webnovel

Store Hours Sa Dulo Ng Bahaghari (1)

MALUWAG sa loob ng bahay ng mga Ilaya. Gawa sa bato ang first floor kung nasaan ang kusina at ang tinatawag ni Andres na 'dining room'. Namangha si Danny na magkahiwalay ang lutuan at kainan ng mga ito. Sa kanila kasi iisa lang iyon.

Pagkatapos nila kumain umakyat sila sa second floor na gawa naman sa narra ang mga sahig at pader. Malalaki rin ang mga bintanang kapiz na kasalukuyang nakabukas lahat. Maliwanag tuloy at presko sa balkonahe kung saan sila nagsimula gumawa ng props para sa presentation nila bukas. Sa kalagitnaan ng ginagawa nila biglang bumuhos ang malakas na ulan kaya kinailangan isara ang mga bintana.

Bandang alas kuwatro na nang hapon nang matapos sila. Nagboluntaryo si Andres na ito na ang magdadala ng mga ginawa nilang props bukas. At dahil naging ambon na lang ang kanina ay malakas na ulan, nagpaalam na sina Danny, Ruth at Selna na uuwi na. Hinatid sila ni Andres hanggang sa labas ng bahay. Wala silang nakasalubong kahit isang tao lang. Katunayan, mula nang dumating sila kanina ang kusinera lang ng mga Ilaya ang nakita nilang tao. Nakakapagtaka kasi nabanggit nito sa kanila dati na may nakababatang kapatid daw ito at housewife daw ang nanay nito.

"Alam mo hindi naman creepy sa bahay ninyo. Bakit natakot ang mga kaklase mo dati?"

"Ah. Kasi dinala ko sila sa third floor."

"Bakit kami hindi mo pinasyal doon?" tanong naman ni Selna.

Ngumiti si Andres at isa-isa silang tiningnan. "Kasi ayokong matakot kayo at tumigil na maging kaibigan ko."

"Hindi mangyayari 'yan," siguradong sabi ni Ruth.

Lumawak ang ngiti ni Andres. "Salamat."

Tumikhim si Danny. Nagtititigan na naman kasi ang mga ito. Iniba niya ang usapan. "Pero ang tahimik sa inyo, 'no?

Nagulat siya kasi kahit nakangiti pa rin ito ay nakita niyang kumislap ang pait sa mga mata nito. "Ganoon sa amin araw-araw."

Kumunot ang noo niya. Ibig bang sabihin palaging parang ito lang ang tao sa malaking bahay na iyon? Hindi ba ito naiinip o nasasakal? Ibinuka ni Danny ang bibig para sabihin dito na puwede ito tumambay sa bahay nila kapag gusto nito pero bigla siyang siniko ni Selna. Napasulyap siya rito. Nakangiti ito at nakatingala na sa langit. Sa mga sandaling iyon hindi na umaambon at may araw na.

"May rainbow!"

Napatingala rin siya at nahawa sa excitement ni Selna. Halatang kakasulpot lang ng bahaghari kasi kumpleto at malinaw pa ang lahat ng kulay niyon. Malaki rin iyon at mahaba, parang nasa langit ang isang dulo habang ang kabila naman ay pababa sa lupa, parang ang lapit lang sa kanila. Sa sobrang lapit pakiramdam ni Danny kung susundan nila iyon posibleng makita nila kung ano ang nasa dulo ng bahaghari.

Matagal na nakatingala lang sila hanggang may dumating nang bakanteng tricycle. Sumakay sa loob sina Ruth at Selna habang siya naman pumuwesto sa likod. Nanatiling nakatayo sa gilid ng kalsada si Andres at nakangiting kumaway pa sa kanila hanggang hindi na nila ito makita kasi lumiko na sa isang kanto ang sinasakyan nila. Kaya tumingala na lang uli si Danny para tingnan ang rainbow. Nagulat siya kasi mas lalo iyon nagmukhang malapit. Halos umabot na sa bubong ng mga bahay na dalawang palapag ang taas.

Ilang minuto pa, nakalabas na sila sa Villa Ilaya. Pagliko uli ng tricycle papunta sa direksiyon ng sentro ng Tala nanlaki ang mga mata niya kasi nakita niya kung nasaan ang dulo ng bahaghari. Doon sa street sa kabilang side ng tinatahak nilang daan, sa pagitan ng isang bahay at laundry shop, may maliit na bakanteng lote na nakakulong sa kumikinang na liwanag. Parang sinag ng araw sa umaga pero iba-ibang kulay. Mayamaya, parang multo na lumitaw sa bakanteng lote na iyon ang isang maliit na establisyimento, halos kasinglaki ng school supplies store malapit sa Tala High School. Katunayan, mukhang tindahan nga iyon.

Kumurap-kurap si Danny kasi baka namamalikmata lang siya. Pero ang kaninang see-through na establishment ngayon malinaw na niyang nakikita at para bang matagal na iyong nakatayo sa pagitan ng bahay at laundry shop. Iba't ibang kulay ang pintura ng pader. May salaming bintana pero hindi niya makita ang nasa loob kasi nagrereflect doon ang kakaibang sinag na parang extension ng rainbow. Walang signage para sa pangalan pero may nakadikit sa pinto. Halos malayo na ang tricycle kaya ang nabasa lang niya ay: Store Hours. Pagkatapos sa muli niyang pagkurap lumiko na uli sila sa isang kanto kaya hindi na niya iyon nakita.

Kinabukasan, kulang sa tulog si Danny. Magdamag kasing bumabalik sa isip niya ang nasaksihan niyang sumulpot sa dulo ng bahaghari. Sigurado siya na hindi siya namalikmata. Pero gusto niya bumalik sa street na iyon. Hangga't hindi pa siya nakakasiguro na talagang magical ang establishment na iyon, hindi muna niya sasabihin sa mga kaibigan niya. Isa pa hindi rin naman siya makakuha ng tiyempo magsabi.

Biyernes na. Recruitment day. Walang klase kasi may program sa covered court para sa first years. Lahat ng sports at academic clubs ay isa-isang aakyat sa stage para ipakilala ang grupo nila at magimbita ng bagong member. Short skit ang naisip ni Danny para sa presentation ng Literature club. Si Andres ang bida. Nang lumabas itong naka-prince costume umugong ang tilian ng mga estudyanteng babae sa covered court.

Simple lang naman ang skit. Tungkol lang sa isang prinsipe na naghahanap ng magiging prinsesa. Kanang kamay nito si Danny. Si Selna, prinsesang mahilig kumanta at sumayaw. Si Ruth, prinsesang nakaupo lang sa isang sulok at binabasa ang soft bound na notebook na ginawa nilang parang libro. May nakalagay na Spiral Gang sa harapan. Iyon kasi ang title ng anthology na bubuuin nila para ipasa bago ang graduation. Bawat hakbang, bawat project at bawat galaw ng mga kamay ni Andres, sinusundan ng tingin ng mga nanonood.

Sa huli isang linya lang naman ang sinabi nito. Lumapit lang ito kay Ruth, inilahad ang kamay at nang tanggapin iyon ng prinsesa humarap ito sa audience, ngumiti at sinabing, "I like a girl who reads." Ang lakas ng tilian ng mga babae. Bago sila umalis ng stage ipinasa kay Selna ang mikropono at pormal na inimbitahan ang lahat na sumali sa literature club. Hanggang makapunta sila sa backstage ramdam nila ang excitement ng mga nanood.

Ngumisi si Danny. "Sana may makuha tayong member sa mga tumili kahit tatlo o apat lang. The best ang naisip mong linya, Andres."

Ngumiti ito. "Nagsabi lang naman ako ng totoo. I really like a girl who loves to read." Pagkatapos niyuko nito si Ruth na nakatayo pa rin sa tabi nito. Nawala ang ngiti ni Danny kasi namula na naman ang mukha ng kababata niya. Bumaba ang tingin niya at narealize niyang magkahawak pa rin ang kamay ng mga ito. Para siyang sinuntok sa sikmura.

Kumurap lang si Danny nang kumapit sa braso niya si Selna. "Mauuna na kami ni Danny sa club room. Baka may ibang estudyante na ang pumunta doon para mag apply. Maiwan kayong dalawa dito para may representative ang literature club. Kita-kita na lang tayo mamaya."

Pagkatapos bigla na siyang hinila ng kababata niya palayo. Distracted na sumabay siya sa mabilis na paglalakad nito. Malinaw pa rin kasi sa isip niya ang magkahawak na kamay nina Andres at Ruth. Para pa ring may sumisipa sa sikmura niya. Para siyang magkakasakit na hindi niya maintindihan. Tahimik lang tuloy siya hanggang makapasok na sila sa club room na dinikitan nila ng 'Welcome' sign, kasama sa props na ginawa nila kahapon.

"Danny."

Kumurap siya at tiningnan ang mukha ni Selna. Seryoso ang eskpresyon nito. Nagulat siya kasi ngayon lang niya ito nakitang ganoon. Tumikhim siya at pinilit ngumiti. "Bakit?"

Bumuntong hininga ito, sumulyap sa labas at nang masiguro yata na walang tao ay ibinalik ang tingin sa kaniya. "May gusto ka kay Ruth, no?"

Napaatras si Danny, napanganga. "Ha?"

Namaywang si Selna. "Hindi ko alam kung ayaw mo lang aminin sa akin o talagang hindi ka lang aware sa sarili mong nararamdaman pero obvious sa akin na may gusto ka sa kaniya. Bothered ka na nagiging close sila ni Andres mula nang makalabas tayo sa Nawawalang Bayan. Tama ako, 'di ba?"

Itinikom ni Danny ang bibig, nalaglag ang mga balikat at malungkot na ngumiti. "Kilalang kilala mo talaga ako." Huminga siya ng malalim, iginala ang tingin sa club room at napakamot sa batok.

"Crush lang naman 'to. Mawawala rin. Pero siyempre 'di ko maiwasan hindi maapektuhan kapag nakikita ko silang magkasama." Ibinalik niya ang tingin kay Selna at tipid itong nginitian. "Secret lang natin 'to ha? Wala akong balak sabihin sa kaniya."

Nawala ang kaseryosohan ni Selna. Lumambot ang facial expression nito at bumuntong hininga. "Okay."

Tumango siya. "Salamat."

Bumuka ang bibig nito, parang may sasabihin pa, pero biglang nakarinig sila ng ingay mula sa labas ng club room. Sabay sila lumingon. Pumasok sina Andres at Ruth. Maraming freshmen ang nakasunod sa mga ito. Ngumiti si Andres at nag thumbs up. "Nandito ang mga gusto maging member ng literature club."

Pinilit ni Danny na ngumisi. "Effective ang plano ko 'di ba?" Sinulyapan niya si Ruth. Tumingin din ito sa kaniya, tumango at matamis na ngumiti. Parang lumobo ang dibdib niya at nawala ang hindi magandang pakiramdam niya kanina. Makita lang niya nakangiti nang ganoon si Ruth, ayos na sa kaniya. Kahit na iba ang gusto nito at hindi siya.

Siguiente capítulo