webnovel

Manunulat

"Ano ba? Wala ka bang maayos na kuwento? Paulit-ulit na lang ang plot mo?" sabi ng editor in chief sa isang publishing company.

"Sige na boss, kahit ngayon lang. Kailangan ko lang talaga ng pera," sagot ko sa kaniya.

"Kailangan mo pala ng pera eh di sana inayos mo ang gawa mo?" sagot nito at tumalikod na.

Napa sabunot na lang ako sa buhok ko sa inis.

Wala akong nagawa kung hindi ang lisanin ang opisina niya.

"Akala ba niya ganoon kadali mag-isip ng plot para sa horror at thriller na genra?" bulong ko sa sarili.

"Pero sige kung iyon ang gusto niya, bibigyan ko siya ng magandang kuwento," bulong ko pa.

Nang sumunod na linggo ay muli akong bumalik sa boss ko.

"Ito, ganito ang mga gusto ko Victor," sabi nito nang tumatawa.

"Mabuti naman po at nagustuhan ninyo, maaari na siguro akong mabayaran?" tanong ko sa kaniya.

"Oo naman, mabuti at bumalik na ang dating Victor na kilala ko," sabi nito, habang binabasang muli ang isinulat ko.

"Gusto ko ito Victor, buhay na buhay ang bawat salita, detalyado, para akong nanonood ng pelikula," wika nito, halata ang tuwa sa kaniyang mga salita.

Napangiti naman ako sa panonood sa itsura niya habang nagbabasa.

Sa wakas ay mababayaran na ulit ako. Masaya akong umuwi dala ang perang kinita.

Nang sumunod na linggo ay muli akong bumalik, at kagaya ng inaasahan, tuwang-tuwa ulit siya.

Hanggang sa maka ilang buwan na akong nagdadala sa kaniya ng mga kuwento.

"Victor, nagiging sensation ang kuwento mo. Ang dami nang nag-aabang. Baka kailangan mo ng mag submit dalawang beses sa isang linggo," sabi nito.

"Kapag po ba nagbigay ako ng dalawang beses sa isang linggo itataas ninyo ang rate ko?" tanong ko sa kaniya.

"Ah... eh... tingnan natin, alam mo naman ang buhay komiks ngayon, hindi na kagaya ng dati," sabi nito, halata ang pag-iwas.

"Ilan pa ba ang kailangang patayin ng bida natin sa kuwento Victor?" pag-iiba pa nito.

"Dalawa na lang po, ang doktor na naging dahilan ng kamatayan ng anak niya at ang manunulat na mukhang pera," wika ko.

"Sandali na lang pala, baka maaari mo pa itong pahabain ng mga ilang chapters pa," wika nito.

"Hindi na po, tapos na ang misyon niya pagkatapos ng manunulat," wika ko pa.

"Naku, sayang ang kikitain mo rito," wika pa nito.

Hindi na ako sumagot sa kaniya, halata na masyado ang pagiging mukhang pera niya.

Ng sumunod na linggo ay muli kong dinala sa kaniya ang huling dalawang chapter ng kuwento ko.

"Alam mo Victor, itong kuwento mo ay napapanahon. Tuwing magpapasa ka ng chapter ay parang balita. Ang galing mo, parang nandoon ka sa pinangyarihan ng krimen. Mula sa asawa niyang sumama sa iba, sa may-ari ng bahay na bungangera at marami pang iba, hanggang sa driver na tinakbuhan ang anak niyang nasagasaan at ngayon nga ay ang doktor na pinalayas sila sa hospital dahil wala silang pambayad,"

"Tuwing mag susumite ka ng chapter ay may nangyayari ring krimen na kagaya ng mga isinusulat mo, ang galing mo Victor, sana ay maka gawa ka ulit ng ganito kagandang obra," sabi pa nito.

"Babalik na po ako sa pagsusulat ng pantasya," maikling sagot ko.

"Ha? Sayang naman ang talento mo, dito ka magaling Victor," sabi nito.

"Kailan mo ba ipapasa ang huling chapter nito?" tanong nito.

"Ngayon na po," maikling sagot ko at iniabot ko na ang envelope na kinalalagyan ng huling chapter.

"Aba! Naunahan mo ngayon ang balita ah, kailan kaya mamamatay ang manunulat na gahaman sa pera?" tanong nito, habang inaabot ang envelope mula sa kamay ko.

Kasabay ng pagtalsik ng maraming dugo sa mesa niya.

Pinanood ko siya kung paano niya pigilan ang pag tagas ng dugo mula sa leeg niya.

Hanggang sa tuluyan na siyang malugmok sa mesa at manginig, tanda ng pag kawala ng hininga niya.

"Ngayon." sagot ko sa huling tanong niya.

Habang punupunasan ko ang kutsilyong ginamit ko sa pag kitil sa buhay niya.

-Anino

Siguiente capítulo