Nasa loob pa lámang ng tiyan ng kaniyang ina si Totoy, gustong-gusto na niya makita ang ganda ng mundo. Ngunit, hindi ito nangyari sapagkat naganap ang kaniyang unang pagkahulog na nagdulot ng katapusan ng lahat. Gayunpaman, nabúhay si Totoy sa pamamagitan ng isang manunulat. Doon niya nakilala ang kaniyang kinakapatid na si Jocelyn. Sa murang edad ay napunô ng masasakit na alaala ang kaniyang maliit na mundo. Mula sa pagkakaroon ng kaibigan na patay na bata, ng pagkuha sa kaniyang puri ni Teacher K, ng panonood ng kakaibang Anime, ng paghalik sa kaniya ng babaeng hindi siya kayang mahalin, ng pag-iwan ng kaniyang ama, ng pagsasamantala sa kaniya ng isang Intsik hanggang sa kahuli-hulihan niyang pagkahulog, hindi naranasan ni Totoy ang inaasam-asam niyang mundo. Ngunit, babalik at babalik pa rin si Totoy sa katapusan upang muling balikan ang simula.
Araw-araw akong inooyayi ng aking ina. Kakaiba ang kaniyang boses, dinadala ako sa kapayapaan. Minsan, naririnig ko ang tibok ng kaniyang puso. May halong pangamba ang bawat pintig, sinasakop ang kaniyang kamalayan. Nararamdaman ko ang kaniyang pagluha. Ang mga iyon ay may halong paghingi ng patawad. Gusto ko siyang makita, ngunit isa lámang ang aking nasisilayan sa tuwing iminumulat ko ang aking mga mata: Dilim.
Nais kong tumakas sa mundong ito. Subalit, ang tangi ko lámang alam na gawin ay ang paglunok, pagpikit, at pakikinig sa taguktok ng mga yabag, sa tila pag-agos ng tubig, sa dalamhati ng pag-ibig. Sa likod ng iba't ibang boses na nagpapagísing sa akin mula sa aking mga panaganip, nangingibabaw ang kaniyang himig. Ang bagay na iyon ang nag-uudyok sa akin upang magsumamo sa kaniya na palabasin na ako sa mundong ito. Para maranasan ko na ang init ng kaniyang pagmamahal habang kinakantahan niya ako, habang nakikita ko ang kaniyang magagandang mga mata, habang magkasama naming dinarama ang isang napakagandang mundo.
Nagising ako sa kakaibang tibok ng puso ng aking ina. Hinahaplos niya ako. Marahan. Subalit sa bawat haplos na 'yon, kasabay ang mabigat na tákot at pighati.
Gumagalaw kami. Umaandar. Mabilis ang aming sinasakyan. Tila hinahabol ng anino, tila hinuhuli ng mga bangungot. Kakaibang tákot ang dumadaloy sa aking buong katawan.
Tumigil ang aming sinasakyan. Pinakiramdaman ko ang paligid. Tahimik. Dahan-dahang lumakad ang aking ina.
"Sigurado ka ba sa gagawin mo?" Narinig kong boses ng isang babae.
Naramdaman kong humiga ang aking ina. Mayroon siyang ininom na sa aking palagay ay hindi maganda ang lasa. Nagulat ako nang mayroong humaplos sa akin nang mariin. Malayo sa haplos ng aking ina, na kahit hindi ko man nararamdaman sa aking balát ay alam kong may halong pagmamahal. Hinihilot niya ang aking ina. Nasasaktan ako. Nararamdaman kong unti-unti akong nalalaglag. Hinihila ako ng isang malamig na bagay.
Iná, bakit mo ito ginagawa sa akin?
Iná, bakit mo ako hinahayaang masaktan?
Pumikit ako nang mariin. Sa unang pagkakataon, naranasan kong mamatayan ng oras, masaktan ang pagkatao, bumilis ang tibok ng puso. Lumuha. Naranasan kong saktan ng táong gusto kong makasama habambuhay.
"Tama na, hindi ko na káya," pagtanggi niya. "Bubuhayin ko na ang baby ko."
Hanggang sa unti-unti, naramdaman kong tumigil na ang pagpapahirap sa akin.
Ilang buwan ang lumipas, nakita ko na ang ganda ng mundo. Ako ay kaniya nang isinilang.