HINDI makapag-concentrate si Daisy sa trabaho. Hindi pa rin maalis sa isip ang naging usapan nila ng kanyang ama. Nagatungan pa iyon ng mga empleyadong nagbubulungan na naman tuwing makikita siya. Especially those who looked at her as if she was the worst slut in the world. Na para namang siya lamang ang nakikipaghalikan sa isang lalaki.
At nang makita ni Daisy na tumatawag si Rob, naalala niya ang huling bahagi ng usapan nilang mag-ama. Na hindi naman magtatagal sa Pilipinas si Rob at aalis din ito sa kalaunan. Alam niya iyon umpisa pa lang kaya ikinagulat niya ang pakiramdam na para siyang sinaksak nang ipaalala iyon ng kanyang ama. Kasunod niyon ang paglukob ng takot. Takot na kapag nanatili pa siyang malapit kay Rob, masasaktan siya kapag umalis na ito. At iyon ang bagay na hindi hahayaan ni Daisy mangyari uli sa kanya—ang maiwanan at araw-araw na umasam kung kailan siya babalikan, na sa kaso ng kanyang ina ay hindi nangyari.
Kaya nang makita ni Daisy na tumatawag si Rob ay nanlamig siya. The first thing she thought of doing was push him away. Na ngayon ay medyo pinagsisisihan na niya dahil parang nag-e-echo sa kanyang tainga ang tinig ni Rob bago nito pinutol ang tawag.
Malamig, tila humihiwa sa kanyang dibdib.
Kasalanan ko dahil gano'n din ang ginamit kong tono sa kanya. Napahugot siya ng malalim na hininga.
Napaigtad si Daisy nang muling tumunog ang kanyang cell phone. Sumikdo ang kanyang puso nang makita ang pangalan ni Rob sa screen. Wala sa loob na napatingin siya sa mga kasama sa opisina na nakatingin sa kanya dahil malakas ang tunog ng cell phone niya. Mabili na pinindot ni Daisy ang End call button. "Sorry," usal niya sa mga katrabaho.
Subalit muli na namang tumunog ang kanyang cell phone.
"Sagutin mo na," sabi ni Nessie na may nakikisimpatyang ngiti sa mga labi.
Isa iyon sa ikinagulat ni Daisy. Kanina nang pumasok sa opisina ay inihanda na niya ang sariling magtaray kung kinakailangan kapag may sinabing hindi maganda ang mga katrabaho. Subalit hindi nagbago ang pakikitungo sa kanya ng mga ito, hindi tulad ng ibang empleyado sa TV8. Na para bang normal lang na may nagiging headline ng tabloid sa kanilang opisina.
"Puwede ba… puwede ba akong lumabas sandali?" alanganing tanong ni Daisy.
"Go!" malakas na sabi ni Lottie mula sa opisina nito. Patunay na pinapakiramdaman siya nito kahit hindi halata.
Bahagyang ngumiti si Daisy at mabilis na lumabas ng opisina. Patuloy sa pagtunog ang kanyang cell phone. Huminga siya nang malalim bago sinagot ang tawag ni Rob.
"Are you okay?"
Napakurap si Daisy sa concerned na tinig ni Rob sa kabilang linya. May bumikig sa kanyang lalamunan at maging ang reaksiyong iyon ay ikinagulat niya. Napayuko siya at itinutok ang tingin sa sahig habang naglalakad. Kailangan niyang magtungo sa restroom kung saan walang makakakita sa kanya.
"Of course I'm okay," matatag na sagot ni Daisy.
Ilang segundo ang lumipas bago nagsalita si Rob. "Liar."
Napatingala si Daisy dahil nag-echo ang salitang iyon sa hallway. At nasalubong niya ang matalim na tingin ni Rob. Malalaki ang hakbang na naglakad ang binata palapit sa kanya. Bago pa niya mailayo ang cell phone sa tainga ay nakalapit na si Rob sa kanya, at walang salitang hinigit siya payakap. Napasubsob siya sa malapad na dibdib ng binata at lalong tumindi ang paninikip ng kanyang lalamunan.
"Ano'ng ginagawa mo?" usal ni Daisy at tinangkang kumalas kay Rob subalit lalo lang humigpit ang yakap nito. "Baka may makakita sa atin, ano ka ba?"
Noon lumuwag ang yakap ng binata. Mukhang tulad niya ay takot din si Rob sa intriga. Nakita niya na nagpalinga-linga ito, pagkatapos ay hinawakan ang kanyang kamay at hinatak siya papasok sa restroom. Isinara ni Rob ang pinto at sumandal doon para marahil hindi mabuksan ng kahit na sino, bago humarap kay Daisy. Humakbang si Daisy palayo subalit mabilis na nahawakan ni Rob ang kanyang mga braso at hinigit siya palapit.
"Bakit hindi mo sinabi sa akin kanina ang dahilan kung bakit gano'n ang tono mo nang tawagan kita?" malumanay na tanong ng binata.
Huminga siya nang malalim at bahagyang napailing. "Sorry. Marami akong iniisip kanina."
"Tell me."
Pagak na natawa si Daisy at muling umatras palayo kay Rob. Sa pagkakataong iyon ay hinayaan siya nito. Humalukipkip siya at nag-iwas ng tingin. "Nagalit si Papa. Gusto niyang tumigil na akong makipagkita sa `yo kung wala rin lang naman kinalaman sa trabaho. At sa tingin ko… tama siya."
Matagal na namagitan ang nakakailang na katahimikan sa pagitan nila.
"Why?" sa wakas ay basag ni Rob sa katahimikan. Isang salita lamang iyon subalit parang may lumamutak sa sikmura ni Daisy. Wala kasing emosyon ang salitang iyon.
Lakas-loob na muling bumaling si Daisy kay Rob at sinalubong ang matalim na titig ng binata. "Dahil nasa importanteng sandali ako ng buhay ko ngayon. Dahil mas dapat akong mag-focus sa trabaho kung gusto kong makuha ang approval ng board of directors. At napapagod na ako tuwing pinagbubulungan ng kung sino-sino."
Dumeretso ng tayo si Rob at lalong tumindi ang intensidad ng titig nito sa kanya. "Hindi pa tayo matagal na magkakilala, Daisy. Pero alam ko na hindi ikaw ang tipo ng taong kayang patumbahin ng iniisip ng ibang tao. Lalong hindi ikaw ang tipo na susunod sa gusto ng iba nang ganoon lang. So I'd like to know the real reason you don't want to see me anymore."
Parang patalim na sumaksak sa dibdib ni Daisy ang mga sinabi ni Rob. Dahil sa tagong bahagi ng kanyang puso ay alam niyang tama si Rob. May mas malalim na dahilan kung bakit ayaw na niya itong makita. Walang kinalaman doon ang iniisip ng ibang tao, o ng board of directors. Ang totoong dahilan ay natatakot siya na mauwi sa mas malalim na damdamin ang atraksiyon niya kay Rob.
Subalit hindi niya iyon sasabihin sa binata. Hindi kaya ng kanyang pride na aminin kahit kanino na takot siyang magkaroon ng malalim na emosyon sa isang tao dahil natatakot siyang maiwan at masaktan sa huli.
Itinaas ni Daisy ang noo at namaywang. "Fine. Ang tunay na rason ay mahalaga sa akin ang TV8, Rob. It took me years before I realized what I really wanted to do with my life. Ngayon ko lang nararanasang maging passionate sa trabaho. Nag-uumpisa pa lang akong alisin ang 'spoiled brat' label na ibinigay sa akin ng mga tao. At ang huling kailangan ko ay larawan ko sa mga tabloid. Kaya sa tingin ko… h-hindi na tayo dapat magkita pa kung walang kinalaman sa benefit concert." Gusto niyang magalit sa sarili dahil nanginig yata ang kanyang boses sa huling pangungusap.
Lumapit si Rob kay Daisy na halos gahibla na lamang ang layo ng kanilang mga katawan. Alam ni Daisy na dapat siyang umatras subalit tila may sariling isip ang kanyang katawan na ayaw lumayo. Kahit natatakot siya na buksan ang puso para kay Rob, hinahanap-hanap naman ng kanyang katawan ang presensiya nito.
"You really don't want to see me anymore?" halos pabulong na tanong ng binata. Sa sobrang lapit ng mukha kay Daisy ay tumama ang hininga nito sa kanyang mukha at tila iyon kuryenteng kumalat sa kanyang buong katawan.
Lumunok si Daisy at hindi napigilang bumaba ang tingin sa mga labi ni Rob. "Oo…" halos pabulong din niyang sagot.
Napasinghap siya nang ikulong ni Rob sa dalawang kamay ang kanyang magkabilang pisngi at siilin siya ng halik sa mga labi. Napapikit si Daisy. At kahit determinado nang dumistansiya kay Rob, hindi pa rin niya napigilang tumugon sa halik nito. Naramdaman na lang niya na walang kahirap-hirap siyang naipihit ni Rob at naisandal sa pinto. Pinalalim ng binata ang halik at hindi siya nagprotesta. Sa katunayan, ibinuka pa niya ang mga labi at kumapit sa mga balikat ni Rob upang lalong lumalim ang halik.
Pareho silang hinihingal nang sa wakas ay maghiwalay ang kanilang mga labi. Inilapat ni Rob ang noo nito sa noo ni Daisy. Nag-init ang kanyang mga mata nang makita ang lambot ng ekspresyon sa mga mata ng binata.
"You still don't want to see me anymore?" tanong ni Rob sa tono na noon lang narinig ni Daisy mula rito.
Nang mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay may lumamukos sa kanyang puso. Iba ang dating ng sinabi ni Rob. Parang hindi iyon tanong at sa halip ay tila pakiusap. At sigurado siya na imahinasyon lang niya iyon dahil malabong makiusap si Rob sa kanya na huwag putulin ang kanilang ugnayan. Wala naman itong ipinapangakong kahit ano sa kanya at ganoon din siya kay Rob.
Muling inilapit ng binata ang mukha kay Daisy ngunit sa pagkakataong iyon ay sa leeg niya dumapo ang mga labi nito. Nag-react kaagad siya. Dumiin ang kapit niya kay Rob.
"But you still want me," he whispered against her skin. And then she gasped when he thrust his hips against hers and she felt his arousal. Napaungol si Daisy. "And I still want you," patuloy ni Rob.
Tila may kung anong bumikig sa lalamunan ni Daisy. Unti-unting natutunaw ang determinasyon niya sa bawat hagod ng mga labi ni Rob sa kanyang balat.
Biglang tumunog ang cell phone niya na tila gumising sa kanyang sandaling pagkalimot. Itinulak niya si Rob at humakbang palayo sa nakapinid na pinto. Hinayaan siya ng binata at sinundan lang siya ng tingin.
Mabilis niyang kinalma ang sarili pero hindi inabalang tingnan kung sino ang tumatawag. "Gusto kong mag-focus sa trabaho ko, Rob," sa wakas ay nagawa niyang sabihin.
"Am I distracting you?" kunot-noong tanong ng binata.
Huminga nang malalim si Daisy at lakas-loob na sinalubong ang tingin ni Rob. "Oo. At hindi ko `yon kailangan. I don't need… you."
Tumiim ang mga bagang ng binata at dumilim ang ekspresyon sa mukha. May kumudlit na guilt sa dibdib ni Daisy subalit pilit na inalisan ng ekspresyon ang kanyang mukha. Ilang segundong tila naglaban ang mga titig nila sa isa't isa bago nagsalita si Rob. "Fine." Malamig ang tinig nito. At bago pa makaisip ng isasagot si Daisy ay tumalikod na ito at lumabas.