Gusto na niyang mapalundag sa tuwa sa nakita. Naroon si Miko katabi ng isang lalaking nakasuot ng checkered na sleeveless jacket, pinatungan lang iyon ng isang puting robe na may hood na tumakip sa mukha nito at sa tabi niyon ay isang babaeng kasing-edad niya marahil, nakadamit ng baro't saya. Ibig sabihin, uso na ang ganoong damit noon? 'Yong style Maria Clara?
"Miko," sambit niya sa pangalan ng nobyo habang pigil ang paghagikhik. Sa wakas, nakita na din niya ito.
Bulong lang iyon ngunit tila narinig nito ang pagtawag niya't napatingin sa dako niya. Hindi niya napigilang kumaway sa binata dahilan upang mapatingin sa kanya ang katabi nitong lalaki.
Subalit ibinaba niya agad ang kamay nang mapansing nakaagaw siya ng atensyon sa mga naroon.
Tumigil ang pagpapatugtog sa kulintang, tumigil na rin ang sayawan.
Pero wala siyang pakialam doon, ang mahalaga sa kanya ay makalapit kay Miko at makausap niya ang nobyo nang makabalik na sila sa kanilang mundo.
Ngunit nakapagtatakang walang naging reaksyon ang binata kahit nakita na siya. Bakit? Hindi marahil siya namumukhaan dahil sa suot niyang bandana.
"Mahal na Datu Magtulis, kung iyong mamarapatin ay aking nang hihipan ang tambuli bilang hudyat sa pagsisimula ng paligsahan," wika ng isang matabang lalaki habang nakaluhod sa harap ng tinatawag nitong Datu Magtulis.
Tatanggalin na sana niya ang bandana upang makilala siya ni Miko sa tulong ng liwanag na nanggagaling sa campfire, nang marinig ang sagot ng datu.
"Hipan ang tambuli!"
Nahagip ng kanyang paningin ang hinahanap na si Agila, palapit sa nagpakaupong mga datu sa mga luklukan ng mga ito.
Awang ang mga labing napatitig siya sa binatang hindi pa man nagsisimula ang paligsahan ay may hiwa na sa braso at may malaki nang sugat sa gilid ng labi, mula sa mga iyon ay pumapatak ang sariwang dugo.
"Agila!" Hindi niya naiwasang isigaw ang pangalan nitong tila walang narinig at dumeretso lang ng lakad kasama ng iba pa hanggang sa lahat ng mga kasama nito'y magsiluhod sa harapan ng dalawang datu.
Gusto niyang lapitan ang binata at itanong kung bakit ito duguan?
Nagsimulang maghiyawan ang mga taong nakapalibot, atat na masimulan ang paligsahan.
Nakagat niya ang ibabang labi habang tila dinudurog ang puso sa awa para kay Agila.
Sa lahat ng mga naroon, bakit ito lang ang duguan? Binugbog ba ito bago dinala roon?
Hinanap rin ng kanyang paningin si Makisig pero wala roon ang binata, salamat naman.
"Aking Ama, ang lalaking ito sa ating harapan ay tiyak na isang magiting na mandirigma kaya't marapat lamang na siya'y sa akin mapunta." Hindi pa man nagsisimula ang paligsahan ay wika na ng dalagang katabi ng tinatawag na Datu magtulis, sa kabila ng babae ay ang lalaking nakaputi't nakatago sa suot na hood ng damit ang mukha.
'Hindi pwede!' Gusto niyang isigaw sa babaeng hula niya'y isa ring prinsesa o dayang sa salita ng mga ito.
Sa kanya lang si Agila. Hindi ito pwedeng mapunta sa iba.
Lumipat siya ng pwesto upang mapansin ng binata, muling sumiksik sa mga taong nakapalibot hanggang sa makarating siya sa unahang hanay sa gawi kung saan makikita siya ni Agila.
"Agila!" pigil ang boses na tawag niya sabay kaway sa lalaki.
Sa wakas, nakita siya nito, ngunit sa halip na matuwa ay ano't napansin niyang tumalim na naman ang tingin sa kanya?
Noon niya lang naalalang pinagbawalan pala siya nitong umalis ng kubo.
Nagpatirapa ang binata sa harap ng mga pinuno.
"Ipagpaumanhin ng inyong kamahalan subalit ang aliping ito'y pag-aari ng anak ng Datu ng Dumagit!" mariin nitong sagot, hindi ikinubling ayaw nitong maging bodyguard ng dayang ng Rabana.
Napatingin ang dayang sa ama nito, humihingi ng saklolo sa huli.
"Ama, parusahan ang aliping iyan!" utos dahil sa pagkapahiyang natamo.
"Huwag!" bulalas niya dahilan upang matuon ang pansin ng mga naroon sa gawi niya.
Kinabahan siya bigla. Paano kung sa kanya naman magalit ang babaeng iyon?
Mabuti na lang, nahagip niya agad ang braso ng katabing lalaki saka niya itinaas.
"Simulan ang paligsahan! Simulan ang paligsahan!" sigaw niya gamit ang kamay ng nagtatakang lalaki, mabuti't hindi ito nagalit.
Mabuti na lang din, nagsisunuran ang iba pa, nag-chorus na ring sumigaw na simulan na ang paligsahan upang mawala ang atensyon ng lahat sa sinabi ng dayang ng Rabana.
Dahil kay Agila na natuon ang kanyang atensyon, hindi niya napansing kunut-noong napatingin si Miko sa kanya at lalong hindi niya nakitang titig na titig ang katabi nito sa kanyang suot na damit at naniningkit ang mga matang napatingin sa nakatakip niyang mukha.
Isinenyas ng Datu ng Rabana ang kamay para simulan na ang paligsahan.
Unang isinabak ang negritong lalaki sa likuran ni Agila at ang isang pandak ding lalaki sa di kalayuan sa kanya.
Habang siya'y puno ang utak sa mga gustong gawin makuha lang si Agila sa lugar na iyon. Takot siyang baka kapag natalo ito'y gawin itong pang-alay sa ritwal lalo na't nagalit ang dayang sa binata.
Sa kabila ng dami ng iniisip, ano't tela may magnetong humila sa kanyang mga mata patungo sa dako ni Miko at napako sa katabi nitong lalaking hindi man niya nakikita ang mukha'y ramdam niyang nakatingin sa kanya?
Bakit sa lahat ng mga taong naroon ay ito lamang ang naiiba ang suot na damit? Para itong artistang nagpapauso ng outfit. Ngayon nga lang niya napansing nasa uso ang robe nitong may hood sa kanyang pinanggalingan.
Kung hindi pa bumulong sa lalaki si Miko, hindi pa tatatak sa isip niya ang mukha ng nobyo.
Ayun na naman, gusto na naman niyang kawayan ang binata at papuntahin sa kanyang gawi nang magkausap sila.
Tumingin siya sa paligid, sa isang dereksyon lang nagpakatingin ang mga tao, sa mga naglalaban lang sa gitna.
Muli niyang isiniksik ang katawan at lumayo mula sa karamihan saka umikot papunta sa kinaroroonan sana ni Miko nang umalingawngaw ang boses ng mga tao, iisang pangalan lang ang isinisigaw.
"Agila! Agila!"
Takang napalingon siya sa nilabasan kanina.
Si Agila na ba ang lalaban? Hindi ba nakikita ng lahat na halatang katatapos lang ng binatang makipaglaban sa kung sino? Tumutulo pa nga ang sariwang dugo mula sa braso nito.
Nag-aalalang muli siyang sumiksik sa pagitan ng mga taong nanonood sa paligsahan hanggang maitulak ang katawan sa unahan.
"Agila! Agila!" muling hiyawan ng mga manonood.
Pakiramdam ni Shine, siya ang hihimatayin habang nakikita si Agila na halos hindi na makatayo mula sa pagkakaluhod hawak ang sibat nito samantalang ang kalaban nito'y nakangisi pa sa binata't pinagpaplanuhan nang umatake.
Gosh! Parang mapupugto na ang kanyang paghinga nang sa isang iglap ay sumugod ang kalaban ng binata, nakaamba agad ang matulis na sibat upang itusok sa katawan ng huli.
"Agila!" napasigaw siya sa takot, nanginginig ang mga kamay na naitakip sa bibig ngunit ang mga mata'y dilat na dilat habang walang kurap na nakatingin sa ginagawa ng dalawa. Natatakot siyang baka kapag inalis niya ang tingin sa binata ay magapi ito ng kalaban.
"Agila, lumaban ka!" sigaw niya uli nang mapansing muntik na itong matumba nang hampasin ng sibat ang katawan nito.
Gusto na niyang mapahagulhol sa takot. Kung pwede lang tumakbo siya sa gitna ng mga tao at pagsasampalin ang walanghiyang kalaban ng binata sa galit ay ginawa na niya.
"Agila, parang-awa mo na, 'wag kang mamamatay," hindi niya mapigilang sambit kasabay ng isang hikbi habang nakatingin sa binatang halatang pagod na pagod na at wala nang lakas pang lumaban gayong kasisimula lang ng paligsahan.
Ewan kung ano'ng nagtulak kay Agila na mapalingon sa gawi niya, tumitig sa kanyang nakatakip sa bibig ang dalawang kamay. Sa kabila ng pinagdadaanan nito'y naaninag pa rin niya sa mukha ang pag-aalala sa kanya.
Lalong nanlaki ang kanyang mga mata nang mahagip ng tingin ang kalaban nitong susugod sa nakatalikod na binata, walang kaalam-alam sa panganib na hatid ng sibat ng huli.
"Agila!" muli niyang sigaw bilang pagbibigay ng babala ngunit nanatili itong nakatitig sa kanya.
Natulala siya nang tuluyang sumugod ang kalaban para muli itong tusukin ng sibat sa likuran, hindi siya nakakilos man lang, napako na rin ang tingin kay Agila na hindi man lang kumukurap kakatitig sa kanya.
"Bagani Agila! Bagani Agila! Ang magiting na kawal ng Dumagit! Mabuhay si Bagani Agila!" muling nagsigawan ang mga tao, iisa lang ang sinasambit.
Kumurap-kurap siya, takang tinanggal ang mga kamay sa bibig.
Sa isang kisapmata lang ay bumulagta sa lupa ang kalaban ng binata, hindi niya alam kung patay o buhay.
Nang suriin niyang mabuti si Agila, hawak nito sa tagiliran ang sibat ng lalaki ngunit ang isang siko'y nakataas pa sa gawing kanan nito, patunay na umatake ito gamit ang siko, leeg ng kalaban ang pinuntirya.
Bigla siyang natawa. Halos mapahagulhol na siya sa takot kanina sa pa-aakalang mamamatay na ang binata. Subalit ang takot ay napalitan ng paghanga lalo na nang sa kauna-unahang pagkakataon ay sumilay ang ngisi sa mga labi nito habang nakatingin sa kanya.
Napapalakpak siya sa sobrang tuwa, wala nang pakialam sa mga matang nakatingin sa dako niya. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay buhay si Agila.
"Ikaw! Ikaw ang makipagtunggali sa aliping iyan!"
Biglang natahimik ang lahat nang marinig ang maawtoridad na boses ng isang lalaki.
Si Datu Matulin!
Naiangat ni Hagibis ang pwet na noo'y tahimik lang na nakaupo sa tabi ng ama at panay ang tingin sa kanya, wari bang hindi siya makilala sa kanyang suot ngunit natuon ang pansin sa ama nang magsalita ito.
"Aking amang datu, si Agila'y tapos nang makipaglaban," biglang sabad ng binata.
Ang tuwa sa kanyang mukha ay biglang napalis sa narinig mula kay Datu Matulin, wari bang ang laki ng galit nito kay Agila at gustong makipaglaban uli ng binata sa isa pang kalahok sa paligsahan.
"Ako baga'y iyong susuwayin?" baling ng ama sa anak, matalim ang tinging pinakawalan sa huli, hindi tuloy nakaimik si Hagibis.
Hindi pwede! Kanina pa nanghihina si Agila. Kung makikipaglaban uli sa kalagayan ngayon, baka tuluyan na itong mapahamak. Kailangan na niyang gumawa ng paraan, kesehodang mapahamak siya.
Itataas na sana niya ang kamay upang lakas-loob na magsalita nang biglang tumayo ang lalaking nakatakip sa mukha ang hood ng suot na robe.
"Mahal na Datu Matulin, sapat na sa aking paingin ang nangyaring tunggalian ng mga kalahok ngayong gabi. Hayaang magpahinga ang mga kalahok at sila ay muling makikipagtunggali sa pangalawang kabilugan ng buwan." Pagkasabi niyo'y tumalikod ito agad at lumayo sa lahat.
Tumayo na rin ang babaeng katabi nito ngunit nakairap kay Agila, maging si Miko'y sumunod sa lalaking nagsalita.
Muling hinipan ng Umalohokan ang tambuli bilang pagtatapos sa paligsahan.
Huh? Sino ang lalaking iyon na isang salita lang ay sumunod agad ang datu na tapusin na ang paligsahan? Na-curious tuloy siya dito.
"Ako man ay gusto nang magpahinga kasama ang mga aliping iyong inilahad sa akin, Datu Matulin," makahulugang saad ni Datu Magtulis sa katabi sabay halakhak nang malakas, natawa na rin ang kausap at malagkit ang tinging ipinukol sa una.
Siya nama'y napatingin kay Agila na hinawakan ng mga kawal sa magkabilang braso at hinila palayo.
Susunod na sana siya pero may kamay na pumigil sa kanyang braso kaya't agad siyang napabaling sa may-ari ng kamay na iyon.
"Ikaw!" bulalas niya sa pagkagulat.