webnovel

CHAPTER 14: Ang Paghahanda Sa Paglalakbay

NASA TANGGAPAN KAMI ng mga sundalo, isang kuwarto kung saan nagaganap ang mga pagpupulong tungkol sa mga paghahanda sa digmaan, like, mga strategy at technique na dapat gawin. Paglitaw namin sa kuwartong 'to, tumambad na sa 'kin sina Reyna Kheizhara, ang saday na si Philip, Pinunong Kahab, Mapo Nhamo, si Mira at ang diwatang napatitig ako nang husto – ang dalaga kanina sa library ng palasyo. Nakaupo sila pabilog na mesa, may nagliliwanag na tila mapa at may mataas na punong namumukod tangi. Parang 3D na mapa, tulad nang mapapanood mo sa mga fantasy at sci-fi movie. Kulay green 'yon na binubuo ng mahiwagang pulbos.

"Maupo kayo," sabi ni Pinunong Kahab.

May dalawang bakanting upuan, agad naupo si Rama sa tabi niya, 'yong kilos na parang pagkakataon-ko-na-'to! Kung 'di ako nagkakamali, Claryvel ang pangalan niya. Naupo ako sa tabi ni Rama, nasa kaliwa ko siya. At naramdaman ko na lang ang paglipat ni Shem-shem sa 'kin, naupo siya sa kanang balikat ko. Akala ko'y may sasabihin si Shem-shem, pero tahimik siya.

"Claryvel." Napapihit ako sa aking kaliwa nang muling magsalita si Pinunong Kahab, sa pangalan binanggit niya. Itinuro niya ako ng palad niya. "Siya si Nate, ang ating tagapagligtas," pakilala niya sa 'kin sa babaeng diwatang kanina ko pa iniisip.

Tumayo siya. "Maogma, Nate," nakangiting bati niya sa 'kin. "Ang pangalan ko ay Claryvel," pakilala niya sa kanyang sarili.

Tumayo rin ako. "Maogma, Claryvel." Gumuhit ang ngiti sa labi ko nang bigkasin ko ang pangalan niya. "Ako si Nate," pakilala ko. Gusto ko sana siyang kamayan, kaso nakaharang sa gitna namin si Rama. At napuna ko na parang ang saya ni Rama?

Nang nakaupo na ang lahat, tumayo si Reyna Kheizhara. "Nate, sila ang mga makakasama mo sa paglalakbay."

Isa-isang tumayo sina Pinunong Kahab, Mira, Rama, si Mapo Nhano na tumayo sa silyang kinauupuan niya, naramdaman ko rin ang pagtayo ni Shem-shem sa 'king balikat at si Claryvel.

"Paglalakbay?" tanong ko.

"Para sa pagpapalit anyo mo, upang maging ganap ka nang diwata. Sa pagkakaroon mo ng pakpak at antena, ganap ka nang magiging isa sa aming mundo at mas magkakaroon ka ng lakas para sa darating na labanan."

Akala ko nitong mga nakaraang araw ay handang-handa na ako sa misyon ko, pero sa sinabi ni Reyna Kheizhara, parang na-pressure. Tawagin nga lang nila akong tagapagligtas para nang may mabigat na nakapatong sa likod ko – ngayon kailangan ko nang humakbang buhat ang mabigat na bato.

Nakaupo na muli ang lahat. Nagliwanag ang kakaibang puno na nasa mapa.

"Ang puno ng Narha ang ating pakay. Aabutin ng halos sampung araw, bago natin marating ang puno." Tumayo si Pinunong Kahab. Gumalaw ang mapa, bumuo ito muli ng isang imahe, kilala ko ang mapang nabuo, ang kaharian ng Ezharta. At makikitang ang mapa kanina kung nasaan ang puno ay isa palang isla. Nagpatuloy si Pinunong Kahab. "Mula rito sa palasyo, lilipad tayo patungo sa kagubatan ng Barhass." Muling gumalaw ang mapa, ang makikita na lamang ay ang bahagi ng Barhass na sinabi ni Pinunong Kahab at ang isla kung nasaan ang puno ng Narha. "Dito magsisimula ang ating paglalakbay patungo sa isla ng Esedes kung nasaan ang Narha."

"Ang Narha, Nate, ang magbibigay sa iyo ng mga pakpak at antena," pahayag ni Reyna Kheizhara. Napasalubong ang kilay ko. Akala ko kasi, gagamit sila ng magic at magkakapakpak na at antena ako.

Sa pagsalubong ng mga kilay ko, alam nilang naguguluhan ako, kaya ipinaliwanag nila sa 'kin ang lahat. Kung gagamitan ng mahika ang pagkakaroon ko ng pakpak at antena, hindi ito tatagal ng isang araw, 'di ko pa man lubos na ma-master ang paglipad, maaring mawala na ang pakpak ko. Tulad din sa antena, mawawala ito 'di ko pa man ito nagagamit, ang antena ang kanilang detector para sa mga posibleng panganib. Tanging ang puno ng Narha lamang ang makapagbibigay sa akin ng pernamenteng pakpak at antena. At kung sakaling babalik na ako sa mundo ng mga tao… kung makakabalik? Bigla kong inalala 'yon, shit! Pero positive na lang. Tayo namang mga tao, kapag may ginusto at pinagtrabahuhan natin 'yon, tiyak makukuha natin ang gusto natin… pero 'di rin? Minsan may mga bagay tayong gustong-gusto pero hindi napapasaatin, tulad ni crush. Aaw, shit! Pero seryoso, if ever babalik na ako sa mundo ng mga tao, ang mahal na Reyna na ang bahalang bumawi ng mga pakpak at antena ko. At medyo maselan ang punong Narha, alam niya kung karapat-dapat ang nilalang na mabibigyan niya ng mga pakpak. Sa mundo ng Anorwa, tanging ang punong iyon lamang ang makakapagbigay ng pernamenteng mga pakpak at antena sa sino mang naising magkaroon nito. May pagkakataon kasi na sa mga diwata at saday na likas ang pagkakaroon ng mga pakpak, may mga ipinanganganak na may abnormalities, at 'di nabiyayaan ng mga pakpak at antena. At ang ilan naman ay natanggalan ng mga pakpak at antena sa pakikipaglaban o naaksidente. At ang iba'y nagkasala't naparusahan na putulan ng mga pakpak maging antena, at ninanais magkaroon muli ng mga bagay na tinanggal sa kanila. At may ilang norwan na ninanais na magkaroon din ng mga pakpak, at nakikipagsapalarang sumubok. Upang magkaroon ka ng mga pakpak at antena, kailangan mong akyatin ang puno at tumalon mula sa taas. Masasalo ko ng mga malalapad na dahon ng mga halamang nasa ibaba ng puno kung sakali mang 'di ka palarin. At kung sakali mang malas ka talaga, maaari kang mamatay. Shit. At nang tanungin ko kung gaano kataas 'yon, basta mataas lang sagot ni Pinunong Kahab.

At sobrang maselan talaga ang puno, kaya kailangang mano-mano kang maglakbay, kaya naman mula sa kagubatan ng Barhass, kinakailangan na naming maglakad. Hindi maaring lumipad patungo sa isla at mag-teleport. Nakuha ko naman ang logic, na kung gusto mo, pagpaguran mo.

Pangmalakasan ang paglalakbay namin, akalain mong kasama ang pinakamalalakas na mandirigma rito sa kaharian ng Ezharta. Si Pinunong Kahab at si Mira, si Mapo Nhamo na 'di lang pala basta tagasilbi sa palasyo, isa rin siya sa mahusay na mandirigma at bihasa sa paggamit ng mahika. 'Di lang dahil malapit sa 'kin si Rama kaya kasama siya, isa rin siyang mahusay na sundalo at bihasa na rin sa pakikipaglaban. Kasama rin si Shem-shem bilang isang tagapayo ko o tanungan sa mga gusto kong itanong habang naglalakbay kami. At si Claryvel, para mayroong sundalong manggagamot kaming kasama. Nakakapanggamot din sina Pinunong Kahab at ang iba pang makakasama namin na likas na kakayahan ng mga Ezhartan, ngunit 'di kasing bihasa ni Claryvel, at minsan, sarili lang nila ang nagagamot nila. At ewan, parang natuwa ako na kasama siya.

Ngunit dahil kasama ang pinakamalalakas na mandirigma ng Ezharta, alam kung hindi basta-basta ang paglalakbay namin. Alam kong maaari kaming may mga masagupang kalaban sa halos sampung araw naming paglalakbay. Pero ito na 'to. Totoo na. Sisimulan ko na ang misyon ko. Nasa mga kamay ko ang kaligtasan ng kaharian ng Ezharta. At iniisip kong sa paglalakbay namin, baka makita ko siya. Wala pa kasing balita sa paghahanap kina Chelsa at Tito Chelo. Pangamba ko, baka nasa ibang kaharian pa sila.

Ipinatong namin sa mesa ang mga sandatang aming dadalhin at ang mga baluting isinukat namin na proteksiyon namin sa paglalakbay. Mas pinatibay raw ang mga baluti, na may proteksiyon sa kamay, hita at boots din. Meron pang kasuotan na nakasuot sa aming beywang at may helmet pa. Astig ng mga designed, pangmalakasan! Upgraded! Iba-iba ang desinyo ng bawat isa na may iisang tema ng kulay, brown at green. Maging si Mapo Nhamo at si Shem-shem, may baluti rin at armas.

Lumapit si Reyna Kheizhara sa mesa, inangat niya ang kanyang mga kamay at nagliwang ito. Lumabas mula sa mga kamay ng reyna ang kumikinang na gintong pulbos at bumalot ito sa mga sandata at baluting nakapatong sa mesa. Tumagal iyon ng ilang segundo. At sa pagkawala ng liwanag, tanging ang mga sandata na lamang ang natira; ang malapad na espada ni Pinunong Kahab, ang dalawang espada ni Mira na naging isa na lamang, ang pana ni Mapo Nhano na matulis ang magkabilang dulo ay nawala na ang mga arrow na bala, ang espada ni Rama, tila sibat na armas ni Shem-shem na may patalim sa isang dulo nito, ang panangga sa mga kamay na isinusuot ni Claryvel na kapag ginusto niya ay lalabas ang mga patalim dito, at ang aking sangtron.

"Subukan ninyo," sambit ni Reyna Kheizhara.

Isa-isa naming kinuha ang aming sandata. Nang hawak na naming lahat ang aming armas, bigla kaming napunta sa labas ng palasyo. Ang lugar kung saan nagsasanay sa pakikipaglaban ang mga sundalo. Walang ibang diwatang naroon kundi kami lamang.

Si Pinunong Kahab ang unang sumubok. Ikinumpas niya ang kanyang espada, sa pag-angat niya nito, nagkaroon ng berdeng liwanag mula sa espada. Paikot na gumapang ang liwanag sa buong katawan ni Pinunong Kahab. At sa pagkawala ng liwanag, nakasuot na siya ng baluti. Iba ang baluti sa pangkaraniwan niyang isinusuot sa araw-araw. Parang ang bigat nito. Ngunit mabilis siyang nakalipad na parang walang matibay na metal na nakasuot sa buo niyang katawan. At sa paglapag niya sa pababa, nagliparan ang alikabok. Astig! Lakas maka-Superman.

Sunod si Mira. Kakaiba ang espada niya sa iba na may mahabang hawakan. Hawak niya ito ng dalawang kamay, nagliwanag ito, at sa paghihiwalay ng mga kamay niya, kapwa na ito may hawak na identical na espada. Ikinumpas niya pababa ang espada at nabalot ng berdeng liwanag mula sa mga espada ang kanyang katawan. Sa pagkawala ng liwanag, may baluti na si Mira. Narinig kong napatikhim si Pinunong Kahab. Parang ang sexy kasi ng kasuotan niya. Pero tigasin. Ang cool niya. Hinagis niya sa taas ang mga espada, umikot-ikot siya at pumormang aatake, nakabuka pa ang mga pakpak niya. At boom! Sakto ang lapag ng mga espada, walang tingin-tingin na nasalo niya ang mga ito. Malapit ko na siyang maging idol. Pero siguro kaya mahaba ang hawakan ng mga espada niya para do'n?

"Mahal na Reyna, marami pong salamat sa inyong ipinagkaloob," sambit ni Mapo Nhano bago siya pumunta sa harap para sunod na subukan ang pagkakaroon ng baluti. Nakangiting tumango lamang ang mahal na Reyna.

Pumadyak-padyak si Mapo Nhamo, nagliwanag ang mga paa niya, at nagawa niyang lumutang.

"Mahusay talaga siya gumamit ng mahika," bulong sa 'kin ni Rama. Pumasok sa isip ko na wala nga palang pakpak si Mapo Nhamo.

Hinila ni Mapo Nhamo ang tali ng kanyang pana, nagkaroon ito ng berdeng liwanag at nabuo ang palaso. Kasabay no'n ang paggapang ng liwanag sa katawan niya mula sa pana. At tulad ng iba, sa pagkawala ng liwanag, may suot na siyang baluti. Medyo gusto kong matawa. Ang cute niyang awkward sa suot niya. Parang 'di na siya makakakilos. Pero nagkamali ako, nagawa ni Mapa Nhamo na itutok sa taas ang kanyang pana na mas malaki pa sa kanya at itinira niya ang palaso palipad sa taas. Pumorma siya at iwinasiwas ang hawak niyang pana. Parang ipinapakita sa 'min na maliit man siya, ay 'di dapat ismolin. Multipurpose ang sandata niya, puwede ipangpana at puwede rin ipanglaban sa espada dahil may talim ang magkabilang dulo nito. Napangiti ako. Ang lupet niya!

"Nahulog na ba ang palaso?" tanong ni Mapo Nhamo matapos niyang magpakitang gilas. Tumingala siya at napatingala rin kaming lahat.

Nagulat kami sa aming nakita. May bumulusok na lalaking diwata na isang sundalo ng palasyo.

"Mahal na Reyna, may umatake po sa akin!" nag-aalalang sigaw ng sundalo. Hawak niya ang kanyang duguang kaliwang balikat na may nakatusok na arrow – gusto kong matawa – ang palaso ni Mapo Nhamo.

May tila hangin na dumaan, at sa isang iglap, nasa tabi na ng nasugatang sundalo si Claryvel. Bigla niyang hinugot ang palaso. Napasigaw sa sakit ang sundalo. Inilapat ni Claryvel ang nagliliwanag niyang palad sa sugat. Naging kalmadao ang mukha ng sundalo. At sa pagbawi ng kamay ni Claryvel, wala na ang sugat. Naalala ko sa kanya si Chelsa, nang minsang pagalingin niya ako.

Mabilis na tumayo si Claryvel. "Maayos na po ang lagay niya," nakangiting pahayag niya.

"Maraming salamat," sambit ni Reyna Kheizhara.

"Ang husay niya talaga," narinig kong mahinang komento ni Rama. Mukhang may something 'to kay Claryvel?

At may something din kay Shem-shem, bumilis ang pagaspas ng mga pakpak niya, parang naiinis?

Naglakad si Mapo Nhamo palapit sa sundalo. Dinampot niya ang palaso at nag-teleport siya kasama ang sundalo. Nang mawala sila, napatawa nang malakas si Reyna Kheizhara.

"Nakakatuwa talaga siya," sabi ng reyna.

"Mahal na Reyna," saway naman ng saday na si Philip.

Natawa na rin ako at ang lahat, pero bigla rin nahinto nang biglang nasa harap na namin si Mapo Nhamo. "Sa digmaan, lahat ay posibleng mangyari, kaya kailangan alerto palagi," sambit niya.

"Mahusay ang ipinakita mo," sabi ni Pinunong Kahab nang nasa tabi na niya si Mapo Nhamo. Samantalang kanina, nakitawa rin siya.

"Ang susunod," seryosong sabi ni Reyna Kheizhara.

Si Claryvel na ang sumunod. Pinagkrus niya ang mga nakakabit na panangga sa kanyang dalawang kamay. At nang ibaba niya ang kanyang mga nakakuyom na kamao, lumabas ang dalawang patalim sa kanyang mga kalasag kasabay ng berdeng liwanag na bumalot sa buo niyang katawan. Sa pagkawala ng liwanag, nakasuot na siya ng pandigmang baluti. Napa-wow ako. Astig. Ang ganda niya. Mabilis siyang kumilos, tumakbo pakaliwa't pakanan. Sobrang bilis niya. Taglay niya ang katangian ng isang Hamerhan. Mabilis na lumipad pataas at mabilis din na lumapag. Sa paglapag niya, nilipad ang mga alikabok, nilipad-lipad din ang suot niyang mahabang tela at ang kanyang mahabang buhok na kulay brown na may pagkakulo, sa bilis niya malamang natanggal ang tali sa buhok niya. Pumagaspas pa ang dilaw niyang pakpak na lalong nagpaganda sa natatanaw ko. Siya talaga ang totoong idol ko na. Tila nag-slowmo. Nakatitig ako sa kanya at nakatingin din siya sa 'kin. Pamilyar talaga siya?

At 'di lang ako ang napahanga. "Kahanga-hanga." Piling ko naglalaway na si Rama sa sinabi niya.

"Ako na!" pasigaw na sabi ni Shem-shem. Ang liit, ang laki ng boses. Kanina pa siya mukhang may regla. Pumunta siya sa unahan, hawak niya ang kanyang sandatang sibat na may patalim sa isang dulo.

Mabilis siyang nagpaikot-ikot sa ere. Kasabay no'n, nagliwanag siya ng kulay berde. At sa paghinto niya ay nakasuot na siya ng baluti. Ang cute niya. Ang suporta sa ulo niya ay kulay brown na parang payong ang hugis.

"Ang giling mo Shem!" sigaw ni Rama.

Potek, parang kinilig si Shem-shem. Mabilis siyang lumipad sa tabi ni Rama. "Salamat, Rama," sabi niya. Bumati din ako sa kanya, pero nginitian lang ako. At para atang ang bilis lumamig ng ulo ng saday na 'to.

May something talaga sa mga 'to. Pero normal lang naman siguro 'yon. Tulad nating mga tao, umiibig din sila. At maaring lakas at kahinaan din nila ang kanilang puso.

"Rama, ikaw na," suggest ko kay Rama. 'Di ko pa kasi alam ang gagawin ko.

Tumango lang si Rama at pumunta na siya sa unahan. Si Shem-shem naman, excited na naupo sa balikat ko para tingnan ang gagawin ni Rama. Lande lang.

Hindi ko alam, pero parang iba ang datingan ngayon ni Rama? Napakaseryoso niya.

"Hindi niya alam ang gagawin niya," narinig kong sabi ni Pinunong Kahab.

"Kaya mo 'yan!" sigaw ni Shem-shem.

"Ituon mo sa iyong isip ang pagkakaroon ng baluti. Hilingin mo sa iyong sandata na ilabas ang iyong kasuotang pandigma!" payo ni Mira.

Kaya pala seryoso si Rama. Kinabahan din tuloy ako. Parang actual presentation lang sa harap ng klase, parang performance ng sayaw sa P.E.

"Rama, kapag hindi mo nagawa, hindi ka sasama!" sigaw ni Pinunong Kahab. Hindi ko alam kung pananakot lang posibleng totoo 'yon.

"Magagawa ko!" sagot ni Rama. Sa dami naming nasa harapan niya, sa isang direksiyon lang siya nakatingin, napatingin din ako sa direksiyong 'yon – kay Claryvel.

Itinaas ni Rama ang kanyang, at bigla siyang pumormang parang si Ultra-man. Kenkoy din 'to eh. Pero siguro, porma sa paghahanda sa laban dito sa Anorwa ang ginawa niya. Nagliwanag ang espada na gumapang sa katawan ni Rama. Nagtagumpay siyang magkaroon ng baluti. Lumipad siya na may kalayuan at pumorma na naman – nakataas ang mga kamay niya.

"Sinusubukan niyang magpali ng wangis," sabi ni Pinunong Kahab. Naalala kong may lahing Sakharlan si Rama na kayang gumaya sa anyo ng mga hayop.

"Magagawa na niya kaya?" si Mira.

"Nais niyang patunayan ang kanyang sarili, pero duda ako," si Mapo Nhamo.

"Sang-ayon ako," muling sabi ni Pinunong Kahab.

"Ang sama ninyo," simangot na angal ni Shem-shem.

Na-excite ako. Ngayon lang ako makakakita na magpapalit ng anyo. Pero pinutol agad ni Rama ang excitement ko. Bumalik siya pababa.

"Ang sarap ng hangin sa taas," sabi niya.

Natawa si Reyna Kheizhara. Lahat kami natawa na rin. Hindi naman namin siya pinagtatawan, natawa kami sa sitwasyon. Gaya kanina ni Mapo Nhamo, hindi namin siya pinagtatawanan, kundi ang pangyayari.

"Balang-araw, magagawa mo rin, Rama," sabi ni Reyna Kheizhara nang makalapit na sa 'min si Rama. Alam ni Rama ang ibig sabihin ng reyna at ang dahilan nang pagtawanan namin. Napayuko pa siya.

Ako na ang sunod.

Naglakad ako.

Hinarap ko sila.

Hinigpitan ko ang hawak ko sa sangtron.

Oh, shit! Hindi ko alam ang gagawin ko!

MAGAGAWA MO 'YAN, NATE.

Narinig kong boses ni Reyna Kheizhara sa isip ko.

SALAMAT PO, MAHAL NA REYNA,

Nakangiting tugon ko.

NATE, IPAIKOT MO SA HANGIN ANG SANGTRON AT MALAKAS MO ITONG ITUSOK SA LUPA.

Boses ni Bangis.

KANINA KA PA?

LAGI LANG AKONG NASA PALIGID AT NAKABANTAY SA 'YO.

MAGAGAWA KO 'TO!

NANINIWALA AKO SA IYO, NAEL…

Itinaas ko ang sangtron hawak ng kanang kamay ko at pinaikot ko ito. Pinasayaw ko pa ito sa katawan ko at muling ipinaikot sa taas. At malakas ko itong itinusok sa lupa hawak sa gitnang bahagi – naka-bend ang mga tuhod ko, nasa unahan ang kanang paa, at ang kaliwang kamay ko naman ay nakakuyom na nakaangat pataas. Nagliwanag ang sangtron, ang berdeng liwanag mula rito at gumapang sa katawan ko. Malamig ang liwanag. At may tila puwersa akong naramdaman sa loob ng katawan ko. Sa pagkawala ng liwanag, nakasuot na ang baluting pandigma sa katawan ko.

Tumayo ako, walang bigat akong nararamdaman sa kakaibang metal na suot ko. Magaan ang pakiramdam ko. May pakiramdam na parang ibang tao ako. 'Yong tipong kaya kong lumaban sa isang batalyong haharang-harang sa daan ko. Itinapon ko pataas ang sangtron, tumalon ako ng mataas para sundan 'to. Nasalo ko sa ere ang sangtron, wala akong pakpak pero nagawa kong makatalon ng mataas. Nagpakitang gilas ako sa taas at mistulang nakikipaglaban. Nakatayo akong lumapag sa lupa kasabay ng hangin na nagpaangat ng alikabok sa pinaglagan ko. Astig! Cool! Lupet!

BINABATI KITA, TAGAPAGLIGTAS.

Ngumiti ako sa mahal na Reyna at sinagot ko siya sa isip ko ng salamat.

MAHUSAY KAIBIGAN.

Narinig kong pagbati ni Bangis. Sasagutin ko pa sana siya, pero naramdaman kong nakalayo na siya.

Lumapit sa 'kin ang mga makakasama ko sa paglalakbay at binati rin nila ako. Ang saya lang. Suot namin lahat ang aming mga upgraded na baluti, para kaming mga warriors sa mobile games. Ang mga proteksiyon namin sa ulo, lahat ay may logo ng Ezharta. Para kapag may makakita sa aming nakikipaglaban sa mga habo, alam ng mga Ezhartan na mga taga-palasyo kami. Bukas, pagsikat ng araw, ang simula ng aming paglalakbay.

Mas lalong naging totoo na sa akin ang pagharap ko sa aking misyon. Sana gabayan ako ng nasa Taas. Dapat akong magtagumpay. Hindi lang ito para sa Anorwa, para na rin ito sa mundong kinalakihan ko. At kailangan ko pa siyang makasama – that girl, the girl from nowhere.

Siguiente capítulo