webnovel

HER DISAPPEARANCE, HIS FALL...

"Ma, payakap ako," lambing ni Flora Amor habang magkatabi silang nakaupo ng ina sa loob ng bus.

"Naku, disiotso ka na pero para ka pa ring bata kung maglambing," anang inang 'di kakikitaan ng panghihina. Ni hindi pansing galing ito sa mahabang pagkakatulog sa ospital.

Humagikhik siya't niyakap itong mahigpit saka ipinikit ang mga mata. Tama, tama ang naging desisyon niyang lumayo sila sa lugar kung saan siya nagdanas ng 'di mapapantayang pagdurusa. Kung mananatili pa sila doon, baka tuluyan na siyang mabaliw sa kakaisip sa nangyari. Ayaw na niyang maalala pa ang lahat lalo na ang ginawa ni Dixal sa kanya. Nagawa niyang tanggapin ang trahedya ng kanyang mga magulang, pero 'di niya kayang tanggapin ang ginawa nitong panloloko at pagtataksil sa kanya.

Ahh, malaya na siya. Kalilimutan niya ang lahat ng karahasang nangyari sa kanya. Hindi niya hahayaang iyon ang sumira sa kanyang kinabukasan. Ang mahalaga ngayon ay nasa piling niya ang ina at mga kapatid at may taong handang tumulong sa kanila sa oras ng pangangailangan. Pero si Dixal, kalilimutan niya kahit ang pangalan nito. Wala siyang ititira sa puso't isipan niya kahit ang anino man lang nito.

Hinagod ng ina ang mahaba niyang buhok. "Matulog ka muna, anak. Mahaba pa ang biyahe natin."

Tila siya idinuduyan ng sinasakyang bus idagdag pa ang paulit-ulit na paghagod ng ina sa kanyang buhok.

'Dixal, kinamumuhian kita! Kahit pangalan mo'y isinusumpa kong hindi tatatak man lang sa isip ko. Kinamumuhian kita!'

Sa sobrang pagod ng isipan at katawan marahil, o sa 'di maipaliwanag na pagkahilo at pamamanhid ng kanyang ulo kaya siya nakatulog agad.

Nagising lang siya nang marinig ang iyak ng bunsong kapatid kasabay ng pagkauntog sa matigas na bakal sa gilid ng bintana ng ordinaryong bus na sinasakyan.

Inayos niya ang pagkakaupo habang hinihimas ang nasaktang parte ng ulo at pinagmasdan ang palibot.

Nasa bus sila? Kunut-noong tinitigan niya ang katabing ina. Saan sila pupunta? Lilipat na naman ba silang tirahan? Aalis na naman sila sa manila?

Sinulyapan siya ng ina saka ngumiti ngunit kumunot din ang noo nito nang mapansing blangko ang ekspresyon ng kanyang mukha.

"O, bakit para kang lutang d'yan?" biro nito.

"Ma, si papa?" inosente niyang tanong saka hinanap ang ama sa paligid.

"Flor, 'wag ka ngang magbiro--" saway nito ngunit natigilan din at awang ang mga labing tumitig sa kanya.

"Lilipat na naman ba tayong tirahan, Ma? Bakit 'di natin kasama si papa?" maang niyang tanong.

Agad na nangilid ang luha sa mga mata nito.

"Anak, a-ano bang klaseng tanong 'yan?" usisa nito, halata ang takot sa mga mata.

Biglang sumakit ang kanyang ulo, nasapo niya iyon.

"Ma, sakit ng ulo ko," parang bata niyang sumbong.

"M-matulog ka na muna. Baka sakali okay na pakiramdam mo 'pag nagising ka," payo nito, sumunod naman siya.

'Dixal...' sigaw ng kanyang isip.

"Ma, may kilala ka bang Dixal?" sa inaantok na tinig ay tanong niya sa ina.

"W-wala," sagot nito ngunit ramdam niyang yumuyugyog ang mga balikat nito.

Umiiyak ba ang ina? Bakit? Nag-away ba ito ng kanyang papa kaya sila maglalayas ngayon? Naghiwalay ang dalawa? Bakit wala siyang matandaan? Malapit na ang birthday niya. Balak pa naman niyang magpabili sa ama ng phone at siya lang ang walang kahit anong gadget sa school nila.

Aalis na ba talaga sila sa manila? Bakit 'di man lang niya naalalang magpaalam kina Anton at Mariel? Seguradong magtatampo ang mga ito sa kanya. Dapat pala kinuha niya ang number ng dalawa para kahit malayo siya'y magtatawagan pa rin sila.

"Ma, malapit na birthday ko. Sabihin mo kay papa ibili akong phone, regalo niya sakin," bago muling makatulog ay pakiusap niya.

Naramdaman niya ang mahigpit na yakap nito habang yumuyugyog ang mga balikat.

"Ma, I love you..." nakangiti niyang usal sa kabila ng 'di maipaliwanag na pamamanhid at pananakit ng kanyang ulo.

--------

"Amor... Amor..."

Sariling boses ang gumising kay Dixal mula sa mahimbing na pagkakatulog. Napabalikwas siyang bangon. Nagulat pa ang inang nagbabantay sa kanya nang bigla niyang tinanggal ang maliit na tubo ng IV fluid sa kanyang kamay at agad na tumayo.

"Anak, ano'ng ginagawa mo? Kagigising mo lang, 'di ka pa magaling," saway nito.

Hinanap niya agad ang smartphone at nang makita sa ibabaw ng mesa sa tabi ng bed ay dinampot niya agad 'yon, tinawagan si Lemuel.

"Nasa'n ang asawa ko, Lemuel?" agad niyang tanong.

Hindi makasagot ang nasa kabilang linya.

"Anak magpahinga ka muna, ha? Baka mabinat ka sa ginagawa mo," pigil ng ina.

Tinawagan niya ang number ng asawa ngunit nakapatay 'yon.

Hindi pwede. Kailangan niya itong makita. Hindi pwedeng mawala sa tabi niya ang asawa.

Tinungo niya ang closet at kumuha ng isang pares ng damit saka mabilis na nagbihis.

Hindi na pansin ang umiiyak nang ina.

"Sino ba ang babaeng 'yon at gano'n na lang ang pag-aalala mo sa kanya? Ni hindi mo pansin ang kawawa mong inang wala pang tulog sa pagbabantay sa'yo mula nang mawalan ka ng malay kahapon," panunumbat nito sa pagitan ng pag-iyak.

Ngunit iisa lang ang laman ng kanyang utak ng mga sandaling 'yon. Kailangan niyang makita si Amor. Baka kung ano'ng ginawa ng matanda dito. Hindi niya mapapatawad ang kanyang sarili sakali mang may mangyaring masama sa asawa.

Palabas na siya ng sariling kwarto nang makitang nagmamadaling pumasok ang kinamumuhiang matanda.

Sa sobrang galit ay sinunggaban niya agad ito't itinulak pasandal sa may pinto't nanlilitid ang mga ugat sa leeg na kinuwelyuhan itong bahagya pang nagulat sa ginawa niya.

"Ano'ng ginawa mo sa kanya, ha? Ano'ng ginawa mo!?" sigaw niya.

Malutong na halakhak ang isinagot nito.

"What did I do to your so called innocent wife?" Muli itong humalakhak pagkuwa'y dinukot ang isang sobre sa bulsa at ipinakita sa kanya.

Pabagsak niya itong pinakawalan, agad na hinablot ang hawak nitong sobre at mabilis iyong binuksan.

Nalaglag sa sahig ang wedding ring na isinuot niya kay Amor. Napaatras siya't nanginginig ang kamay na binasa ang sulat na nakalakip sa sobre.

No! Hindi pwedeng mangyari 'yon!

Humihingi ng sorry ang asawa sa ginawa nitong pag-withdraw ng 50 million pesos sa limang ATM na ibinigay niya rito gamit ang kanyang pangalan.

Sa sulat pa lang na 'yun, alam niyang hindi 'yon kayang gawin ni Amor. Gawa-gawa 'yon ng matanda para siraan ang kanyang asawa.

Pinunit niya ang sulat saka pinulot ang nalaglag na singsing sa sahig.

"Akala mo ba may matatagpuan ka pang asawa? Ang alam niya'y peke ang kasal niyo Kaya't ayun, sumama sa ibang lalaki dala ang 30 milyong ibinigay ko sa kanya kapalit ng paglayo niya sa'yo. Gano'n katanga ang babaeng 'yun!" wika ng matanda sa nang-uuyam na boses.

Nagpupuyos sa galit na nilapitan niya ito at kung hindi lang pumagitna ang ina'y baka hindi siya nakapagpigil at nasakal na niya ang walang pusong nilalang na 'yun.

Pigil ang galit na dinuro niya ang huli.

"One more word from your damn cursed mouth and I'll kill you!" Bago pa siya makagawa ng hindi maganda dito'y mabilis na siyang umalis at dumiretso sa garage.

Hindi siya titigil hangga't 'di nahahanap ang asawa.

"Amor, bear with me sweetie. Don't leave me please. I can't live without you," paulit-ulit niyang usal habang nanginginig ang mga kamay na sinususian ang sasakyan ngunit tila nananadyang nalaglag iyon sa ilalim ng upuan.

"Aahhhhh!" malakas niyang sigaw sabay suntok ng salamin sa harapan.

Sa tanang buhay niya, ngayon lang siya nakaramdam ng takot na maiwan. Nang mamatay ang ama'y 'di man lang siya umiyak. Nang iwan ng ina at bumalik ito sa Germany para ayusin ang naiwang negosyo ng namayapang ama noo'y 'di man lang siya natakot, ni 'di niya ipinakitang pinanghinaan siya ng loob. Sa tuwing pinapagalitan siya ng matanda at pinapalo dahil hindi niya sinusunod ang gusto nitong mangyari'y 'di man lang marinig ang kanyang hikbi, ni 'di tumutulo ang kanyang mga luha sa sakit. Sanay siya sa karahasan. Sanay siya sa pagmamanipula ng matanda sa kanyang buhay. Ni 'di niya magawang tumawa nang malakas sa harapan nito dahil ang gusto nitong mangyari'y makita ng lahat na isa siyang Amorillo, matapang at karapat-dapat lang na igalang at katakutan ng lahat dahil dala niya ang apelyido ng matanda. Hindi siya dapat kakitaan ng kahinaan at gawing dahilan ng mga kalaban nila upang gapiin sila sa negosyo. Gano'n siyang pinalaki ng matanda, gano'n siya nitong binuhay.

Pero heto, dahil lang sa isang babae'y umiiyak siya. Si Amor ang kanyang kahinaan. Wala siyang pakialam sa pera ng matanda basta masaya lang silang magkasama ng asawa. Handa siyang i-give-up ang lahat makasama lang ito hanggang sa pagtanda.

"Amor, don't give-up on me sweetie.Please, please," usal niya.

Hinanap niya ang susi sa ilalim ng upuan at nagmamadaling pinaandar ang sasakyan, hindi pansin ang dumudugong kamay.

Subalit huli na ang lahat. Wala na ito sa ospital. Ang sabi ng doktor, umalis na daw ang mga ito kasama ang inang nagising nang tanggalan ng life support.

Sa bahay ng asawa'y si Mamay Elsa lang ang naiwan.

"Pasensya ka na Dixal, pero kahit ako'y walang alam kung saan sila pupunta at 'di rin ako nagtanong kung saan sila titira. Hindi naman din ako pwedeng sumama kasi walang bantay dito sa paupahan ko," paliwanag ng matanda.

Nanlulumo siyang umalis sa lugar na 'yun at parang batang umiyak sa loob ng kanyang sasakyan na kahit ang pagbukas-sara ni Lemuel sa pinto ng kotse ay 'di niya napansin.

Hindi ito makapaniwala sa nakikita sa kanya.

"Dude, I'm so sorry. Kahapon ko pa siya hinahanap pero 'di ko siya makita."

Nag-angat siya ng mukha at pinahid ang mga luha.

Tignan mo sa mga bus stations. Alamin mo kung nando'n ang pangalan niya sa mga umuwing probinsiya, lalo na sa Bicol," utos niya pero sunud-sunod na iling lang ang isinagot nito.

"Ginawa ko na 'yon, pero wala talaga. Baka sinadya niyang 'wag ipaalam sayo kung saan sila pupunta."

Wala siyang magawa kundi lamukusin ang mukha at muling isuntok ang kamao sa manibela.

Si Lemuel ang natakot sa ginawa niya.

Ngayon lang kasi siya nito nakitang gano'n.

'Amor, Amor... asan ka? Asan ka?'

Hindi! Hindi siya pwedeng sumuko. Hahanapin niya ang asawa. Hindi siya titigil hanggat 'di ito nakikita. Kung sumusuko na ito, siya hindi pa. Basta't buhay lang ang asawa'y maghihintay siya hanggang sa pagbabalik nito.

"Amor...Amor...I'll wait for you. I'll have to wait for you."

Siguiente capítulo