webnovel

Aimee (Part 2)

Part Two

 

"MAG-BREAK NA TAYO!"

 

Daig ko pa ang binuhusan ng malamig na tubig matapos kong marinig ang mga katagang lumabas sa bibig ni Jim. Pakiramdam ko ay bigla na lang huminto ang oras sa pagitan namin. Hindi naman kasi ito ang inaasahan kong marinig mula sa kanya. Ang buong akala ko, magagawa niyang ipaliwanag sa akin kung ano nga ba ang namamagitan sa kanila ni Kathleen.

 

"I'm sorry…" ani Jim. Tinangka pa nitong hawakan ang kamay ko pero nagawa ko iyong iiwas sa kanya.

 

Wala akong ibang alam na dapat kong sabihin sa kanya. Hinalungkat ko na lang ang loob ng shoulder bag ko kung saan naroroon ang pregnancy test na ginamit ko para iparating sa kanya kung ano nga ba ang tunay kong sitwasyon. Tulad ng inaasahan ko, nakita ko ang gulat sa mukha niya habang tinititigan nito ang naturang bagay na iyon.

 

"Kung hindi ka naniniwala, ito pa ang mga test result na ginawa sakin ng OBGYNE doctor na tumingin sa akin," sabi ko. Saka ko na inilabas ang ilang papel para patunayan sa kanya na hindi ako nagsisinungaling.

 

Hindi nakaimik si Jim. Bakas na bakas sa mukha nito ang labis na pagkagulat at pagkabalisa. Ilang saglit pa ay bigla itong napamura na siyang hindi ko talaga nagustuhan.

 

"Ngayon sabihin mo, ano ang plano mong gawin?" seryosong tanong ko sa kanya.

                 

"B-bigyan mo ako ng time para makapag-isip. H-hahanap ako taong pwedeng makatulong sa atin para ipalaglag ang bata," walang prenong mungkahi nito.

 

Para naman nagpintig ang dulo ng tenga ko sa aking narinig. Para na ring may matalim na kutsilyo ang biglang isinaksak sa dibdib ko at dumiretso ito sa puso ko. At dala ng pagkabigla, wala sa loob na nabigyan ko siya ng isang malutong sampal. Napabaling ang ulo niya sa lakas ng pagkakasampal ko sa kanyang mukha. Pagkaraa'y mabilis na bumagsak ang luha sa mga mata ko na kanina ko pa pinipigilan.

 

"Hindi mo ako kayang panindigan?" hinanakit kong tanong sa kanya.

 

"Alam mo naman na hindi pwede! Sorry kung hindi ko sinabi sa'yo na…. Aimee, matagal na akong engage kay Kath! Malaki ang mawawala sa kompanya ng Family ko sa oras na hindi ko pakasalan si Kath!" katwiran pa niya.

 

"Matagal ka na palang engage kay Kath, bakit niligawan mo pa ako?!" umiiyak kong tanong sa kanya at minsan ko pang hinampas ang braso niya, "Bakit hinayaan mong…"

 

"I'm sorry…" tanging nasambit nito.

 

Natigilan ako. Para na akong unti-unting pinapatay sa bawat pagbitaw niya ng salitang 'sorry'. Lalo lang niyang pinapamukha sa akin na wala siyang balak na panagutan ang dinadala ko. Handa nitong isakripisyo ang anak namin para sa kapakanan ng pamilya nito. Wala nang ibang salitang lumabas sa bibig ko, at umiiyak na akong tinalikuran siya. Hindi ko na siya kayang kausapin pa. Hindi ko na siya kayang tignan pa. 'Ni ayaw ko nang makita ang pagmumukha niya.

 

Iniwan ko na siyang nag-iisa roon.

 

Malalaking hakbang ang inalaan ko patungong Ladies' Comfort Room. Doon ko ibinuhos ang lahat ng sama ng loob ko. Wala akong pakialam kung may makarinig sa akin na ibang istudyante, o di kaya ay pagkamalan akong multo na umiiyak sa loob ng CR.  Halos ilang minuto rin akong nagtagal sa loob ng isa sa mga cubicle bago na ako nagpasyang lumabas na. Patungo na sana ako sa next class ko nang masalubong ko si Miss Barbara, ang Dean sa university namin.

 

"May I talk to you, Miss Acidera?" tanong nito, at bumakas ang pagkaistrikto ng kanyang mga mata.

 

"S-sure, Ma'am!" magalang ko namang tugon saka na ako sumunod sa kanya patungo sa opisina nito. Hindi ko naman maiwasan ang kabahan ng inilabas nito ang isang folder kung saan nakarecord roon ang mga resulta ng nagdaan naming exam.

 

"What happened, Miss Acidera? Habang tumatagal ay hindi na nagiging maganda ang nakukuha mong mga grades! Kakatapos lang ng Midterm Exam. At kung magpapatuloy ang ganito, posibleng mawala scholarship mo plus hindi ikaw ang mapipiling Suma Com Laude this Year! Hindi excuse na under ka sa foundation ni Mr. Lucas Ramos, ija. May mga patakaran tayong sinusunod sa university na 'to!"

 

Mariin akong pumikit. Hindi ko alam kung binabangungot ba ako sa mga sandaling iyon. Daig ko pa kasi ang pinagsakluban ng langit at lupa dahil sa sunod-sunod na kamalasang nangyayari sa buhay ko. Isa-isa kong sinasaksak sa aking isipan kung saan nga ba ako nagsimulang magkamali. Masyado ko na bang inikot ang mundo ko kay Jim? At napabayaan ko na mga pangakong binitawan ko kay Nanay?

 

Si Nanay, hindi ko alam kung papaano ko ipapaliwanag ang lahat ng ito sa kanya, ganoong inaasahan niyang makakapagtapos ako ng pag-aaral ngayong taon. At kung sakaling malaman niya ang tunay kong kalagayan, saan kami pupulutin? Siguradong malaking eskandalo ito sa pamilya ko lalo na sa pamilya ni Jim.

 

Matapos kong makausap ang aming Dean ay dumiretso ako sa basketball court. Iyon na rin ang nagsisilbing tambayan namin ni Nikki kapag nagpapalipas kami ng oras. Iyon na rin ang pagkakataon ko para makapag-isip ng mabuti. Hindi ko na alam kung gaano na ako katagal na nakatambay roon nang dumating ang kaibigan ko.

 

"Ano'ng nangyari sa'yo? Bakit hindi ka pumasok sa klase natin?" nag-aalalang tanong nito, "Nakapag-usap na ba kayo ni Jim? Nasabi mo na sa kanya?"

 

"Nikki…" para akong batang yumakap sa kanya, at doon ako umiyak. Hindi ko na kasi kayang itago pa ang nararamdaman ko. Pakiramdam ko ay sasabog na ako. Wala na akong ibang salitang narinig mula sa kanya, naramdaman ko na lang ang marahan niyang pag-alo sa akin. Nang mahimasmasan na ako ay saka ko na sinabi ang lahat sa kanya. Maski ang problema ko tungkol sa aking scholarship.

 

"Si Kath at Jim?" hindi makapaniwalang reaksyon ni Nikki, "Ang kapal pala ng mukha ng lalaking iyon, eh! Matagal na palang silang engage ni President bakit ka pa niya niligawan? Ang mga lalaki talaga, hindi nakokontento sa iisang babae lang!"

 

Hindi na ako nakakibo.

 

"Nasaan ba ngayon ang Jimmy Boy 'yun? Pinapainit niya ang ulo ko!" umakto pa itong na parang susugod.

 

Naalarma naman ako kaya mabilis ko siyang pinigilan.

 

"Ano'ng plano ngayon? Kapag nalaman n'yan ng Nanay ni Jim, malaking eskandalo 'yan!" nag-aalalang tanong nito.

 

"H-hindi ko alam," umiiyak akong umiling, "Naisip ko ngayon lang, tama si Jim. Kailangang mawala ang bata sa sinapupunan ko!"

 

Nanlaki ang mga mata ni Nikki. Aktong magsasalita pa sana ito nang biglang may tumawag ritong isang lalaki. Si Madz, ang masugid nitong manliligaw.

 

"There you are!" masayang bungad ng binata at kaagad itong tumabi kay Nikki, "Kanina pa kita hinahanap!"

 

"Bakit na naman?" may pagkainis na tanong ni Nikki, at saka naningkit ang mga mata nito nang makitang kasunod lang ni Madz ang mga barkada nitong silang Rex, Christine, Ike at John.

 

Nang makita ko si John ay kaagad kong pinunasan ang luha ko. Mabilis ko ring inayos ang sarili ko. Ayaw kong ipalahata sa binata ang sitwasyon ko ngayon. Kahit pa napapansin ko ang panay na pagsulyap niya sa akin.

 

"Kung plano n'yo ulit na i-prank kaming dalawa ni Aimee, please huwag ngayon!" may pagkainis na sabi ni Nikki.

 

Itutuloy....

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------

AUTHOR'S NOTE:

Please, LIKE, SHARE and Follow Me!!!

INSTAGRAM: @jackietejerostories

YOUTUBE: @jackietejero

BOOKLAT: @jackietejero

WATTPAD: @jackie_tejero

Stay Safe and Stay Healthy po tayong lahat! At labanan natin ang kumakalat na virus ngayon! Always Pray!

HAPPY READING PO!!!

----------♥♥♥♥♥♥♥♥♥♥----------

DATE PUBLISHED: April 8, 2020

Siguiente capítulo