webnovel

Tagu-taguan Nawawala Ang Buwan (2)

Ilang minuto na sila naglalakad sa kagubatan at humahanap ng malalabasan nang biglang huminto si Danny at may itinuro. "Tingnan niyo o, mga alitaptap!"

Huminto rin silang tatlo at lumingon. Ilang metro nga ang layo mula sa kanila naglitawan mula sa mga puno at mabababang halaman ang maraming alitaptap, kumukutitap at nagbibigay ng mabining liwanag sa kadiliman.

"Ang ganda. Parang magic," pabuntong hiningang sabi ni Selna.

Lumapit si Danny sa mga alitaptap. "Nanghuhuli tayo ng mga ganito noon 'di ba? Ilalagay natin sa bote at magtatalukbong tayo ng kumot tapos ang mga alitaptap ang magiging ilaw natin," natatawa pang sabi ni Danny. Sumunod si Selna at nakihabol din sa mga insekto, parang bumalik sa pagkabata.

Naiwan sila ni Andres, magkatabing nakatayo habang pinapanood ang mga ito na halatang nag e-enjoy mapalibutan ng kumukuti-kutitap na liwanag.

"Gusto mo rin ba ang mga alitaptap?" mahinang tanong nito.

Umiling siya. "Nalulungkot ako kapag nakikita ko sila. Kasi kahit gaano pa kaganda ang mga alitaptap, isa sila sa species na may pinakamaiksing buhay sa mundo. Kapag nakakita na sila ng kapareha at nangitlog na, mamamatay na sila. Ni hindi sila binigyan ng chance na maging masaya kasama ang partner nila. Ni hindi nila makikitang mapisa ang mga itlog nila. Hindi ba nakakalungkot 'yon?"

"Yeah. Malungkot nga iyon," komento nito. Pagkatapos ibinalik nito ang tingin sa mga kaibigan nila. Natahimik na uli sila.

Hindi na sinabi ni Ruth ang isa pang alam niya tungkol sa mga alitaptap. Sabi kasi ng nanay niya, kapag daw maraming ganoon sa isang lugar ibig sabihin tirahan daw iyon ng mga kakaibang nilalang. Hindi lang isang entity ang naninirahan sa gubat na iyon. Alam niya na kung pakatititigan niya ang mga puno na naiilawan ng mga alitaptap may makikita siyang maliliit na hugis tao. Kiba-an ang tawag ng nanay niya sa mga iyon. Harmless basta huwag lang guguluhin ang tirahan ng mga ito. Sabi ng nanay niya, kapag daw may araw kahit umuulan ibig sabihin may mga nanganganak na Kiba-an.

Magaan na tinapik ni Andres ang braso niya. "Ruth, puwede ba magtanong?"

Inalis niya ang tingin sa mga kababata niya at tiningala ang binatilyo. "Ano 'yon?"

"Bakit sila nasa perya?"

Ah. Ang mga engkanto ang tinutukoy nito. "Mahilig sila makisali sa mga kasiyahan na ganoon. Marami din lumalabas at nagpupunta sa bayan kapag fiesta. At least 'yon ang natatandaan ko noong bago ako gawan ng proteksiyon ni nanay. Hindi naman sila masyadong nanggugulo at nag-e-enjoy lang naman sila sa sarili nilang paraan. Maliban na lang kapag may natipuhan silang tao na gusto nila asawahin. Doon nagsisimula ang problema… Bakit ganiyan mo ako tingnan?" Bigla kasi siyang nahiya kasi kahit madilim nararamdaman niya ang intensidad ng titig ni Andres sa mukha niya.

"Naaamaze lang kasi ako. Ang dami mong alam."

Tumikhim siya. "Sa mga kuwento ni nanay. Saka maraming libro sa library at compilation projects ang Literature Club na tungkol sa urban legends. Binabasa ko mula pa noong first year tayo. Gusto ko maintindihan ang tungkol sa mga nilalang na nakikita ko noong bata pa ako. Gusto ko ikompara ang nasusulat sa mga kuwento at ang reyalidad. Halimbawa ngayon nalaman ko na totoo ngang aktibo ang mga engkanto kapag bilog ang buwan."

Masyado silang malapit sa isa't isa kaya nakita niyang ngumiti si Andres. "Oo nga pala 'no? Bilog at maliwanag ang buwan nang tumingala ako noong nasa perya tayo kahit hindi pa naman talaga gumagabi kanina. Pero bakit ngayong mas madilim na ang langit at kahit may mga alitaptap, madilim pa rin dito sa gubat? Kapag pinatay natin ang flashlights natin, hindi tayo magkakakitaan."

Natigilan si Ruth at nanlaki ang mga mata. Tumingala siya. Hindi naman sobrang taas ng mga puno at nasisilip pa rin naman niya ang kalangitan. Pero bakit hindi nga sila inaabot ng liwanag ng buwan?

"Meron pang mga alitaptap sa banda 'ron. Tingnan natin!" sabi ni Danny.

"Wait lang. Hindi ba dapat naghahanap tayo ng daan para makauwi?" reklamo ni Andres.

Bigla parang sinuntok sa sikmura si Ruth. Kasi ngayon lang niya naintindihan kung bakit parang may mali kanina bago pa man sila umalis sa perya. Bihira siya pumunta sa sentro ng Tala pero hindi siya puwede magkamali.

Walang gubat malapit sa lokasyon kung saan nakatayo ang perya. Kaya nasaan sila ngayon?

"Guys, saan kayo pupunta? Hindi tayo puwede maghiwa-hiwalay," biglang sabi ni Andres.

Napakurap si Ruth nang humakbang palayo sa kaniya ang binatilyo para sundan sina Selna at Danny. Nataranta siya nang marealize na hindi na niya nakikita ang dalawa. Tumakbo siya pasunod kay Andres. Pagliko nila nakita nilang malayo na ang dalawa, nakatalikod at parang may hinahabol.

"Selna! Hintayin niyo kami!" sigaw niya.

Huminto naman sa paglalakad ang dalawa at lumingon sa kanila. "Bilisan niyo may nakita kaming mas maganda pa kaysa sa alitaptap!" ganting sigaw ni Selna.

Nagkatinginan sila ni Andres bago mabilis na lumapit sa mga ito. Nagsasalita siya habang naglalakad, "Wala tayong time na ma-distract. Kailangan natin makalabas dito sa lalong madaling panahon. Sa tingin ko nasa ilalim tayo ng mahika ng mga engkanto na nasa perya kanina. Walang gubat sa – Danny, saan ka pupunta?"

Mukha kasing nainip na sa paghihintay ang kaibigan nila at naglakad na naman. Hindi alintana kahit nagasgas na ito sa mga halaman. "Gusto ko makita ng malapitan."

Nataranta si Ruth at binilisan ang takbo para sundan ang kaibigan niya. Paglampas niya sa mataas na halaman ay napasinghap siya nang makita kung ano ang hinahabol nito. Mga bolang apoy na palutang lutang. Iba-ibang kulay, may asul, may berde, may pula, may dilaw at mayroon ding orange. Mula sa mga bolang apoy may naririnig siyang mahinang tawanan, parang mga bata pero mas maliit ang boses.

"A-ano ang mga 'yan?" manghang tanong ni Andres na humawak sa mga balikat niya.

"Allawig ang tawag ng mga matatanda dito sa Tala. Demons na naghuhugis bolang apoy. Hindi nakakasunog pero mapaglaro ang mga Allawig. Noong maliit pa ako, naikuwento sa akin ni ate Faye na minsan na siyang nakakita ng mga ganiyan noong ginabi siya ng uwi."

Kumabog ang dibdib niya nang kahit si Selna humakbang na para lumapit sa mga bolang apoy. Lalong tumindi ang mahinang hagikhikan. Kumurap si Ruth nang parang may maliliit na boses na bumulong sa tainga niya sa lengguwahe na matagal nang patay. Pero sa kung anong dahilan naintindihan niya ang ibig sabihin – Maglaro tayo. Sa isang iglap gumalaw ang mga Allawig palayo. Mabilis na sinundan nina Selna at Danny ang mga ito.

Nataranta siya. "Huwag niyo sundan! Ililigaw nila tayo."

Pero hindi na nakikinig sa kaniya ang mga kababata niya. Bumilis pa nga ang habol ng mga ito sa Allawig. Parang may lumamutak sa sikmura niya nang lumiko ang dalawa sa direksiyon ng gubat kung saan mas madilim at mas matataas ang mga halaman.

"Wala tayong choice kung hindi sundan sila. Maligaw man, mas mabuti nang kumpleto tayo," sabi ni Andres na biglang hinawakan ang kamay niya at pinaglingkis ang mga daliri nila. Gulat na napatingala siya rito. Seryosong pinagtama nito ang mga paningin nila. "Kailangan hindi tayo magkahiwalay Ruth. Let's go."

Kaya hawak ang flashlight sa tig-isang kamay na tumakbo sila pasunod kina Selna at Danny. Pero sa tuwing nakikita nila ang likuran ng dalawa, bago pa sila makalapit mawawala na naman ang mga ito. Kahit anong tawag nila, para bang hindi sila naririnig ng mga kababata niya. Habang tumatagal din, padilim ng padilim at parami ng parami ang mga puno na para bang papunta sila sa pinakagitna ng mahiwagang kagubatan na iyon. Flashlight lang nila at liwanag ng mga Allawig ang nagbibigay ng ilaw sa paligid.

"Nasaan na sila?" hinihingal na tanong ni Ruth.

Iginala ni Andres ang tingin sa paligid. Pagkatapos pinisil nito ang kamay niya at itinuro ng flashlight ang isang direksiyon. Nagsimula na naman sila tumakbo. "Bakit ba kasi hindi sila humihinto kahit anong tawag natin? Parang nananadya pa sila magpahabol."

"Nasa ilalim sila ng kapangyarihan ng Allawig. Kailangan natin bilisan kasi hindi natin alam kung saan tayo dadalhin ng mga bolang apoy na 'yon."

Nagasgas si Ruth sa sanga ng mataas na halaman pero binalewala niya iyon kasi nakita na niya sina Selna at Danny, hinahabol at pilit inaabot ang mga Allawig. Tumayo ang mga balahibo niya sa batok kasi mas masaya ang hagikhikan na naririnig niya, parang mga pilyong bata na may balak gawing kalokohan.

"Bangin na ang nasa harapan nila," biglang sabi ni Andres na binitawan ang kamay niya at tumakbo palapit sa dalawa. Tumakbo din siya. Sumikip ang dibdib niya sa takot nang makitang pahakbang na ang mga kababata niya papunta sa bangin. Lumundag sila ni Andres. Nayakap niya si Selna habang ito naman nahawakan si Danny. Sinubukan nila hilahin paatras ang dalawa pero natalo sila ng gravity.

Nahulog silang lahat sa bangin. Sumigaw si Ruth. Ganoon din si Andres. Mariin siyang pumikit at hinigpitan ang yakap kay Selna. Pagkatapos bumagsak sila sa tubig.

Siguiente capítulo