kang mag-alala, kukunin natin ang pamilya mo mula sa kanila. Pangako."

— — —

Romans 8:31

What, then, shall we say in response to these things? If God is for us, who can be against us?

Siguiente capítulo