webnovel

WHO MADE HER RESUME?

"Hindi kayo makakatayo d'yan hanggat 'di niyo sinasabi sa'kin kung sino ang nangialam sa lappy ko kagabi pagkatulog ko!" mariing utos ni Flora Amor sa tatlong kapatid, sina Hanna, Maureen at Lizzy. College na si Hanna, Si Maureen nama'y high school maging si Lizzy.

Lahat ng mga ito'y marunong nang gumamit ng computer dahil nga kailangan sa school.

Pinaupo niya ang tatlo sa sofa at isa-isang ini-cross-exam.

"Ate, maaga akong natulog kagabi. Tsaka, gamit mo ang lappy, pa'no kong magagamit 'yon?" sagot ni Hanna.

"Bahala kayo d'yan. Kay kuya ang ginagamit kong laptop," ani Maureen.

"'Di mo nga pinapahiram samin ang lappy mo. Si Devon nga lang ang pinapahiram mo eh," ani Lizzy.

"Aba, kung makasagot ka 'kala mo kasing edad mo lang ako!" singhal niya sa kapatid.

Humikbi ito at tila iiyak.

"Umamin na kayo habang 'di pa nangangati ang kamay ko't talagang mapapalo ko kayo lahat. Sino ang gumawa ng resume kong 'yon at inilagay sa sliding folder?"

Walang magawang sumagot nang maramdaman ng mga itong galit na talaga siya.

"Ano, walang aamin sa inyo? Teka nga lang,"

gigil na hinanap ng kanyang tingin si Devon.

"Bata, akin na nga ang tambo sa likod ng pinto!" utos niya nang makita itong naglalaro sa 'di kalayuan.

"Mama, si ate po, namamalo na naman!" imbes na sumunod ay sumbong nito sa lola.

"Hinampak kang bata ka, akina nang tambo!" sigaw niya rito.

Bumulyahaw ito ng iyak.

"Mama, si ate po inaaway ako!"

Nabaling ang galit niya sa anak na noo'y 'di na matigil sa kakangawa. Sinamantala naman 'yon ng mga kapatid at nagtakbuhan paakyat sa ikalawang palapag ng bahay.

"Hoy! Hindi pa ako tapos sa inyo! 'Kala niyo makakatakas kayo sakin!" habol niya sa mga 'to.

"Flor, ano na naman 'yan?" Mula sa tindahan ay nagmamadaling lumapit ang ina sa umiiyak na apo at kinalong agad ang bata.

"Ang hilig mong manigaw, natatakot tuloy ang bata sa'yo," sita nito.

"Sino bang hindi magagalit sa nangyari, Ma?Nagtampo sakin si Elaine kasi ako ang natanggap sa trabaho eh siya itong nag-aapply. Dahil lang naman sa may nangialam sa lappy ko't ginawan ako ng resume saka ipinailalim sa resume niyang nakalagay sa folder!" gigil na paliwanag niya sa ina.

"Oh, kasalanan mo ba kung Ikaw ang natanggap? Natural na matatanggap ka eh Ikaw ang gumawa ng resume niya at hindi siya," pakaswal nitong turan.

"Ma, nauunawaan ko si Elaine. Masakit 'yon para sa kanya kasi nga, siya itong nag-aapply tapos ako itong natanggap na wala naman akong interes do'n. Baka iniisip niya ngayong naiinggit ako kaya gumawa na rin ako ng resume para mag-apply din sa kumpanyang 'yon."

"Asus, hayaan mo siyang magtampo."

"Ma naman eh."

"O, eh ano'ng gagawin mo, papaluin mo ang mga kapatid mo dahil lang do'n?" singhal ng ina.

"Pano nga'y pinakialaman ang lappy ko ng mga 'yon. Ginawan ako ng resume. 'Yun ang dahilan kung bakit ayaw na akong kausapin ni Elaine kahit ano'ng tawag ko sa kanya."

"Naku, hayaan mo siya! Tsaka ito lang anak mo ang pumasok sa kwarto mo kagabi, bakit mo idadamay ang mga kapatid mo?"

"Alangan namang si Devon ang gumawa ng resume ko? Napakabata pa niyan para matutunan---" natigilan siya.

"Amor, pano maglagay ng picture do'n?" naalala niyang tanong ng bata kagabi.

Kunut-noong tinitigan niya ang anak na nakakapit nang mahigpit sa leeg ng ina.

"Devon---"

"Mama, papaluin ako ni ate." Agad na naman itong bumulyahaw ng iyak.

No! Imposible 'yon. Hindi iyon kayang gawin ni Devon.

"Ikaw ang gumawa ng resume?" di-makapaniwalang tanong niya.

Hindi ito sumagot sa halip ay lalo pang lumakas ang iyak.

No! 6 years old lang ang anak niya. Subalit nang maalalang dalawa pala ang nai-save niyang resume kagabi ay nagmamadali siyang pumasok sa kwarto at tiningnan ang mga 'yon sa documents.

Napaatras siya nang makita ang nakalagay doon. Tama nga ang hula niya! Ini-edit nito ang isang resume at pinalitan ng pangalan niya saka ini-print at inilagay sa ilalim ng resume ni Elaine. Iyon ang pinalagruan nito kagabi? Kaya na 'yung gawin ng batang iyon? So, ito pala ang salarin at hindi ang mga kapatid?

Pinagpapawisan siyang napaupo sa silya paharap sa lappy. Maniniwala ba sa kanya si Elaine kung sasabihin niyang pinaglaruan ng bata ang kanyang laptop at in-edit ang kanyang ginawang resume saka ini-print at ipinailalim sa resume nito? Baka lalo lang itong magalit at sabihin pang ginawa niyang dahilan ang bata.

Grrrrr! Kailangan na seguro niyang palitan ang password ng laptop.

Bahagya pa siyang nagulat nang tumunog ang phone sa tabi ng lappy. Dinampot niya 'yon nang makabawi.

"Hello po?"

Ngunit walang sumasagot sa kabilang linya.

"Hello, sino po sila?" pag-uulit niya uli subalit narinig niyang ini-drop ang call nang kung sino mang tumawag, nagtaka tuloy siya. Baka mahina lang ang signal kaya 'di sila magkarinigan.

Muling tumunog ang phone, dinampot niya uli at sinagot ang tawag.

"Hello, good afternoon po. Is this Flora Amor Salvador?" anang kabilang linya.

"Opo. Why po?"

"This is from FOL BUILDERS INC. I would like to remind you about your training tomorrow at 8AM at our main office."

"No, hindi po ako magti-training, not unless you hire my friend Elaine Cruz," madiin niyang tugon.

"But we already hired her ma'am. I just called her before I called you," anang nasa kabilang linya.

"Ows? 'Di nga. Totoo po ba 'yan?" Biglang napalitan ang kanina'y lukot niyang mukha.

"Yes po Ma'am. Now if you're really interested in this work, come to our building at 8AM sharp tomorrow."

"Magkano po ba ang sahod ma'am?" lakas-loob niyang tanong.

"200 per hour po for amateurs, 'di pa po kasali ang bonuses and OT. Pero pataas po 'yon nang pataas. We'll give you all the details tomorrow po ma'am."

"Okay."

Nakapatay na ang tawag pero siya'y nakanganga pa rin habang kino-compute sa isip ang magiging sahod niya sa isang araw.

Ang laki pala ng sahod! Kaya pala gustong gusto ni Elaine ang work na 'yun.

Maya-maya'y nagring na naman ang phone. Si Elaine na ang tumatawag.

"Flor, tinawagan ako ng FOL BUILDERS, training ko raw bukas ng 8AM. 'Kala ko 'di ako tatawagan." Halata sa boses ng kaibigan ang sobrang saya kaya natural lang na matuwa din siya.

"Sabay na tayo Flor, ha? Kita uli tayo do'n bukas. Naipasa ko na ang resignation ko sa office kanina. Ikaw nagpasa ka na ba?"

"Ha? Hindi pa eh, hindi ko kasi alam na may resume pala ako. Wala talaga akong balak mag-apply pero tempting kasi 'yung sahod nila kaya pag-iisipan ko," an'ya.

"O sige basta kita tayo bukas sa bagong company ha?"

Hindi siya makasagot hanggang mamatay ang tawag. Ano ang sasabihin niya sa manager niya? Na sumabay siya sa kaibigang mag-resign? 'Di na lang kaya siya magtraining bukas. Pero sayang ang sahod do'n, 200 per hour. 1,600 'yon sa isang araw lang, liban pa sa overtime at bonus. Talagang swerte siya't natanggap sa trabahong 'yun.

Isip-isip, ano'ng gagawin niya para makapagresign sa trabaho? O ipasa na lang kaya niya ang resignation sa guard bukas? Pero sayang ang backpay niya kung 'di siya magre-resign nang maayos.

Ang lalim ng kanyang iniisip hanggang sa itihaya ang katawan sa ibabaw ng kama. Ito ang resulta ng ginawa ni Devon sa kanya. Kailangan na talaga niyang palitan ang password ng kanyang lappy para 'di na nito magamit.

Siguiente capítulo