webnovel

Chapter 80

Crissa Harris' POV

"Dito, hijo. Dito na lang kami." itinuro ng kulubot at mauugat na kamay nung matandang lalaki yung parang barong-barong na ilang metro na lamang ang layo mula sa daan na tinatahak namin.

Ihininto ni Christian ang sasakyan at inunahang bumaba yung matanda sa tabi niya. Pinagbuksan niya iyon ng pinto at sinenyasan kami na bumaba na rin.

Inakay namin ni Harriette pababa yung matanda, habang karga nito ang apo niya. Medyo umaliwlas din ang pakiramdam ko nang makalanghap ako ng sariwang hangin. Para kasing may naaamoy akong amoy malansa sa kotse kanina pa at hindi ko alam kung saan galing.

Napapansin din kaya ni Harriette at Christian yun? Hmm. Baka nagkaron ako, or si Harriette? At hindi lang namin alam?

"Iyan ang bahay namin, ine." sinundan ng mga mata ko yung itinuturo ni inang doon sa itaas ng malaking puno.

Isang Tree house?

"Ay ayan po ang bahay ninyo? Pero ano ho itong parang kubo na ito sa baba?" si Harriette na ang nagtanong ng gusto kong itanong. Sinipat-sipat niya pa iyong tinitignan niyang kubo.

"Ah-eh, bodega iyan." sagot ng matandang babae.

Bodega? Anong nakalagay kaya doon? Mukha kasing kandadong kandado. Hindi yung tipikal na kubo na may masisilip ka sa loob mula sa labas dahil wala itong mga siwang.

Pero bakit dun pa sila sa tree house nakatira? Hindi nalang dito sa bodega na ito para mas convenient na galawan para sa kanilang dalawang matanda?

Hmm. Kung sabagay. Mas mainam doon sa taas kaysa dito sa ibaba. At least doon sa taas, hindi makakaakyat yung mga undead. Di gaya dito sa bodegang nasa ibaba, madaling dumugin ng undead. Lalo pa at ang pwesto ng kampo nila na to, nasa may dulong parte lang ng open field na hinintuan namin.

Yun nga lang, sa parte na to, may mga puno pa at matataas na damo kaya hindi masyadong mapapansin.

Saka sa tingin ko, mukhang marunong din to sila manong ha? Nababakuran ang kampo nila ng mga alambre at barbed wire na may nakasabit na mga lata at kung ano ano pang makakalansing na bagay. Para siguro pag tumunog, magiging alerto sila kung may umaaligid na ibang tao o undead.

Pero, pano kaya nila pinagtatanggol ang sarili nila? Anong mga armas nila? Saka sino sa kanila ang lumalaban sa mga undead kapag may naeengkwentro sila? Lalo pa ngayon na yung tatay pala nung bata, hindi na nakakalakad?

Saka saan at paano sila kumukuha ng makakain at maiinom?

Biglang nalipat ang tingin ko dun sa kakambal ko na tahimik lang na nagmamasid. Kitang-kita sa awra niya ang pagiging alerto at handa. Paminsan-minsan din siyang nakikipagpalitan ng tingin sa amin na animo nagsasabing maging alerto at handa rin kami. Kaya ginaya na lang namin siya na sinusuri ang paligid at mahigpit ang kapit sa mga armas namin.

"Ah, mga anak, gusto niyo ba munang tumuloy sa itaas? Bago kayo umalis?" tanong ng matandang babae na nangungusap ang mga mata.

Nagtinginan kami ni Harriette at matapos ay kay Christian naman. Sumenyas lang ito ng oo kaya tumango na rin kami sa mga matanda.

"Halika, sumunod kayo sa itaas." pag-aaya ng matandang lalaki na nauuna. Sumunod naman ang matandang babae na karga ang apong lalaki.

"Go, I'll be right here." bulong sakin ni Christian nang muli namin siyang pukulan ng tingin ni Harriette.

Nakukuha ko na agad ang gusto niyang sabihin sa matipid niyang pahayag na iyon. Gusto niyang maiwan dito sa ibaba para magbantay at magmatyag. Para kung sakaling may mangyari dito sa ibaba, alam niya at makakagawa siya agad ng plano.

At alam ko ring kung sakali mang may mangyaring hindi maganda doon sa itaas, may nakahanda na rin siyang plano para roon. Bihira lang kumilos si Christian ng walang sapat na paghahanda. Palagi siyang may backup plan at Plan B-Z.

Tumango ako sa kaniya bilang pagsagot at itnulak ko na si Harriette paakyat dun sa tree house. Bitbit namin lahat ng mga gamit na kailangan namin sa paggamot.

"Oh, careful!" inalalayan ko yung balakang ni Harriette nang hindi sinasadyang mawalan siya ng balanse sa paghakbang sa baitang ng hagdan.

Pero teka, wala namang tagos sa puwitan si Harriette. So, maaaring hindi siya yung amoy malansa?

Ako ba yun? O si Christian?

Hindi ko na lang inisip yun at maingat nalang akong umakyat. Parang umuuga rin kasi yung manipis na hagdang gawa sa kawayan. Detachable siguro to.

Ligtas kaming nakaakyat parehas ni Harriette. Yung dalawang matanda namang nauna ay inihiga yung natutulog na bata sa isang pile ng damit sa kahoy na sahig.

Maliit lang ang kabuuan ng tree house. Walang masiyadong mga kagamitan bukod sa mga pile ng damit ng sa sahig at mangilan-ngilang mga pares ng sapatos. May pang matanda, may pambata.

Pero bakit ganon? Bakit may damit at sapatos ng batang babae dito? At parang mga damit at pares ng sapatos ng pang teenager na babae at lalaki?

Hindi bat, aapat lang sila na nandito? Yung matandang lalaki at babae, yung bata at yung tatay nito? May iba pa ba silang kasama dito? Or nakasama?

"Ah inang, nasan ho yung tatay nitong bata? Pwede po ba naming makita? Nabanggit ninyo ho kasi na pinutol ninyo yung parteng nakagatan sa kaniya. Gusto ho sana naming matignan para kung may maitutulong po kami, gagawin namin." nauna nang sinabi ni Harriette.

Lumingon sa amin yung matandang babae at saka agad na tumungo doon sa tela na parang kurtina na nasa may dulo nitong tree house. Ang itsura nun ay yung parang sa mga ospital na cubicle na kurtina lang ang nagtatakip.

Hinawi ng matanda yung kurtina at tumambad sa amin ang isang lalaking nakaratay sa isang papag. Nakatihaya ito at natutulog. Kapansin pansin din ang  lower extremities nito na hanggang tuhod na lang. Putol na yung dalawang binti at sariwa pa nga iyon dahil bakas pa sa nakabalot na tela dito yung dugo.

"Eto siya.." wika nung matandang babae.

Kaya pala hanggang dito sa itaas, may kung anong lansa pa rin akong naaamoy. 

Nagkatinginan kami ni Harriette. Nagsenyasan kami na umpisahan na namin yung gagawin namin. Para na rin makabalik na agad kami sa iba pa naming kasama sa open field.

"Inang, okay lang po ba na bigyan namin ng konting first aid yung binti niya? Para naman ho kahit papano, makatulong na gumaling at wag nang lumala."

Humarap sa akin yung matandang babae at may kung anong sigla ang biglang rumehistro sa mukha nito. "Yun ba, ine? Walang problema? Para gumaling agad. Para walang makuhang impeksyon ang katawan niya. Para malusog pa rin."

"S-sige ho." yun nalang ang sinagot ko at binigyan ko ng tingin si Harriette.

Parang may kakaiba sa matandang babae. Mabilis siyang umalis pagkatapos noon at bumalik kasama yung matandang lalaki nang may dala ng palanggana, tubig, at mga malilinis na tela.

"Eto yung ibang gamit ine, nakahanda na kasi lilinisin talaga namin ang sugat niya pagkauwi namin." saad ng matandang lalaki.

"Oo, at mabuti na lamang nag-alok kayo ng tulong. Mukhang mas sanay kayong magbigay ng lunas. Mga nurse ba kayo?" dagdag ng matandang babae. Yung matandang lalaki naman ay tumalikod at tinungo yung hagdan pababa.

"Mga estudyante pa lang po kami." tipid na sagot ko. "Ah, magsisimula na po kami Inang."

Hindi ko na inantay na makasagot pa yung matanda at sinenyasan ko nalang si Harriette na magsimula na kami.

Hindi ko alam. Pero may namumuong ibang kutob ngayon sa dibdib ko. Alam kong kailangang makaalis na kami agad dito at kailangan ding hindi mapansin ng matatanda na nagmamadali kami.

May iba talaga akong kutob.

Nang hindi hinuhubad yung mga armas na nakasukbit sa amin, nag umpisa na kami ni Harriette. Pero hindi pa kami nangangalahati sa ginagawa naming paglilinis at pagbabanyos sa ugat nung lalaking nakaratay ay may napansin na kaming kakaiba.

Isang di maipaliwanag na samyo ang biglang umalingasaw sa paligid. Amoy ng isang matapang na kemikal na naging dahilan para biglang umikot ang paningin ko. Naramdaman ko rin ang kagustuhan ng sikmura ko na sumuka dahil sa masangsang na amoy na iyon.

Bago pa ko tuluyang mapapikit dahil sa tindi ng hilong nararamdaman ko, nagawa ko pang balingan ng tingin si Harriette na nasa harapan ko.

Ngunit sa unti-unting pagsasara ng mata ko, kasabay din nito ang unti-unting pagbasak ng katawan niya sa sahig.

Siguiente capítulo