Tulad nga ng inaasahan niya, si Vendrick muna ang nagsilbing yayo ng ulyanin nitong lolo habang siya nama'y naglilinis ng kwarto nito.
Ang usapan nila, singkwenta ang bayad kada kalat na makikita niya sa kwartong 'yon kaya lahat ng kalat ay inilagay niya sa isang supot, 'yong mga damit nito't mga medyas ay sa ibang supot naman.
"Pssssst! Ito na ang babayaran mo sa'kin ngayon," tawag niya rito nang makita niyang nakatingin na lang ito sa matanda habang ang huli'y may sarili nang mundo't naaaliw manuod ng cartoons sa TV at nakaupo sa sofa katabi ng apo.
Kinawayan siya nito para siya na ang lumapit pero sa halip ay ito ang kanyang pinalapit, wala itong nagawa, panalo pa rin siya sa katigasan ng ulo.
Dinala niya ito sa may pintuan ng kwarto kung saan nakalagay ang dalawang supot ng kalat, 'yong isa, mga chichirya at balat ng pinagkainan nito. 'Yong isa pang supot, mga damit naman nito.
Ipinakita niya ang numerong nakalagay sa kanyang palad.
"Ano 'yan?" takang usisa ng binata.
"Ang bobo mo naman, syempre numero!" bulalas niya.
"I know they're numbers. Para saan 'yan, that's what I mean," paglilinaw nito.
"Ano pa ba, eh 'di yung bayad mo sa paglilinis ko sa kwarto mo?" maangas niyang sagot.
"What?!" sambulat nito saka biglang hinawakan ang palad niya't tinitigang mabuti, baka nagkakamali lang ito ng tingin.
"5,950?! That's absurd!" bulalas na uli nito.
"Ano'ng absorb absorb ka jan. Talagang mag-aabsorb 'yong mga numerong 'yan sa pagmumukha mo kung 'di ka magbabayad sa'kin," an'ya.
Binatukan siya ng binata.
"Aray!" hiyaw niya, ang talim ng tinging ipinukol sa kaharap.
"Bobo ka talaga. Absurd, hindi absorb," pagtatama nito.
"Ay sus! Parehas na din 'yon. Naiba lang ng bigkas. Magbayad ka na," pakikipagtigasan niya.
"Napakaimposible naman niyan. Isang oras ka lang naglinis ng kwarto ko, 5,950 agad ang babayaran ko?"
Naipameywang na niya ang mga kamay sa sobrang inis.
"Aba! Ano'ng imposible do'n eh pumayag ka na kahapon pa na sa bawat kalat sa sahig, swingkenta 'yon, ke maliit o malaki, basta kalat at dumi, singkwenta. Kahit magkwentahan pa tayo dito, 'di kita inuutakan. Walang pandarayang nagaganap ngayon," paliwanag niya sa mataas na boses, dahilan upang mapatingin ang matanda sa kanila at mapangisi.
Umupo agad ang binata sabay tingin sa nakalagay sa supot.
"Sige, patunayan mong walang pandarayang nagaganap," hamon nito.
Ang haba ng ngusong lumuhod siya paharap sa dalawang supot. Una niyang binuklat ang mga hinubad nitong damit.
"Itong isang pirasong medyas mo, singkwenta yan. Ito pang isa, bale 100 na, 'yong sando mo, 150 na. 'Yong brief mo, 200, 250, 300, 350-----"
hanggang sa umabot ng 1500 ang kwenta niya sa mga damit nitong nagpakakalat sa sahig.
Nakangangang nakamasid lang ang binata habang nagkukwenta din sa isip.
Sunod niyang binuklat ang mga duming nagkalat sa sahig.
"O ito, bilangin din natin saka ko ilalagay dito sa basurahan," patuloy niya't hinila ang malaking waste bin sa kanyang harapan.
"Itong Supot ng Nova, 50 na 'to, idagdag natin kanina, magiging 1550 na, itong Piatos, 1600, 1650, 1700....3000---" pagkahaba-haba niyang kwentada.
"This is really ridiculous!" bulalas na uli ng binata, napapangiwi sabay hablot sa kanyang hawak.
"Itong hibla ng buhok kong 'to, 50 pesos na 'to? " dismayado nitong usisa.
"Aba, natural! Dumi 'yan 'di ba? Kalat 'yan. Isa 'yan sa tinanggal ko sa sahig ng kwarto mo," paliwanag niya.
"Don't tell me, 'yong mga buhangin, inisa-isa mo rin ng bilang, 50 pesos din kada isa?" disamayado talagang wika ng binata, 'di makapaniwala sa nakikita.
"Aba syempre! Bawat piraso nga 'di ba?"maangas niyang sagot.
"Giatay na!" sambulat nito, nailamukos ang kamay sa mukha.
Napangisi siya.
Gigil itong napatayo saka siya dinuro.
"You---you little--- Grrrrrr! What should I call you this time, huh?" gigil na wika nito.
"Bah! Malay ko sa'yo!"
Nanggigil ito lalo sa sagot niya't isinabunot ang kamay sa sariling buhok.
"Hoy, hoy. Kahit ano pa'ng gawin mo sa sarili mo, magbayad ka muna sa'kin. Bale, 5950 lahat 'yon," kalmado niyang utos.
"Marble--!!!! Grrrrr!!!!" iniamba nito ang kamao sa kanya, litid ang ugat sa leeg sa inis, pero 'di naman siya magawang saktan.
Humalukipkip lang siya bilang sagot.
"Magkano na lang ba ang utang ko sayo niyan? 39,650 maynus 5,950 equalis...." nag-isip muna siya.
Muntik na namang sumambulat ng halakhak ang binata kung 'di niya ito tinitgan nang matalim. Ano na naman kaya ang balak nitong tawanan sa kanya?
" O ayan, 33,700 na lang ang utang ko sayo. Bukas uli ganun pa ring usapan," taas-noo niyang pagtatapos sa pag-uusap nila at lumapit na sa matandang busy pa rin sa panonood ng cartoons sa TV.
"Makakaisa din ako sayong payatot ka," gigil na sambit ng binata.
Nilingon niya lang ito't inirapan habang patuloy sa paglalakad palapit sa matanda.
"Anak, lika na. Bumalik na tayo sa kwarto," yaya niya't inalalayan na itong tumayo.
"Nanay, kelan ka po mag-aaral. 'Pag nag-aral ka po, mag-aaral din po ako ha?" wika ng alaga.
"Oo sige basta magpakabait ka lang ha?" sagot niya't inakay na ito palabas ng kwartong 'yon nang marinig ang boses ni Vendrick.
"Mag-aaral ka?" usisa nito.
"Oo, pumayag na si Madam na pag-aralin ako," pakaswal niyang sagot dito't dere-deretso nang lumabas ng silid kasama ang alaga.
Naiwang nakakunut-noo si Vendrick, tinatanong sa sarili kung anong pinaplano ng ina bakit pumayag itong mag-aral ang dalaga.
************
Isasara na sana ni Vendrick ang pinto nang mula sa labas ay umalingawngaw ang boses ni Gab.
"Drick!"
Ano na naman ang ipinunta nito dito? Mangungulit na naman kay Marble? Naiinis man sa kaibiga'y niluwagan pa rin niya ang bukas ng pinto para rito.
Ang lapad ng ngiti nito sa kanya. Tinapik pa siya sa balikat.
"Congrats Dude. Pero parang ang bilis naman ata ng pangyayari. Kahapon ka lang sinagot ni Chelsea at pinag-uusapan na agad ang engagement niyo," anito 'di mawala ang ngiti.
"What?!" napalakas ang boses niya sa narinig.
Kahapon pa tila nakukuliglig ang tenga niya sa ganyang issue, ngayon nadagdagan na naman? Gusto niyang sapakin ang pinagmulan ng balitang 'yon.
Pero sa halip na sumagot ay naikamot niya lang ang daliri sa noo.
"Dude, pwede mo ba akong samahan sa Cebu?" pakli ni Gab nang akmang tatalikuran niya ito.
Nagsalubong agad ang kanyang mga kilay sabay baling dito.
"Ano'ng gagawin mo na naman sa Cebu?" usisa niya ngunit tila nakarehistro sa mukha nito ang sagot.
"Gusto ko lang hingin ang kamay ni Marble sa mga magulang niya para maniwala silang tapat ako sa anak nila at para maniwala si Marble na totoo ang nararamdaman ko sa kanya," paliwanag nito.
Lalong umasim ang timpla ng kanyang mukha. Mangani-nganing sapakin niya ito nang matauhan.
"Dude, andaming babae d'yan, magaganda pa, pwede mong ipagmayabang. Bakit ba do'n ka pa sa tomboy na 'yon nagkaganyan?" iritado niyang sambit.
Napabuntunghininga ito sabay yuko.
"Siya ang gusto ng puso ko Dude," malungkot nitong sagot.
"But can't you see, wala siyang pakialam sa nararamdaman mo. Ni hindi nga alam ng bampirang 'yon na may mga taong nagkakagusto sa kanya. Engot 'yon, Dude." pandi-dscourage niyang lahat ata ng kapintasan ni Marble ay gusto niyang makita nito.
Nag-angat ng mukha ang binata saka siya hinawakan sa magkabilang balikat.
"Look Drick. I don't care if she's the ugliest and the most ignorant person on earth. I just know that I love her, and that's the most important thing to me," anitong ramdam ang katapatan sa mga salita nito.
Biglang kumulo ang kanyang dugo't naikuyom ang mga kamao. Naiinis na naman siya sa dahilang 'di niya mawari. Ngunit ramdam niyang totoo ang sinasabi ni Gab. Ngayon niya lang ito nakitang nagkakaganto sa isang babae.
"Wala na sa dati nilang bahay ang mga magulang niya," tila sumusuko niyang saad.
Nagliwanag ang mukha nito.
"Dude, pa'no mong nalaman? Sinabi ni Marble sa'yo? Nagkausap kayo ni Marble? Inilalakad mo na ba ako Dude? Sa wakas!" pumilantik ito sabay tawa.
Bumaling siya sa kaibigan, seryoso ang mukha. "Mahal mo ba talaga siya?" seryoso niyang tanong, pero ewan kung bakit ambigat ng kanyang dibdib habang inilalabas ng bibig ang mga salitang 'yon.
Mabilis itong tumango. "Mahal ko siya Dude. Tulungan mo lang akong iparating ang nararamdaman ko sa kanya Dude, tatanawin kong utang na loob 'yon sa'yo." anitong hinawakan na siya sa kamay.
Napabuntunghininga siya. Marahil nga, ito ang tamang gawin para kay Gab, ang pagbigyan ito sa nararamdaman para kay Marble.
"Segurado ka bang kaya mong ipagtanggol ang tomboy na 'yon sa mga magulang mo at lahat ng nakakakilala sa'yo? Alam mo naman ang pagmumukha ng payatot na 'yon at ang estado niya sa buhay," muli niyang tanong.
Tumawa ito nang malakas sabay titig sa kanya nang mariin.
"Why does it seems that you're being protective to her?" usisa nito.
Napalunok siya. 'Natural! Ayaw kong saktan nila ang payatot na 'yon!' gusto niyang isagot.
"Ayuko lang maging masama ang ugali mo sa mga taong nakapaligid sa'yo 'pag napa-sa'yo na siya," ngunit iba ang lumabas sa kanyang bibig.
"Dude, that won't happen. Magiging masama lang ang ugali ko pag sinaktan nila si Marble," seryoso na uli nitong sagot.
That's it! Ipagtatanggol nito ang engot na 'yon. 'Yon lang naman ang gusto niyang marinig mula sa kaibigan. Ngayong narinig na niya, kahit mabigat sa dibdib, kailangan niya itong suportahan.
"Ano'ng plano mo ngayon?" usisa na uli niya.
"Gusto kong samahan mo ako sa mga magulang niya. Makikipagkita ako sa kanila," anito.
Ilang segundo ang dumaan bago siya tumango. Sa sobrang tuwa'y nayakap siya nito nang mahigpit.
What about him? 'Di niya alam kung bakit tila gusto niyang magwala sa galit, and at the same time, parang may mabigat na batong nakadagan sa kanyang dibdib, nahihirapan siyang huminga kaya bahagya niyang itinulak ang kaibigan.
"Let's go to Cebu tomorrow," he muttered and closed the door with a frown on his forehead.
Naiwan si Gab sa labas ng pinto na parang idinuduyan sa alapaap sa sobrang saya, ni ,di napansing napalakas ang bagsak niya sa pinto.