webnovel

Alaala Ng Sirena (2)

Kumurap ito at sa isang iglap, hindi na ito Magindara sa paningin niya kung hindi ang sirena na nakita niya sa alaala nito. Pagkatapos para bang kinakausap siya nito sa isip niya kasi biglang may nakita na naman siyang mga imahe. Sumikip ang dibdib niya nang makita ang sirena na nakaupo sa batuhan, kumakanta na naman pero mas mahina at matamlay na ang boses. He realized that she was dying at that moment. Na hanggang sa huling sandali ng buhay nito, pinanghawakan ng sirena ang pangako ng lolo niyang babalikan ito.

Pero natapos na ang awit ng sirena ay hindi pa rin dumating ang lalaking hinihintay nito. Napahiga na ito sa bato at napapikit na nang dumating si Rosario. Umaktong mabait at nakikisimpatya si Rosario, hinaplos ang pisngi ng sirena at pinangakuan na bibigyan ito ng mas mahabang buhay. Pumayag ang sirena kasi handa pa rin ito maghintay sa minamahal. Hindi nito nakita ang malupit na ngiti ni Rosario nang ilabas ang matalim na mga pangil at kagatin ang leeg nito.

Kumurap si Andres at bumalik sa kasalukuyan ang isip niya. Nakita niyang tuluyang lumabas mula sa katawan ng sirena ang itim na aninong nakapalibot dito, nilipad ng hangin at nawala. May ngiting sumilay sa mukha ng sirena, may sinabi sa lengguwahe na kahit hindi niya naiintindihan ay naramdaman naman niya sa puso niya. Masaya akong makita ka uli…

Bumakas ang contentment sa mukha ng sirena. Pagkatapos may tumulong luha sa mga mata nito kasabay ng unti-unting pag fade ng katawan nito. Pagbagsak sa tubig ng mga luhang naging perlas, nawala ang sirena, parang bula na pumutok. Nawala rin ang ipo-ipo at unti-unting humina ang hangin at tumigil ang abnormal na pag-ikot ng tubig.

Mahabang katahimikan ang namayani bago kumilos si Lukas at pumihit paharap sa kaniya. "Bakit ka umiiyak?"

Napakurap si Andres at marahas na pinahid ng braso ang mukha. Huh? May luha nga siya. Ilang segundong tinitigan pa siya ni Lukas bago nito ibinuka ang kamay sa tubig, parang may kinuhang kung ano at saka lumapit sa kaniya. Inabot nito sa kaniya ang hawak – isang perlas. "Alam mo kung sino ang dapat magmay-ari nito."

Napatitig siya sa perlas at nanginginig na kinuha iyon. Ikinuyom niya iyon sa kanyang kamao.

"Andres!"

Lumingon si Andres sa mga kaibigan niya na lumusong na rin sa tubig. Lumunok siya at mabilis na kumilos para salubungin ang mga ito.

"Okay ka lang?" tanong ni Ruth nang magkasalubong na sila.

"Tapos na ba?" tanong ni Danny.

"Nasaan na ang Magindara?" tanong naman ni Selna.

"She's gone."

Natahimik ang tatlo. Humigpit ang hawak ni Andres sa perlas. "Si lolo ang hinihintay niyang lalaki."

"Ha?" manghang sabi ng tatlo.

"Mamaya na kayo magkuwentuhan," biglang sabi ni Lukas. "May kailangan pa kayong gawin, hindi ba?"

"Ah!" biglang sabi ni Ruth. "Si sir Jonathan. Nasa buhanginan."

Mabilis na tumakbo sila paahon sa dagat at lumapit sa teacher nila na biglang umungol at naubo. Maraming lumabas na tubig sa bibig nito. Napaluhod sila sa tabi ni sir Jonathan, inalalayang makaupo ito, hinimas at tinapik ang likod. Mayamaya dumilat ito at halatang groggy na tiningnan sila. "Huh? Nasaan ako? Anong nangyari?"

Hindi nila alam kung ano ang sasabihin. Biglang lumapit sa kanila si Lukas, lumuhod sa harapan ni sir Jonathan at tinitigan ito sa mga mata. "Nalunod ka at iniligtas ka ng mga batang ito. Matulog ka at pagkagising mo, nasa bahay ka na."

Kumunot ang noo ng teacher nila. Tumindi ang pagiging itim ng kanang mata ni Lukas at bigla parang inantok si sir Jonathan hanggang tuluyang mawalan ng malay. Tumayo ang misteryosong lalaki. "Umuwi na kayo."

"P-pero paano namin ipapaliwanag ang tungkol kay sir Jonathan? Alam ng buong bayan na patay na siya. Nagpunta pa nga lahat sa burol niya?" sabi ni Selna.

"Si Mayari na ang bahala 'don. Madali lang sa kaniya gawan ng paraan ang tungkol diyan."

Tumalikod na sa kanila si Lukas at nagsimula maglakad palayo. Manghang napasunod na lang sila ng tingin sa misteryosong lalaki. At dahil nakatingin sila rito kaya nakita nila nang biglang tumaas ang alon, mas mataas pa kaysa kaninang lumabas ang Triburon. Napahinto sa paglalakad si Lukas at biglang lumingon. Napanganga si Andres nang makita ang sumunod na nangyari.

Parang nagkaroon ng buhay ang tubig, naging parang galamay na sumugod sa magkabilang side ni Lukas. Bago makaatras ang lalaki ay pumaikot na sa magkabilang mga binti at braso nito ang tubig.

"Lukas!" sigaw ni Ruth. Bago pa nila mapigilan ang dalagita ay napatayo na ito at tumakbo palapit sa lalaki.

"Ruth!" Napatayo na rin si Andres at hinabol ito.

Marahas na lumingon sa kanila si Lukas at mariing sinabi na, "Huwag niyo ko lapitan. Umalis na kayo. Bilisan niyo."

Hindi huminto sa paglapit si Ruth. "Pero –"

Bigla nagbago ang hitsura ng mataas na alon sa harapan nila. Dumilim ang paligid at nagkaroon ng nakabibinging ugong. Umalog din ang kinatatayuan nila na para bang malakas na lumilindol. Kahit ang hirap bumalanse ay pinilit ni Andres na maabutan si Ruth. Nang makalapit ay inakbayan niya ito at isiniksik sa kanyang katawan. Kasi ang mataas na alon, unti-unting nagkaroon ng hugis na parang isang higanteng tao. Nakikita pa nga nila ng maayos ang mukha niyon, mula sa mga matang nakalubog, sa ilong at sa bibig na naglabas ng buong buo at parang kulog na boses.

Nahigit ni Ruth ang hininga at napakapit sa baywang ni Andres. Kahit siya nagulat kasi alam niyang ibang lengguwahe ang ginagamit ng boses pero naiintindihan niya ang sinasabi nito!

Nagbalik ka rin sa wakas. Hindi mo matatakasan ang iyong tadhana kahit anong tago ang iyong gawin. Bumalik ka sa kuweba o idadaan kita sa puwersa.

"Hindi mo na ako maikukulong!" sigaw ni Lukas, masama ang tingin sa tubig na hugis tao. "Hindi ako magpapadikta sa'yo, ama. Kung galit ka sa lahat ng nilalang sa mundo, sarilinin mo ang galit mo. Huwag mo akong idamay."

Ama? Ama ni Lukas ang nakikita nila ngayon?

Lumakas ang kulog at naging bayolente ang dagat. Nabasa sila ng alon at sa likuran nila narinig ni Andres ang tili ni Selna. Lumingon siya. Mataas na rin ang tubig sa puwesto ng mga ito at natataranta si Danny na akayin palayo ang walang malay na si sir Jonathan.

Lapastangan! Wala kang laban sa akin hangga't nasa teritoryo ka ng dagat, Lukas. Kalahating Diyos ka lang. Hindi mo ako kaya.

Biglang tumaas lalo ang tubig at parang hinihila palalim ng dagat si Lukas. Nagulat si Andres nang biglang kumalas sa akbay niya si Ruth at tumakbo palapit sa lalaki, kumapit sa katawan nito at hinihila palayo sa tubig. Napatakbo din tuloy siya at tumulong.

Mukhang nagulat ang lalaki na manghang nilingon sila. "Anong ginagawa niyo? Sinabi ko nang tumakas na kayo."

"Hindi! Ilang beses mo na kami iniligtas. Hindi ka namin hahayaan gawin ang hindi mo gusto," sigaw ni Ruth.

Hindi nakakibo si Lukas. Pagkatapos napatingala silang lahat sa alon na naghugis tao nang bigla iyon maglabas ng galit na ingay. May binabato pa lang kung anu-ano roon at ilang beses natamaan ang mukha niyon. Lumingon si Andres sa pinanggagalingan ng mga iyon. Sina Danny at Selna pala ang pumupulot sa buhangin ng mga bato, kahoy at kung anu-ano pa. Ang mga ito ang bumabato sa tubig.

Sinamantala niya ang nangyayari at ubod lakas na hinila si Lukas. Biglang na-disperse ang tubig na kaninang nakapaikot na parang kadena sa mga binti at braso nito. Kumilos ang lalaki hanggang sa ito na ang may hawak kina Andres at Ruth. Sa isang iglap nagawa nitong tumalon palayo sa hugis taong tubig na bitbit silang dalawa. Huminto sila sa parte kung saan inihiga ni Danny si sir Jonathan.

"Tumakas na kayo," ulit ni Lukas sabay bitaw sa kanila ni Ruth.

"Pero –"

"Ruth," putol nito sa pagpoprotesta pa ng babae. "Mas mahirap sa akin na protektahan ang sarili ko kung iniintindi ko rin kayo." Pagkatapos lumingon kay Andres ang lalaki at seryosong sinalubong ng tingin ang kanyang mga mata. "Alis na."

Tumango siya at hinarap ang mga kaibigan niya. "Buhatin natin si sir Jonathan, Danny. Girls, takbo na sa kotse!"

Halatang nagdadalawang isip pa rin si Ruth pero niyakap na ni Selna ang braso nito at hinila patakbo. Sumunod sina Andres. Mas mabagal nga lang ang takbo nila kasi mabigat si sir Jonathan. Pero kalaunan nakasakay din sila sa loob ng kotse. Bago niya mabuhay ang makina ay dumagundong na ang galit na boses ng tubig na nag anyong tao.

Mga lapastangan na mortal! Hindi ko palalampasin ang inyong kabastusan. Tikman ninyo ang parusa ng Diyos ng Karagatan!

Nanlaki ang mga mata niya nang may mataas na alon na akmang babagsak sa sinasakyan nila. Pero biglang humarang si Lukas, itinaas ang mga kamay at nagpalabas ng puwersang humarang sa alon. Nagkaroon ng pagsabog at bumagsak ang tubig na parang malakas na ulan.

Manghang napatitig si Andres sa nakatalikod na lalaki. Bigla nasagot ang isa niyang tanong tungkol dito. Kasi ngayon sigurado na siya kung anong klase ito ng nilalang.

Si Lukas ang anak ni Dumagat.

Siguiente capítulo