"Ang ganda talaga ng bahay nyo, Ashleen!"
Hindi ko mapigilan ang humanga sa vacation house nila dito sa Baguio. Malayo sa ibang bahay itong bahay nila at napapaligiran pa ng mga pine trees. Dalawang palapag ang bahay nila, log house type ito at malawak ang space sa loob. Ang pinakapaborito kong part ng bahay ay ang kanilang fireplace.
"Pang-ilang beses mo na yatang nasabi 'yan, Kayleen! Parang first time mo palaging makapunta rito," sabi niya habang hawak ang blower at pinapatuyo ang kanyang buhok. May heater sa loob ng bawat kwarto ng bahay nila pati na rin sa banyo.
Nakahiga ako sa kama niyang napapaligiran ng malalambot na unan. Pink na pink ang kwarto niya. Pakiramdam ko nakalutang ako sa mga ulap sa sobrang lambot ng kama niya.
"Kapag naging mayaman ako, magpapatayo rin ako ng bahay na katulad nito." Pumikit ako para mangarap na may sarili akong bahay na katulad nito. At dito rin kami magbabakasyon ng magiging pamilya ko sa future!
"Sissy! May naisip akong paraan para magkaron ka ng ganito!"
Napaupo ako sa kama niya. "Ano 'yon?!" excited kong tanong sa kanya. Kumikinang na sigurado ang mga mata ko.
"Pakasalan mo ang kapatid ko!" excited pa na sabi niya. Biglang nawala ang ngiti at excitement ko. Binato ko siya ng unan. "Sira ka talaga, Ashleen! Mas bata 'yon sa'kin! Tsaka kapatid mo 'yon!"
"Eh ano naman? Ayaw mo sa kapatid ko? Gwapo naman siya ah. Tsaka mabait pa! At nag-aaral pa siyang magluto." Ngumiti siya sa akin nang sobrang tamis. "Di ba gusto mo na magaling magluto?"
Sumimangot ako nang tuluyan at muling humiga para titigan ang nakakatuwa niyang ilaw na hugis quarter moon o banana.
"Hindi ako interesado sa mga mas bata sa'kin, Ashleen."
"Alam mo Kayleen, hwag kang masyadong choosy ha."
"Bakit mo ba pinupush sakin ang kapatid mo? Di ka ba naiilang?"
"Bakit naman ako maiilang? Sa tingin ko kasi bagay talaga kayo eh. Di ba first kiss mo siya? Yiiieeh! Kinikilig ako!" Naihampas pa niya ng ilang beses sa hangin ang hawak niyang suklay.
Tumayo na ako sa kama niya at naglakad papasok sa bathroom niya.
"Maliligo na lang muna ako. Feeling ko ang dirty ko dahil sa mga sinabi mo. Wala akong balak maging cradle snatcher!"
"Hoy Sissy! Sobra ka naman sa cradle snatcher! One year and eight months lang ang tanda mo sa kapatid ko!"
"Kahit na!" Sinarado ko na ang pinto kaya di ko na narinig pa ang sagot niya.
Pagkarating namin kanina ni Ashton sa bahay ni Lola, mabilis siyang sinalubong ng kanyang pamilya. Halatang nag-aalala sa kanya ang mga magulang niya. Si Ashleen naman ay sa akin dumiretso ng yakap dahil namiss na raw niya ako. Kinurot lang niya sa magkabilang pisngi si Ashton nang lumapit siya sa kanyang kapatid.
Nagpasya sila na umuwi muna rito sa bahay nila para matulog. Bukas ay aalis na rin sila kaagad, idadaan lang nila ako sa bahay ni Lola bago sila bumalik sa Laguna. Pagkatapos non, aalis na sila ng bansa para magbakasyon.
Naghubad na ako ng mga damit ko at tumayo sa ilalim ng shower. Ang sarap talaga sa balat ng katamtamang mainit na tubig. Feeling ko palagi pwede akong tumayo rito forever. Kaya naman palaging ang tagal kong maligo. Makalipas ang kalahating oras, natapos din ako. Kinuha ko ang malaki at makapal na pink towel ni Ashleen at pinulupot sa katawan ko. Sa pagmamadali na makatakas kay Ashleen hindi ko na nagawang manghiram ng damit pamalit kanina. Lumabas na ako ng bathroom.
"Ashleen—" napatigil ako nang makita ko ang likod ni Ashton. Wala si Ashleen sa loob ng kwarto.
May kinukuha siyang DVD mula sa collections ni Ashleen. Mabilis siyang humarap nang maramdaman niya ang presensiya ko. Bigla niyang nabitiwan ang mga hawak niyang DVD.
Napatingin ako sa mga nalaglag na DVD. Nakita ko ang paborito kong Rurouni Kenshin live action DVD. Lumapit ako para kunin 'yon. Tamang-tama, gusto kong panoorin uli 'to! Isang beses ko lang 'tong napanood sa cinema eh.
"Manonood ka?" tanong kay Ashton na hindi gumagalaw sa pwesto niya. Nakatingin lang siya sakin at parang hindi pa humihinga. "Ashton?"
Bigla na lang siyang tumakbo papunta sa pintuan ng kwarto. Nagmamadali niyang binuksan 'yon at lumabas. Naiwan naman ako na napatulala sa kanya.
"Ash!" narinig ko ang boses ni Ashleen kasunod non ay ang malakas na pagsara ng pinto sa kabilang kwarto. "What did you do to my poor little brother?" tanong niya sa'kin pagkapasok. May dala siyang dalawang mug.
"Wala akong ginawa sa kanya," todo iling ako. Hindi ko talaga alam kung ano ba ang nagawa ko. Napakamot ako ng ulo.
Tiningnan ako nang matagal ni Ashleen.
"B-Bakit?"
Umiling siya habang ngumingiti. "Wala. Ang cute nyo!"