webnovel

Gabriel

"Gabriel"

Umaga na naman, kagaya lang kahapon at noong isang araw, kagaya noong isang lingo o noong isang buwan.

Ilang buwan na nga ba akong nandito? Apat? Limang taon? Hanggang kalian? Ewan ko, hindi ko alam, siguro hanggang tawagin ulit ako pabalik.

"Oh, Gabriel! Papasok ka na ba?" tanong sa akin ni Aling Mila, ang may-ari ng boarding house na pansamantalang tinitigilan ko.

"Opo 'Nay" maikling sagot ko at ngumiti sa kaniya.

"Hindi ka ba ulit kakain? Kasama iyon sa binabayaran mo dito, bakit hindi ka kumakain anak?" tanong nito sa akin.

"Ayos lang po ako 'nay, sige po." Paalam ko sa kaniya.

Gustuhin ko mang tikman ang luto mo 'nay, hindi maari. Hindi pa oras.

Nakarating na nga ako sa destinasyon ko.

Napakalaki ng bahay nila, hindi mo maiisip na tatlong tao lang ang nakatira dito, maliban sa mga kasambahay na nagkalat sa paligid ng mansion.

Tuloy-tuloy lang ako sa loob ng bahay, hanggang sa madaanan ko ang silid na puno ng maraming tao.

"Ako ang nag-alaga kay mama, dapat sa akin ang pinaka malaki!" sigaw ng bunsong anak ng pamilya.

"Tigilan mo nga Isabel, nandito ka lang dahil hiniwalayan ka ng asawa mo at wala kang mapuntahan!" sigaw ng panganay.

"Bakit hindi na lang natin hatiin sa tatlo ang mana, para wala nang pag-aawayan?" suhestiyon naman ng pangalawang anak.

"Mabuti pa nga, para matapos na ito!" sigaw ng bunsong babae.

"Tao nga naman" bulong ko sa sarili. Habang pinapanood ang binatang naka-upo sa sala na umiiyak sa gilid.

"Mama" bulong nito.

Lumapit ako sa kaniya para malaman kung ano ang nasa isip nito.

"Mama" muling bulong nito ng buong pagmamahal.

Nang makita kong lumabas ang matanda sa silid niya at mapatingin sa akin.

"Ikaw ba ang inutusan dito?" tanong nito.

Ngumiti ako sa kaniya at yumukod.

"Halika, kumain na tayo" aya nito sa akin.

Dumiretso na kami sa komedor at ipinaghain niya ako.

"Kumusta ang pagkain?" marahang tanong nito pagkatapos kong kumain.

"Masarap ang pagkain, nangangahulugan na mayroon kang isang kahilingan" nakangiting sagot ko.

"Nais ko sanang ma proteksyonan ang batang iyon, kinuha ko siya mula sa ampunan. Nais kong iwanan sa kaniya ang lahat ng ari-arian ko, ngunit alam kong hindi maaari. May iniwan ako sa kaniya na hindi dapat malaman ng mga anak kong ganid sa pera, proteksyonan mo siya, ibigay mo ito sa kaniya" sabi nito sabay abot ng isang kuwintas sa akin.

"Malaking kayamanan ang laman ng kuwintas na ito" sabi ko, kahit hindi ko pa ito nahahawakan.

"Oo, para sa kaniya." Sagot nito.

Ako ay tumayo na at lumakad palapit sa binatang impit na umiiyak sa gilid.

"Huh! Sino po kayo?" tanong nito ng makita ako sa harapan niya.

"Kunin mo ito at itago mong mabuti, hindi nila ito alam, may susi sa loob niyan. Gamitin mo sa mabuti, babalikan kita kapag ginamit mo iyan sa masama" sabi ko sa kaniya.

Halos matawa ako sa takot na nakita ko sa mukha niya.

"Hindi ka nagkamali ng prinotektahan" bulong ko, sabay tingin sa matandang katabi ko na nakangiti, at tuluyan na kaming lumabas ng mansion at ihatid siya sa naghihintay sa sasakyan na maghahatid sa kaniya sa patutunguhan niya.

Isang buwan ang mabilis na lumipas.

"Hindi ka nanaman ba ulit kakain dito Gabriel?" muling tanong ni nanay.

Ngiti lang ang isinagot ko sa kaniya at umalis na ako.

"Tao po!" katok ko sa isang bahay. May kalumaan na ito at mukhang pamilyar ito sa akin.

"Pasok ka" sagot ng tao sa loob.

"Halika, nakahain na ang hapag. Kanina pa kita hinihintay. Ikaw ba ang nautusang…" naputol na sabi nito nang humarap sa akin.

"G-Gabriel?" gulat na wika nito.

"Kilala mo ako?" tanong ko sa kaniya.

Hindi niya ako sinagot, bagkus ay pina-upo niya ako.

"Kumain ka na" sabi nito sa akin nang naka ngiti.

Sinunod ko naman. Para lang magulat sa aking nakita.

"Hindi na kita mahal!" sigaw ko sa kaniya

"Parang awa mo na Gabriel, para sa mga bata" pagmamakaawa niya.

"Ayoko na nga eh! Mahirap bang intindihin 'yon? Si Aila na ang gusto ko, hindi ikaw na isang losyang!" sigaw ko.

Nabitawan ko ang kutsara sa gulat.

"Ano iyon, bakit siya nandoon?" bulong ko habang titig na titig sa kaniya.

"Naaalala mo na ba ako?" tanong nito

"S-sino ka?" tanong ko sa kaniya.

"Ako ang asawa mo, iniwan mo kami ng mga bata para sa ibang babae. Napatay ka ng asawa nito pagkalipas ng isang buwan na nagsasama kayo. Dalawampung taon na ang nakalipas" Umiiyak na sabi nito.

At saka lang nagbalik sa akin ang lahat ng kasamaan na ginawa ko sa buhay ko noon.

"Patawarin mo ako" umiiyak kong sabi sa kaniya nang ihatid ko siya sa sasakyan na naghihintay.

"Kung sakaling mabuhay ulit tayo, mamahalin mo ba ulit ako?" tanong niya.

"Ikaw lang ang babaeng minahal ko, nabulagan ako. Pero ikaw lang ang minahal ko, ikaw pa rin ang hahanapin ko sa susunod na buhay ko" sagot ko sa kaniya ng buong puso. Ngunit hindi ko alam kung kailan, hanggang kailan ko pagbabayaran ang kasalanan ko sa iyo.

Ngumiti siya bago ko isara ang pintuan.

Ilang buwan akong nag-isip.

Marahil ito ang parusa sa akin sa mga pagkakamaling nagawa ko. Sa lahat ng pinaggagawa ko, alak, sugal, babae. Hanggang sa iwanan ko na nga ang pamilya ko.

Hanggang sa dumating ang isang araw.

"Oh, Gabriel! Kakain ka na dito?" tanong sa akin ni Nanay Mila.

"Opo 'nay" sagot ko sa kaniya nang may lungkot ang mga mata.

"Huwag kang malungkot Gabriel, masaya ako na ikaw ang nautusan para sa akin. Sa wakas matitikman mo ang luto ko" tuwang sabi nito.

"Napakasarap po ng luto ninyo, humiling po kayo ng isang kahilingan" sabi ko sa kaniya.

Sapagkat nangunguhulugan iyon na hindi siya nakagawa ng isang matinding kasalanan.

"Ako ay walang pamilya Gabriel, wala rin akong mga anak. Kaya ang kahilingan ko ay para sa'yo. Nais kong maging masaya ka, nais kong hilingin na maging isang mabuting tao ka." Wika nito at hinawakan ang kamay ko.

Hindi ko napigilan ang mga luha ko sa mata.

Sabay na kaming lumabas ng bahay niya, pero sa pagkakataon na ito. Kaming dalawa ang sasakay sa kotse na maghahatid sa amin papunta sa distinasyon namin.

Dahil sa kahilingan niya, siya na ang huling ihahatid ko. Dahil sa kahilingan niya, ako ngayon ay kasama niya at napatawad sa mga kasalanang nagawa ko.

Ako si Gabriel, ang inyong sundo.

Ako, si kamatayan.

-Anino

Siguiente capítulo