webnovel

Chapter 10

Chapter 10

Title: Confession

Sa mga sumunod na araw, simula nang bigyan ako ng bagong singsing ni Gani, sobra na akong naiilang sa kaniya.

As in sobra na parang hihimatayin ako kapag ang lapit-lapit namin sa isa't isa. As in super talaga. As in!

Sobra na ngang nae-ehersisyo ang puso ko dahil lagi na lang 'tong tumitibok nang napakabilis sa tuwing nakikita ko siya. Kapag hindi naman siya mahanap ng paningin ko sa tuwing umaalis siya ng Leibnis para may puntahan, miss na miss ko siya... at ang pagdating niya ang lagi kong hinihintay.

Tinatanong ko nga lagi si Hilva kung saan ba siya pumupunta at parati na lang siyang umaalis pero tikom naman ang bibig nito.

At ngayon, kauuwi niya lang kaninang umaga. Nagpapahinga na siya sa kwarto niya pagkatapos kumain kasama ako. Uminom din kami ng tsaa na inihanda ni Hilva. Para siguro 'yon palakasin ulit ang katawan niya dahil sa pagod at nakiinom lang ako.

Naaawa nga ako sa kaniya dahil may eyebags na siya at halatang pagod talaga. Hiniling niya nga sa'kin kanina na kantahan ko siya kahit hum lang pangpatulog.

Imbis na maoffend ako katulad ng dati, napressure na ako dahil halatang-halata na gusto niya talagang kantahan ko siya... pero nadisappoint ko pa rin siya. Kahit pilitin ko ang vocal chords ko, ang pangit naman ng nagiging boses ko. Pero buti na lang at nakatulog pa rin siya.

Habang pinagmamasdan ko kanina ang mukha niya habang natutulog, nawala ang lahat ng pagkainip ko sa mga oras na wala siya rito sa bahay. Napunan n'on ang pagkamiss ko sa kaniya nang sobra... pero ayoko nang umalis-alis siya ng Leibnis kaya napagdesisyonan ko ang isang bagay.

Ngayon ay nakatitig ako sa isang blangkong papel na nakapatong sa mababang lamesang kaharap ko. Nakaupo ako ngayon sahig at hawak ko ang isang manipis na brush. May lalagyan naman ng ink sa tabi ng papel.

Napangiti ako. Ang papel na 'to ang magiging daan para malaman na ni Gani ang nararamdaman ko para sa kaniya.

Inangat ko muna ang kanang sleeve ko para hindi maging sagabal 'yon sa pagsusulat ko at doon ay isinawsaw ko na sa ink ang brush na hawak ko.

Nagsimula na akong magsulat.

Gani, makipagkita ka sakin mamayang gabi sa may bungad ng flowerfield. Yung lugar na napakaraming mga bulaklak malapit sa Sentro. May sasabihin ako sayong mahalaga. Pag di ka sumipot, lagot ka sakin.

Queen.

* * *

Nasa may flowerfield na ako na ginawa kong meeting place namin ni Gani.

Kahit gabi na, maliwanag pa rin dito dahil sa sinag ng buwan at sobrang hangin na ang lamig-lamig. Kung hindi lang mahahaba ang mga suot ko, nangangatal na ako sa lamig ngayon.

Luminga-linga ako sa paligid para tingnan kung dumating na si Gani. Siguradong gising na siya ngayon at natanggap na niya ang sulat na ipinaabot ko sa isang servant niya. Ang kailangan ko na lang gawin ngayon ay maghintay.

Teka. Paano ba ako magcoconfess sa kaniya? Kinakabahan talaga ako.

Kailangan kong magpractice!

Tumikhim muna ako. "G-gani... Ang totoo... may gusto ako sa'yo." pagpapractice ko ng sasabihin mamaya kay Gani.

Yack. Masyadong straightforward.

"Gani... Dahil gusto mo naman akong mapangasawa, gusto na rin kita."

Ano ba 'yan? Parang ang yabang naman ng dating n'on.

"Gani... I like you."

Kahit english naman siguro, maiintindihan niya dahil pabalik-balik na siya sa mundo namin dati pa.

Napatigil ako sa pagpapractice nang marinig ko na ang mga yabag ng isang taong—Gisuneng papalapit sa'kin.

Napatingin ako sa papalapit na lalaki sa'kin at nagsimula nang lamunin ng kaba ang dibdib ko. Ang lakas-lakas na rin ng pagpintig ng puso ko at nanlamig ang mga palad ko. "G-gani." nautal na tawag ko sa pangalan niya.

'Wag kang kabahan Queen! Baka pumalpak ka sa confession mo!

Tumikhim ako para alisin ang kabang nararamdaman ko pero nabawasan lang 'yon nang kaunti. "B-buti at dumating ka."

Tumigil na siya sa harapan ko pero natigilan ako nang makita ang seryosong-seryosong tingin niya sa'kin.

Ngayon ko lang siya nakitang tumitig nang ganito sa'kin. Parang... ang lamig?

"Ano ang dahilan at inabala mo pa ako na papuntahin dito?" cold na tanong niya at para naman 'yong kutsilyo na tumarak sa dibdib ko. Nabigla rin ako sa sakit niyang magsalita ngayon.

Inisip ko na lang na baka masama ang gising niya dahil wala namang ibang dahilan para tratuhin niya ako nang ganito.

"A-ahh.. P-pasensya na. Alam ko naman na pagod na pagod ka sa pinuntahan mo pero pinapunta pa kita rito. May sasabihin kasi ako na sa lugar lang na 'to magagawa kong masabi sa'yo." Pinili ko talaga ang lugar na 'to kung saan ako magcoconfess sa kaniya para romantic at memorable talaga para sa'min.

Hindi siya umimik at deretso lang na nakatingin sa'kin kaya naging go signal ko na 'yon para simulan na ang confession ko. "Ehem." kinakabahan talaga ako kaya hindi ako makatingin nang deretso sa kaniya. "G-gani... A-ano kasi... Gusto ko lang sabihin sa'yo na sobra akong nagpapasalamat sa lahat ng ginawa mo para sa'kin."

Tinagpo ko na ang tingin niya at sana, nababasa na niya ang gusto ko talagang sabihin sa mga mata ko. "Ilang beses mo nang niligtas ang buhay ko. Hindi ko man ipinapakita pero sobra-sobra talaga akong nagpapasalamat." hinawakan ko ang kamay niya pero natigilan ako dahil malamig 'yon hindi katulad ng dati na nagpapasa ng warmth sa mga palad ko. Sa sobrang lamig lang siguro. "Gani... Sa tingin ko—"

"Huwag mong sabihin na aaminin mong nahulog ka na sa akin?"

Natuod ako bigla sa tanong niyang 'yon at nanlaki nang kaunti ang mga mata ko. Para ring may kumurot nang pino sa puso ko dahil sa tono ng boses niya. Rinig na rinig kasi ro'n na hindi niya magugustuhan kung o-oo ako.

"H-ha?" unti-unti akong napabitaw sa kamay niya at binasa kung ano ang sinasabi ng mga mata niya... pero ang lamig-lamig ng tingin niya pa rin sa'kin... katulad ng kamay niya.

Kahit ang kirot-kirot na, nagpakaoptimistic pa rin ako at inisip na baka jino-joke time niya ako pero bahala na. Sinimulan ko na 'to kaya dapat ko lang tapusin 'to sa kung ano ang pinaplano ko. "Kung 'yun ang sasabihin ko... hindi naman masama, 'di ba?" lakas loob kong pag-amin sa kaniya. Halos itaya ko lahat para lang sa pag-amin ko sa kaniya na 'to. Ang pride ko, ang mga pinagsamahan namin... pati ang puso ko.

Bigla siyang napangisi. "Nahihibang ka na. Tinrato lamang kita nang maganda kumpara sa iba ay espesyal na kaagad ang tingin mo sa iyong sarili sa aking buhay. Batid mo ba na isang kahibangan sa akin ang umibig ako sa isang taong katulad mo?"

Hindi ko nagawang sumagot sa kaniya at napako lang sa kinatatayuan ko. A-anong nangyayari sa kaniya? Hindi naman siya ganito sa'kin nitong nakaraang mga araw kapag nasa bahay siya.

Hindi ko maintindihan kung bakit siya biglang naging ganito sa'kin. Iniisa-isa ko na sa isip ko kung may nagawa ba akong hindi niya nagustuhan bago kami magkita rito pero parang wala naman akong maalala bukod sa na-disappoint ko siya sa paghum ko kanina bago siya matulog.

Pero kahit na. Alam niya naman ang kalagayan ko kaya 'di ko na magawa 'yon katulad ng dati.

"Kung ikaw ay iibigin ko at magkaroon tayo ng supling, ang aking buhay ay magiging kasing ikli ng sa inyong mga tao ngunit kung sa kapwa Gisune ko ako magkakasupling, magpapatuloy ang aking mahabang buhay. Kaya hindi ako mahahangal na ibigin ang isang tulad mo upang mamatay nang maaga."

Nanlalaki pa rin ang mga mata ko at naramdaman ko ang pag-init ng mga 'yon sa mga luhang namumuo na ro'n. Lumabo na rin ang paningin ko pero aninag na aninag ko pa rin ang ngisi niya. "K-kung gan'on, bakit mo ako pinakilala bilang mapapangasawa mo?!" naiinis na sigaw ko sa kaniya dahil sa pangrereject niya sa'kin nang ganito kasakit.

"Simple lamang. Hinawakan mo ang aking buntot at tradisyon na sa aming mga Gisune na dapat ay ipakilala kita bilang aking mapapangasawa dahil sa iyong ginawa. Binigyan mo pala iyon ng espesyal na kahulugan?" Napapalatak pa siya habang umiiling-iling dahil sa pagiging assumera ko. "Kapag ikaw naman ay nakabalik na sa inyong mundo ay roon na matatapos ang bagay na iyon sa atin."

Tuluyan nang nagbagsakan ang mga luha ko at pigil na pigil ang mga hikbi ko habang nakatulala sa kaniya.

Pero 'yung mga efforts mo para sa'kin. Hindi mo ako masisisi na mag-assume dahil sa laki ng mga efforts mo para sa'kin, sabi ko na lang sa isip ko dahil baka mas lalo niya pa akong insultuhin kapag sinabi ko pa sa kaniya.

"Kalilimutan ko na nangyari ito ngayong gabi at aakto ako katulad nang dati. Ganoon din ang nararapat mong i-akto sa akin at tandaan mo na huwag na huwag mo na muling babanggitin sa'kin ang bagay na iyan gayong binigyan na kita ng malinaw na sagot. Huwag mo na ring bibigyan ng espesyal na kahulugan ang aking mga ikinikilos." seryosong sabi niya at doon ay naglakad na paalis.

Sa pag-alis naman niya, nawalan na ng lakas ang mga tuhod ko kaya napaupo na ako sa lupa habang nakatulala lang sa papaalis niyang bulto. Wala namang awat ang mga luha ko sa pag-alpas ng mga 'yon mula sa mga mata ko.

Totoo pala ang sinasabi nila na nababasag ang puso...

...dahil ang sa'kin ngayon, durog na durog sa pang-aapak doon na ginawa niya.

Napakasama mo Gani. "Napakasama mo!" malakas na sigaw ko habang mariin na nakapikit.

~Tagapagsalaysay~

Nakauwi na si Gani sa kaniyang bahay at nang nasa tapat na siya ng kaniyang silid, unti-unting nagbago ang kulay ng kaniyang buhok. Naging kulay puti iyon saka naman humaba hanggang sa baywang. Unti-unti na ring nagbago ang kaniyang anyo at lumabas na ang tunay niyang pagkatao.

Ito si Zarione o kilalang Rio sa bayan ng Leibnis at ngising-ngisi ito. "Buti nga sa babaeng iyon." mahinang sabi niya na tuwang-tuwa.

(Pagbabalik tanaw)

Nang ihahatid na ng tagapagsilbing inutusan ni Queen ang kaniyang sulat sa silid ni Gani ay nasalubong ito ni Rio. Pinagbawalan niya ang tagapagsilbing iyon na pumasok sa silid ni Gani dahil batid niya na nagpapahinga ito at ayaw niyang maistorbo ito.

Napansin niya na nag-aalinlangan ang tagapagsilbi kaya tinanong niya kung ano ba ang kailangan nito at doon na nito sinabi ang tungkol sa liham ni Queen. Dahil sa inis niya sa babaeng laging pinagtatanggol ni Gani, kinuha niya ang sulat mula rito at sinabing siya na lamang ang mag-aabot sa amo nito.

Nagpasalamat naman ang tagapagsilbi sa kaniya at umalis na. Doon na niya binasa ang laman ng liham at nakutuban na kaagad niya na aaminin ni Queen ang nararamdaman nito para kay Gani.

Bilang Gisune na isa sa mga nabiyayaan ng kakaibang kakayahan sa kanilang lahi ay ginamit niya iyon upag paglayuin ang loob ng dalawa. Kaya niyang mangopya at magpalit ng anyo kaya ginaya niya ang anyo ni Gani at kinita si Queen saka malupit na tinanggihan ang pag-ibig nito.

Napangisi muli siya sa pagkatuwa dahil nagtagumpay siya na saktan si Queen at palayuin ang loob nito kay Gani.

Siguradong hindi na babanggitin muli ng babaeng iyon ang kaniyang nakakadiring pag-ibig kay Gani pagkatapos ng nangyari, sabi niya sa kaniyang isip at kung maaari lang siyang makatawa nang matinis ay nagawa na niya.

Tiningnan na niya ang pinto ng silid ni Gani sa kaniyang harapan at dahan-dahang binuksan 'yon. Madilim sa loob dahil patay ang sindi ng kandila sa silid nito ngunit mas malinaw ang paningin nilang mga Gisune sa dilim kaya kitang-kita niya ito na mahimbing na natutulog.

Wala itong kaalam-alam sa kalupitang ginawa niya kay Queen.

Naglakad siya palapit dito at tumabi ng higa rito saka niyakap ito. "Hindi ako makapapayag na mapunta ka sa babaeng iyon Gani." mahinang sabi niya pero nagising na ito dahil sa pagyakap niya.

"Eirin?!" gulat na gulat na sabi nito at agad na napaupo kaya napabitaw siya rito.

Umupo na rin siya. "Ako ito. Si Rio."

Nangunot naman nang sobra ang noo nito. "Zarione! Anong ginagawa mo rito sa aking silid?!"

"Nais ko lamang naman tumabi sa iyo Gani... katulad nang dati." Niyakap niya pa ito ngunit pahihiwalayin sana siya nito nang biglang galabog na bumukas ang pinto ng silid na iyon.

Napatingin kaagad sila roon pareho at namilog naman ang mga mata ni Gani nang makitang si Queen iyon na bakas na bakas ang galit sa mukha. Paga rin ang mga mata nito na halatang galing sa sobrang pagluha.

Poot na poot na nakatingin ito sa kanilang dalawa nang hubarin nito ang gintong singsing na suot nito sa daliri. "Sa'yo na 'yang singsing mo!"

Nagawa namang masalo iyon ni Gani ngunit pagtingin niya muli sa pinto ay wala na roon ang babaeng mortal na nagmamay-ari niyon.

Rinig na rinig ang tumatakbong mga yabag nito paalis doon. Nanlaki naman ang kaniyang mga mata at napatayo na. "QUEEN!"

Susundan na sana niya ito nang may harangin ni Rio ang daraanan niya. "Hayaan mo na siya! Hindi ka naman maaaring umiibig sa taong katulad niya dahil iikli ang iyong buhay katulad nila!" sigaw nito sa kaniya.

"Wala akong pakialam! Mahalaga sa akin si Queen at hindi ko siya pababayaan dahil lamang natatakot ako sa pag-ikli ng aking buhay!" Pinilit niyang lagpasan ito ngunit humarang pa rin ito.

"Hindi ko maintindihan! Bakit sa mahinang nabubuhay na tulad niya iyong binuksan ang puso mo Gani?!" May mga luhang kumawala na mula sa mga mata nitong desperadong nakatingin sa kaniya. Bakas na bakas sa mukha nito na ang gusto lang nito ay ang kabutihan niya.

Lumambot naman ang ekspresyon niya nang makitang umiiyak na ito. Huminga siya nang malalim para kalmahin na ang sarili at masuyong hinaplos niya ang ulo nito. "Sa iyong tamang edad Rio. Maiintindihan mo rin ako kung bakit."

Natulala naman ito at doon ay nilagpasan niya na ito para sundan na si Queen.

Si Rio naman na naiwan sa silid na iyon ay napaupo na lang habang nakatingin sa kawalan.

Doon ay unti-unting nagbago ang kaniyang anyo at lumiit ang kaniyang katawan hanggang sa maging sa isang paslit na iyon.

Napakahaba ng kaniyang nakalugay na buhok na nakakalat sa sahig at may mga palamuti iyong mga bulaklak. Napakaganda rin ng kaniyang maliit na mukha na hindi ganoong nalalayo sa anyo ng babaeng lagi niyang ginagaya.

Napahikbi na lamang siya roon at ibinalot niya rin ang sarili niya sa limang mababalahibong mga buntot niya upang hindi pumaibabaw sa katahimikan ng gabi ang kaniyang mga hikbi.

Sa kabilang banda, hindi malaman ni Gani kung saan hahanapin si Queen. Dahil sa panghaharang ni Rio sa kaniya kanina ay tuluyan nang nakalayo ito.

"Queen!" sigaw niya at wala na siyang pakialam kung makabulabog man siya ng mga tulog sa kanilang bayan. Sobra siyang nag-aalala kay Queen dahil baka maiisipan nitong lumabas ng bayan ng Leibnis pero nagdadalawang-isip pa rin siya kung tama ang kutob niya dahil sa nangyari noon sa kanila sa pang-aatake ng leon.

Doon niya naalala ang singsing nito na nasalo niya kanina. Hawak-hawak niya pa rin iyon saka inamoy.

Ang lahi nilang mga Gisune ay malakas ang pang-amoy kung hawak nila ang isang bagay na may naiwang amoy ng taong hahanapin nila kaya mas madali niyang mahahanap si Queen kumpara dati noong inatake sila ng Leon. Nahirapan siya noon sa paghahanap dito dahil wala namang gamit si Queen na naiwan sa kaniya noon.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at inamoy na ang paligid para masundan ang amoy ni Queen. Iyon ay ang amoy ng rosas na kasama lagi sa ipinapaligo rito.

Nang matanto niya na kung saan patungo ang amoy nito ay napamulat na siya.

Tama nga ang kutob niya.

Lumabas nga ito ng Leibnis kaya naman napakabilis na tumakbo na siya para sundan ito.

"QUEEN!" Ang lakas-lakas ng tibok ng puso niya sa pagod sa pagtakbo at sa labis na pag-aalala para sa kaligtasan nito.

~Queen~

"Mmmmmm!" pilit kong pagsasalita dahil may busal ang bibig ko ngayon. Sinusubukan ko ring makawala sa tali sa mga kamay at paa ko kahit na buhat ako na parang sako sa balikat ng isa sa mga lalaking kumidnap sa'kin ngayon.

"Tumigil ka sa pagpalag! Hindi mo na maililigtas ang iyong sarili!" sigaw sa'kin n'ong isang kidnapper na kasama nitong may buhat sa'kin.

Pinukol ko naman siya ng matalim na tingin pero nginisian niya lang ako.

Nang magwalk-out kasi ako kina Gani kanina, kinain na ako ng sakit na ginawa nila sa'kin ni Rio at hinayaan na lang ang mga paa ko na dalhin ako sa kung saan na hindi ko sila makikita.

Hindi ko namalayan na nakalabas na pala ako ng Leibnis at sakto naman na nasalubong ko ang dalawang kidnapper na 'to. May mga magic sila at ano naman ang laban ko na ordinaryong tao lang?

"Ang swerte natin! Akalain mo iyon! Naligaw lamang tayo sa paghahanap ng Panuluyan(Hotel) ay nakatagpo tayo ng isang napakagandang binibini na maaari nating ipagbili sa kontinente ng Notos!" tuwang-tuwang sabi n'ong matabang kidnapper na nanigaw sa'kin kanina. Parang nakajackpot siya sa lotto sa lawak ng ngisi niya.

"Sa wakas! Magkakaroon na tayo ng ipapadala sa Notos para maging tagapag-aliw roon! Malaking salapi ang tatamasain natin sa binibining ito!" sabi naman nitong nagbubuhat sa'kin sa balikat niya. Mas mataba at mas malaki ang katawan niya sa kasamahan niya.

Sobrang nanlaki ang mga mata ko sa nalaman ko na gagawin nila sa'kin. Gagawin nila akong prostitute sa pagdadalhan nila sa'kin! "MMMMMMMM!" Sinubukan ko ulit na pumalag sa pagkakabuhat sa'kin at dahil sa naging paglikot ko, nabitawan niya ako kaya nalaglag ako at napahiga sa lupa.

Napadaing pa ako dahil sa pagkakahulog ko na 'yon pero hindi pa ako nakakabawi nang biglang may sumuntok nang malakas sa sikmura ko.

Para namang tumigil ang pagana ng utak ko at pa ring pinagdamutan ako ng hangin sa ginawa sa'kin. Kahit gusto kong mapasinghap sa sakit n'on, hindi ko nagawa sa busal ng bibig ko.

Namilipit ako sa sobrang sakit at nakapikit nang mariin saka nabasa na ng luha ang magkabila kong pisngi na kinapitan pa ng lupang kinahihigaan ko ngayon. Pumipintig ang sikmura ko sa sakit n'on at napahikbi na ako sa habang dumadaing.

"Tingnan natin kung magawa mo pa rin akong mapahirapan sa iyong pagsubok na tumakas!" sigaw sa'kin ng lalaking may buhat sa'kin kanina. Mukhang siya rin ang sumuntok sa'kin.

"Isa pang suntok ang gawin mo upang tuluyan na siyang mawalan ng malay. Siguradong magwawala muli iyan kapag bumalik na ang lakas sa kaniya," udyok ng kasamahan nito.

Sigurado ngang mawawalan na ako ng malay kapag inulit na suntukin ako sa sikmura.

Please... Kahit sino... Tulungan n'yo 'ko.

Bigla namang sumagi ang nakangiting imahe ni Gani sa isip ko.

Gani... Iligtas mo 'ko. Please...

"Huwag mong sabihin na aaminin mong nahulog ka na sa akin?"

"Nahihibang ka na. Tinrato lamang kita nang maganda kumpara sa iba ay espesyal na kaagad ang tingin mo sa iyong sarili sa aking buhay."

Oo nga pala. Siguradong hindi na siya darating katulad nang dati kaya hindi na dapat ako umasa sa wala.

Hindi naman talaga ako mahalaga sa kaniya. Nag-assume lang talaga ako kaya hindi na dapat ako maghintay na iligtas niya ako katulad noon sa Leon.

May kumapit sa balikat ko at itinihaya ako ng higa. Umupo pa siya sa hita ko para mas malapitang masuntok ang sikmura ko. Tumatawa rin sila na aliw na aliw sa pagdurusa ko sa kanila.

Hinintay ko na lang ang gagawin nila sa'kin habang patuloy akong lumuluha. Tanggap ko na rin naman na walang magliligtas sa'kin.

"Haaah!" pagbuwelo ng lalaki sa pagsuntok muli sa'kin.

"MGA LAPASTANGAN!" malakas ng sigaw ng isang napakapamilyar na boses kaya napamulat kaagad ako.

G-gani...

Ipagpapatuloy...

Siguiente capítulo