webnovel

Chapter Nine

"IT'S RAINING," tuwang-tuwang sabi ni Rainie. Nasa kubo sila ni Maken sa bukid isang tanghali. Doon sila nananghalian.

Makulimlim na ang langit nang magtungo sila roon. Hindi naman gaanong malakas ang ulan kaya hindi sila nababasa. Tuwang-tuwa si Rainie kapag umuulan sa tanghali. Mula nang sabihin ng mga magulang niya na nabuo siya habang umuulan isang tanghali, pakiramdam niya ay birthday niya tuwing umuulan nang ganoong oras.

Nginitian siya ni Maken at masuyong pinisil ang ilong niya. May bigla siyang naalala sa birthday niya.

"Tatlong buwan na akong seventeen pero hindi ko pa rin natatanggap ang regalo ko," nakalabing sabi niya.

Noong mag-seventeen siya, hindi nakarating si Maken dahil hindi ito maaaring lumabas ng bansa noong mga panahong iyon. Masyadong busy ang schedule ng Lollipop Boys. Naiintindihan naman niya iyon. Nakakalungkot lang isipin na kahit minsan ay hindi pa sila nagkasama sa birthday niya.

May kinuhang parihabang kahon si Maken sa bulsa nito at iniabot iyon sa kanya. Nagulat siya. Ang totoo ay nagbibiro lamang siya nang manghingi siya ng regalo. Ayos lang naman sa kanya kahit wala. He was like a beautiful gift from God already. She felt so blessed for having him.

Binuksan niya ang kahon. She saw a gold necklace with a star pendant. Puno ng mga nakaukit na brilyantes ang star. Napakaganda niyon.

"You like it?"

"I love it," ani Rainie habang hinahaplos ng daliri ang pendant. "Thank you."

"Matagal ko na dapat naibigay sa `yo `yan. Lagi ko lang nakakalimutan. Sa susunod, mas mahal at mas maganda ang bibilhin ko para sa `yo."

"I love this already. Isuot mo sa `kin."

Tumalima si Maken. Dumukwang ito at isinuot sa leeg niya ang kuwintas.

Napalunok si Rainie nang maglapit ang mga mukha nila. Nang matapos ikabit sa leeg niya ang kuwintas ay nagsalubong ang mga mata nila. Bumaba ang mga mata ni Maken sa mga labi niya mayamaya. Bumilis nang husto ang tibok ng kanyang puso. Hahagkan na ba siya nito sa wakas?

Tumikhim si Maken at lumayo sa kanya. Nadismaya siya nang husto. She anticipated too much. Bakit ayaw siya nitong hagkan? Sigurado siya, hindi mabaho ang hininga niya. Sigurado rin siya na napakaganda niya. Ilang lalaki na ba ang sumubok na hagkan siya? She never let any of them kiss her. Ang nais niya ay si Maken lamang ang makahalik sa mga labi niya.

She suddenly felt so frustrated. She wanted him to kiss her.

"Maken," tawag niya. Tumingin lang ito sa kanya. "Come closer." Lumapit nga ito sa kanya. "Kiss me," utos niya.

Napalunok ang binata, tila hindi alam ang gagawin at sasabihin. "Rainie..."

"May nahalikan ka na bang iba?"

Umiling si Maken.

"On and off camera?" Marami na ring nakapareha sa mga shows at music videos si Maken. Ang alam niya, wala pa itong ginawang kissing scene. Nais lang niyang makasiguro na wala talaga.

Tumango ang binata.

Ngumiti si Rainie at inilapit ang mukha niya sa mukha nito. "Sa uri ng trabaho mo, sooner or later, hahalik ka sa isang babae sa harap ng camera. Be my first kiss, Maken. I also want to be your first."

"I want everything to be special."

Pinigil niya ang sarili na tuluyang mainis. Why couldn't he just shut up and kiss her?

"Paano ba ang gusto mong special? Kahit nasaan pa tayo, kahit anong oras o okasyon, a kiss would always be special because it came from you." She then closed her eyes and offered her lips to him.

Nais mapangiti ni Rainie nang maglapat ang mga labi nila. Unti-unting gumalaw ang mga labi ng binata sa mga labi niya. The kiss was very gentle. Tila mga talulot ng rosas lamang ang humahalik sa kanyang mga labi. Bumaha ang kaligayahan sa buo niyang pagkatao. The kiss felt so right. She felt so loved and so special.

Inosenteng iginalaw rin niya ang mga labi sa mga labi ni Maken. Ikinulong ng mga labi niya ang upper lip nito. Kahit first timers, tila alam na nila ang gagawin. It was not perfect but it was sweet.

Nagngitian sila nang maghiwalay ang mga labi nila.

"Again," hiling ni Rainie.

Natatawang dinampi-dampian ng binata ng mumunting halik ang kanyang mga labi. Ang sarap-sarap ng pakiramdam niya. Tila siya high na high. Ganoon siguro ang nararamdaman ng high sa bawal na gamot.

Nang lalayo na si Maken sa kanya ay ipinaikot niya sa leeg nito ang mga braso niya. "Isa pa," hirit niya.

"Nawili ka," biro nito.

"Why are you still talking?"

Hindi na nga nagsalita si Maken. He just kissed her again. Ah, heaven. It was the most special rainy afternoon.

"THIS IS fun! I love you, Vann!"

Natawa si Mark Kenneth sa isinigaw ni Rainie. Hindi rin niya mapaniwalaan ang kinang na nakikita niya sa mga mata ng dalaga. She was indeed happy. Napailing siya nang kawayan sila ni Vann Allen.

Nasa Luneta silang tatlo. Hindi sila dinudumog ng mga tao dahil naka-disguise sila bilang mga taong-grasa. It was thanks to Vann Allen's creativity.

"May Inglesera bang pulubi?" sabi ni Mark Kenneth.

Lumabi lang si Rainie at ipinagpatuloy ang pagkain ng fishball. Si Vann Allen naman ay kumakain ng dirty ice cream sa tabi ng rebulto ni Rizal. Sina Mark Kenneth at Rainie ay nakasilong sa halaman at nakaupo sa damuhan.

Kahit puno ng grasa at magulung-magulo ang buhok, si Rainie na ang pinakamagandang pulubi na nasilayan ng mga mata ni Mark Kenneth. Hindi niya alam kung kumbinsido ang mga taong nakakakita sa kanila na taong-grasa nga sila. Rainie walked with extra grace. Halata rin ang American accent sa pananalita nito.

Nang magbalik sa Maynila si Rainie galing ng hacienda ay hiniling nito na mag-date daw sila nang matino bago man lang daw ito bumalik sa Amerika. Kaya naman nagplano siyang maigi para sa isang romantikong dinner. Ipina-reserve niya ang isang buong restaurant at ipinaayos iyon para maramdaman ni Rainie na espesyal na espesyal ito. There were plenty of flowers, lights, and music—all the works.

Ang akala niya ay magugustuhan nang husto ni Rainie ang lahat ng inihanda niya. Nagustuhan naman daw nito ngunit kitang-kita niya na hindi nito gustung-gusto talaga. She thanked him nevertheless.

Hindi rin niya napigilang itanong kung ano ang mali sa kanyang ginawa. Nais niyang malaman kung may ayaw si Rainie sa mga inihanda niya.

"You did great," nakangiting sabi ng dalaga. "Everything is beautiful. Perfect even. How do I say this? It's too grand. Maybe, I want simpler things. Iyong tipong lalakad lang tayo sa mall o sa kalye na magka-holding hands. Kakain tayo ng fishball. O kaya ay simpleng picnic sa park. "But then again, we couldn't do that. Dudumugin ka ng mga tao. Your fans would be jealous of me. Don't get me wrong. I love our date. I love every detail of it. Thank you so much. It's very romantic."

Nagsayaw sila at kinantahan ni Mark Kenneth si Rainie nang gabing iyon. Nakita naman niyang naligayahan ang dalaga. Pag-uwi nila ay nakakuwentuhan niya si Vann Allen. Sinabi niya ang naganap sa date nila. Sinabi rin niyang tila nais niyang pagbigyan ang simpleng date na gusto ni Rainie. Malapit na kasi itong bumalik sa Amerika. Bitin na bitin siya sa pagsasama nila. Para ngang kulang na kulang ang oras nila para sa isa't isa habang naroon ang dalaga.

Ang sabi ni Vann Allen ay ito ang bahala. May naisip na raw itong paraan upang makapag-date sila ni Rainie sa isang parke nang hindi siya nilalapitan ng mga tao. Lalayo pa nga raw ang mga tao sa kanila.

Kaya hayun sila, mga taong-grasa. Pagdating sa kalokohan, numero uno si Vann Allen.

Nagpapasalamat na rin si Mark Kenneth. Hindi nga siya nilalapitan ng mga tao, nilalayuan pa nga sila. Matagal-tagal na panahon na rin mula nang ma-enjoy niya ang simpleng buhay na ganoon. Ang sarap maging taong-yagit. Mukhang enjoy na enjoy rin si Rainie sa ginagawa nila, at iyon ang pinakamahalaga sa lahat.

"Maken, may tanong ako," anang dalaga mayamaya. Ubos na nito ang fishball at gulaman. Siguradong magpapabili na naman ito mamaya.

"Ano?"

"What are we exactly?"

Natigilan siya. Hindi pa ba alam ni Rainie? Hindi pa ba malinaw? O siya lamang ang masyadong presuming? Itinuring na niya itong girlfriend mula noong araw na nagsabihan sila ng "I love you." Para ba kay Rainie ay wala pa rin silang relasyon? They kissed already.

"I just asked because I wanna have an anniversary. Gusto kong mag-celebrate tulad ng iba," anito na tila nahihiya.

"Mahal kita. Alam mo naman iyon, `di ba? Mahal na mahal kita, Rainie. Walang ibang babae sa puso ko."

She smiled. "So, you're officially my boyfriend now. Ngayon na lang ang gawin nating anniversary. I love you, boyfriend."

He smiled back. "Kung saan ka masaya. And I love you, too, girlfriend."

"Kiss mo `ko, dali."

Tumalima kaagad si Mark Kenneth. Ginawaran niya ng mabilis na halik ang mga labi ni Rainie. Mahal na mahal niya ang babaeng ito. Kaya nga siya nagsusumikap nang husto ay para kay Rainie. Nais niya itong bigyan ng masaganang buhay balang-araw. Nais niyang maibigay ang lahat ng makakapagpasaya rito.

Umaapaw sa pagmamahal at kaligayahan ang kanyang puso. Hindi niya makita ang hinaharap niya na hindi si Rainie ang kasama. He only wanted one woman to be with him forever, and that was Rainie.

Lumapit sa kanila si Vann Allen. May nakasunod ditong photographer na tila hindi alam kung ngingiwi o hindi.

"Picture, picture," sabi ni Vann Allen habang nauupo sa gitna nila ni Rainie.

Game na game naman si Rainie. Nakikulit na rin si Mark Kenneth sa dalawa.

LUNGKOT na lungkot si Rainie habang nasa airport sila ni Maken. Kailangan na naman niyang umalis. Minsan, iniisip niya kung bakit kailangan pa niyang pahirapan nang husto ang sarili. Bakit ba kailangan niyang lumayo? Wala namang nagsasabing lumayo siya.

Nasa tabi niya si Maken habang hinihintay niya ang flight. Nagpumilit itong ihatid siya paalis kahit iginiit niyang kaya na niya. Tita Angie had to cancel a commitment because of that. Hindi na rin kasi siya maihahatid ng dad niya.

Nakasuot ng baseball cap at malaking salaming de-kulay si Maken. Nakayuko ito upang hindi mamukhaan ng mga tao.

She sighed. Aaminin niyang kulang na kulang ang mga oras na magkasama sila. Nais pa sana niyang magtagal ngunit hindi puwede. Kailangan na niyang balikan ang mga responsibilidad niya sa Amerika.

"I'm missing you already," anang binata habang hinahagkan ang kamay niya.

"Me, too." Napabuntong-hininga uli si Rainie. "Alam mo bang nakakaramdam ako ng sobrang takot tuwing umuuwi ako sa Amerika? Baka kasi wala na akong balikan dito. I'm afraid that you'd find someone else to love. Natatakot akong baka makalimutan mo ako."

"You are being silly. Paano ko makakalimutan ang mukhang `yan? I promise you this, Rainie, I'll always be faithful to you." Sinserung-sinsero ang pagkakasabi ni Maken.

Kahit paano ay nabawasan ang bigat na nararamdaman niya dahil sa kanyang pag-alis. "You are in a glamorous world now. Marami ang magaganda sa mundong ginagalawan mo. Maraming tukso. Marami nang nagmamahal sa `yo."

Kinabig siya nito at masuyong niyakap. "You're my only one. You are my only darling star."

Hinaplos niya ang buhok ni Maken. "It's the other way around. You are my darling shiny star. Remember when I told you that you could be a star but I don't want you to be?"

Hinagkan nito ang sentido niya bilang tugon.

"Kasi madamot ako. Ayaw kong may ibang makakita at humanga sa kinang mo. Pero kapag nagmahal ka pala, nawawala ang pagiging madamot mo. Be happy and shine. Nandito lang ako lagi."

"Stop. Masyado kang seryoso. Hindi ka naman ganito dati."

"Trip ko lang, bakit ba? Sana, sa susunod na umuwi ako, iba na ang tingin ng mga tao sa `kin. Sana, hindi na ako kapatid mo sa paningin nila. Nakakainis kasi, eh. Hindi naman tayo totoong magkapatid pero ganoon ang tingin nila sa `tin. Hindi ka nga inampon ni Dad, eh. Hindi tayo pareho ng apelyido. Masyadong conservative ang mga tao rito. Sana, dumating ang araw na maipagsisigawan natin sa mundo na tayo na."

Kumalas si Maken sa kanya. Pinakatitigan siya nito. Kahit natatakpan ang noo nito, alam niyang nakakunot iyon. "Rainie..."

She wrinkled her nose. "May kaunting karamutan pa sa sistema ko. Gusto kong malaman ng lahat na akin ka. Pagpasensiyahan mo na `ko sa possessiveness ko." Tumayo na siya. "I need to get inside now."

Tumayo na rin si Maken. Hinintay ni Rainie na magsalita ang binata ngunit nanahimik ito. Tumiyad siya at hinagkan ang pisngi nito bago siya tumalikod at naglakad palayo.

Hindi pa man siya nakakalimang hakbang ay tinawag siya ni Maken. Nagtatakang lumingon siya. Nanlaki ang kanyang mga mata nang tanggalin nito ang suot na cap at salamin.

Kaagad itong nakilala ng mga tao. Narinig din niya ang tilian ng mga babae.

"Si Maken `yon ng Lollipop Boys, `di ba?"

"Oo nga. Siya nga `yon. Mas guwapo pala siya sa personal."

Lumakad si Maken patungo sa kanya. Niyuko siya nito at hinaplos ang kanyang pisngi. "I love you," masuyong pahayag nito. "Lagi mong tatandaan `yon, ha?"

Bago pa man makatugon si Rainie ay siniil na ni Maken ng halik ang kanyang mga labi. Nakita muna niya ang kislap ng mga camera bago niya ipinikit ang mga mata.

Hindi siya maniniwala kung may magsasabi sa kanya ngayon na may taong mas masaya pa kaysa sa kanya. It was so great. She loved him, he loved her, and they were going to be together forever.

Siguiente capítulo