webnovel

Mapanlinlang Na Katahimikan (2)

Nagpunta sina Lanie sa left side na mukhang inuna ng halos lahat ng grupo kasi maingay sa direksiyon na iyon. Sila naman ay tinahak ang daan papunta sa right side. Mas tahimik, mas masukal, mas matataas at malalago ang mga puno at halaman. Wala ring trail doon pero base sa mapa, alam ni Andres na may makikita silang magandang lugar sa dulo.

"Hindi naman siguro tayo mapapadpad na naman sa Nawawalang Bayan habang naglalakad, ano?" biglang tanong ni Danny.

Umiling si Ruth. "Wala akong nararamdamang kakaiba sa gubat na `to. Walang nakatirang mga engkanto rito."

"Mabuti naman. Gusto ko ng normal na youth camp. Wala munang supernatural beings. Day off muna ang Spiral Gang," sagot ni Danny na halatang nakahinga nang maluwag.

"Pero minsan hindi rin maganda kapag walang engkanto at ibang harmless beings sa isang lugar," paglilinaw ni Ruth. "Dalawa kasi ang ibig sabihin kapag gano'n. Una, madalas puntahan ng mga tao ang isang lugar at palaging maingay. Pangalawa… baka may mas malakas na supernatural existence kaya lumalayo ang ibang nilalang. Hindi ko pa lang maramdaman kasi maaga pa."

"Ugh! Huwag naman sana `yong pangalawa ang dahilan. Gusto ko muna ng break sa kanila," reklamo ni Selna.

"Magiging okay ang lahat," sabi ni Andres. "I'm sure, `yong una ang dahilan."

"Oo nga. Relax lang tayo," sagot ni Danny na nilingon si Selna at nginitian.

Mukhang nagulat ang dalagita na biglang nag-iwas ng tingin.

Napailing si Andres. Pinalampas kasi ni Selna ang chance para magkabati ito at si Danny.

Napakamot naman sa ulo ang binatilyo pero nagpatuloy sa pagsasalita habang nangunguha sila ng mga tuyong kahoy, dahon ng saging, at kung ano-ano pang nasa listahan.

Pero napansin ni Andres na pasulyap-sulyap si Danny kay Selna na bagama't masigla na, siya lang at si Ruth ang kinakausap. Ni hindi ito tumitingin kay Danny.

"Hey, ano'ng problema ninyong dalawa?" bulong niya kay Selna nang nagkataong pareho silang nahuhuli sa paglalakad.

Halatang nagulat ito sa tanong niya. Sandali itong napatingin sa kanya bago tarantang sinulyapan sina Danny.

Nang masigurong hindi sila naririnig, sumimangot si Selna. "Manhid kasi, eh. Ngayong alam na niya, hindi naman makatingin sa `kin. Nakakainis."

Nagulat si Andres. "You like him?"

Tumingin sa kanya si Selna, naningkit ang mga mata. "Hindi mo rin alam kasi kay Ruth lang kayo palaging nakatingin."

Napanganga siya. Wait… Danny likes Ruth?

Inirapan siya ni Selna at binilisan na ang paglalakad. Hinabol niya ito, at magtatanong pa sana pero narinig na nila ang tunog ng malakas na agos ng tubig. Bigla niyang naalala ang gustong ipakita sa mga kaibigan. "Nasa part na `to raw ng Tala ang isa sa pinakamalalaking falls sa bayan natin."

Napahinto sa paglalakad ang tatlo at manghang nilingon si Andres.

Ngumiti siya. "Seryoso."

Ngumisi ang tatlo at kumislap ang mga mata. Lalo siyang napangiti. Halatang magkakasama lumaki sina Ruth, Selna, at Danny. Magkakapareho kasi kahit facial expression ng mga ito.

Tumingin si Andres sa kanyang wristwatch. "Mahaba-haba pa ang oras bago magtanghalian pero halos nakuha na natin ang lahat ng nasa listahan…" Tiningnan uli niya ang tatlo at ngumisi. "We have time to play."

"Yes!" masiglang sigaw ni Danny. Bitbit ang mga tuyong kahoy na tumakbo ito papunta sa direksiyon ng falls.

Excited na sumunod sina Ruth at Selna kaya natatawang naglakad na rin siya.

MATAAS ang waterfalls na nabungaran nilang magkakaibigan. Sa sobrang lakas ng pagbagsak ng tubig, parang may permanenteng ulan sa bahaging iyon ng gubat. Inilapag nilang lahat ang mga bitbit sa lilim ng isang puno at saka nagtakbuhan papunta sa mabatong gilid ng falls.

"Ang lalim siguro nito," komento ni Selna na lumuhod at isinawsaw ang mga kamay sa tubig.

"Sabi ng mga teacher noong nag-meeting kami para sa paggawa ng mapa, may shortcut daw mula rito papunta sa dalampasigan," imporma ni Andres.

"Talaga? Saan?" nakangiting tanong ni Ruth.

Ilang segundong napatitig lang siya sa mukha ng dalagita, nilasap ang init na humaplos sa kanyang dibdib dahil sa ngiti nito, bago nagawang sumagot. "Doon." Itinuro niya ang pababang batuhan kung saan dumadaloy ang sobrang tubig mula sa talon. "Susundan lang daw ang tubig, makakarating na raw tayo sa dagat in ten minutes."

"Talaga? Ang galing naman," biglang sabi ni Selna na nakalapit na pala sa kanila. "Diyan na lang tayo dumaan mamaya."

Sumang-ayon silang lahat. Habang nakasawsaw ang mga paa nina Ruth at Selna sa tubig ng falls, tinapos naman nina Andres at Danny ang pagkolekta sa mga nakalagay sa listahan. Bandang ten thirty, niyaya na ni Andres ang mga kaibigan na bumalik sa campsite. Sila na ni Danny ang naghati sa bitbitin. Nauna namang maglakad ang dalawang babae pasunod sa daloy ng tubig.

Nakakailang hakbang pa lang si Andres pasunod sa mga kaibigan nang may marinig siyang kakaiba mula sa falls. Mahina lang pero parang boses ng mga babae. Lumingon siya dahil baka may ibang estudyante ang nakarating na rin doon. Pero wala namang tao. Nakakunot ang noong tumalikod uli siya. Medyo malayo na ang mga kaibigan niya.

Pero nakakailang hakbang pa lang uli si Andres, may narinig na naman siyang malamyos na boses ng mga babae. Lumingon uli siya sa mismong falls dahil parang doon nanggagaling ang mga boses. Kumabog ang kanyang dibdib nang may makitang hugis ng mga tao sa likod ng bumabagsak na tubig. Parang mga nagbubulungan at itinuturo pa siya.

"Andres! Bakit nandiyan ka pa? Tara na!"

Lumingon siya kina Danny. Sobrang layo na ng tatlo sa kanya na mga nakahinto at hinihintay siya. Ibinalik uli niya ang tingin sa falls pero wala na ang hugis ng mga tao sa tubig. Wala na rin ang mahina at malamyos na boses ng mga babae.

"Andres, male-late na tayo," tawag naman ni Selna.

Kumurap siya, huminga nang malalim, at saka mabilis na naglakad palapit sa mga kaibigan. Pero kahit nang magkakasama na sila at hindi na uli tumingala sa pinanggalingan nila, nananayo pa rin ang kanyang mga balahibo.

What in the name of the gods were those creatures?

Siguiente capítulo