webnovel

Ibang Tala (3)

"Pero paanong may isa pang bersiyon ng mundo namin? At nasaan ito eksakto?" nagtatakang tanong ni Danny.

Humalukipkip si Lukas at inalis ang tingin sa kanila. Nakatitig pa rin si Ruth sa mukha nito kaya nakita niya nang may dumaang magkahalong pait at galit sa facial expression nito bago nagsalita. "Noong unang panahon isa lang ang bersiyon ng kalupaan at malayang naninirahan ang iba't ibang uri ng nilalang doon kasama na ang mga mortal. Malaya rin nakakababa sa lupa para makihalubilo ang mga diyos at diyosa. Pero habang lumilipas ang panahon nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan. May isang diyos na hindi natuwang may iba pang nakatira sa lupa maliban sa mga mortal kaya may ginawa itong panlilinlang na nauwi sa isang malaking kaguluhan.

"Ang naging solusyon ni Bathala para bumalik ang kapayapaan ay paalisin lahat ng mga diyos, diyosa at iba pang nilalang na may kapangyarihan sa lupa. May umakyat sa itaas," turo nito sa langit. "May nagtago sa ibaba at mayroon din namang mga hindi na kayang mamuhay sa lugar na hindi sila pamilyar. Kaya gumawa ang mga diyos ng isa pang dimensiyon na katulad na katulad ng kalupaan. Ito 'yon. Isang paraiso para sa iba't ibang klase ng nilalang na may taglay na kapangyarihan. Kung magiging partikular ako sa lokasyon, masasabi kong nakapatong ang Tala na ito sa Tala na alam ninyo. Halos wala ring kaibahan maliban sa mas nauuna ang oras ninyo kaysa rito. Wala ring totoong araw, buwan at mga bituin dito dahil hindi nakakaabot ang kapangyarihan ng nakatataas na diyos at diyosa sa lugar na ito. Hindi ito parte ng nasasakupan nila. At kapag bilog ang buwan sa inyo, bagong buwan ang tawag ng mga taga rito. Gabi ng ritwal na siyang ginagawa nila ngayon."

"P-pero paanong nasa langit dito ang Bakunawa?" nagtatakang tanong ni Ruth. "Paano niya alam na bilog ang buwan sa Tala namin?"

"Dahil para sa mga mythical creature na katulad ng Bakunawa at sa iba pang nilalang na malakas ang kapangyarihan, kasing nipis at kasing linaw ng salamin ang pagitan ng dalawang dimensiyon. Nasisilip nila kung ano ang nasa kabilang panig at minsan napagkakamalan nilang iisang mundo lang ang dalawang dimensiyon. Kaya minsan nakakalusot din sila sa mundo ninyo pero madalas nakakulong lang sila rito. Ngayong gabi nakikita ng Bakunawa na bilog ang buwan pero kahit anong subok nito hindi nito makain iyon. Kasi hindi nito alam na nasa ibang dimensiyon ito. Katunayan, ilang libong taon nang dito naninirahan ang Bakunawa."

Ilang libong taon? "Pero sigurado akong ilang beses akong nakakita ng Bakunawa noong bata pa ako. Noong six years old pa nga ako, nakita ko pa nang isubo niya ng buo ang buwan tapos unti-unti rin niya iniluwa. Ibig bang sabihin 'non nakalusot siya sa mundo namin sa mga pagkakataong 'yon?" nagtatakang tanong ni Ruth.

May kumislap na kung anong emosyon sa mga mata ni Lukas. Na para bang natutuwa ito sa kaniya. "Posible. O posible ring nakikita mo ang Tala na ito, kasama na ang mga nilalang na dito lang naninirahan. Akala mo lang ang nakikita mo pa rin ay ang Tala na kinalakihan mo pero ang totoo dalawang bersiyon ang nakamulatan mo."

Napanganga siya. "P-puwede ba 'yon? Na makita ng isang tao na taga Tala namin ang Tala na ito?"

"Hindi dapat," sagot ni Lukas. Pagkatapos nagulat siya nang ituro nito ang dibdib niya. "Pero iba ka sa kanila. May kapangyarihan sa loob mo. Natutulog pa pero kapag nagising 'yan, magiging malakas ka."

"Malakas? Ako?" hindi makapaniwalang tanong ni Ruth.

Tumango ito. "Mas malakas ka pa kaysa sa mga nilalang na nakatira sa sitio na ito."

MATAGAL na natahimik silang apat pagkatapos magsalita ni Lukas. Masyadong nabigla si Ruth sa sinabi nito tungkol sa kaniya kaya wala siyang maisip na sabihin.

"This is crazy," mahinang usal ni Andres mayamaya. Pagkatapos naramdaman niyang lumapat ang mga kamay nito sa balikat niya na parang gusto siyang protektahan sa kung ano. Natigilan siya at nailang pero sandali lang pasimple na siyang napabuntong hininga. Kasi masarap sa pakiramdam ang pagiging protective nito.

"Kung wala tayo rito mismo, hindi ako maniniwala sa sinabi niya," narinig niyang komento ni Danny.

Tumaas ang kilay ni Lukas at may sumilay na malupit na ngiti sa mga labi. "Ang pagiging ignorante at kawalan ng paniniwala ang dahilan kaya hindi niyo nakikita at napapansin kahit ang mga bagay na nasa harap niyo na mismo. Halimbawa, nanggaling na kayo sa daan palabas pero hindi niyo napansin."

Sandaling kumunot ang noo ni Ruth. Pagkatapos bigla niyang narealize ang kahulugan ng sinabi nto. Nanlaki ang mga mata niya at napasinghap siya. Ang daan palabas, alam na niya kung saan!

Bigla may narinig silang malakas na huni ng isang ibon mula sa malayo. Nawala sa kanila ang atensiyon ni Lukas at lumingon sa direksiyon ng kagubatan na pinanggalingan nila. Lumakas ang huni na sinundan ng tunog ng pakpak na pumapagaspas. Nag e-echo iyon sa kabila ng malakas na ingay sa sitio. Napalingon din tuloy silang lahat lalo at nakikita na nila ang pigura ng isang malaking ibon na palapit sa kanila.

Tumayo si Lukas at humakbang na parang sasalubungin ang ibon na ngayong malapit na ay narealize ni Ruth na isa palang malaking agila. Itinaas ng lalaki ang braso kung saan naman dumapo ang ibon. Natulala siya at hindi nagawang alisin ang tingin nang ikuskos ng ibon ang ulo nito sa pisngi ni Lukas, pagkatapos sa tainga nito. Namangha siya nang tipid na umangat ang gilid ng mga labi ng lalaki at bahagyang pumikit na para bang may sinasabi ang agila at mataman itong nakikinig.

"Ang guwapo," pabuntong hiningang bulong ni Selna sa tabi niya na nakatitig din pala sa eksenang nasa harapan nila. Sina Danny at Andres, narinig niyang umismid at mukhang hindi natutuwa na natutulala sila kay Lukas. Ang hirap naman kasi hindi tumitig. Kung may camera nga lang siya ngayon malamang kinunan na niya ito ng picture.

Mayamaya pa dumeretso ang agila, ibinuka ang mga pakpak at lumipad uli palayo hanggang lamunin na ito ng dilim. Nang humarap sa kanila ang lalaki seryoso na uli ang mukha nito at nag-iba ang mga mata. Habang ang kanang mata nito ay naging itim na itim at halos mawala na ang puti, ang kaliwang mata naman nito naging asul. May takot na kumalat sa buong katawan ni Ruth kasi naramdaman niyang nag-iba ang aura ni Lukas. Hindi na ito accommodating. Naging mapanganib na.

"Kailangan kong umalis pero babalikan ko kayo bago mag bukangliwayway. Huwag kayong aalis dito at huwag niyo kakalimutan ang mga hindi niyo dapat gawin habang nandito kayo."

Pagkatapos tumalikod na ito at bago pa may makapagsalita sa kanila ay nilamon na ito ng kadiliman. Nang mawala si Lukas naramdaman agad ni Ruth na may naiba sa paligid. Nagkaroon ng kakaibang tensiyon sa loob ng sitio. Nagkaroon ng excitement at anticipation na hindi niya maintindihan. Higit sa lahat ang amoy ng masasarap na pagkain ay lalong nanuot sa hangin, nakakapanlaway at nakakagutom.

Siguiente capítulo