webnovel

Chapter 16

Hindi alam ni Kyra kung bakit hindi na niya ulit mapigilan ang pagsungaw ng mga luha niya ngayong nasa loob na siya ng taxi at pauwi na sa bahay nila. Pagkaalis niya doon sa parke ng hospital ay napigil naman niya pansamantala. Kasi halos lahat ng taong nadadaanan niya ay napapatingin sa kanya. Kahit 'yong guard kung saan niya pansamantalang iniwan ang maleta niya ay parang naaawa sa kanya.

Alam niyo 'yong pakiramdam na parang hinatulan ka ng kamatayan? Tapos bibitayin ka kahit wala kang kasalanan pero dahil wala ka ng choice kundi ang magpatianod na lang sa naging hatol sa'yo? Or 'yong pakiramdam na may malubha kang sakit, tapos wala pang lunas ang sakit na 'yon at ilang araw na lang ay mamamatay ka na, kaya wala ka ng magagawa kundi tanggapin ang kapalaran mo?

Sa totoo lang may choice pa siya. Pwede siyang magpakalayo at hindi na magpakita kay Mr. Sevilla. Pero hindi niya kayang gawin 'yon. Naiisip niya pa lang gawin 'yon ay kinakain na siya ng konsensiya.

Nasa loob na siya ng subdivision nila at imbes na magpahatid sa taxi driver sa tapat mismo ng bahay nila ay nagpababa muna siya dito sa clubhouse. Maraming tao doon ngayon, mga batang naglalaro at nagtatawanan sa playground, 'yong iba naman ay nagkakatuwaan sa swimming pool.

Mas gusto niya munang manatili dito para kahit paano ay guminhawa ang pakiramdam niya. Ayaw niya pa dumiretso sa bahay nila at baka mag-alala lang ang mga magulang niya sa kanya. Baka magtanong pa ang mga ito at hindi niya mapigilan ang sarili at maisilawat ang problemang kinakaharap niya ngayon.

Umupo siya sa isang bench na medyo malayo sa mga tao. Nakatanaw siya sa mga bata na bakas sa mga mukha ang kasiyahan at kainosentehan. Napapangiti na lang siya habang nakatingin sa mga ito. Salamat naman at mawawaglit muna sa isip niya ang problema.

"Ang gwapo talaga ni Bryan Lopez, girl! Nag-order na ko ng ticket para sa concert nila sa Araneta! My gosh! Hindi na nga ako makatulog sa sobrang excited!"

"Hala! Ang daya! Bilhan mo din ako! Babayaran kita next week! Sige na! Bias ko yang si Bryan tsaka si Russel! Sige na!"

'Bryan Lopez na naman!! Ano ba?! Hindi niyo lang alam kung gaano kasama ang ugali ng taong 'yon! Please umalis kayo!!'

Napabaling tuloy siya sa mga ito at tiningnan ang mga ito ng masama. Dalawang teenager 'yong nakikita niyang nag-uusap. Naglalakad ang mga ito habang nagkikwentuhan. Grabeng timing naman at dito pa talaga malapit sa kanya napiling magtopic ng ganoon. Ang laki ng clubhouse eh!

"Bahala ka diyan! Akin si Bryan kay Russel ka na lang!" Sabay tawa ng babaeng nagsabi niyon.

Bigla itong natigilan sa pagtawa noong dumapo ang tingin nito sa kanya. Tinitingnan niya pa din kasi ang mga ito ng masama.

"Hala! Tara na!" Natatakot na sabi noong dalagitang fan ni Bryan sabay talikod at hila sa kasama.

"Bakit? Ano nangyari?"

"Ang sama ng tingin sa 'kin noong babae, girl. Patay na patay din yata kay Bryan kaya nagalit."

"Hoy! Dati 'yon, hindi na ngayon!!" Galit na bulyaw niya sa mga ito.

Kumaripas tuloy ng takbo ang dalawa.

"Sus! Kung alam mo lang kung gaano kasama ang ugali ng taong 'yon. Naku! Magsisisi ka talaga na 'yon pa naging idol mo! Dapat kay Justin na lang kayo! Huwag na kay Bryan!" Dagdag pa niya.

Tapos bigla siyang natawa at umiyak. Baliw na yata siya?

Baka tuluyan na talaga siyang mabaliw kung maging asawa na niya si Bryan. Napangiwi siya sa naisip.

"Kailangan ko na talagang iready ang sarili ko kung magpapakasal na ako sa halimaw na 'yon. Ilang beses ko na nga sinabihan ang sarili kong kakalimutan at iiwasan ko na siya eh! Pero wala! Eto na yata talaga ang kapalaran ko." Tapos natawa na lang siya kasi kinakausap niya ng malakas ang sarili. Buang na talaga siya.

"Pero at least 'di ba, Kyra? Inamin niya sa'yo na may girlfriend na siya. Naging honest siya kahit paano. Eh 'yon na nga eh! May girlfriend nga siya eh! Kaya paano ako magpapakasal kay Bryan, huh? Kamumuhian lang ako ng taong 'yon. Baka saktan pa niya ako! Pero parang hindi naman yata siya nananakit? Nanghahalik lang siya eh! 'Di ba, Kyra? Hay naku! Baka pwede kong mapakiusapan ang taong 'yon kung magpapakasal nga kami. Baka pwede naman kami maging friends? Best friends? Kaso muntik na nga kaming nag ano.. Pero may girlfriend naman siya 'di ba? Makapagpigil naman yata ang taong 'yon eh na walang mangyayaring tot-tot sa amin habang kasal kami. Baka kaya ko namang maging diborsiyada. Kyra, isang diborsiyada! Nag rhyme pa! Basta eto lang Kyra, ha! Tutulungan mo lang si Uncle para matupad na ang happy ever after nila ni Ma'am Selena at maging okay sila ng anak niyang halimaw! Doon ka magfocus! Focus! Focus!" Nilagay pa niya ang pointy finger at middle finger ng kanang kamay niya sa gitna ng noo.

"Mamaaa! Baliw po 'tong babae oh! Nagsasalita po siyang mag-isa!" Rinig niyang sigaw ng isang batang lalaki na apat or limang taong gulang pa lang yata na nakatayo sa gilid niya. Nakaturo pa ito sa kanya. Kanina pa yata ito dito pero hindi niya man lang napansin.

Kasi nga naka focus focus siya!

Nakita niyang may tumatakbong babae na nanay siguro ng bata palapit sa kanila. Nanghingi agad ito ng sorry sa kanya habang hinihila ang anak nito palayo.

"Tumahimik ka nga!" Singhal ng nanay nito.

"Pero mama! Nagsasalita po talaga siyang mag-isa!" Dinig pa niyang sigaw ulit ng bata.

Nakatalikod na ang nanay habang hinihila ang anak pero nanatiling nakatingin sa kanya ang bata. Binelatan niya tuloy ito. Natakot yata ang bata at ito na tuloy ang umakay sa ina palayo sa kanya.

Natawa tuloy siya sa nangyari. Pero at least nakaramdam siya ng ginhawa sa ginawang pakikipag usap sa sarili. Minsan kailangan mo talagang mag self-contemplation. Pak ganern!

"Mommy! Daddy! I'm home!" Magiliw na sigaw niya pagkapasok sa bahay nila.

Tapos narinig na lang niya ang nagmamadaling mga yabag na galing sa ikalawang palapag ng bahay nila. Mas lalo siyang napangiti ng nakita ang magandang mukha ng mommy niya.

"Oh, my baby girl! Miss na miss kita, anak! Kumusta ka na? Mabuti at nakauwi ka na din!" Sabi ng mommy niya at agad siyang niyakap at pinugpog ng halik sa mukha ng tuluyan na itong nakalapit.

"I'm a-okay, Mommy! Kayo po? I miss you too po sobra!" Sagot niya dito sabay balik ng yakap dito. "Saan po si Daddy, 'My?"

"Alam mo naman 'yang Daddy mo kahit retired na ay bumibisita pa rin sa mga kumpare niya sa NAIA. Maya-maya uuwi na 'yon! Miss na miss ka na din niyon kaya nga nagtatampo eh!" Sabi ng Mommy niya habang inaakay siya papunta sa kitchen. "Nakakain ka na ba, anak? What do you want to eat? Magbake ako ng favorite mo!"

"Si Daddy talaga!" Sabi niya na napalabi pero napangiti din ng nakita ang Mommy niyang nagpiprepare na ng mga ingredients ng paborito niyang chocolate cake.

Her daddy Mark Joseff used to work as a pilot, while her mommy Katherine used to be a flight attendant. Noong nagpakasal na ang mga ito ay pinatigil na ng daddy niya ang mommy niya sa pagtatrabaho and she became a full-time housewife. Kahit may kaya ang pamilya niya, lalo na sa side ng daddy niya, ay tinuruan siya ng mga ito na mamuhay ng simple.

Sobrang istrikto nga ng daddy niya sa kanya na halos pinagbawalan siya nitong makipagbonding sa mga classmates niya, unless its school-related. Naiintindihan naman niya 'yon kasi nga nag-iisang anak lang siya ng mga ito at babae pa. Kaya nga wala siya masyadong naging kaibigan, tapos hindi rin siya nagkaroon ng boyfriend. Hindi naman sa pagmamayabang pero marami talaga ang sumubok na manligaw sa kanya lalo na noong highschool at college pero hindi na ng mga ito tinutuloy kasi natakot nga sa daddy niya. Tapos hatid-sundo pa siya ng mommy niya sa school. So, eto at NBSB talaga siya.

Ang mommy naman niya ay bini-baby siya, kahit ngayong twenty-three years old na siya and its totally fine with her. Her mommy is also her bestfriend, kaya nga lahat ng sekreto niya ay alam nito. Sinuportahan din siya nito sa pagkakaroon niya ng crush at pag fa-fan girling niya kay Bryan. Pero tinatago lang nila 'yon sa daddy.

Sa totoo lang muntik ng hindi pumayag ang daddy niya na magtrabaho siya as private nurse kay Mr. Sevilla, pero pinilit nila ito ng mommy niya. Lalo pa't nakataya ang career niya at gusto niya ding maranasan ang maging independent sana. Pero ngayon, eto siya, nagkakaproblema na dahil sa pamimilit na 'yon.

Hays.

"Anak?" Tawag sa kanya ng mommy niya, napabaling tuloy siya dito. Parang nababahala ang itsura nito. "May problema ka ba? Care to tell mommy, anak?"

"H-Huh? Wala po, 'My!" Sabi niya sabay ngiti dito.

"You sure? Napabuntong-hininga ka, anak? Okay naman ba 'yong pasyente mo? Tinatrato ka ba nila ng maayos doon?"

"Ay! Naisip ko lang po kasi kung gaano ako kaswerte na kayo ni daddy ang naging parents ko." Sabi niya dito.

"Asus! Mas swerte kami anak at ikaw ang naging baby girl namin." Sabi nito sabay yakap ulit sa kanya at haplos sa buhok niya.

Habang nagmimix ito ng mga ingredients ay kinwento na din niya 'yong tungkol sa pagtira niya sa mga Sevilla, pero 'yong masasaya lang ah, at 'yong pagkaadmit din ni Mr. Sevilla sa hospital kaya nakauwi siya ngayon. Hindi na niya kinwento dito 'yong tungkol kay Bryan na anak ito ni Mr. Sevilla and 'yong iba pang nangyari na dapat niya munang kalimutan.

"Oh, thank God he's okay. Heart attacks are really scary, anak. Minsan biglaan na lang 'yan. Kaya nga 'yong daddy mo parati ko ng sinasaway sa kinakain niya. Mabuti na lang at nakikinig naman."

"Oo, 'My! Natakot nga po ako eh. Mabuti na lang at naagapan din si Uncle." Sabi niya dito pero bigla siya napahikab.

Ngayon lang siya nakaramdam ng pagod sa biyahe and sa pag-iyak kanina.

"Anak, matulog ka muna. Gigisingin na lang kita mamaya pag matapos na 'tong binibake ko or pag nakauwi na ang daddy mo. Sige na anak, alam kong pagod ka sa biyahe. I love you, baby anak. Itetext ko na din ang daddy mo, paniguradong uuwi agad 'yon kapag nalamang nakauwi ka."

"Sige po, Mommy. I love you po." Sabi niya dito at humalik sa pisngi nito bago siya umakyat sa kwarto niya buhat-buhat ang maleta.

Pagkabukas niya sa pinto ng kwarto niya ay napangiti siya ng malawak. Miss na miss niya din ang kwarto niya. Lumapit siya sa paborito niyang stuffed toy na Hello Kitty at niyakap 'yon ng mahigpit.

"Home sweet home!"

Doon niya lang naalala ang cellphone niyang hindi pa rin pala nakacharge simula pa kanina. Kaya hinanap muna niya ang extra charger bago sinaksak 'yon sa cellphone niya. Naalala pa nga niya si Arthur, pero parang hinihila na talaga siya ng kama niya kaya nahiga na lang siya doon at tuluyan ng nakatulog.

Siguiente capítulo