webnovel

Kabanata 50

Kabanata 50

"Sa susunod wala nang late ha! Kumukulo na dugo ko sa inyo!"

Kanina pa kami tapos mag-shoot, pero si Direk, hindi pa rin natatapos sa kakasermon. Aba naman kasi itong si Gio, no'ng isang araw 'di nakapunta sa shooting, ngayon naman ay late! Inis na inis na ang mga staff sa kanya, dahil nade-delay ang pagsu-shooting namin. Isa pa ay alam din kasi ng mga ito na puro kalokohan lang ang inaatupag nito.

Tahimik na lang tuloy kaming nag-ayos ng mga gamit namin. Si Gio lang ang may kasalanan, pero parang lahat kami ay natatakot at nangingilag ngayon kay Direk. Siguro nature na talaga ng mga direktor na maging istrikto.

"Oh ano? Tara na?" nakangiting tanong ni Madam sa amin.

Napangiti naman ako at tumango dahil okay naman na ang mga gamit namin. Naayos na silang lahat ni Eunice.

"Ay, teka, Ma'am! May tawag ka po oh," agap naman ni Eunice sabay abot sa akin ng cellphone ko.

Lihim naman akong napasinghap nang malaman kung sino ang tumatawag. Pilit akong napangiti at tahimik na kinuha ang cellphone ko mula sa mga kamay ni Eunice. Pagkatapos ay napatingin akong muli kay Madam Rhonda.

"Madam, s-sagutin ko lang po 'to, a?" paalam ko naman.

"Oh, sure. Sige lang," sagot naman niya.

Dahil doon ay kaagad na rin akong lumayo sa kanila. Nang makahanap naman ako ng pwestong halos walang tao ay saka ko itinapat sa kanang tainga ko ang cellphone ko.

"Apollo. . . Napatawag ka?" halos pabulong na bungad ko sa kanya.

"Gusto lang sana ulit kitang ayain ngayon. Sana 'di ka na busy," sagot naman niya sa akin.

Napaikom muna ako ng bibig at nag-isip ng isasagot sa kanya. "Uh, teka. . . importante ba 'yan?"

"Oo. Importanteng-importante," seryosong sagot naman niya. "Kaya sana libre ka na ngayon."

"Uh, h-hindi ba makakapaghintay 'yan? Baka pwede namang sa tawag na lang muna tayo magkamustahan?" pagbabaka-sakali ko naman.

"Maureen, itong sasabihin ko sa'yo, matagal mo na sanang nalaman kung hindi ka iwas nang iwas, kaya please naman oh?" Halata ko naman na ang inis at pagka-irita sa boses niya.

"E, ano ba kasi 'yon? Pwede mo namang sabihin na lang sa tawag or—"

"Ganyan ka ba talaga? Pagdating talaga sa'kin wala kang oras? Pero sa kapatid ko, libreng-libre ka?" sarkastikong tanong naman niya kaya natahimik na lang ako bigla. Pakiramdam ko rin ay biglang sumikip ang dibdib ko.

Alam niya. . . Alam niyang nagsinungaling lang ako sa kanya no'ng isang araw.

"Ano? 'Kala mo 'di ko alam?" sabi pa niya kaya't lalong napahigpit ang hawak ko sa cellphone ko. Is he threatening me? Pero gano'n pa man, hindi ko pa rin maiwasan ang ma-guilty. Alam ko naman sa sarili kong ako ang mali.

"S-Sorry. . ." nahihiyang sabi ko nang magkaroon ako ng lakas ng loob.

"Hindi na 'yan mahalaga ngayon. Ang mahalaga, makapag-usap tayo at masabi ko ang lahat-lahat sa'yo," saad pa niya na parang wala lang sa kanya ang ginawa kong kasalanan.

Nakagat ko naman ang ibabang labi ko habang nag-iisip ng itutugon sa kanya. Nagtatalo ang isip at damdamin ko kung papayag ba akong makipagkita sa kanya. Paano kasi kung tama si Zeus? Na may masama lang pala siyang balak? Pero, 'di bale. Wala naman sigurong masama kung papayag ako, 'di ba?

"Sige. Saan tayo magkikita?" diretsong tanong ko nang mabuo na ang desisyon ko.

"Salamat at pumayag ka rin," tuwang saad niya sa kabilang linya. "Magkita na lang tayo sa Chico Café. Walang masyadong tao do'n. Hindi ka makikita ng mga paparazzi, basta't mag-ingat ka lang."

Napatango-tango naman ako. "Hmm. Sige, pupunta 'ko. Ano'ng oras?"

"Ngayon, pwede na ba?" tanong naman niya.

"A—Agad-agad?" gulat na tanong ko naman.

"I'm already here. Ikaw na lang ang hinihintay ko," tugon naman niya. Bakit ba ang seryoso niya ngayon? Nasa'n na ang kapreskuhan niya?

"Sige," sabi ko na lang at saka pinatay ang tawag.

Nagmamadali naman akong bumalik sa kinaroroonan nina Eunice at Madam Rhonda. Ayos na ayos na ang mga gamit at mukhang ako na lang talaga ang hinihintay nila para makaalis. Humugot naman ako ng malalim na hininga bago magsalita.

"Madam, uh, h-hindi pala kami makakasabay sa'yo ngayon," medyo kinakabahang sabi ko, pero sa kabila noon ay pinilit ko pa ring ngumiti.

"Bakit naman? Akala ko ba dadaan tayo sa favorite mall natin?" may pagtatampong tanong pa ni Madam.

"S-Sorry, Madam, medyo napagod po kasi ako sa shoot ngayon, e. Next time na lang po siguro?" pagdadahilan ko naman.

Kusa na rin naman kaming nagkatinginan ni Eunice. Nakikita ko naman sa mga mata niya na may ideya na siya kung bakit. Sinabihan ko rin kasi siya na 'wag sasabihin kay Madam o kahit na kanino pa ang nangyaring pagsama ko kay Zeus.

Sa totoo lang, nalulungkot akong isipin na kailangan ko pa rin siyang itago, kahit pa ganito na ang estado ng buhay ko ngayon. Pero nangangarap ako na sana balang araw, magiging masaya at malaya rin kaming dalawa.

"Ay, gano'n? Oh sige! Ingat na lang." Napangiti pa si Madam Rhonda at mukhang kumbinsidong-kumbinsido naman siya. Sana ay ganoon nga.

Nang makaalis si Madam Rhonda gamit ang van niya ay kaagad ko ring tinext ang driver namin para sunduin kami ni Eunice. Habang nasa kotse kami ay isinuot ko na ang cap at shades kong parehas na itim ang kulay. Medyo masagwa nga lang sa mauve kong fitted-dress na sa kaliwang balikat lang may manggas. Pero ayos na rin 'yon, kaysa wala man lang akong disguise kahit papaano.

Katulad no'ng sumama ako kay Zeus, pinauwi ko na rin kaagad ang driver ko kasama si Eunice. Ako lang ang mag-isang pumasok sa loob ng sinabing café ni Apollo. Kaagad ko rin naman siyang nakita na tahimik na umiinom ng kape habang patingin-tingin pa sa bintana. Nang makita akong papalapit ay bahagya siyang ngumiti.

"Sorry sa paghihintay," sambit ko sabay upo sa upuang katapat ng kanya. Pinapagitnaan kami ng isang maliit na pabilog na mesa.

"Okay lang," sagot niyanat mas lumawak ang ngiti.

"Sorry din sa—"

Kaagad naman niyang pinutol ang sasabihin ko. "It's okay. Pero kung gusto mo talagang bumawi sa'kin, halika sa bar."

"Bar?!" medyo napalakas na sabi ko. "Ba't mo 'ko aayain sa bar? Hapon pa lang."

Napatawa naman siya nang mapagtanto ang sinabi. "Ibig kong sabihin, sa bar ko."

"What?!" mas nagulat pa yata ako doon sa sinabi niyang 'yon. "Alam mo ba kung ga'no kalayo 'yon dito, ha? Three hours! Ewan ko pa kung 'pag may heavy traffic, a?"

"E, Maureen, do'n kasi talaga dapat, e," katwiran pa niya.

"Apollo, you're a nice person naman, e. Pwede tayong mag-usap dito! Makikipag-usap ako nang maayos. Hindi mo na 'ko kailangang dalhin pa d'yan sa bar mo," mahinahong sabi ko naman sa kanya.

"Iniisip mo bang may gagawin akong masama sa'yo?" salubong ang kilay na tanong niya.

"Apollo, hindi—"

"Pero 'yon ang sinasabi ng mga mata mo!" giit pa niya, kaya napaikom at napayuko na lang ako.

Mayamaya naman ay narinig kong nagpakawala siya ng malalim na hininga at saka nagpatuloy, "Maureen, ginagawa ko 'to hindi para sa'kin. Para sa'yo. Kaya kong masaktan, pero 'yung ikaw na ang masasaktan? Hindi ako papayag."

Napaangat naman ang tingin ko sa kanya. "Anong ibig mong sabihin?"

"Malalaman mo lang kung sasama at magtitiwala ka sa'kin, Maureen," seryosong sagot niya.

Tinignan ko naman siya nang diretso sa mga mata niya. Kayang-kaya niyang salubungin ang mga tingin ko at mukha ring sinsero siya sa mga binibitawan niyang salita. Kaya sa huli, kahit may pag-aalinlangan ay napapayag na lang ako. Sumama ako sa kanya papunta sa Doña Blanca.

Habang nasa byahe naman kami ay hindi ko mapigilang mapaisip. Ano kaya 'yung noon pang gustong sabihin sa akin ni Apollo? Naalala ko noon sa Le Meilleur, sasabihin na sana niya kaso dumating si Zeus.

"…we can't trust a stranger."

"Three years silang 'di nagkita. They've lost their connection. Malay ba natin kung gano'n pa rin talaga 'yung nararamdaman niya?"

"It's not impossible! Artista tayo. What if gusto lang niyang madamay sa kasikatan natin?"

"Baka siraan niya 'ko sa'yo."

"Don't be a fool, Maureen. Guard your heart."

Napapailing na lang ako habang nakakunot ang noo. Nalilito na talaga ako kay Zeus at Apollo. Sino ba sa kanila ang totoong may magandang intensyon sa'kin? Totoo kaya ang instinct ni Ate Mercedes na gusto lang akong gamitin ni Zeus?

Gusto ko tuloy umatras. Tumakbo. Ibalik ang oras at baguhin ang mga ginawa kong desisyon noon. Mula sa bumalik ako sa Doña Blanca—o kahit mula no'ng katulong pa lang ako! Parang mas mabuti yatang hindi na lang nangyari ang mga ito.

Nagulat naman ako nang mapaabante ako dahil sa pagkakahinto ng kotse ni Apollo. Noon ko lang din napagtantong nasa gas station pala kami.

"May papabili ka ba? Baka nagugutom ka?" tanong sa akin ni Apollo na abala sa pagbuklat ng makapal niyang wallet.

Napatingin naman ako sa convenience store na nasa harapan namin. Kaunti lang ang nakain ko sa set kanina, pero wala naman ako sa kondisyon ngayon para kumain. Kaya sa huli ay tahimik na lang akong umiling, habang siya naman ay tuluyang lumabas mula sa kotse niya.

* * *

Lubog na ang araw nang makarating kami sa Doña Blanca. My body could shiver just by the sight of the streets. So much memories in this place; so many nightmares. And here I am, readying myself for another one—hopefully the last one.

Nang bumaba sa kotse ni Apollo ay saka ko lang naisip kung paano ba ako makakauwi sa'min. Pero mabilis ko isinawalang-bahala ko na lang muna iyon at hinayaang ko na lang si Apollo na igiya ako papasok sa bar niya.

Wala kaming naabutang tao doon kung hindi si Clint, ang kaibigan niya, at ang baristang nandoon at nagpupunas ng mga kagamitan. Malugod siyang binati ng mga ito nang makita kami.

"P're, 'yan ba 'yung. . ." makahulugang pag-uusisa ni Clint.

Isang bahagyang tango lang ang isinagot ni Apollo. Pagkuwa'y marahang hinawakan ang likuran ko para igiya ako patungo sa isa sa mga table doon. I really don't know what might happen, kaya sumusunod na lang ako sa kanya.   Pagkatapos naman noon ay kinuha niya ang cellphone at parang may tinawagan.

"She's here." Iyon lamang at tumango siya pagkatapos ay ibinaba na rin ang cellphone.

"Sino?" usisa ko naman.

"Si Marquita."

Nagpanting ang tainga ko nang marginig ang sagot niyang 'yon. "What?!"

"Maureen, can you please calm down?" pakiusap naman ni Apollo na halatang naiinis na sa akin

Natahimik na lang ako at hindi na lang nagsalita pa. Maybe Marquita has something to do with this issue—kung ano man 'yon. Kung ano-ano na ring teorya ang nabubuo sa utak ko at hindi ko gusto ang lahat nang 'yon. Kaya nang makarating dito si Marquita ay ni hindi ko man lang siya nginitian.

"Maureen, don't look at me with those eyes. Baka pagkatapos nito, pasalamatan mo pa 'ko," pasaring sa akin ni Marquita.

Napairap naman ako at  lalong pinagkrus ang mga braso ko. "Sabihin n'yo na lahat ng gusto n'yong sabihin."

"Siguro iniisip mo ngayon na may relasyon kami ni Zeus at niloloko ka lang niya, tama ba?" tanong sa akin ni Marquita sabay ngiti pa.

Hindi naman ako sumagot at nanatili lang na nakatingin nang masama sa kanya.

"Well, I wish gano'n na nga lang sana ang nangyari. Kaso hindi, e. We're both hurt. We're both ruined," pagpapatuloy pa niya.

Napakunot naman ang noo ko. What does she mean na parehas kaming nasaktan? Hindi sila ni Zeus? Kanina pa lang, no'ng tinawagan siya ni Apollo, 'yon na ang iniisip ko. Naisip ko pa nga na baka nagsabwatan sila ni Apollo para paghiwalayin kami ni Zeus. Well, they can't blame me. Not that I'm thinking I am in a drama, pero ganito rin kasi ang nangyayari sa mga teleseryeng ginaganapan ko.

Nagkatinginan pa si Apollo at si Marquita. Magkasabwatan nga kaya sila?

"Siguro naguguluhan ka na ngayon, Maureen, pero si Zeus, hindi siya katulad ng iniisip natin. Hindi mo pa siya kilala," dagdag pa ni Apollo.

"At si Marquita, kilala siya?" mapaghamong tanong ko.

"Yes!" sagot ni Marquita na tila nainis na sa akin.

Napangisi naman ako.  "Tell me, who is he?"

Natawa naman si Marquita at napailing. Bumaba pa ito sa stool na kinauupuan at dahan-dahang lumapit sa'kin.

"Oh, Dear Maureen," sambit niya habang iniikutan ako. "Hindi mo alam ang sinasabi mo."

Muli ay binigyan niya ako ng isang ngiti na para bang sinasabi niyang naaawa siya sa akin. Pero hindi ako nagpatalo at patuloy lang na tinignan siya nang masama. Dahil nasa kanan ko na siya, ang kamay niya ay nasa kanang balikat ko na rin.

"Would you believe me if I tell you. . . that Zeus is a gay?"

Isang matinding katahimikan ang bumalot sa amin matapos niyang sabihin 'yon. Para bang sandaling tinakasan ako ng katinuan. Hindi ako makapag-isip nang maayos; hindi malaman kung tama ba ang dinig ko o nababaliw na ako?

Mayamaya ay pumeke ako ng tawa. "Ano'ng bakla? P-Prank ba 'to?" Pagkatapos ay napatingin ako kay Apollo na ngayon ay nakayuko. "Apollo?"

"Sabi sa'yo, 'di siya maniniwala sa'tin," sabi pa ni Marquita at napailing.

"Maureen, I-I know it's hard to believe it at first," panimula ni Apollo at muling ibinalik ang tingin sa akin. "Ganyan din kami no'ng una."

"First time ko nang maglasing nang grabe no'n, e," natatawang sabi pa ni Marquita. "I just accidentally knew it, then umamin na siya sa'kin."

"We confronted him, kaya napaamin siya. Hindi ko siya kinausap for how many days, until I finally approached him. Mahirap tanggapin, yes. But he's my brother and he needed me the most. He needed my support, lalo pa't kinamuhian siya no'n ni Marquita. . .at lalo na ni Blake," pagsasalaysay pa ni Apollo.

Sa totoo lang, halos wala na akong maintindihan sa eksplanasyon nila ngayon.  Halo-halo na ang emosyon ko, pero pinipilit ko pa ring magmatapang. Kahit pa nasasaktan akong isipin na totoo ang mga sinasabi nila ay tinibayan ko ang loob ko. I just can't accept it! How is it possible?!

"Kung totoo ang sinasabi n'yo, then bakit hinabol pa rin niya 'ko? He said he wants me back!" giit ko naman.

"That's what we're trying to tell you! Ginagamit ka lang ni Zeus para pagtakpan ang katotohanan na bakla siya at may boyfriend siyang model ng brief at boxer!" inis nang sagot sa akin ni Marquita.

Bahagya namang nawala ang tensyon sa pagitan naming tatlo nang tumawa ang kaibigan ni Apollo. Sabay-sabay kaming napatingin sa kanya.

"S-Sorry," paumanhin niya habang nagpipigil ng tawa. "Si Marquita kasi, e."

"Bakit? Totoo naman kaya!" giit naman ni Marquita sabay irap pa kay Clint.

Napatawa naman ako nang sarkastiko kaya lumipat na sa akin ang atensyon nila.

"At sa tingin n'yo, maniniwala ako sa inyo?" tanong ko sa kanila.

"Hindi," kaagad na sabi ni Marquita. "Kaya nga papupuntahin namin dito 'yung dalawa. At ikaw na ang bahalang humusga kung nagsisinungaling kami or hindi."

Natigilan naman ako doon at muling napatingin kay Apollo upang humingi ng sagot. Nakuha naman niya kaagad ang nais kong iparating at kaagad na nagsalita.

"Ang plano, magtatago ka muna. Pupunta dito si Raymond at si Zeus. Kunwari, tutulungan namin silang mag-ayos. Nagkakagalit na kasi sila dahil sa'yo," paliwanag sa akin ni Apollo.

Matapos niyang sabihin 'yon ay tila hindi pa rin mag-sink in sa utak ko ang lahat. Binalot na rin ako ng matinding kaba. Kung may plano silang ganito, ibig sabihin, totoo nga ang sinasabi nila? B-Bakla nga si Zeus?

"Kung ayaw mo, edi 'wag mo," irap pa sa'kin ni Marquita.

"Marquita!" sita naman ni Apollo.

"Siya na nga tinutulungan, siya pa maarte," reklamo pa niya.

"Intindihin mo naman kasi ang kalagayan niya. Pinagdaanan mo na rin 'to, 'di ba?" pakiusap pa kanya ni Apollo.

"K. Fine," inis na sagot ni Marquita, pagkatapos ay bumaling sa akin. "You need to hide now. Paparating na si Raymond."

Pinagtago nila ako doon sa may barista, kung saan hindi raw ako makikita ng dalawa. Nahuli ko pa si Clint na naaawang tumingin sa akin habang napapailing pa.

Tahimik naman akong naupo sa isang sulok ng bar counter. Nanghihinang tumalungko ako doon habang randam ko ang panginginig ng mga palad ko. Para matigil ay pinaglaruan ko na lamang 'yon habang tahimik na idinadasal na sana. . . sana nagsisinungaling lang sila.

"Oh! Raymond! Sa wakas!" Boses iyon ni Marquita. Kaswal na kaswal lang ang tinig nito na para bang walang itinatago. "Let's just wait for Zeus."

"You want something? Drinks?" Si Apollo naman ang nadinig ko.

"Beer, please," saad ng isang baritonong boses na medyo may accent pa.

Napasinghap ako at pasimpleng sumilip sa nangyayari sa labas ng bar counter na pinagtataguan ko. Hindi ko na rin kasi napigil ang kuryosidad. Unti-unti ay naaninagan ko ang isang maskulado at matipunong lalaki na kaharap ngayon nina Marquita. Sa hula ko ay mukhang may lahi rin ito. Napatakip na lang ako ng bibig dahil sa pagkagulat.

"So what happened between you and Zeus ba? My gosh, ang gloomy niya no'ng nakita ko siya," pagsisimula ni Marquita ng usapan.

Uminom muna ng alak ang lalaking tinawag nilang Raymond bago sumagot, "Nahihirapan na raw siyang magpanggap kay Maureen."

Lalo kong nahigpitan ang pagkakatakip sa mga labi ko nang sabihin niya 'yon. Lalong tumindi ang panginginig ko at unti-unting nanikip ang dibdin ko. Napailing pa ako nang ilang beses bago tuluyang mapaluha.

"And then? Gusto niyang mag-stop na sa kalokohan n'yong dalawa?" tanong pa ni Marquita.

Nang sandaling 'yon ay inalis ko na ang sarili sa pwestong nakasilip sa kanila. Hindi ko na kayang tignan ang lalaking 'yon. Napupuno ng galit, inggit, at selos ang kalooban ko.

"Marquita, it's not bullshit!" giit naman ni Raymond. "We're doing this for the sake of our relationship!"

"Exactly! You're doing this for yourselves. 'Di n'yo man lang inisip si Maureen? She's innocent and you two were dragging her into this mess! Malaking gulo ang gagawin n'yo!"  sermon pa ni Marquita sa kanya.

"What should I do, Marquita? I don't want to lose my career, but also don't want to lose him," parang nahihirapan pang saad ng lalaki.

Pero kung nahihirapan siya, mas nahihirapan naman ako sa kalagayan ko dito. Kung kaya ko lang tatakpan ko ang dalawang tainga ko para hindi ko na marinig ang mga sasabihin niya. Kaso, hindi, e. May parte rin sa'kin na gustong alamin ang katotohanan, kahit pa alam kong ikakawasak 'yon ng puso ko.

"Let him do what he want," sagot ni Marquita. "Ayaw na niyang magpanggap kay Maureen, then go! Malinis sana ang intensyon ni Zeus kay Maureen no'ng bumalik siya dito. Ikaw lang ang gumulo ng lahat."

Nakarinig ako ng tunog na para bang may kasangkapang nabasag. "Masisisi mo ba 'ko?! There are rumors goin' around 'bout me and Zeus, and that's the only solution I could think of!"

"Raymond!" Hula ko ay si Clint 'yon. "Babae 'tong kausap mo, baka nakakalimutan mo! Pamangkin pa ng mayor!"

"I don't care if she's the mayor's niece o' what—she's meddling with our issues!" giit naman ni Raymond.

Dahil doon ay mas tumindi pa ang galit ko sa kanya. Gago pala talaga 'tong lalaki na 'to, e! Siya pala ang may pakana ng lahat! Tapos ngayon pati si Marquita, tatarantaduhin niya? Kung hindi lang ako makapagtimpi, baka sinugod ko na siya kanina pa!

"Anong nangyayari dito?"

Natigilan ako nang marinig ang boses na 'yon. Mula sa pagkakakuyom ng kamay kong nakatapat sa dibdib ko ay unti-unting napabuka 'yon. Ang nag-aapoy kong galit ay tila napalitan ng paghihina.

"Babe. . ." sambit ni Raymond.

B-Babe? Tangina. Totoo ba 'tong naririnig ko?

"Are you okay, Babe?"

Muli akong napasilip dahil na naman sa kuryosidad. Mula sa pinagtataguan ko ay kitang-kita ko kung paano sila magtinginan sa isa't-isa. Pati ang bawat haplos nila sa mukha at balikat ng isa't isa. . . shit. . . Shit ka Zeus! Totoo nga?!

Hindi ko na malaman kung ano pang gagawin ko nang mga oras na 'yon. Naramdaman ko na lamang na nagtubig ang dulo ng mga mata ko at unti-unti ay tumulo ang mainit na likido pababa sa pisngi ko. Nagbabara rin ang lalamunan ko—parang may nakabarang tinik na hindi makawala-wala.

Totoo nga. . . Napakasakit kapag nakita mong may mahal na iba ang taong minahal mo. Pero mas doble 'yung sakit kapag alam mong ginago at niloko ka. Na pinaniwala ka lang pala sa isang malaking kasinungalingan. At wala kang masisi kung hindi ang sarili mo dahil sa katangahan mo.

"Zeus, pagsabihan mo 'yang boyfriend mo. Pati si Marquita, binabastos," reklamo ni Clint sa kanya habang hawak-hawak si Marquita.

"Babe, ba't mo naman ginawa 'yon?" tanong ni Zeus sa—shit—sa boyfriend niya.

Hindi ko na rin masasabing acting lang ang lahat dahil kitang-kita ko na sa kilos niya. Imposible! Imposibleng peke lang ang kalambutan niya ngayon. Natural na natural sa kanya na parang nakadikit na talaga sa pagkatao niya.

Mahinang napatawa na lang ako nang sarkastiko nang maalala ko ang bawat maling kilos niya. Kaya pala. . . Kaya pala ang  arte-arte niya at laging napakabango niya; hindi amoy lalaki. Hindi ko lubos akalaing maloloko ako nang ganito. . .

"She's lecturing me 'bout what I should 'n what I shouldn't," inis na sagot pa ni Raymond.

"Marquita, please! You don't know anything!" inis na sita ni Zeus sa kaibigan niya.

"Of course, I know 'everything'! Tsaka siya naman nagtanong sa'kin kung ano'ng dapat niyang gawin, e! And lastly, I'm just being a 'nice' person here," punong-puno ng panggagalaiting sagot ni Marquita.

"Marquita, ginagawan naman na namin ng paraan 'to. We just need some time!" giit ni Zeus.

Sarkastikong tumawa si Marquita. "Time? Time para gaguhin si Maureen? Zeus, nanggagamit ka!"

"And so what kung ginagamit ko siya?! Nagpapagamit naman siya, e! 'Cause she's stupid!"

"Zeus, bawiin mo 'yang sinabi mo!"

Hindi na ako nakapagpigil nang mga sandaling 'yon. Nagpupuyos na ako sa galit dahil sa mga narinig ko sa kanya. Ang kapal-kapal ng mukha niya! Kaya naman kaagad na akong tumayo mula sa pinagtataguan ko at sumigaw nang pagkalakas-lakas.

"Tumigil nga kayong lahat!" punong-puno ng galit at pagkamuhing sigaw ko.

Para bang nabato silang lahat sa kinatatayuan nila maliban lamang kay Marquita na napangisi pa kina Zeus. Si Apollo naman ay nakahawak pa rin sa kwelyo ni Zeus. At ang dalawang malalandin mga gwapong lalaki ay tila tinakasan ng dugong napatingin sa akin habang nanlalaki ang mga mata.

"M-Maureen? You heard everything?"

Itutuloy. . .

More revelations coming   ;)) sorry to ruin your expectations :((

Important Note : We should never discriminate members of LGBTQ+ just because of their sexuality. We're all humans and we shouldn't be divided just because of our sexuality. They're still one of us.

In this scenario, Marquita and Maureen got mad and disgusted at Zeus because of his bad attitude and wrongdoings.

Sexuality should never be a reason for bullying and discrimination.

Siguiente capítulo