webnovel

Day Off

Maagang gumising si Theo. Kasalukuyan siyang nakaharap sa kaniyang laptop upang alamin ang status ng hotel na mina-manage ng kaniyang pinsan na si Cliff. Napapailing na lamang siya habang tinitingnan ang kinikita ng hotel buwan-buwan. Lumalaki ang expenses kumpara sa pumapasok na pera.

Ano ba ang ginagawa ng pinsan niya? He's just playing around.

Nag-ring ang phone niya kaya sinagot niya iyon agad.

"Insan."

Bungad pa lang ng nagsalita sa kabilang linya ay alam na niya kung sino ang tumawag kahit hindi siya tumingin sa screen. Boses iyon ng loko-loko niyang pinsan.

"Balita ko nilagay ka ni Tito sa marketing and advertising ah?"

Tumungga siya ng alak sa baso niya bago sinagot ang pinsan. "So what?"

"Insan, bali-balita na rito sa Hotel."

Napahigpit ang hawak niya sa baso. Kahit kailan talaga ay napakabilis ng balita. Dalawang linggo pa lang ang nakakalipas simula nang magdesisyon siyang tumulong sa negosyo subalit kalat na kalat na sa LED Hotel.

Napahinga siya nang malalim habang nag-iisip kung paano niya tutulungan ang pinsan sa pagpapatakbo ng Hotel. Masiyado nang bumababa ang perang pumapasok sa kanila buwan-buwan. Kailangan nilang mabawi iyon.

"Cliff, did you manage the hotel well? Ang pangit ng nakikita kong feedback sa branch ng Manila. It has to perform well because it is located in the capital of the Philippines. What happened?"

"Woah. Insan, relax ka lang," natatawang sabi ni Cliff sa kabilang linya. Nasasanay na siya sa paraan ng pananalita ni Theo kaya naman minsan ay tinatawanan niya na lamang ito.

"Send me the number of the person who's in charge in accounting. I'm gonna check the expenses, income, bills, and taxes. Kailangan ko 'yon para makagawa ako ng paraan na matulungan ka."

"Sige Insan, salamat. Hindi ko na rin alam ang gagawin. Kung ano-ano na ang sinasabi sa akin ni Dad kaya naiirita na rin ako," pabirong sabi ni Cliff.

"I guess iyon ang common sa ating dalawa," sabi niya na lang. Pareho kasi silang mag-pinsan na mayroong mahihigpit na ama. Halos magkapareho kasi ng ugali ang tito at dad niya, parehong tutok sa negosyo. Kaya naman ay nasasakal na rin si Cliff sa amang si Eduardo. Masiyado na nitong kinokontrol ang buhay nito kaya minsan ay nananadiya at nang-aasar na lang ang pinsan. Sinasadya nitong magbulakbol dahil sa totoo lang ay wala itong kahilig-hilig sa negosyo. Mas nais pa nitong tumugtog sa bar kaysa ilaan ang buhay sa boring nilang negosyo.

"Eh Insan, kailan ka pala magpapakita rito? Okay ka na ba?"

"Wala na talaga akong choice kundi ang lumabas dito..." Napabuga ng hangin si Theo habang nagsasalita. Hindi niya inaasahan na darating din siya sa punto na magpapasiya siyang lumabas ng bahay. "Pero hindi pa ngayon," dugtong niya.

Pagbaba niya ng phone ay bumungad sa kaniya ang mukha ng kaniyang ina. "Mom." Nakangiti ang ina niya at unti-unting lumalapit sa puwesto niya.

"Theo."

Napailing si Theo at napagtanto na hindi iyon ang kaniyang ina kundi si Rina. Nakabihis ang babae ng plain t-shirt, naka-leggings at flat shoes.

Hindi makatingin si Rina sa kaniya simula ng mangyari iyon. Dalawang linggo na ang nakalipas subalit sariwang-sariwa pa rin sa alaala nila ang tagpo kung saan parehong siyang hubad at ang ina. Tumatak ang gulo na iyon sa kanilang lahat. Hindi rin iyon makalimutan ni Theo.

Sa kabilang banda ang hindi naman makalimutan ni Rina ay ang muntik ng gawin sa kaniya ng lalaki. Sobrang kinabahan siya nang halikan siya ni Theo. Dahil sa takot sa nangyari, mas tumindi ang pagnanais niyang umalis na sa mansion. Hindi niya lang iyon tinuloy sapagkat naalala niya ang kaniyang ina at mga kapatid. Kailangan niyang magkapera para mapatingin na niya ang ina sa doktor.

"Why?" tanong ni Theo sa babae at hindi inaalis ang tingin sa laptop.

"Day-off ko ngayon at sa susunod na araw pa ako babalik," paliwanag ni Rina.

"So?" sabi niya saka nagpanggap na nagta-type sa laptop.

"May niluto akong hotdog at sunny side up sa almusal. Nagluto rin ako ng adobo at ilan pang mga ulam. Initin mo na lang para may makain ka habang wala ako."

Lihim na napaismid si Theo. Sa totoo lang ay hindi na nito kailangan pang mag-abala na lutuan siya dahil kaya na niyang magluto para sa sarili kahit wala pa ang babae.

Akmang tatalikod na si Rina para umalis nang magsalita siya. "Rina, wait."

"Ano 'yon?" tanong nito.

"I'm sorry about last time," paumanhin niya nang hindi tumitingin dito. Alam niyang hindi maganda ang ginawa niya kaya naman gusto niyang humingi ng tawad dito.

Ngumiti ito sa kaniya at sinabi, "Ayos lang. Alam kong nadala ka lang ng galit mo."

Hindi niya inaasahan na iyon ang magiging tugon nito sa kaniya. Ang akala niya ay bubulyawan siya nito dahil sa galit na ginawa niya. Subalit hindi. Naalala niya na naman tuloy muli ang kaniyang ina. Kapag may nagagawa kasi siyang mali noong bata pa ay mahinahon lang ito kung magsalita. Pinapaliwanag lang sa kaniya ng ina nang maayos ang mali niyang ginawa. Kailanman ay hindi siya nasigawan nito.

Tanging ang ama lang naman niya ang nagpapakita ng galit sa kaniya. Ito ang laging may sinasabing masasakit na salita sa kalagayan niya. Katulad na katulad nito ang kaniyang Tito Eduardo.

Tatalikod na sana muli si Rina nang magsalita muli siya. "Rina."

"Hmm? May kailangan ka pa ba?" tanong nito saka inayos ang nakasukbit na bag sa balikat.

"Malayo ba ang bahay niyo?" wala sa sariling tanong niya. Kung aalis kasi si Rina ay maiiwan na naman siyang mag-isa sa mansion. Umalis din ang mom at dad niya noong Lunes pa at wala siyang ideya kung kailan babalik ang mga ito. Marahil sa sunod na araw, sa sunod na linggo o sa sunod na buwan pa. Napabuga siya ng hangin at sinabi, "Are you sure na babalik ka sa sunod na araw?"

"Oo, bakit mo natanong?"

"Ahm, nothing. Baka lang kasi maisipan mong hindi na bumalik because of what happened."

Natawa si Rina sa sinabi ni Theo. "Ano ka ba, sabi ko nga ay kinalimutan ko na 'yon. Isa pa ay kailangan na kailangan ko ng pera kaya hindi ako puwedeng mag-quit agad sa trabaho. Hindi pa nga ako nagsisimula, aayaw na agad ako?"

"Naisip ko lang naman, ang dami mo na agad sinabi." Sinarado na niya ang laptop at saka tumungga muli ng wine. "Bumalik ka agad."

"Sige...ay teka! Baka may gusto kang pabilhin sa akin? Pupunta muna kasi ako sa Robinson para makabili ng pasalubong sa mga kapatid at mama ko?"

"Pasalubong?" tanong niya. Narinig niya na ang salitang 'pasalubong' subalit hindi niya pa nararanasan na mabigyan nito. Sa sobrang busy ng daddy at mommy niya ay hindi na naisip ng mga ito ang bagay na iyon.

"Oo, isasabay na kita. Ano? May pabibilhin ka ba?" nakangiting tanong muli nito.

Umismid siya. "Dalhan mo ako ng pasalubong."

Nanlaki ang mata ni Rina sa narinig. Hindi nito inaasahan na sasabihin iyon ng lalaki.

"Bakit nanlaki ang mata mo?" nakangising sabi ni Theo. Natuwa kasi siya sa reaksiyon ni Rina.

"Ah wala wala. Sige dadalhan kita," sabi nito sabay ngiti sa kaniya.

Tumalikod na si Rina. Habang papalayo ang babae ay nanatili pa rin siyang nakatanaw sa likod nito hanggang sa tuluyan na itong lumabas ng kuwarto kung nasaan siya.

Napatayo si Theo sa puwesto at sinundan ang naglalakad na si Rina pababa ng hagdan. Lumabas ito ng front door. Sa hindi malamang dahilan ay bigla niya na lang naisip na silipin ang babae sa labas. Hinawi niya nang kaunti ang kurtina at tiningnan si Rina palabas ng gate. Nakangiti ito at bumabati sa mga guwardiya roon.

Napabuntong-hininga siya. Sanay naman siyang palaging nag-iisa subalit pakiramdam niya ay may kulang sa araw na iyon kung wala si Rina. Tiningnan niya ang paligid niya. Nakasarado lahat ng bintana at nakaharang ang mga kurtina. Hindi na nagawang buksan pa iyon ng babae marahil sa pagmamadali nitong makauwi sa kanila.

Hahawiin niya sana nang malaki ang kurtina para makapasok ang liwanag subalit nagdalawang-isip siya. Sa halip na hawiin nang malaki ay mas lalo pa niyang tinakpan ang bintana.

Siguiente capítulo