MJ's POV
Nanatili kami sa ganoong posisyon na di ko alam kung gaano katagal. Pakiramdam ko gustong tumalon ng puso ko sa sobrang saya ngayong kayakap ko siya. Dama ko ang init ng katawan niya na tumatabla sa lamig ng paligid. Parang ayoko nang bumitiw sa totoo lang. Kasi natutuwa ako lalo na sa mga narinig ko sa kanya mula kanina.
Ramdam ko ang mainit niyang hininga sa aking balikat dahil doon niya isinubsob ang mukha niya. Naramdaman ko ring unti unting humihigpit ang yakap niya kaya napakunot ang noo ko. Sinubukan ko siyang itulak para matignan ko siya pero mas hinapit niya lang ako sa kanya.
"Uhh... Felix..."
"MJ..." parang pabulong na niyang sabi pero hindi ko naituon doon ang isip ko dahil nakikiliti ako sa hininga niyang tumatama sa leeg ko. "MJ..."
"B-Bakit ba? andito lang ako, o! ang higpit na nga ng yakap mo!" reklamo ko at muli siyang itinulak pero ayaw pa ring humiwalay.
Naramdaman kong umangat ang mukha niya at dahil sa mainit niyang hininga na nakakakiliti ay naramdaman kong tumapat siya sa tenga ko at marahang bumulong. Bagay na ikinatindig ng lahat ng balahibo ko sa katawan.
"Ang init, MJ... ang init init," marahang bulong niya. "Nag-iinit ako..."
Naramdaman ko ang pag-akyat ng init sa pisngi ko at ang pagtigil ko sa paghinga. Nabeberde ba ako o may something talaga 'yung sinabi niya?! tanong ko sa sarili ko dahil 'yung dalawang MJ sa utak ko ay nagtatatakbo na sa kilig!
"H-HOY, FELIX! Anong nag-iinit ka dyan?!" buong lakas ko siyang itinulak at inilayo sa akin dahil nagwawala na ang puso ko. Nag-iinit din ang pisngi ko at kung ano ano nang ideya ang pumapasok sa isip ko dahil dun sa "nag-iinit" part.
Nang mailayo ko siya ay nakita kong nakapikit ang mga mata niya at bahagyang nakaawang ang bibig niya at panay ang malalim na paghinga. Bahagya ding nakakunot ang noo niya at paminsan minsan ay umuubo pa.
"Huy! Felix! Ano bang—ANAK NG! INAAPOY KA NG LAGNAT!" napahiyaw talaga ako nang masalat ko ang noo niya dahil sobrang init! Aba'y pwede na nga sigurong magluto ng itlog sa noo niya dahil sa taas ng lagnat niya! pero syempre OA na ako do'n.
"Naku! Halika sa kwarto mo! doon ka na magpahinga!" dali dali ko siyang inakay at dinala sa kwarto niya. Mas mabigat siya sa'kin pero dahil na rin siguro sa adrenaline rush ay nabuhat ko siya ng walang kahirap hirap at naihiga sa kama niya.
"Ano ba 'yan! Ano nang gagawin ko sayo?! Kanina di naman ganyan kataas ang lagnat mo pero... ugh!" napakagat labi ako at nakapamewang na tumingin sa kanya. Agad niyang ibinaon ang sarili niya sa kumot at kita dito ang panginginig niya ng todo.
Diyos ko! Hindi naman nursing ang kursong gusto ko, e! Anong malay ko sa pag-aalaga ng may sakit?! Lihim akong nagwawala sa isip ko dahil natataranta na ako sa kung ano ba dapat ang gagawin ko.
Pinilit kong kalmahin ang sarili ko para makapag-focus ako at makapag-isip ng mabuti. "Ok. Ano ba 'yung ginagawa sa'kin ni Mama kapag may sakit ako?" pilit kong inaalala ang mga bagay na ginagawa ni Mama 'pag may sakit ako at ang unang pumasok sa isip ko ay bimpo. "Tama! Bimpong basa!" nang mapabaling ako sa gawing kaliwa at nakita ang kanyang damitan ay agad akong naghagilap ng bimpo doon. Buti naman at may nakita ako kaya dali dali akong nagtungo sa banyo sa kanyang kwarto at binasa ito.
Gaya ng natatandaan kong ginagawa ni Mama ay pinunasan ko ang braso't leeg niya. Kasunod ang mukha niya saka ko ipinatong sa noo niya ang bimpo. Kunot pa rin noo niya at rinig ko ang malalim niyang paghinga. Lalo akong nataranta nang magsalita siya't sabihing, "Ang lamig."
Nagpalinga linga ako sa kwarto niya, nagbabakasakaling may kumot pa siyang extra pero wala. Pati nga jacket na suot ko ay ikinumot ko na rin sa kanya pero wala pa ring bisa dahil nanginginig pa rin siya.
"A-Ang lamig... p-paki patay 'yung aircon..." mahinang sabi niya pero nang bumaling ako sa aircon niya ay nakasara naman ito.
"Hindi naman nakabukas 'yung aircon mo, e! miski nga electric fan naka-off! Giniginaw ka pa rin?!" nahi-hysterical na ako dahil hindi ko na talaga alam ang gagawin ko! Hindi naman ako nakakapag-alaga pa ng may sakit kahit na simpleng lagnat o trangkaso lang kaya hindi ko talaga alam ang gagawin ko!
"MJ... MJ ang lamig... giniginaw ako..." daing niya pero lalo lang akong nataranta.
"E ANONG MAGAGAWA KO?! HINDI NAMAN AKO FIREBENDER 'NO!" sigaw ko pero panay pag ubo lang ang naisagot niya.
Mahigpit ang kapit niya sa kanyang kumot at walang tigil ang panginginig ng kanyang katawan. Jusme! Gano'n ba kalamig ang panahon at ganyan siya kung ginawin?!
'Baka kasi may sakit kaya ganyan, ano?' sagot ng boses sa utak ko. Napasabunot nalang ako at napapalatak dahil miski utak ko, binabara na rin ako.
Muling inatake ng ubo si Felix at ang bimpong nakapatong sa kanyang ulo ay nalaglag dahil bigla siyang tumagilid. Agad naman akong umupo sa gilid ng kama niya para muling salatin ang noo niya. Muling kong binasa ang bimpo't ipinunas ito sa kanya. Nang sumayad ang balat ko sa kanyang pisngi ay parang wala talagang epekto ang pagpupunas ko ng bimpo dahil sobrang init pa rin niya.
'Hindi naman kasi agad agad bababa ang temperature ng katawan niya sa ganyan lang. Unless ibababad mo siya sa isang batyang yelo,' mungkahi ng boses sa isip ko pero iniiling ko ang ulo ko. Edi nagmukhang frozen good naman 'tong isang 'to!
Ipinagpatuloy ko ang maya't mayang pagpupunas ng bimpo sa kanya sa pagbabakasakaling makatulong ito kahit papaano. Hindi ko naman siya mapainom ng gamot dahil kaiinom lang niya pero mukhang hindi pa umeepekto. Panay pa rin ang pag-ubo't panginginig ng katawan niya kaya naman natataranta pa rin ako.
'Baka mamatay pa 'to dahil sa trangkaso naku! Yari ako!'
Nang ilubog ko ulit 'yung bimpo sa tabo ng tubig ay naramdaman kong hindi na ito malamig kaya tumayo ako para palitan ito ng bago. Nang makaisang hakbang ako ay naramdaman ko ang mainit na kamay ni Felix na mahigpit na nakakapit sa kamay ko, pinipigilan ako.
"M....MJ.. 'Wag. 'Wag mo akong iiwan... please..." hirap man pero pinilit niyang sabihin. Bakas sa mukha niya ang pagmamakaawa na para bang hindi niya kayang wala ako sa tabi niya. Yuck! Corny no'n!
Bahagya kong hinawi ang kamay niya para mabitawan ako at pinanlakihan siya ng mata. "Papalitan ko lang PO 'yung tubig PO kasi PO mainit na!" paliwanag ko saka nagtuloy sa banyo niya.
"Kuuu! Talaga naman, oo! Kung alam ko lang na aalilain ako ngayon at gagawing care-giver sana itinext ko nalang 'yung gusto kong sabihin sa kanya! Naku talaga!"
Matapos kong makapagpalit ng tubig ay dali dali akong bumalik ng kama niya at pinunasan ko ulit siya sa mga heat-points niya. "Dapat pagpawisan ka kaagad para bumaba na ang temperature ng katawan mo. Kung kailangang tabunan kita ng kumot gagawin ko!" dakdak ako nang dakdak pero parang hangin lang ang kausap ko dahil etong kaharap ko, nagdedeliryo na ata sa taas ng lagnat.
"Kung di ka ba naman kasi eng-eng at kalahati, e! Mantakin mong nagbabad ka sa tubig ulan?! Buti sana kung parang dahon ng gabi 'yang balat mo, edi tumatalbog lang ang tubig! E hindi, e!" sermon ko habang panay ang pagpupunas sa kanya. "Ayan tuloy at tayong dalawa ang—"
"'Wag mo na... akong pagalitan... I-Ikaw din naman ang... may kasalanan, e..." sagot niya saka muling umubo. Napapalatak nalang ako't napailing. Ipinagpatuloy ko nalang ang ginagawa ko pero natigilan ako nang humawak siya sa kamay ko.
"A-Ang lamig... Ang lamig, MJ..."
" E ANO NGANG MAGAGAWA KO?! DI NAMAN AKO—"
"T-Tabihan mo ako... Dito ka sa tabi ko..." putol niya sa sasabihin ko dahilan para mapaawang ang bibig ko.
"MUKHA BA AKONG APOY?! ABA'Y—Ay!" nabigla ako nang buong lakas niya akong hilahin pahiga sa tabi niya at ipinaloob sa kumot niya. Di pa siya nakuntento, yumakap pa siya at isinubsob ang mukha niya sa leeg ko.
"H-HOY! MAY SAKIT KA LANG NANGMAMANYAK KA NA!" pilit ko siyang itinutulak palayo dahil nakakakiliti 'yung hininga niya at naiinitan ako dahil sa katawan niya pero ayaw niya akong pakawalan. Nakatagilid ako't nakaharap sa kanya at ganun din siya pero nakasiksik siya sa leeg ko. Ano bang meron sa leeg at ang hilig niyang sumiksik do'n?!
"'Wag ka nang maingay. Basta... basta ganito muna tayo. M-Mamaya ok na ako," malambing na sabi niya habang nakasiksik pa rin sa leeg ko. Hindi na naman ako pumalag dahil sa pwesto kong 'to na nakakulong sa braso niya, na kahit may sakit siya ay nahihirapan pa rin akong makawala, e hindi rin ako makakapalag pa. Isama pa na medyo nakakaramdam na rin ako ng pagod kakaasikaso sa kanya at ni hindi pa ako nakakapagpahinga. Tsaka ko lang din naalalang di pa ako umuuwi ng bahay at naka-uniform pa.
Ilang sandali ang lumipas ay naramdaman kong payapa na ang paghinga niya at di na parang kinakapos. Siguro ay nakatulog na siya dahil di na rin siya gumagalaw at naka-steady lang na nakayakap sa akin. Kung tutuusin ay awkward ang posisyon naming 'to dahil di naman ako sanay na may katabi sa higaan. Tapos eto pa't nakayakap siya sa'kin!
Marahan kong itinulak ang ulo niya mula sa leeg ko palayo. Hindi naman ito kumontra kaya nasigurado kong tulog na nga siya. Nang maiayos ko ang pagkakaunan niya sa unan ay doon ko natitigang mabuti ang mukha niya. Magkatapat kami, face-to-face. Mga ilang pulgada lang ang layo ng mukha namin sa isa't isa at sa ganitong distansya ay talagang maoobserbahan mo ang mukha ng isang tao.
No'n ko lang napansin na malago pala at maitim ang pilik-mata niya, ang kilay niya na medyo makapal pero bagay sa kanya, ang ilong na di man kasi tangos ng sa iba na parang tuka na ng ibon sa tangos. 'Yung sakto lang? pero bagay sa kanya. At ang labi na bahagyang nakaawang dahil sa paghinga niya. No'n ko lang nabigyang pansin ang mukha niya at kung ire-rate siya mula 1-10, masasabi kong nasa 8 siya.
Sa totoo lang, hirap ako sa pagdedescribe ng physical features ng isang tao. Lalo na ng mga lalaki dahil unang una, hindi ko naman pinagtutuunan ng pansin ang mga 'yon. Pangalawa, ang mahalaga lang sa'kin, nagkakasundo kami. Di kasi ako 'yung tipo ng tao na hinahagod ng tingin bawat makikilala't makakasalubong sa daan. Mas importante sa'kin 'yung kakayahan ng isang taong makibagay at makisama sa iba. 'Pagka gano'n, edi friends na kami!
Pero ngayong kaharap ko ng malapitan si Felix, kahit papaano, nagegets ko na 'yung mga pinag-uusapan nina Maiko kapag nagkukwentuhan sila't nadadamay ako. Madalas kasing mag-girl's talk 'yung mga 'yon at madalas, hindi ko ma-gets. Lalo na 'pag tungkol sa mga lalaki.
'E kasi nga, puro tropa at barkada lang ang tingin mo sa kanila. Kaya OP ka,' anang boses sa utak ko. Totoo naman. Hanggang do'n lang kasi talaga ang tingin ko sa kanila.
Pero nagbago 'yon nang dahil sa kanya.
Sa lalaking 'to nagngangalang Felix na nuknukan ng kulit at pasaway at patawa at hyper at...
"Mahal... kita..."
Natigilan ako sa pagmo-monologue sa isip ko at nanlalaki ang mga matang napatingin sa kanya. Nakapikit pa rin ang mga mata niya at mukhang tulog na tulog pero alam kong hindi ako nag-iimagine na narinig ko siyang magsalita.
"Mahal kita... Mary Jane... " muli niyang ulit at this time, nasigurado ko nang talaga.
Nag-isleeptalk siya! At pangalan ko ang tinatawag niya!
'Di lang pangalan mo. May feelings pa!'
Hindi naman ito ang unang beses na sinabihan niya ako ng gano'n pero hindi pa rin nawawala sa'kin 'yung side effects sa tuwing maririnig ko siyang sinasabi ang mga salitang ''yon'. Nag-iinit pa rin ang magkabilang pisngi ko, bumibilis pa rin ang tibok ng puso ko, parang may nagwawalang kung ano sa tiyan ko na hindi ko mawari kung ano.
Ito ba 'yung tinatawag nilang kinikilig?
'Ay hindi, hindi. 'Yan 'yung tinatawag na in denial. Tagal na, teh! Ngayon lang inamin?' sabat ulit ng boses sa utak ko pero di ko nalang pinatulan.
Pinagmasdan kong muli ang mukha niya. Kahit na medyo payapa na ito kumpara kanina ay bahagya pa ring nakakunot ang noo niya. Iniangat ko ang kamay ko at marahan itong inihaplos sa pisngi niya. Nakaramdam ako ng kuryenteng biglang dumaloy mula sa kamay ko nang maglapat ang kamay ko sa pisngi niya. Napatawa ako nang maisip kong baka si Pikachu siya.
Bahagya akong bumangon at itinukod ang aking kaliwang siko para makabangon, nakapatagilid ako para makaharap pa rin sa kanya. Napangiti ako nang di pa rin mawala wala ang pagkakakunot sa noo niya kaya sinubukan ko itong iunat gamit ang hintuturo ko.
"Pasensya ka na, Felix. Dahil sa'kin kung ano anong nangyayari sa 'yo. Di ko naman kasi akalaing ganyan ka, e! Pero salamat dahil ganyan ka kakulit," nakangiti kong sabi na para bang gising siya at nakikinig. Lumapit ako sa mukha niya at hilakan siya sa noo, saka muling nahiga.
Dahil do'n ay unti unti kong naramdamang uminit ang magkabilang pisngi ko. Ni minsan, hindi pa ako humalik sa isang lalaki! Kahit sa pisngi lang! Ugh! nahihiya kong pagwawala sa utak ko. Nang ipikit ko ang aking mga mata ay may ngiting unti unting gumuhit sa labi ko dahil sa isang bagay. Sabi niya kasi kanina, nag-iinit siya. Pero bakit kaya ngayon, ako ang nag-iinit?
'Nag-iinit ang pisngi't puso dahil sa kilig? Aminin~'
Ay! Ewan! Di ko na talaga alam!