webnovel

Kabanata 17

SI Dolly ang masayang-masaya sa mga nangyayari. Naipakita ni Kiona kung ano talaga ang damdamin ng isang bride. Umiiyak sa kaligayahan. Tahimik lang si Kiona sa lahat ng iyon. Wala siyang balak ipaliwanag na hindi kaligayahan ang nararamdaman niya, kung hindi ibayong lungkot.

--

SA isang bar na pag-aari ng kaibigan nagtuloy si Cassius. Kokonti na ang customer.

"Pare, bakit naman hatinggabi ka na? Wala kang kasama?" Bati ni Rex.

"Wala. Bigyan mo nga ako ng pinakamatapang."

"Ano na naman ang problema mo? Pinuntahan ka na naman ng BIR." Biro ni Rex habang ginagawan ng inumin si Cassius.

"Mas grabe pa doon." Tugon nito.

"Babae? Kailan ka naman namroblema sa babae. Ang alam ko, ikaw ang pino-problema nila."

"Something terrible happened. Terrible."

"Nakabuntis ka?" Seryosong tanong ni Rex.

Tumawa si Cassius, sabay tungga sa inuming iniabot ni Rex.

"Ha?! Kanino?!" Daig pa ni Rex ang pinagsabihan ng isang confidential secret ng Pentagon, pagkat sa tagal nilang magkakilala ni Cassius, ngayon lang niya narinig dito ang katagang, love.

"I'm in love with my wife." Tugon ni Cassius.

"Your wife...? Ano'ng problema mo ngayon? Teka! Kailan ka pa nag-asawa?!" Si Rex ang uminom ng tinitimpla niya.

"Mahabang kwento, pare. Damayan mo nalang ako. Ayokong umuwi, hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko alam kung paano ko siya kakausapin. Hindi ko kayang tanggapin na mawawala rin siya. Ayoko na siyang makita!"

Hindi malaman ni Rex kung maaawa o matatawa sa kaibigan. Daig pa ni Cassius ang sixteen years old na umiibig sa unang pagkakataon.

"Tell me about it, pare." Na-realize ni Rex na hindi biro ang dinadala ng kaibigan. Walang preno ang tungga nito ng alak.

---

DAHIL sa performance ni Kiona noong nakaraang show, hindi na nagdalawang-isip ang mga organizers ng Super Model Search na isali sa preliminary search si Kiona kahit late na ito.

Tatlong buwan na lamang ang nalalabi upang mag-training siya. Ngunit tiwala si Dolly na kayang-kaya ni Kiona iyon.

Si Kiona ang nagdududa sa sarili. Nitong mga huling araw ay lagi siyang matamlay at nahihilo. Iniisip niyang may kaugnayan iyon sa mga mood swings niya sa nangyayari sa kanila ni Cassius.

Bihira na rin siyang sunduin. Hindi na niya magawang maglambing sa asawa, dahil natatakot siyang i-reject nito ang mga lambing niya.

"Kiona! Ano yan?" Bulalas ni Manay Dolly. Nakatingin sa plato ni Kiona.

"I'm eating. Napagod akong masyado.

I'm really hungry. Halika, join me." Yaya pa niya sa bakla.

"But what's that? You can't afford to gain weight, malapit na ang pageant. Look at your food, parang huling hapunan mo na iyan, eh."

Hindi makapaniwala ang bakla na ganoon karami kung kumain si Kiona. Dati-rati ay busog na ito sa soup and crackers at pure fruit juice. Hindi lang kanin ang marami sa plato ni Kiona, pati ulam. Iba't iba, pawang nakakatulo ng laway!

"I'm hungry. At saka, hindi naman ako mataba. I'm underweight. Don't worry, Manay." Tuloy sa pagkain si Kiona.

"I don't know. But I think, you're getting fat. Pagbibigyan kita ngayon, pero sa susunod, ako na ang mamamahala ng kakainin mo understand?"

Tumango si Kiona.

--

"HELLO, ma'am. Can I talk to Miss. Kiona Ty." Babae ang nasa kabilang linya si Mrs. Gregorio ang nakasagot.

"Wala siya dito. Sino ito? May ipagbibilin ka ba, iha?"

"Kaibigan po ako ni Kiona. Iyong kuya po niya, si Cassius, pwede ko bang makausap?" Pigil ang hininga ni Melissa. Malalaman niya ang totoo ngayon.

"Kuya? Cassius is my son. Kiona is his wife!" Bulalas ng Mama ni Cassius.

"Ganoon po ba?" Abot-tenga ang ngiti ni Melissa. "Matagal na po kasi kaming hindi nagkikita ni Kiona, nag-asawa na pala siya. Pakisabi na lang po na tumawag si Beth."

"Sasabihin ko." Ngunit nagbaba na ng telepono ang nasa kabilang linya. Naguguluhang ibinaba na rin ni Mrs. Gregorio ang telepono.

"I got you now, Kiona. Tingnan ko kung may mukha ka pang ihaharap sa madla. You're a fake, Miss Ty." Ani Melissa sa sarili. May binubuo itong plano.

Manalo man si Kiona sa pageant sa kanya pa rin ang korona. Ipapahiya niya sa lahat si Kiona. Ewan kung hindi ito idimanda ni Dolly.

---

KINAKABAHAN si Kiona nang nagbibihis siya isang umaga. Masikip ang pantalon niya. Kinakabahan man ay tinungo niya ang salamin. Muling naghubad ng damit. Hindi siya maaring magkamali. Tumataba siya. At nahahalata na.

Bumibilog ang balakang niya. Pati dibdib niya parang mabigat. Tiyak na mapapagalitan siya ni Dolly. Hindi niya sinusunod and diet. Kapag nasa bahay ay walang preno ang bibig niya sa pagkain. Na ikinatutuwa naman ng Mama ni Cassius. Dapat lang daw na magtaba siya. Pero hindi na magkasya sa kanya ang mga damit na isusuot sa pageant. Isang linggo na lang.

Kinuha niya ang tape measure sa aparador, ang dating twenty three inches na bewang, ngayon ay twenty- four and a half! Lahat ng parte ng katawan niya ay lumaki.

"Ano'ng ginagawa mo?" Tanong ni Cassius. Galing ito sa banyo.

"I'm gaining weight. Ano'ng gagawin ko?" Parang katapusan na ng mundo ang expression ni Kiona.

Gustong tumawa ni Cassius. "Mas maganda nga iyan, eh. Ang magkalaman ka ng konti. Kung hindi ka lang mestisa, mapagkakamalan kitang patay-gutom, kulang nalang sa iyo, eh, tangkay, lilipad ka na."

"What do you mean, kailangan ko ng tangkay?"

"Mukha kang saranggola. Buto't balat, lumilipad."

Padabog na inihagis ni Kiona ang tape measure. "I hate you! Wala kang paki-alam sa problema ko. I can't gain weight. Next week na ang pageant. Paano magkakasiya sa akin ang mga isusuot ko? Doon pa lang matatalo na ako. Look at me, I'm bloated. My pants won't fit!" Nagdadabog pa ring itinuloy ni Kiona ang pagbibihis. Pumili ng itim na blouse para pumayat siya.

Iiling-iling lang si Cassius. Kahit gustong-gusto na niyang hilahin sa kama ang kabiyak, pinigil lang niya ang sarili. Hindi na dapat. Wala siyang balak pahirapan ang sarili. Kung aangkinin niya si Kiona, anumang oras na maibig niya, lalo lamang siyang mahihirapang makipaghiwalay dito. Mabuti na iyong masanay siya.

Siguiente capítulo