webnovel

Pagloko

Lumipas ang ilang taon. Masaya kaming lahat dahil maayos na ulit ang kalagayan ni Jocelyn. Nakangingiti na ulit siya at muling bumalik ang kadaldalan niya. Marami na ang nangyari. Nakalipat na kami ng bahay. Mas malaki at mas maaaliwalas. Nagkaroon na rin ng trabaho si Tatay kayâ hindi na masyadong nahihirapan si Nanay. Naging mas maayos na ang aming pag-aaral.

Paborito ko ang guro na nasa aking unahan. Sa kaniya ako natututo ng mga bagay na nakatulong upang mas imulat ako sa katotohanan.

Mayroon siyang salamin. Maputi ang kulay ng balat. Medyo panot na ang buhok dahil sa katandaan. Kapag nagsasalita ay talagang kakikitaan siya ng katalinuhan. Si Sir Angelo.

Ngunit ngayon, hindi ako makapakinig sa kaniya nang maayos. Bakit ba kasi inilapit niya ako sa bago naming kaklase? Hindi ako makatutok sa itinuturo niya dahil hindi ko maiwasan na tingnan ang kalapit ko. Maganda ang mukha niya. Makinis ang balát. Ngunit, hindi ko pa naririnig ang kaniyang boses. Basta ang alam ko lang, Romelyn ang pangalan niya.

Kahit nahihirapan ako ay mas pinili kong ituon ang aking atensiyon kay Sir Angelo.

"Alam n'yo, sabi ko noon, hindi ako magtatagal sa pagiging guro. Ayaw kong maging tuta ng gobyerno nang matagal. Kailangan, lagi na lang sila ang masusunod. Kapag nagreklamo ka, mapepeysbuk. Kapag napeysbuk, made-DepEd. Kapag na-DepEd, matatanggal. Wala ka na talagang magagawa. Kailangan mo talagang sumunod," dire-diretso niyang sabi. Kahit ang lesson namin ngayon ay "Parts of the Flower", ganito ang mga sinasabi niya. Karamihan sa aking mga kaklase, tulóg na. Ngunit ako, gustong-gusto ko siya. "Oo nga pala, hindi dapat Department of Education ang tawag sa kanila. Dapat, Department of Agriculture. Kasi lahat kami, kailangan, laging agree nang agree.

"Pero, tingnan n'yo ako ngayon, nagtuturo pa rin. Kahit anong reklamo ko, hindi ko pala talaga kayang umalis. Minahal ko na 'to. Minahal ko na ang baluktot na pamamalakad. Minahal ko na ang mga estudyante ko. Iyan ang tinatawag na kagustuhuhan. Kahit nahihirapan ka na, hindi ka pa rin magsasawa dahil mahal mo ang iyong ginagawa."

Kapag nagtuturo siya at nagpapahayag ng mga ganoong linya, gusto kong pumalakpak.

"Ang galing niya," sabi ni Romelyn.

Hindi ko alam pero tila huminto ang mundo ko. Ngayon ko lang narinig ang boses niya. Napakaganda. Gusto ko ulit marinig nang paulit-ulit. Kahit magmukha akong tanga para sa kaniya, gagawin ko.

Bigla kong pinalo ang braso niya. Nagulat siya at nagulat din ako. Nagkatitigan ang aming mga mata. Akala ko'y, magagalit siya kayâ bigla akong napatungo. Narinig ko bigla ang tawa ng isang anghel. Mali. Hagikhik pala iyon ni Romelyn.

Tumingin siya sa akin. "Bakit mo ako pinalo?" natatawa niyang tanong sa akin.

Kinakausap niya ako? Totoo ba ang lahat ng ito?

"M-May lamok kasi."

"Ganoon? Salamat, ha," sabi niya.

Mas tumigil ang mundo ko nang ngumiti siya sa akin. Hindi ako makakilos.

"Alam n'yo ba na mayroong dictionary dati na kung saan ang ibig sabihin ng salitang 'Filipina' ay katulong? Nakakagulat, hindi ba, Totoy? Bakit parang naninigas ka diyan?" Nagulat ako sa boses ni Sir Angelo. Nakita kong nakatingin lahat sa akin ang aking mga kaklase.

"Masama lang po kasi ang pakiramdam niya," sabat ni Jocelyn.

Kailan pa naging masama ang pakiramdam ko? Hindi na ako kumontra at nagpatuloy na lang sa pagtuturo si Sir Angelo.

Nang uwian na, lumapit ako kay Jocelyn. "Bakit mo naman sinabi 'yon?"

"Alam ko kasing wala kang maisasagot. Hindi mo naman kasi masasabi na kinikilig ka kay Romelyn."

Bigla ako nagulat. Kinikilig ba ako kay Romelyn? Gusto ko na ba siya? Pero ang mas nakapagtataka, bakit alam iyon ni Jocelyn?

"Huwag ka nang magtaka. Tinititigan ko kayo kanina at nakita ko lahat. Mula sa pamamalo mo sa braso niya hanggang sa pagkakilig mo," seryoso niyang sabi at bigla na lang naglakad nang mabilis.

Ano'ng problema niya?

Napatigil ako sa paglalakad. Ano namang magugustuhan ko kay Romelyn? Pumasok sa aking isipan ang kaniyang magagandang katangian. Maganda, mabait, matalino, maganda ang boses. Bigla akong napangiti. Ngayon lang ako nagkaganito. Gusto ko siya. Ayaw ko siyang mapalapit sa iba. Akin lang siya.

***

"Tatay, paano ba manligaw ng babae?" tanong ko.

Napatawa siya. "Ang bata mo pa, iyan na kaagad ang iniisip mo. Bakit, may crush ka na ba?

Nagkibit-balikat ako. "Hindi ko alam, pero ang gusto ko, wala siyang ibang kakausapin kung hindi ako lang."

"Hindi sa lahat ng pagkakataon, sa 'yo iikot ang mundo ng isang tao. Hindi ka Diyos, Totoy."

Nakita ko si Jocelyn sa may pintuan. Inirapan niya ako at naglakad nang mabilis upang pumunta sa kuwarto niya. Hindi ko na talaga siya maintindihan. Lagi niya akong iniiwasan at tinatarayan. Minsan ay nakikita ko ang masama niyang tingin sa aming dalawa ni Romelyn.

Tuwing recess, may kasama siyang lalaki. Minsan ay hinawakan niya ito sa braso at titingin sa akin na parang nang-iinggit. Minsan ay hindi siya sumasabay sa akin sa pag-uwi dahil kasabay ko si Romelyn. At minsan naman ay tinatarayan niya ito kayâ nasisigawan ko siya.

Gusto kong malaman kung bakit siya nagkakaganoon kaya pinuntahan ko siya sa kuwarto niya. Iniwan ko na si Tatay, mukha namang wala akong mapapalâ sa kaniya. Natagpuan kong nakadapa si Jocelyn sa kama habang nagbabasá.

"Ano'ng ginagawa mo dito?" pataray niyang tanong sa akin

"May itatanong lang naman ako. Bakit ba ang taray mo?"

"Ano ba? Edi magtanong ka na. Napakarami pang sinasabi, istorbo."

Nagtitimpi ako. Ayaw ko sa mga táong tinataratayan ako, pero upang hindi na lumala ang situwasyon naming dalawa, titiisin ko.

"Bakit mo ba ako iniiwasan? At sino 'yong lalaki na lagi mong kasama?"

"Wala kang pakialam, Totoy." Inirapan niya ako. "Kung puwede lang, umalis ka na. Magbabasá pa ako."

Umalis ako at isinara ko ang kaniyang pintuan nang malakas. Siya na nga 'tong inaamo, ganoon pa siya kataray?

Pumasok na ako sa kuwarto ko at inalala ang mukha ni Romelyn upang mawala ang aking pagkainis. At unti-unti, nakatulog ako nang may ngiti sa mukha.

Kinabukasan ay hindi ko na nakita si Jocelyn pagkagising ko. Umalis daw nang maaga, sabi ni Nanay. Pagkarating ko sa eskuwelahan ay nakita ko ang malaking ngiti ni Romelyn sa akin. Lumapit siya sa at bigla akong niyakap. Hindi ako makagalaw.

Kumalas siya kaagad sa yakap at humingi ng paumanhin. "Sorry, Totoy. Excited na kasi ako. Sabi kasi ni Nanay, pupunta raw kami búkas sa Hongkong."

Napasimangot ako. "'Di ba malayo 'yon? Edi hindi ka na babalik dito?"

"Tatlong araw lang naman kami. May gagawin daw kasi ako. Hindi ko pa alam kung ano, pero mukhang mag-e-enjoy naman ako."

Hindi ko siya makikita nang tatlong araw? Para na rin niyang sinabi na walang sisikat na araw búhay ko. Napangiti na lang ako sa kaniya bílang kasagutan.

Nagsimula nang magturo si Sir Angelo ngunit, hindi ako nakikinig. Sinusubukan ko naman pero walang pumapasok sa aking utak.

Magkasabay kami ni Romelyn kumain sa canteen. Kahit may amos siya sa mukha dahil sa kinakain niyang spaghetti ay lumulutang pa rin ang kagandahan niya.

Kinuha ko ang aking panyo at pinunasan ko ang dumi sa mukha niya.

Nagulat ako nang biglang lumapit sa amin si Jocelyn. "Malaki na siya, Totoy. Hindi mo kailangang punasan ang dumi niya sa mukha kasi may mga kamay siya. Sayang naman kung hindi niya gagamitin."

Napayuko si Romelyn. "Hindi ko kasi alam. Bigla niya na lang kasi akong pinunasan," mahinang sabi nito.

Nagulat ako nang ibinuhos ni Jocelyn ang natitirang spaghetti sa ulo niya.

"Ano ka ba, Jocelyn! Bakit mo ginawa 'yon? Hindi ka naman ganiyan dati!" sigaw ko.

Tumaas ang kanang kilay niya. "Para malaman niya kung gaano siya karumi. Edi magagamit na niya ang mga kamay niya. Wala namang pinagbago 'di ba? May dumi man siya o wala, pangit pa rin siya."

Sisigawan ko sana siya nang bigla siyang umalis nang mabilis.

Dali-dali kong nilapitan si Romelyn. "Sorry, Romelyn. Tara sa C.R., lilinisan kita."

"W-Wag na. Ako na lang. Huwag kang mag-alala, ayos lang ako."

Iniwan niya akong mag-isa. Kasalanan talaga ito ni Jocelyn. Nagbago ba siya dahil sa laláking lagi niyang kasama? Hindi ko alam pero parang mas gusto ko pa noong panahon na hindi pa siya makapagsalita.

Pinuntahan ko ang puwesto nila. Sinuntok ko ang mukha no'ng lalaking kasama niya. Dumugo ang labi ng lalaki kaya bigla akong sinampal ni Jocelyn. "Ano bang problema mo, Totoy?"

"Ako ba talaga ang may problema, Jocelyn? Ikaw nga 'tong nauna. Ano bang problema mo kay Romelyn? Wala siyang ginagawa sa 'yo." Tumingin ako sa lalaki. "Dahil ba sa kaniya kayâ ka nagkakaganiyan?"

Hinila ko si Jocelyn ngunit pilit siyang kumawala. "Wala kang karapang husgahan si James kasi sinasamahan niya ako noong mga panahon na hindi mo ako napapansin dahil sa Romelyn na 'yon. Kaibigan ko siya at wala kang magagawa do'n." Kinuha niya ang bag niya. At bago siya umalis, muli siyang tumingin sa akin. "Sige, hindi ko na kayo guguluhin ng babaeng 'yon, pero huwag na huwag mo na akong kakausapin."

Ngayon lang kami nagkasagutan nang ganito. Ganoon na ba talaga ako napalapit kay Romelyn at dumating sa punto na hindi ko na siya napapansin?

Nakita ko si Romelyn na papalapit sa akin.

"Mas maganda siguro kung lalayo na muna ako sa 'yo. Alam ko naman na ako ang dahilan kung bakit nagkaganoon si Jocelyn. Babae rin naman ako." Ngumiti siya sa akin. "At base sa naoobserbahan ko, gusto ka niya at nagseselos siya sa atin."

Bigla akong napatulala sa sinabi niya. Ako, magugustuhan ng isang mataray, palaban, at matapang na si Jocelyn? Imposible.

DALAWANG ARAW NANG WALA si Romelyn. Itinuon ko na lang ang aking sarili sa pag-aaral. Mas marunong na ako sa English at Math. Kailangan kong mag-aral nang mabuti para hindi ko na tanungin si Jocelyn. Ilang araw na kaming hindi nag-uusap. Sa bahay, pagkatapos kong kumain ay dumidiretso na ako sa kuwarto ko. Mabuti na lang at hindi nahahalata nina Nanay na magkaaway kami.

Tuwing recess, mag-isa lang ako kumakain. Napansin ko na mas lalo pang dumami ang kasama ni Jocelyn. Nangangamba ako dahil halos lahat sila, laláki.

Nalulungkot ako. Hindi ko alam na ganito pala ang pakiramdam nang mag-isa. Na ang lahat ng nasa paligid mo ay nakangiti. Na lahat sila ay may mga kaibigan. Na lahat sila ay nagkakasundo. Samantalang ikaw, nasa isang sulok lang. Pinagmamasdan kung gaano kasaya ang mga tao. Iniisip kung paano mairaraos ang araw-araw.

Ganito ba talaga kapag bata? Bakit sa mga napapanood ko, ang larawan ng isang bata ay masaya? Bakit ang ganap lang nila sa búhay ay maghanap ng kalaro, magbilad sa araw, at paluin ng magulang? Marami na akong karanasanan na alam kong hindi napagdaanan ng ibang bata. Nasaan ang sinasabi nilang karapatan? Kahit isang beses, hindi ko pa nakikita kung gaano kaganda ang mundo. Hindi ko pa nararanasan na ihele ng totoo kong ina. Hindi ba't iyon ang isa sa pinakamasarap na pakiramdam? Ang mahalin at alagaan?

Minsan, naiisip ko ang tanong ni Betong. Nabúhay lang ba tayo upang ipakita kung gaano kahirap mabúhay? Marahil ay totoo nga. Isa akong larawan ng pinagkaitan ng kalayaan. Ipinagkait sa akin ang kalayaan na mabúhay nang masaya. Siguro nga, mas masahol pa ang mga nangyari sa akin kaysa mga matatanda. Sino ba ang nagkokontrol ng aking búhay? Ang Diyos ba? Bakit ako pa ang kailangan Niyang pahirapan? Napakaraming tao sa mundo. Bakit ako pa ang kailang magdusa?

Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako.

Lumapit sa akin si Miraquel, ang babae kong kaklase na mahilig mang-intriga. Mula sa kulot niyang buhok, sa malaki niyang ngipin sa unahan, at sa napakarami niyang ipit ay kinaiinisan ko. Kilala ang nanay niya bílang tsismosa sa aming lugar. Bakâ nahawahan siya nito kaya lagi siyang nakikialam sa búhay ng iba. "Bakit ka umiiyak, Totoy? Bakla ka ba?" tanong niya.

"Hindi. Kapag ba umiiyak, bakla na kaagad? Edi bakla rin 'yong tatay mo kasi nakita ko siyang umiiyak noong isang araw habang hinahabol ng pamalo ng nanay mo?"

Nakita ko ang pagkagulat sa mukha niya. "A-ano? Hindi naman ganoon si Nanay. Bakâ 'yong nanay mo!"

"Iyakin nga kasi 'yong tatay mo. Ilang beses ko nang nakitang umiiyak 'yon. Lagi kasing sinisigawan ng nanay mo. Ano nga ang tawag doon? Under de saya. Narinig ko nga silang nag-uusap." Pinahid ko ang luha ko at tumayo na mula sa kinauupuan ko. "Sabi ng nanay mo, 'Hiwalay na tayo.' Tapos, umiyak 'yong tatay mo. Sabi, 'Bakit? Hiniwalay ko na naman ang puti sa de-kolor para hindi kumupas ang labada, a.'

Kahit ako ay napatawa sa sinabi ko. Bigla siyang tumayo at umalis. At noong medyo malayo na siya, bigla siyang sumigaw. "Buwisit ka, Totoy!"

Bigla akong tumawa. Salamat sa kaniya dahil kahit papaano ay nawala na ang lungkot sa akin.

Pagkatapos ng klase ay mabilis akong umuwi. Makikita ko na naman kasi si Jocelyn kasama ang mga bago niyang kaibigan. Pagkarating ko sa amin ay nakita ko ang isang batang babae na nakaupo. Nakatalikod ito ngunit halatang umiiyak. Hinihimas ni Nanay ang likod nito.

Nilapitan ko sila at nagulat ako sa nakita ko. Napaharap sa akin ang batang babae. Si Romelyn. Tumayo siya at dali-dali akong niyakap. Kumalas sa yakap si Romelyn at umupo.

"Bakit, Romelyn? Ano ang problema?"

"K-Kasi si Nanay. Niloko niya ako. Hindi niya pala ako isasama sa Hongkong. Naglayas siya sa amin. Sabi ni Tatay, may bago na raw asawa si Nanay kaya iniwan niya kami."

Niyakap ko siya. Naaawa ako sa kaniya.

"Dito ka na lang muna sa amin. Alam kong hindi mo pa káyang umuwi," sabi ko.

"Hindi na. Doon na lang ako sa mga pinsan ko. Sa kabilang kanto 'yon. Alam kong magagalit lang si Jocelyn kapag nalaman niya na naandito ako.

"Hindi. Huwag kang mag-alala, ipagtatanggol kita sa kaniya. Doon ka na lang muna sa kuwarto ko matulog mamaya. Dito ako sa sala."

Tumungo siya. "Nakakahiya naman."

"Dito ka na lang. Sige na. Aalagaan kita."

Ningitian ko siya. Sana ay mawala na ang kalungkutan niya. Pasisiyahin ko siya. Hindi lang dahil sa gusto ko siya, kung hindi dahil alam ko kung gaano kasakit na saktan ng sariling ina.

"Sige na nga. Ilang araw lang," nakangiti niyang sagot sa akin.

***

Habang natutulog ay naramdaman kong mayroong umuuga sa akin. Iminulat ko ang mga mata ko at nakita ko si Jocelyn. Nakita ko ang nangangamba niyang tingin.

Kinusot ko ang mga mata ko. "Bakit?"

"May kailangan kang malaman," bulong niya. "Sorry kasi alam kong nag-iba ang ugali ko nitong nakaraang araw. Kailangan kong mag-observe. Noong una pa lang, naramdaman ko na may kakaiba kay Romelyn kayâ nag-imbestiga ako." Huminga siya nang malalim. "Lumayo ka na sa kaniya, Totoy. Pinaglalaruan ka lang niya. Kakampi niya si Sergio. Niloloko ka lang niya para makasali siya sa Tropang A.S.O."

"Jocelyn, huwag kang ganiyan, huwag mo nang siraan si Romelyn. Alam mo namang crush ko siya. Hindi ba puwedeng maging masaya ka na lang para sa akin? Hinding-hindi niya magagawa ang bagay na sinasabi mo."

"Maniwala ka, Totoy. Please. Ayaw kong masaktan ka. Layuan mo na siya habang maaga pa."

Nakita ko ang sinseridad sa kaniya pero hindi pa rin ako maniniwala. Alam kong mabait si Romelyn at kahit kailan ay hindi niya magagawang manakit ng ibang tao para sa kaniyang sariling kapakanan.

"Tumigil ka na nga, Jocelyn! Wala akong pakialam sa mga kasinungalingan mo. Sawang-sawa na ako sa'yo. Akala ko ba hindi mo na ako kakausapin? Gawin mo na!"

"P-Pero, Totoy"

Lumuluha siya. Ayaw ko siyang makitang umiiyak pero sa oras na ito, kailangan niyang matauhan. Hindi ko na nakikita ang dating Jocelyn sa kaniya.

"Huwag mo na ako kakausapin. Ayaw ko nang marinig ang boses mo, puwede ba?" naiirita kong sabi. "Doon ka na sa mga kaibigan mong lalaki, kina James. Makipaglandian ka sa kanila. Kung lalandiin mo ako at nagseselos ka sa amin, tigilan mo na." Tumingin ako sa ibaba. Hindi na ako nagulat sa sampal niya. Patuloy na tumutulo ang luha sa mukha niya. Gusto ko siyang yakapin at humingi ng patawad pero siya ang may kasalanan kung bakit ko iyon nagawa.

"Huwag na huwag kang hihingi ng tulong kapag nasaktan ka, Totoy. Tandaan mo 'yan. Simula ngayon, wala na akong kilalang tao na kagaya mo," matigas niyang sabi. Nagmadali siyang pumunta sa kuwarto niya.

Hindi na ako nakatulog pagkatapos no'n. Inisip ko ang masasakit kong sinabi sa kaniya. Magkasabay kaming pumasok ni Romelyn sa paaralan kinabukasan. Ipinahiram ni Nanay ang uniporme ni Jocelyn sa kaniya. Bigla ko ulit siyang naisip. Siguradong hanggang ngayon ay nagdaramdam pa rin siya dahil sa aking mga sinabi.

Habang naglalakad ay nakita ko na parang hindi mapakali si Romelyn. Parang kinakabahan. Madalas siyang natutulala kayâ hindi ko makausap nang maayos. Marahil iyon ang epekto ng nangyari sa kaniya. Ngunit hindi ko maintindihan kung bakit pumapasok pa rin sa aking isipan ang sinabi ni Jocelyn. Alam kong hindi 'yon totoo pero bakit nararamdaman ko na may kakaibang mangyayari?

Dumaan ang ilang oras na klase. Tahimik pa rin si Romelyn. Tinanong ni Sir Angelo kung kumusta ang bakasyon niya pero alam kong hindi siya makasasagot nang maayos. Sinabi ko na lang na naging masaya siya at medyo pagod kaya siya hindi makapagsalita.

Hindi ko rin naririnig na sumasagot si Jocelyn sa tuwing nagtatanong si Sir Angelo. Ito ang unang pagkakataon na tahimik siya sa klase. Lagi lang itong nakatungo. Naaawa ako sa kaniya. Ngunit, mapapatawad niya ba ako kaagad?

"Ang pag-ibig ay ang pinakamakapangyarihang elemento sa mundo. Ngunit, kailangan ito ng pundasyon. Kailangan nito ng pagtitiwala. Kung wala ang mga ito, ang kapangyarihan ng pag-ibig ay unti-unting manghihina at hindi mo na lang namamalayan, bigla na lang ito nawawala," sabi ni Sir Angelo. Hindi ko alam kung bakit kami napunta sa ganitong usapan mula sa topic na "Fraction" sa Math. Para akong nakikinig ng sermon ng pari. Hindi kayâ niya naiisip na Grade 3 ang tinuturuan niya? Pero, natamaan ako sa sinabi niya. Tama ba na hindi ko sinunod ang payo ni Jocelyn? Tama ba na hindi ako nagtiwala sa kaniya?

Dumating ang uwian at nakatatak pa rin sa aking isipan ang sinabi ni Sir Angelo. Paano nga kaya kung mawala na ang relasyon namin ni Jocelyn bílang magkapatid, kung mawala ang pag-ibig? Siguradong hindi ko kakayanin ang bagay na iyon.

Lumapit si Romelyn sa akin. "Totoy, samahan mo muna ako sa likod ng school. May titingnan lang ako."

Naramdaman kong kinakabahan si Romelyn. Ano kayâ ang titingnan niya ro'n? O bakâ naman, gusto niya lang pumunta sa tahimik na lugar para maglabas ng sama ng loob sa nanay niya? Tama, ganoon nga siguro. Nakatutuwa naman na ako ang kakausapin niya para sa bagay na iyon. Ibig-sabihin, pinagkakatiwalaan niya ako. Napangiti ako bigla. Tiwala. Pag-ibig.

Pagkarating namin sa likod ng eskuwelahan, bigla akong nagulat sa nakita ko. Muli ko na namang nakita ang isa sa naging dahilan kung bakit nagpakamatay si Betong. Bigla akong nanggigil sa gálit nang makita ko ang mukha ni Sergio at ng mga kasama niya.

"Kumusta, espren? Ang tagal na nating hindi nagkita, a. Na-miss mo ba ako?" maangas na sabi ni Sergio.

"Hindi ka pa rin ba nagbabago hanggang ngayon? Ano'ng ginagawa n'yo rito? Umalis na kayo bago ko pa kayo isumbong."

Napatawa siya. "Kalma lang, Totoy. Naandito kami para masaksihan ng bago naming miyembro ang kaniyang tagumpay. Hindi ko alam na napakagaling pala niyang umarte. Akalain mo, nauto ka 'agad." Nagtawanan ang mga kasama niya. Bigla akong kinabahan. "Ganito 'yan, wala akong maisip na ipagawa sa kaniya para makapasók. Sawa na ako sa pagpalo at pagbugbog sa magiging bagong miyembro ng newly improved na grupo ko. Sayang din naman kasi ang ganda niya. Pero, bigla kang pumasok sa isip ko. Akalain mo 'yon, pumapasok ka sa isip ko? Mahal na yata kita, Totoy." Mas lalong lumakas ang tawanan sa paligid. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. "Kayâ iyon, inutusan ko siya na palambutin ang puso mo, utuin, at saktan ka." Tumingin siya kay Romelyn. "Palakpakan naman natin si Romelyn sa kaniyang kagalingan!"

Pumalakpak ang kaniyang mga kasama. Hindi ko maintindihan ang nangyayari. Nagkamali lang ako ng rinig. Hindi ako niloko ni Romelyn. Siguro, panaginip lang ito. Bakit hindi pa ako magising?

"Nagulat ka ba? Ikaw naman kasi. Masyado kang uto-uto. Kung tutuusin nga, dapat magpasalamat ka pa sa amin kasi nakausap at nakasama mo si Romelyn."

Tumingin ako sa babaeng tinutukoy nila. "Hindi 'yon totoo, 'di ba, Romelyn? Nagsisinungaling lang sila, 'di ba?" pagtatanong ko.

Bigla siyang tumungo. "T-Totoy, sorry. Totoo ang sinasabi nila."

Tumulo ang luha niya. Wala siyang karapatang umiyak. Biglang dumilim ang paningin ko. Dali-dali kong sinuntok si Sergio sa mukha. Ilang beses. Gusto kong durugin ang lahat sa kaniya.

Ngunit bigla akong hinila ng mga kasama niya. Sinuntok nila ako. Napakarami nila. May sumisipa. May namamalo. Napakasakit ng ginagawa nila. Hindi ko na káya. Biglang pumasok sa aking isip ang imahen nina Nanay, Tatay, at Jocelyn. Ang aking pamilya, ang aking mapagmahal at masayang pamilya. Bakâ ito na ang huling beses na makikita ko sila sa aking isip, bakâ ito na ang katapusan ko.

Lumapit sa akin si Sergio. "Matapang ka!"

Isang suntok.

"Uto-uto ka kasi. Iyan ang napapala mo."

Isang sipa.

"Gago."

Isang dura sa mukha.

Unti-unti nang nanlabo ang paningin ko. Bigla akong natumba. Narinig ko ang pag-alis nina Sergio. Iniwan nila akong duguan. At sa huli, nasilayan ko ang pagkaawa sa mga mata ni Romelyn, habang papaalis, kasama ng kaniyang bagong grupo.

Siguiente capítulo