Heto si Marble, tila lutang na naglalakad sa loob ng luneta, walang direksyon ang mga paa, bahala na kung saan siya ng mga iyon dalhin.
"Baby, dun tayo sa dancing fountain!" narinig niyang excited na wika ng isang babae.
Naplingon siya sa may-ari ng boses na 'yun pero nang makita ang nakaakbay nitong jowa ay binawi niya agad ang tingin.
Pakiramdam niya, nakadagdag iyon sa bigat ng kanyang nararamdaman, naalala lalo ang isinagot ni Vendrick kay Chelsea kanina.
Nanindig bigla ang kanyang mga balahibo, nakaramdam ng sobrang lungkot at muling napatungo habang patuloy na naglakad hnggang sa mapahinto siya sa tapat ng isang steel bench. Tila hapung-hapong naupo siya duon, tinanggal ang sandals na suot at inilagay sa kanyang tabi saka tumingin sa paligid.
Subalit tila ba nananadya ang pagkakataon na halos lahat ng makita niya'y mga mag-jowa, yung iba'y naghahalikan sa madilim na sulok habang ang iba'y magkaakbay na nanonood sa isa sa magagandang tanawin sa Rizal Park, ang musical dancing fountain. Ang ilan nama'y naghahagikhikan, maya-maya'y naghahalikan na sa lugar na 'yun kung saan mga ilaw lang sa poste ang nagsisilbing liwanag sa buong paligid.
Isinandig niya ang likod sa bench, pinagmasdan ang pinapanood ng karamihan. Sumasabay ang fountain sa tugtug ng awitin habang naglalabas iyon ng iba't ibang kulay ng tubig.
Subalit ang ganda ng tanawing iyon ay di man lang nakapagpagaan sa kanyang pakiramdam na tila binagsakan ng langit at lupa.
Ano na ang mangyayari sa kanila ni Vendrick ngayon? Talaga bang iiwan na siya nito? Paano na siya? Naibigay na niya ang lahat-lahat dito.
Pinatikim lang siya ng panandaliang kaligayahan, pagkatapos ay iiwan din agad. Paano siya maniniwalang mas mahal siya nito kesa kay Chelsea?
Dati, nangangarap siya ng lalaking siya lang ang mamahalin, magiging tapat sa kanya habambuhay.
Pero bakit si Vendrick ang ibinigay sa kanya ng Maykapal gayung hindi nito kayang maging tapat sa kanya?
Nakagat niya ang ibabang labi upang pigilin ang mapaluha saka tumitig sa sumasayaw na fountain.
Napalitan ang tugtog niyon, pumailanlang ang awitin ni Sam Smith na 'I'm Not The Only One'.
Ewan kung bakit tila nananadyang iyon pa ang naging kanta ng fountain na iyon, tumatagos sa puso niya ang bawat lyrics. Naalala niya tuloy noong una silang magkita at nakawin ang first kiss ng bawat isa hanggang sa muli silang magkita at malamang apo pala ito ng kanyang alaga.
Napahagikhik siya mag-isa nang maalala ang kanilang kulitan noon, pero di na niya napigilan ang pagkawala ng luha sa mga mata habang binabalikan sa alaala ang lahat.
Binubully pa siya nito lagi, pinagtatawanan pag baduy ang kanyang suot, kinukutya siya madalas dahil sa kanyang itsura at nangingialam sa buhay nila ng kanyang mga magulang.
Napahikbi pa siya lalo, nagpahid ng luhang wala na atang kapaguran sa pagpatak mula pa kanina.
Naalala niya uli, tumakas ito sa engagement party nito at ni Chelsea saka sumunod sa kanila dito sa Luneta.
Gusto niyang balikan sa alaala ang mga sandaling ramdam pa niyang nahuhulog ang loob ni Vendrick sa kanya, yung sandaling ibinigay nito ang kwintas sa kanya at hinalikan siya sa mga labi. Subalit bakit mas lalong umaalingawngaw sa kanyang pandinig ang chorus ng kanta, parang kutsliyong bumabaon sa kanyang puso, ang sakit ng hatid niyon dahilan upang maitakip niya ang mga palad sa mukha at lumkas pa ang umiyak?
Sa loob ng limang taon, pinilit niyang kalimutan ang asawa, subalit di niya nagawa. Ngayong akala niya'y pag-aari na niya ito'y saka naman ito tuluyang mawawala sa kanya, ngayong kung kelan hindi na niya kayang mabuhay nang wala ito.
Napalakas lalo ang kanyang iyak, ngunit sa dami ng mga taong nasa paligid, wala man lang may pakialam sa kanya, ni walang napapadako ang tingin sa kanyang kinaruruonan.
Alam niyang matapang siyang babae. Pero bakit ngayo'y wari bang nawalan siya ng pakpak? Tila bumahag ang kanyang buntot, nakaramdam siya ng awa sa sarili na dati'y di man lang sumagi sa kanyang isipan.
Ngayon lang kasi siya nagmahal lalo't sa isang lalaki lang tumibok ang kanyang puso. Ang hirap, parang wala na siyang lakas na mabuhay pa pagkatapos ng kanyang narinig kanina.
Napalakas pa ang kanyang iyak, tila di narinig ang biglang pagkulog.
"Binbin...bakit? Bakit?" sambit niya sa pagitan ng pagluha.
Nagsimulang umambon ngunit di man lang niya yun naramdaman habang nanatiling nakatakip ang mga palad sa mukha at nakatungo, ang mga siko'y nakatukod sa kanyang mga hita.
"Hoy miss, umuulan na!" tawag ng isang nagmagandang loob na dalagang tumatakbo at nadaanan siyang naruon pa rin sa bench.
Duon lang siya tila natauhan at napatingin sa paligid.
Ang kanina'y halos mapuno ng tao ang buong paligid habang nanonood sa dancing fountain, ngayo'y siya na lang ata ang nakaupo sa lugar na 'yun, nagsialisan na lahat.
Napatayo na siya lalo nang maramdaman ang pagbuhos ng malakas na ulan, bumasa agad sa manipis niyang damit, huli na para tumakbo kaya naglakad na lang siya paunahan nang biglang huminto ang pagbuhos ng ulan. Wait, no! Hindi iyon huminto. Merun lang nagpayong sa kanya.
Bigla ang malakas na pagpintig ng kanyang puso kasabay ng kanyang paglingon sa nagpayong sa kanya.
'Vendrick!' hiyaw ng kanyang isip habang di mapigilang mapaawang ang mga labi sa nakita.
Heto ang lalaki, pinapayungan siya sa gitna ng daan.
Nagtama ang paningin nila, nagtatanong ang kanyang mga mata, paano nitong nalamang 'andun siya sa lugar na 'yun, habang ito nama'y puno ng pag-aalala ang mababakas sa mga titig. Hindi, hindi ito nag-aalala sa kanya kasi mahal siya nito. Nag-aalala ito dahil alam nitong magagalit ang kanyang mga magulang 'pag pinabayaan siya nito't nagkasakit.
"Bakit di ka man lang sumilong bago bumuhos ang ulan?" nag-aalala nitong tanong.
Pumihit siya agad patalikod nang makabawi sa pagkagulat saka naglakad nang mabilis.
Gumagawa lang ito ng paraan para 'wag na siyang magalit, pagkatapos ay uutuin na uli siya, muling sasaktan at tuluyang babalik kay Chelsea.
"Marble--" tawag nito nang mapansing umiiwas siya sa payong nitong hawak.
Tumakbo siya palayo. Tumakbo na rin ito't hinawakan ang kanyang kamay.
"Take your hands off me!" hiyaw niya, agad hinablot ang kamay mula rito at muling tumalikod saka binilisan pa ang pagtakbo.
Subalit di niya inaasahang hahablutin ni Vendrick ang kanyang kamay at hihilahin siya pabalik rito. Napatili pa siya nang para lang siyang papel na binuhat at isinukbit sa kanan nitong balikat.
"Vendrick! Ibaba mo ako ano ba! Vendrick!" sigaw niya sa galit ngunit di man lang sumagot ang asawa, itinapon na ang payong at tumakbo palabas ng luneta habang karga siya sa balikat, tila di man lang ito nabibigatan sa kanya.
"Vendrick! Ibaba mo ako!" muli niyang sigaw ngunit siya na rin ang sumuko nang ilang beses niya itong binayo sa likod pero wala man lang itong reaksyon hanggang sa tuluyan na silang makalabas ng luneta at walang anuman siyang ipinasok sa loob ng kotse nitong nakaparada sa mismong harap ng park.