webnovel

NAYNTIN- Bati na tayo ah?

 MJ's POV

"Akalain mong tatamaan din pala ng selos si MJ 'no? Gravity! Girl ka na bhe!" kinikilig na sabi ni Riz saka ako bahagyang hinampas sa braso. Napangiwi naman ako at naalibadbaran sa terminong ginamit niya. Para namang dati akong lalaki di ba? sabi ko sa sarili ko.

"Wala, e. Pag peg-ebeg na ang usapan, walang kasariang pinipili 'yan. Makakagawa ka talaga ng mga bagay na matatawag mong katangahan," saad naman ni Jin na siyang nagmamaneho ng sasakyan. Umani siya ng batok mula kay Ken na nasa front seat katabi ng driver's seat.

"Whoo! Luls! Kung maka-who goat naman 'to! Talo mo pa kami ni Kid ah!" ani Ken saka tumawa at nakipag-apir kina Ben. Tawanan na sila ng tawanan ngayon, kaiba sa eksena namin kanina na puro seryoso.

"'Kuu! 'Tong mga 'to! kunwari pa kayo pero kinikilig lang kayo e!" bara naman ni Eliza. "Daig niyo pa ang babae!" natatawang dagdag niya.

Napailing nalang ako at pilit na itinago ang ngiting nagbabadyang gumuhit sa labi ko. Para talangang mga sira, nailing na sabi ko sa sarili ko. Tumingin nalang ako sa bintana at doon itinuon ang atensyon ko. Nakita ko pa si Kid na siyang nagda-drive ng motor ko dahil nga dito nila ako isinakay sa kotse ni Jin. Baka raw matulad pa ako kay Felix noon. OA lang nila.

Ilang sandali pa ay narating din namin ang bahay nila Felix. May kalakihan ito at malawak rin tulad ng sa amin. Simple lang ang disenyo nito sa labas at ganoon din naman sa loob pero meron itong kakaibang hatak sa tao na talaga namang mararamdaman mo ang pagiging at home.

Bumusina si Jin sa gate, senyales na naririto na kami at agad naman kaming pinagbuksan ng Mama ni Felix na si Tita Elixa. May ngiti sa kanyang labi nang makita kami at lalo itong lumawak nang makita niya ako.

Uhh... dapat na ba akong kabahan?

Isa isa kaming bumaba at isa isa niya rin kaming sinalubong ng mahigpit na yakap na may ngiti sa kanyang labi. Hindi ko naman magawang lumapit dahil alam kong may atraso na naman ako sa anak nila. Baka kasi buminggo na ako sa kanila at napupuno na sila sa'kin dahil sa... alam niyo na. Pero nagulat ako nang bigla nalang din niya akong yakapin.

Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at nakangiting mukha niya ang bumungad sa akin. "Naku, MJ. Buti at pumunta ka! Si Felix kasi nagha-hunger strike na at ayaw ring uminom ng gamot niya!" aniya at lumabi pa. "Hindi daw siya kakain at iinom ng gamot kung hindi ikaw ang gagawa."

Napangiwi naman ako sa sinabi niya. Nang mapatingin ako sa aking mga kasama ay may mga nakakaloko na silang ngiti na para bang may ipinapahiwatig na hindi maganda. I can smell something fishy here.

Inakay kami papasok ni Tita at doon sumalubong sa amin si Tito na nakaupo sa sofa. Isa isa kaming bumati at nagmano sa kanya na ginantihan naman niya ng ngiti. Pero syempre, iba na naman 'yung sa'kin.

"Pasensya na kayo kung naaabala namin kayo ah? Lalo ka na MJ," ani Tito saka bumaling sa'kin. "Pasaway lang kasi talaga ang anak ko at nagpupumilit na ikaw daw ang gusto niyang mag-alaga sa kanya," pagtutuloy niya at napakamot pa sa batok na parang nahihiya. Alangan akong ngumiti at napatango ng mabagal. "Ah... eh... ok lang po 'yon. Uwian na rin naman po naminn tsaka... wala naman po kaming masyadong gagawin. Hehe."

"Ano bang nangyari nung Biyernes? Umuwi kasi dito 'yan dis oras na ng gabi at basang basa sa ulan. Tinatanong namin ng Mama niya kung bakit siya nagpakabasa sa ulan pero puro iling lang ang ginawa. Ta's bigla siyang nawalan ng malay at nun namin nalaman na inaapoy na siya ng lagnat." Nagkatinginan kaming lahat nang marinig ang sinabi ni Tito. Napakagat nalang ako ng ibabang labi ko at umaariba na naman ang pagka-guilty ko.

"Ah! E, nasaan po ba si Felix, Tita?" singit ni Ben. "Kung... kung puntahan mo na kaya siya, MJ? Diba? para matingnan mo na rin kung kamusta na siya," aniya at may konting tulak pa. Ganun din ang ginawa nung iba kaya naman napatingin ako kina Tita. Napakamot ako sa ulo ko nang tumango sila at itinuro ang kinaroroonan ng kwarto ni Felix.

Nahihiya man ay umusad na ako patungong hagdan. "Eh... titingnan ko po muna si Felix, Tito, Tita." Pagpapaalam ko bago tuluyang umakyat paitaas. Narinig ko pa ang mga bulungbulungan ng mga kaibigan ko nang tumalikod ako at umakyat. Isinawalang bahala ko 'yon at nagpatuloy nalang sa pag-akyat.

Nang marating ko ang tapat ng pinto ng kwarto niya ay agad tumahip ang dibdib ko sa kaba. Halo halong emosyon ang nararamdaman ko na hindi ko na malaman kung ano ano. Ipinagpag ko ang kamay ko nang bahagya itong manginig at humugot ako ng malalim na hininga bago kumatok at pihitin ang seradura.

Marahan ko itong binuksan at ang tumambad sa akin ay ang nakatagilid na si Felix. Likod niya ang kaharap ko kaya hindi niya ako nakikita. Tuluyan akong pumasok at marahang isinara ang pinto nang marinig kong umubo siya.

"Ma..." aniya sa garalgal na boses. "Di ba sabi ko ayaw kong kumain? Mamaya nalang po," aniya at muling inihit ng ubo. Nananatili siyang nakatagilid at hindi humaharap sa gawi ko. Nakabalot din siya ng kumot at sa maliit na mesa sa tabi ng kama niya ay nakita ko ang ilang mga gamot. Napailing ako at lumapit sa gilid ng kama niya.

Panay ang pag-ubo niya at pansin ko rin ang bahagyang panginginig niya. Hindi naman nakabukas ang aircon o electric fan pero grabe ang pangangatog niya.

Pinagmasdan ko lang siya. Wala din kasi akong alam na sasabihin o kung paano ko sisimulan ang gusto kong sabihin. Maya maya ay narinig kong bumulong siya ng sa una'y hindi ko maintindihan, pero unti unti ay narinig ko rin ng maayos at malinaw.

"MJ..." pabulong niyang sabi na tila ba nagsusumamo at nagmamakaawa. Muling kumirot ang dibdib ko, hindi dahil sa galit o inis pero dahil sa guilt.

Ako ang dahilan kung bakit siya nagkasakit. Pinag-intay ko siya sa wala pero hindi ko naman akalaing tototohanin niya ang text niya. Na maghihintay siya.

Nang ikalawang beses na tawagin niya ang pangalan ko, hindi ko na napigil ang sarili kong magsalita. "F-Felix..." nauutal kong banggit sa pangalan niya.

Marahan siyang pumihit paharap sa kinatatayuan ko, half-closed ang mga mata at malalim din ang paghinga niya na para bang kinakapos ng hangin sa katawan. Tanging ilaw mula sa lamp shade sa gilid ang nagsisilbing ilaw kaya dim ang liwanag, dahilan para mahirapan siyang aninagin ako.

"M-MJ?" patanong niyang sabi. "I-Ikaw ba talaga 'yan?" Pinilit niyang bumangon mula sa pagkakahiga kaya naman nataranta ako at inalalayan ko siya. Nang dumampi ang balat ko sa balat niya ay pansin ko ang mataas nitong temperatura.

"Aist! 'wag ka nang magpumilit umupo kung di mo kaya! Mahiga ka nalang kasi!" saway ko dahil halata ang panghihina niya at kawalang lakas para makaupo manlang. Muli ko siyang inihiga at umupo ako sa gilid ng kanyang higaan.

Sa mapupungay na mata ay tinitigan niya ako na para isa akong panaginip. Bahagyang gumuhit ang isang mahinang ngiti nang mapagmasdan niya ako. Nag-iwas naman ako ng tingin dahil naiilang ako sa mga tinging ibinibigay niya. Lalo pa't kami lang dalawa dito sa kwarto at katahimikan ang kanina pang namamayani sa paligid.

"MJ..." pagtawag niya. "Bakit? Bakit hindi ka—"

"Bakit ka kasi nagbabad sa ulan?! Tanga ka ba?! tingnan mo ngayon, sinong napeperwisyo?! Ikaw din di ba?!" sermon ko agad sa kanya dahil kaninang kanina ko pa siya gustong pagalitan at talakan. Gustong gusto kong ilabas 'yung inis ko dahil ang tanga tanga niya para magtagal sa ulanan at magbabad sa malamig na tubig nito!

Muli siyang ngumiti, bakas ang pait at lungkot. "Sabi ko naman kasi sa'yo, aantayin kita. Pero bakit MJ? Bakit hindi ka pumunta?"

Natigilan ako at napakagat sa ibaba kong labi. Napakuyom ako ng aking kamao dahil gustong gusto kong pagsasapakin at bugbugin si Felix pero hindi ko kaya. Lalo pa ngayon na may sakit siya at walang kakayahang lumaban. Kaya imbes na maibuntong ko sa kanya ang inis na nararamdaman ko, nag-iwas nalang ako ng tingin mula sa mapanuri niyang mata.

"Sabi ng Mama mo hindi ka daw kumakain. Miski pag inom ng gamot hindi mo rin ginagawa. Nagpapakamatay ka ba? o gustong gusto mo talagang may sakit ka?" pag-iiba ko ng usapan. Pinanatili ko ang pagkakakunot ng noo ko para maipakitang seryoso ako. Pero ang totoo, gusto ko nalang magwala.

"Kung ang kapalit ng pagkakasakit ko ay ang atensyon at pag-aalala mo, handa akong magkasakit buong buhay ko... makasama ka lang," sagot niya dahilan para lumukso ang puso ko. Shet naman o! 'Wag ka ngang kiligin! Bulyaw ko sa sarili ko.

Tumikhim ako at muling tumayo, pumihit ako para lumabas ng kwarto niya para bumaba. "Dito ka lang. Ikukuha kita ng makakain ta's iinom ka ng gamot." Pipihitin ko na sana ang doorknob nang marinig ko ang pagtawag niya. "S-Sasama ako," aniya at pinilit na bumangon. Dagli akong nagtungo sa kanya at inalalayan siya para sana pigilan. "Dito ka nalang! 'Wag ka ngang pasaway!"

Panay ang pag-ubo niya at malalim na paghinga pero pinilit niyang magsalita. "Ilang... Ilang araw na akong nakahiga dito. Gusto kong bumaba... Sasama ako sa'yo." Hirap man at nanghihina ay pinilit niyang makatayo. Wala naman akong nagawa kaya inakay ko siya at inalalayang makatayo.

"Tsk. Nuknukan ka talaga ng pasaway, Vinzon!" inis kong sabi. Nakaakbay sa balikat ko ang kanang braso niya, nakaalalay naman ang kaliwa kong braso sa tagiliran niya. Kaya ang siste, para akong nakayakap sa kanya habang siya naman ay nakaakbay sa'kin.

 Nang makababa kami ng hagdan ay pansin ko agad ang katahimikan sa buong bahay. Kumunot ang noo ko nang mapansing wala sa kabahayan ang mga kasama ko kanina maging ang parents ni Felix. Nang makarating kami sa sala ay pinaupo ko siya sa sofa.

"Dito ka nalang. Ako nalang ang pupunta ng kusina. 'WAG KA NANG MAKULIT!" pinanlakihan ko siya ng mata nang akmang aapila siya. Wala na siyang nagawa kundi tumango at sumandal sa sofa. Nakapikit siya at panay ang malalim na paghinga. Napailing ako at iniwan siya.

Nang makarating ako sa kusina ay agad akong naghanap ng makakain. Nakita kong may kaserolang nakapatong sa kalan kaya naman agad ko itong binuksan at tiningnan kung may laman.

"Buti may nakahanda nang lugaw." Napagdesisyunan kong iinit ito at 'yon nalang ang ipakain sa kanya. Nang kukuha ako ng tubig sa ref ay may nakita akong note na nakadikit dito.

            Iiwan na namin sa'yo ang pag-aalaga kay Felix, MJ. Aalis muna kami ng Tito Fred mo. Gabi na siguro kami makakauwi kaya kung pwede ay ikaw na muna ang bahala sa anak namin ah? Salamat! <3

-          Tita Elixa

 

Napangiwi ako nang mabasa ko 'yon. At lalo pa akong napangiwi nang mabasa ko ang text ng mga kaibigan ko.

From : Ben-tong

            Oyst! Maiwan na namin kayo ni Felix ah? Hahahah! Please be gentle! May sakit 'yan!

From: Ken-potx

            This is your time, MJ! Treasure the moment ah? 'Wag gagawa ng maka-SPG! Sige ka, isusulat namin 'yon! Haha! Ikaw na bahala sa kanya! :D

 

From: Maiko

            Samantahin mo na ang pagkakatong 'to para magkalinawan kayo. 'Wag paiiralin ang init ng ulo 'kay? Lugi ka kay Felix. Dalawa 'yung kanya. JOKE! XDD

Di makapaniwalang napailing ako at napapalatak. "Talaga naman! Mga utak nitong mga 'to, oo!" nailing kong sabi bago sinalinan ang baso. Bumaling ako sa lugaw na iniinit ko at nang makitang ok na ito, pinatay ko na ang kalan at nagsalin sa isang mangkok.

Inilagay ko ang mangkok at baso sa isang tray at binuhat ito. Bumalik ako sa kinaroroonan ni Felix at nakitang nakapikit pa rin siya.

"Huy! Felix! Kumain ka, o. Iinom ka pa ng gamot." Inilapag ko sa coffee table ang mga dala ko at umupo sa tabi niya. Dahil nga mas maliwanag sa sala ay mas nakikita ko ng malinaw ang itsursa niya. Nakakunot ang kanyang noo at namumula ang mukha. Nakayakap din siya sa sarili niya at mukhang giniginaw talaga.

"Tsk! Pasaway kasi, e! bumangon bangon pa!" tumayo ako at akmang lalakad patungong hagdan nang pigilan niya ako sa kamay. Napalingon ako sa kamay niyang nakahawak sa kamay ko tapos ay sa kanya mismo.

"'Wag... 'Wag mo 'kong iiwan..."

Napapalatak ako at napakamot ng ulo. "Pupunta lang ako ng kwarto mo at kukunin ko 'yung kumot at gamot mo!" inis kong sabi saka tinanggal ang pagkakahawak niya sa kamay ko.

Takte! Ang alam ko mainit lang siya pero bakit may kuryente akong naramdaman?! Aist! Pinalis ko ang bagay na 'yon sa isip ko at patakbong nagtungo ulit sa kwarto niya. Nang makuha ang lahat ng dapat kunin ay agad din akong bumalik sa kanya.

"Humiga ka nalang. Eto kumot, o." Inalalayan ko siyang humiga pero pinigilan niya ako.

"Ok lang... ganito nalang ako," aniya at ibinalot sa sarili ang kumot.

"Tsk. Fine! Sabi mo, e!" pagsuko ko. "Kainin mo na 'tong lugaw habang mainit pa. Sayang effort nung kalan kung palalamigin mo rin pala."

Iniumang ko sa kanya ang mangkok pero umiling siya. "Di ko kayang hawakan 'yan," aniya saka muling inubo. "Pwede bang... pakainin mo ako?" nanghihinang sabi niya na ipinanlaki ng mata ko.

Papakainin? As in susubuan ko siya?! Ahhh! Bakit parang ang awkward ata?! Napalunok ako at natigilan. Takte! Susubuan ko ba? Talagang talaga?

"Sige na please? Ikaw naman dahilan kung bakit ako nagkasakit, e." Alam niyo 'yung muntik na talaga akong bumigay at maawa sa kanya pero dahil dun sa sinabi niya biglang lumipad palabas 'yung awa mo? Gano'n. Gano'n ang nararamdaman ko.

"Kung di ka ba naman kasi shunga't kalahati, ba't di ka man lang sumilong at nagpakabasa kang talaga sa ulan?!" singhal ko pero pinipilit kong 'wag isaboy sa kanya 'yung lugaw. Tama naman ako di ba? may sarili siyang pag-iisip ta's ako sisisihin niya?!

Marahan siyang umayos ng upo at humarap sa'kin. Tinaasan ko naman siya ng kilay dahil tumitig siya sa'kin na para bang... nagpapaawa?

"Di ka manlang ba naawa sa'kin nun, MJ?" aniya sa garalgal at pagak na boses. "Umulan ng malakas pero hindi mo manlang ako pinuntahan. Di mo manlang ako sinipot. Nasayang 'yung kabuteng pinaghirapan gawin nina Maiko para sa surprise ko sayo."

Nalaglag ang panga ko at unti unting nagbalik sa'kin 'yung eksena nung gabing nag-motor kami at tumambay dun sa may gilid ng highway para tingnan 'yung mga ilaw sa gabi. 'Yung banat niya na tungkol sa mushroom na hindi ko naman alam naseseryosohin niya palang talaga. At 'yung dahilan ng inis sa'kin nina Maiko kanina.

"Pero bakit nga ba, MJ? Bakit hindi ka nagpunta? May nangyari ba no'n kaya—"

"Ubusin mo muna 'tong lugaw mo. Pagkatapos nito, mag-uusap tayo," putol ko sa sasabihin niya. Bumuntong hininga naman siya at tumango. Saka ko siya sinubuan ng lugaw.

"Ah!" napaigik siya kaya naman nataranta ako at inabutan siya ng tubig. "Hala! Mainit ba?" tanong ko saka kinuha ulit 'yung baso sa kanya.

"Me-Medyo... paki hipan nalang ng konti."

Kaya wala akong choice kundi palamigin ng bahagya ang lugaw bago ko isubo sa kanya. Gano'n lang kami. Tahimik pa ang paligid kaya medyo awkward ako pero hindi ko na ininda.

Nang maubos na niya ay muli kong inabot ang tubig pati na rin ang mga gamot niya. "O, eto. Inumin mo 'tong mga 'to ta's humiga ka na."

Inabot naman niya ang mga 'yon at ininom ang gamot. "Akala ko ba mag-uusap tayo?" mahinang tanong niya.

Bumuntong hininga ako at napatitig sa kanya. Siguro nga oras na para magkapaliwanagan kaming dalawa. Tumitig ako ng direkta sa namumungay niyang mata at muling bumuntong hininga. "Sige."

May mahabang katahimikan ang muling nangibabaw matapos kong sabihin 'yon. Sabi niya mag-uusap pero ni hindi niya magawang mag-open ng topic! Labo!

Maya maya'y gumalaw siya sa kinauupan niya at bumaling sa'kin. Humugot ng isang malalim na hininga bago nagsalita. "Sabihin mo, MJ. Bakit nga ba hindi ka pumunta? Nung gabing 'yon..."

"Hayaan mo munang tanungin kita sa kung anong nangyari sa parking lot nung hapon ng Friday," pagbabalik tanong ko sa kanya at tumitig sa kanya. "Sino 'yung... 'yung babaeng kahalikan mo nung araw na 'yon at bakit... bakit hindi ka manlang kumokontra?" papahina kong tanong at nagbaba ng tingin. Heto na naman kasi 'yung kirot at paninikip ng dibdib ko tuwing pinag-uusapan ang bagay na 'to, e.

"N-Nakita mo 'yon?" hindi makapaniwalang tanong niya. Napasabunot siya sa kanyang buhok at bahagyang napailing. "I-It was nothing..."

This time, ako naman ang hindi makapaniwala sa kanya. Umigkas pataas ang kilay ko at napahalukipkip. "Anong nothing?! Nakipaghalikan ka, Felix! Kitang kita ng dalawang mata ko na  nagdikit ang mga labi niyo! Tapos sasabihin mong nothing?! Nanggagago ka ba?!"

"No... no it's not like that!"

He looked troubled. Really. Para bang hirap na hrap siyang magpaliwanag. Na hindi niya malaman kung saan mag sisimula. Humugot siya ng isang malalim na buntong hininga at tumitig sa akin ng diretso sa mata.

"Look. 'Yung...'yung babaeng 'yon..." muli siyang bumuntong hininga at kita ko sa mukha niya ang lungkot. "She's the girl from my past." Nabigla ako, oo. Kasi di ko naman inaakala na tulad ko, may nakaraan din siya na tulad no'n. Pero isinantabi ko muna ang pag-iisip no'n at pinilit na pakinggan ang bawat paliwanag niya. "Siya si Monique. Ang first love ko. At syempre, ang first heartbreak ko," simula niya at gumuhit ang isang mapait na ngiti sa kanyang labi. Tahimik lang akong nakikinig at nakamasid sa kanya, nag-aabang sa mga susunod niyang sasabihin.

"Grade 9 nang makilala't mahulog ako sa kanya. Para kasi sa'kin, hindi siya kagaya nung ibang babae sa school na mahilig sa kung ano anong kolorete't pampaganda. Siya kasi 'yung babaeng kahit napakasimple lang, agaw pansin pa rin kasi natural 'yung ganda niya. Kaiba siya sa mga kabarkada niya no'n, kontrang kontra sa kung ano siya. Hindi siya mahilig sa accessories, sa make up, sa porma porma—mga ganun? Kaya naman nahulog agad ang loob ko sa kanya.

"Nag-umpisa ko siyang mapansin nung minsang may activity kami na by partner. Nagkataon na kami ang magkapareha kaya naman nagkaroon ako ng mumunting panahon para makilala't makasama siya. Pala ngiti siya, masiyahin, palakaibigan, matalino, maganda—halos lahat ng bagay na gusto ko sa isang babae nasa kanya na. Walang dull moment 'pag kaming dalawa ang magkasama. Lahat ng bagay pakiramdam ko ang gaan at ang saya. Parang walang problemang hindi ko kayang lusutan basta ba nandyan siya. Pero hindi. Hindi pala talaga lahat ng bagay, mananatiling masaya.

"Niligawan ko siya, pinormahan ng pormal at pagtitiyaga, kulang nalang ipagsigawan ko noon sa buong school na mahal na mahal ko siya at handa akong gawin ang lahat para sa kanya. Pero gumuho 'yung mundo nang isang araw, ipinakita niya sa'kin ang tunay na siya.

"Hindi siya isang anghel na bumaba dito sa lupa. Isa siyang tukso na nag-anyong tao at bumibihag sa mga tao para magkasala. Dahil isang araw, nagising nalang ako na nakahiga sa ibang kama, na tanging kumot lang ang saplot."

Dinig ko ang panginginig ng boses niya nang sabihin ang mga katagang 'yon. Maging ako ay nagulat sa rebelasyong 'yon dahil alam ko sa sarili ko, kahit papaano ay may bagay na pareho kami. Hindi man talagang pareho pero kahit konti, alam ko 'yung pakiramdam ng gano'n.

Tumingin siya sa'kin na may nagsusumamong mga mata. Kita ko rin ang pangingislap ng mga mata niya dahil sa nagbabadyang luha. Nanlalabo na rin ang aking mga mata at kasunod nito ang pag-agos ng maiinit na likido sa akin pisngi. Di ko namalayang naiiyak na rin pala ako.

"Matatanggap mo pa ba ako, MJ? Matatanggap mo pa ba ang isang tulad ko na nagkasala na sa iba? Nakakatawang isipin na kalalaki kong tao, kung makaasta ako para akong babae pero para sa'kin kasi, gusto kong ibigay ang lahat ng una ko sa taong makakasama ko panghabang buhay. Oo nga't walang nawala sa akin pero nakatatak sa konsensya ko 'yon, e. Na nakamarka na ako ng iba. Na nakadungis na ako ng iba."

Napayuko siya at kita ko ang marahas na pagtaas baba ng kanyang balikat. Kumikirot naman ang dibdib ko habang pinagmamasdan siya sa ganoong kalagayan. Hindi normal sa'kin ang makita ang ganitong Felix. Hindi normal... hindi tama sa paningin ko. Parang ayoko siyang nakikitang umiiyak ng ganito at nasasaktan dahil pakiramdam ko, mas nasasaktan ako ng lubusan.

"Itinutulak ko naman talaga siya, e. She wants us back together but I said no. Sabi niya ginagamit lang naman daw kita para kalimutan siya pero hindi! Kasi alam ko sa sarili ko na ayoko na sa kanya at mahal talaga kita!" humawak siya sa dalawang kamay ko at mahigpit na pinagsalikop ito, "Determinado akong ipagtanggol ang nararamdaman ko para sayo pero natigilan ako nang ungkatin niya 'yung bagay na 'yon! Sabi niya na,  kung matatanggap mo pa daw kaya ako 'pag nalaman mo ang nakaraan ko. Na may nangyari na sa amin noon at... at..." di ko na napigilan ang sarili ko at hinila ko na siya palapit sa'kin at mahigpit na niyakap. Nanginginig siya sa pag-iyak at mahigpit na gumanti ng yakap sa'kin na para bang sa akin nakadepende ang buhay at lakas niya.

"I know she was talking about the video that she have as an evidence for the thing that we've done pero I swear! I swear to God na hindi ko 'yon alam! Yes, I was drunk but I didn't remember being with her in that bar! I was just having some shots nang maparami ang inom ko at malasing ako and then... all the things that follows is a mystery to me. Hindi ko matandaan na hinila o dinala ko siya sa isang kwarto doon at—"

"Shh... tama na, Felix. Naniniwala ako sa'yo." Hinagod ko ang likod at ulo niya, trying my very best to calm him down 'cause he's shaking so badly.

"H-Hindi ko siya hinalikan, MJ! Hindi ko siya ginantihan ng halik kasi naestatuwa na ako no'n! Mabanggit palang 'yung alaalang 'yon ay nandidiri na ako sa sarili ko! Kasi pakiramdam ko napakairesponsable't pabaya kong lalaki kasi hinayaan kong may mangyari sa'min kung meron man nga talaga!" aniya sa kabila ng panginginig ng kanyang boses.

Kumawala siya sa pagkakayakap sa akin at hinawakan ang magkabila kong pisngi. Tumitig siya sa akin diretso sa mata, bakas ang pagsusumamo't pagmamakaawa. "Please, MJ. Maging ano't anoman ang totoo sa nakaraan ko, please... just please don't hate me and push me away. Wala ako ni isang taong pinagsabihan nito, miski mga kaibigan ko at magulang ko dahil ikinahihiya ko ang bagay na 'yon! Pero ngayong alam mo na ang kwento ko, hindi ko kakayanin kung lalayuan at iiwasan mo ako. Kasi mababaliw ako! Hindi ko kayang mapalayo pa sa'yo kasi hulog na hulog na ako!" pakiusap niya saka pinunasan ang luha sa mukha ko. "Please, MJ. Don't leave me hanging. Alam kong masyadong mabigat 'tong hihingin ko pero sana naman... kung may konti ka nang nararamdaman sa'kin, please 'wag mo nang pigilan. Kasi pareho lang din tayong nahihirapan di ba? Para lang tayong naglalaro ng taguan."

---

Ilang oras din siguro ang lumipas. Hindi na namin natantsa dahil masyado na kaming nakatoon sa isa't isa. Miski ang pagbuhos ng ulan sa labas ay hindi na namin napansin pa. Katahimikan ang muling bumalot at namayani pero sa pagkakataong 'to, katahimikang dala ng pagiging payapa.

Payapa dahil nagkalinawan na kami sa mga bagay bagay na nagsilbing dahilan para magkaroon ng konting lamat ang tiwala ko sa kanya. Ngayon alam ko na talagang masyado lang akong pinangunahan ng emosyon ko sa pagpapasya. Masyado akong kinain ng pakiramdam na pinagtataksilan. Mahirap mang aminin pero mukhang tama nga sila. Tinamaan nga ako ng salitang ni hindi ko pinangarap maranasan.

Ang selos.

Sa buong oras na tahimik lang kami ay nakasandal lang kami sa sandalan ng sofa. Magkatabing nakaupo't kuntento na sa pakiramdam na katabi namin ang isa't isa. Nakaakbay siya sa'kin kaya naman nakasandal ako sa katawan niya. Dama ko ang mabilis na pagtibok ng puso niya na para bang gustong kumawala mula sa dibdib niya. Katulad na katulad ng sa akin.

"Alam mo ba?" bahagya akong lumingon sa kanya nang magsalita siya matapos ang mahabang katahimikan. "Masaya akong malaman na nagselos ka nang makita mo kami sa parking ni Monique. Wala man ang mood ring mo para malaman kung ano ba talaga ang nararamdaman mo nung araw na 'yon ay sapat na sa akin ang malamang may selos kang naramdaman no'n. At least, alam ko na ngayon na may epekto ako sa'yo... at sa mga bagay na gagawin ko." Bakas ang tuwa sa boses niya nang sabihin niya 'yon at miski ako, natutuwa din na ganoon nga ang damdamin ko sa kanya.

Muli siyang kumilos at humarap sa akin. Tumitig sa aking mga mata na bagay na talagang gusto ko sa kanya tuwing sinsero siya sa mga sinasabi niya dahil talagang eye-to-eye contact ang gusto niya.

"Masaya sa pakiramdam na oo nagseselos ka pero MJ, ayokong magkakagalit at magkakaaway tayo sa mga bagay na kagaya nito. Para tayong mga karakter sa mga kwentong nababasa ko sa wattpad, e. At ayokong kagaya nung mga nababasa ko, magkahiwalay din tayo. Masyado pang maaga para matapos agad ang love story natin. Madami pa akong dapat patunayan sa'yo kaya please..." malambing niyang sabi at hinaplos ang kanang pisngi ko, " bati na tayo, ah?"

Hinawakan ko ang kamay niyang nasa pisngi ko at marahan akong tumango at ngumiti sa kanya. Sapat na 'yong sagot at alam kong naintindihan niya ito kaya agad niya akong hinila at niyakap ng mahigpit.

I guess it's true. The magic of love really happens to anyone.

Siguiente capítulo