webnovel

Ang Babaeng Misteryosa (1)

PUMAYAG ang mga teacher na magpaiwan silang apat. Nang dumating din kasi ang rescue team, kinailangan din silang hingan ng statement para makatulong sa paghahanap kay Sir Jonathan. Karamihan sa mga dumating ay mga mangingisda ng Tala na parang hindi na nagulat na malamang may nawawala.

Nalaman ni Andres mula sa mga teacher na karamihan pala ng absent sa youth camp ay mga anak ng mga mangingisda.

Kaya hindi na nagdalawang-isip ang magkakaibigan na sabihin ang totoong nangyari kagabi. Nagsimula ang kuwento kay Selna na siya palang naunang lumabas ng tent dahil hindi ito makatulog. Si Danny naman daw, naalimpungatan nang makarinig ng kaluskos mula sa labas at nang sumilip ay nakita nga ang dalagita. Naging pagkakataon daw iyon para makapag-usap ang dalawa. Lumayo ang mga ito para hindi magising ang iba hanggang makarating sa batuhan. Iyon ang naabutan nina Andres at Ruth.

Pagkatapos, sinabi rin nila ang tungkol sa malamyos na boses na kumakanta mula sa dagat. Halatang hindi makapaniwala ang mga teacher at napanganga habang sinasabi nina Andres at Danny ang naranasan nilang pagkawala sa sarili dahil sa kantang iyon. Ang mga mangingisda naman, seryoso na ang mga hitsura at napailing.

"Malamang narinig din ng teacher ninyo ang kanta at hindi katulad ninyo, nagpadala siya sa pang-aakit ng sirena at nagpunta sa dagat," sabi ng isang rescuer. "Malabong buhay pa siya."

Napahikbi ang mga teacher, nagsipag-iyakan na. Ang mga member ng rescue team ay nagsimula na sa paggalugad sa karagatan, mga batuhan, at kahit ang kagubatan. Bandang tanghali, sumigaw ang dalawang recuers, may nakita raw sa ilalim ng isang malaking bato na palutang-lutang.

Nagtakbuhan ang lahat papunta roon. Sumunod sina Andres, Danny, Selna, at Ruth. Nagulat si Andres nang ma-realize na ang sinasabing bato ng rescuers ay ang mismong bato kung saan sila nakatayo kaninang madaling-araw. Ngayon lang nila napansing hindi pala iyon basta malaking bato lang. Isa pala iyong kuweba sa ilalim na nakalubog sa tubig hanggang kanina dahil sa high tide. Ngayon, hanggang balakang pa rin ng rescuers ang tubig pero bitbit ang flashlight na pumasok ang mga ito sa loob.

Kabado silang lahat habang naghihintay. Makalipas ang halos twenty minutes, mula sa loob ng kuweba ay lumabas na uli ang mga rescuer… hila ang nakalutang na katawan ni Sir Jonathan.

Napakapit sa tagiliran ni Andres ang napahikbing si Ruth. Agad niya itong niyakap nang mahigpit. Kahit siya ay parang nilalamutak ang sikmura sa nakita. Umiiyak na rin si Selna na niyakap ni Danny patalikod sa dagat.

Mariing pumikit si Andres at isinubsob ang mukha sa ulo ni Ruth. "Kung napansin lang natin siya agad kaninang madaling-araw…" garalgal na bulong niya.

Gumanti ng yakap ang dalagitang mahinang umiiyak pa rin.

NAGING malaking balita sa buong bayan ng Tala ang "pagkalunod" ni Sir Jonathan habang ginaganap ang youth camp. Marami tuloy magulang ang nagreklamo sa school administration at sinasabing huwag na uling gagawin ang ganoong klase ng event. Siyempre hindi sang-ayon ang mga estudyante kasi kapag pinagbigyan ang mga magulang ay hindi matutuloy ang field trip na naka-schedule tuwing October.

Unang araw ng burol ng teacher nang dumating galing ng Maynila ang parents ni Andres kaya ang pamilya Ilaya ang isa sa mga unang bumisita sa bahay nito. Namangha ang mga tao dahil hindi inaasahan ng mga ito na susulpot ang pinakamayamang pamilya sa Tala. Naiyak pa ang mga magulang ni Sir Jonathan at halos mapaluhod nang sabihin ng papa ni Andres na sila na ang sasagot sa pagpapalibing.

Nauna na ang parents at lolo ni Andres na umuwi. Nagpaiwan naman siya. Mayamaya pa, sabay-sabay namang pumasok sa bahay ng teacher nila sina Danny at Selna kasama ang pamilya ng mga ito. Agad na hinanap ng tingin niya si Ruth. Nahuhuli pala ito sa paglalakad at nasa labas pa kasama ang inang si Manang Saling.

Nang pumasok ang mag-ina sa bahay para silipin ang kabaong ni Sir Jonathan, napansin ni Andres na nagbigay-daan ang lahat ng tao. Halatang inirerespeto ng mga nakatatanda si Manang Saling. Pero halatang takot ang mga kaedad nila at mas bata. Kahit kay Ruth ay ilag ang mga ito at nagbubulungan pa habang pasimpleng itinuturo ang dalagita.

Uminit ang ulo ni Andres nang marinig ang mga salitang "mangkukulam" at "weird." Humakbang siya palapit kay Ruth hanggang maharangan na niya ito at saka matalim na tiningnan ang mga nagbubulungan.

Napahinto ang mga ito, namutla at halatang napahiya, saka sabay-sabay na lumabas ng bahay ni Sir Jonathan. Gigil pa rin na sinundan niya ng tingin ang grupo para masigurong hindi na babalik. Nakatingin pa rin siya sa may pinto nang maramdamang may humawak sa kanyang braso. Napalingon siya kay Ruth. Tipid itong ngumiti, inilapit ang mukha sa kanyang tainga at bumulong.

"Hayaan mo na sila. Sanay na ako. Saka lately, hindi ko na masyadong iniintindi ang mga sinasabi ng iba."

"Pero—"

"Andres. Okay lang talaga. Tara na, samahan mo kami ni Nanay na silipin si Sir Jonathan." Hinila na siya ni Ruth palapit sa kabaong.

Nakasilip na si Andres kanina kasama ang kanyang pamilya pero napangiwi pa rin siya nang makita si Sir Jonathan. Kahit nilagyan na ng makeup sa punerarya, grayish pa rin ang kulay ng balat nito. At para sa isang taong nalunod, hindi bloated ang hitsura ng teacher nila. Katunayan, nakalubog ang mga pisngi nito. Para bang may kung anong humigop sa kaluluwa nito palabas sa pisikal nitong katawan.

"Hindi pa rin ako makapaniwala na nangyari ito sa kanya," biglang sabi ni Danny na nakalapit na pala sa kanila ni Ruth. Tumayo naman sa tabi nito si Selna at kumapit sa braso nito bago sumilip sa kabaong. Ilang segundong nakatayo lang silang apat doon nang lumapit sa kanila si Manang Saling.

Sumilip ang matanda at natigilan. Napatingin silang apat sa nanay ni Ruth nang bigla itong umiling at tumalikod.

"Umuwi na tayo, Ruth."

"Pero bakit po, `Nay? Kararating lang natin."

Tinitigan sila ni Manang Saling. Kumabog ang dibdib ni Andres at naramdaman niyang na-tense din ang mga kaibigan sa intensity na nasa mga mata ng matanda.

"Hindi katawan ni Jonathan ang nasa kabaong na `yan. Katawan lang ng puno. Tingnan ninyong maigi. Marami na kayong nakitang kakaiba. May mga mata na kayo para sa ganitong bagay, basta alam n'yo lang kung ano ang dapat ninyong nakikita."

Mahina ang boses ni Manang Saling nang magsalita pero pakiramdam ni Andres, nag-echo ang mga sinabi nito sa kanyang isip. Dahan-dahang lumingon silang magkakaibigan sa kabaong at tinitigang mabuti ang katawan ni Sir Jonathan. Napasinghap sina Ruth at Selna. Napaatras si Danny.

Nanlaki naman ang mga mata ni Andres at napanganga nang unti-unting mag-fade out ang pigura ng teacher sa kanyang paningin. Nakita niya sa wakas kung ano talaga ang nakalagay sa loob ng kabaong. Katawan nga ng puno.

Siguiente capítulo