Hindi napansin ni Marble ang paglipas ng mga oras hanggang sa umabot sila ng limang araw na walang ligo-ligo at namamalimos lang sa loob ng park, 'di nga lang halatang namamalimos kasi nagkakaroling sila sa buwan ng Marso. Ang mga tao nama'y naaaliw habang nanonood sa kanila lalo pag sumasayaw na ang matanda, siya naman ang kumakanta at pinagkakiskisan ang dalawang kutsara upang lumikha ng tugtog at isinasabay niya sa kanyang kanta.
Tulad ng kanyang inaasahan, hindi na nga bumalik ang mga binatilyo sa pwesto nila, natakot marahil ang pinuno ng mga ito sa kanya.
Katulad ng nakasanayan ng matanda sa loob ng limang araw, ito ang bumili ng kanilang tanghalian.
Siya nama'y excited lang na naghihintay habang nakaupo sa sementadong upuan sa tabi ng isang puno, kung saan siya iniwan noon ng kanyang tiyahin.
Wala pang sampung minuto'y naririnig na niya ang pagtawag sa kanya ng matanda.
"Nanay! Nanay! Tulungan mo ako! Nanay!" sigaw nito na tila takot na takot.
Mabilis siyang tumayo at hinanap ng paningin ang matandang hanggang ngayon ay 'di niya alam kung anong pangalan.
"Anak!" sigaw niya nang makitang uugod-ugod ito at hirap tumakbo palapit sa kanya habang hinahabol ng tumatakbong lalaking matipuno ang pangangatawan.
Bakit tila yata andaming gusto gumulpi sa matanda?
Hindi na siya nagdalawang-isip at tinakbo na ng matanda ngunit nahuli pa rin siya dahil bago pa nakalapit ay naabutan na ng lalaki ang huli at bigla na lang binuhat na tila bata lang saka nagmamadali ang mga hakbang nito palayo sa kanya palabas ng Rizal Park.
"Hoy! Hoy! Bitawan mo siya! Hoy! Pesteng yawa ka! Hoy!" habol niya sa matipunong lalaking may bitbit sa matandang 'di man lang makapalag.
Hanggang sa makita niyang huminto ang lalaki sa tapat ng isang magarang sasakyan, saka lang ibinaba ang matanda at akma nang ipapasok sa loob nang buong lakas siyang sumigaw.
"Hoyy! Sandalii!"
Napalingon ang matikas na lalaki at takang napatitig sa kanya.
Sa wakas ay naabutan niya ang dalawa. Habol ang paghinga ay hinawakan niya sa braso ang matandang agad na kumapit sa kanyang damit nang makalapit siya.
"Nanay, tulungan mo ako. Ikukulong na naman nila ako," humihikbing pagsusumamo ng matanda.
Ilang beses siyang tumango rito upang pakalmahin ito saka hinagod ang likod nito upang tumigil sa paghikbi.
"'Wag kang mag-alala anak, hindi kita pababayaan," pagbibigay niya ng assurance.
Bumaling siya sa lalaking naging isang linya na lang yata ang kilay sa sobrang pagtataka sa tawagan nila ng matanda, pagkuwa'y sumeryoso ng mukha nito at tumindig nang maayos.
"Ano na naman ba ang kasalanan niya sa inyo? Bakit siya lagi ang pinag-iinitan niyong lahat, huh?" matapang niyang sita sa lalaki.
Naguluhan ito sa sinabi niya saka siya tinitigan, sinuyod siya ng tingin mula ulo hanggang paa at pabalik sa ulo.
"Tumakas lang siya sa mga amo ko," seryosong sagot ng lalaki.
"Panong 'di tatakas eh kinukulong niyo," pagalit niyang hiyaw rito saka bumaling sa matandang panay tango sa sinabi niya.
"Hindi mo ba alam na binugbog siya ng mga kabataan nung nakaraang araw at nagkaroon na siya ng takot sa mga tao, tapos ngayon eh ikukulong niyo na naman?" Sermon pa niya, matatas nang magsalita ng tagalog.
"Hindi siya sa kulungan dadalhin, kundi sa bahay ng kanyang anak," matigas na sagot ng lalaki saka siya tinapik sa balikat at pinilit na papasukin ang matanda sa loob ng sasakyan ngunit bigla itong sumigaw at humawak sa bukas na pintuan habang di binibitawan ang kanyang damit.
Noon lang sumagi sa kanyang utak ang ibig sabihin ng lalaki at curious na uling lumapit rito.
"Ano'ng sinabi mo? Ibabalik na siya sa bahay ng kanyang anak?" Pag-uulit niya sa sagot nito kanina.
May anak pa pala ang matanda na di nakatiis at hinanap ang huli? At ang sasakyang nasa harapan niya pag-aari ng anak ng matanda?
Maang niyang tinitigan ang matanda. Mayaman pala ito?! Pero bakit tila ayaw bumalik ng matanda duon?
"Nanay, ayuko pong bumalik sa kanila. Ikukulong na naman nila ako. Di na naman tayo magkikita," panaghoy ng matanda.
Eksakto namang tumunog ang cellphone ng lalaking kaharap nila at sandaling tumalikod sa kanila.
"Madam, nakita ko na po siya, may kasamang taong grasa," anang lalaki.
Ang talim ng tinging ipinukol niya sa nakatalikod na lalaki. Kahit di niya magets agad ang sinasabi nito pero alam niya ang kahulugan ng grasa, madumi, kulay uling. Gano'n ba siya karumi nang mga sandaling yun? Sabagay limang araw na siyang 'di man lang nakakapaghugas ng mukha.
"Nanay, tulungan mo ako. Ayukong bumalik duon," muling pakiusap ng matanda sa kanya.
"'Wag kang mag-alala. 'Di ako papayag na 'di niya ako isasama. Sabihin mo 'di ka papayag na sumama hanggat 'di ako kasama," pabulong niyang utos sa matanda.
Sandali itong natahimik saka nakakalokong ngumisi.
"Tama ka, Nanay. 'Di ako papayag na sumama 'pag 'di ka kasama," segunda nito.
Napangiti siya.
Kung totoo nga ang kanyang hulang mayaman ang sinasabing anak ng matanda, baka ito na ang pagkakataong hinihintay niya para makaalis sa Rizal park. Kahit magpakatulong siya sa anak nito, ayos lang basta makaalis lang siya sa lugar na 'yon. Saka na niya pagpaplanuhan ang sunod na gagawin pag nasa bahay na siya ng mayamang anak ng matanda.
Nang muling humarap sa kanila ang lalaki ay parang papel siya nitong itinulak.
Napaupo siya patihaya sa gilid ng daan.
"Hindi ako sasama sa'yo hanggat 'di siya kasama!" mataas ang boses na wika ng matanda sabay turo sa kanya.
Noon lang tila natauhan ang lalaki at salubong ang kilay na bumaling sa kanya.
Nang mapansin nitong nag-iba ang tindig ng matanda ay agad itong yumukod.
"Patawarin niyo po ako, Senyor," anito.
Takang napatingin siya sa matandang kusa nang pumasok sa loob ng sasakyan at 'di na siya muling tiningnan.
Lumapit sa kanya ang lalaki at tinulungan siyang makatayo.
"Sasama ka samin ng senyor," anito sa kanya.
Senyor? Tama ba ang pagkakarinig niya? Ang pagkakaalam niya, tinatawag lang na senyor ang isang matanda kung sobrang yaman nito. Ibig sabihin mayaman nga talaga ang matandang nakasama niya sa loob ng limang araw?
Nagmamadali siyang sumakay sa loob ng sasakyan kung saan pumasok ang matanda at kinakabahang tumabi rito ng upo saka tinitigan itong mabuti.
Wala naman sa itsurang mayaman ito. Pero noon pa siya nagtataka sa bilis nitong magbilang ng pera na tila alam na alam kung magkano ang binibilang nito.
Totoo nga ba'ng mayaman ito? Hindi talaga siya makapaniwala.
Ang akala niya, sasakay na ang lalaki at dadalhin na sila pabalik kung saan nakatira ang matanda ngunit nanatili lang itong nakatayo sa harap ng pinto ng sasakyan na tila may hinihintay.
Hanggang sa may van na huminto sa unahan ng sasakyan kung saan sila nakalulan.
Kitang-kita niya ang pagbaba ng isang magandang babae at pagmamadali nitong makalapit sa lalaki.
"Nasa'n si Papa?" narinig pa niyang tanong nito sa nakatayong lalaki sa labas.
"Nasa loob po Madam, kasama ang taong grasa," tugon ng lalaki.
Bumukas ang pinto ng sasakyan kung saan siya pumasok kanina ngunit biglang natuon ang paningin niya sa lalaking lumabas sa van at lumapit din sa lalaking matipuno ang pangangatawan.
Awang ang bibig na napatitig siya sa mukha ng lalaking 'yon.
Hindi siya pwedeng magkamali. Ito 'yon!
Ito 'yong bastos na lalaking nagnakaw ng kanyang first kiss sa Tabo-an public market!