webnovel

Twelb- Si Anniesette (Part 1)

Lumakad ako nang lumakad hanggang sa makarating ako sa labas kung saan naka-park ang mga sasakyan namin. Kinapa ko ang bulsa ko at naramdamang naroon ang susi ko. Pinatunog ko ang lock at agad na binuksan ang pinto saka sumakay sa driver's seat. Sa ibabaw ng dashboard ng kotse ko ay swerteng may ilang lata pa ng beer do'n. Kahit na may konting tama na ako ng San Mig at The Bar na ininom ko kanina ay pakiramdam ko kulang pa 'yon. Gusto kong magpakalunod sa alak. Gusto kong lunurin sa alak ang sakit na nararamdaman ko ngayon dahil hindi ko kayang indahin. Masakit. Sobra.

Nang sa tingin ko'y narinig nila ang pag-start ko ng sasakyan ay nakita kong nagtatakbuhan silang lumabas at sumunod sa parking lot. Agad kong minaniobra ang kotse ko at pinasibad ang takbo nito palayo sa kanila.

"FELIX! 'WAG KANG MAG-DRIVE! NAKAINOM KA!" dinig kong sigaw nila pero hindi ko pinansin. Mas binilisan ko pa ang pagpapatakbo ko, sa pagbabakasakaling tangayin ng hangin ang sakit na nararamdaman ko.

Binuksan ko ang lata ng root beer at agad agad tinungga ito. Pakiramdam ko tubig lang ang iniinom ko at nakukulangan ako dito pero ayokong huminto. Ayokong tumigil sa pagpapatakbo dahil pakiramdam ko, bibigay ako. Muling um-echo sa isip ko ang mga sinabi niya.

"Isinama ko siya dito para pormal na maipakilala siya sa inyo. Siya nga pala ang girlfriend ko."

"...Siya nga pala ang girlfriend ko."

"...girlfriend ko."

"AHH! TAMA NA!" Pilit kong inaalis sa isip ko ang mga katagang 'yon pero nagpapailit ulit lang ito. Naririndi na ako pero ayaw pa ring tumigil nito. Kanina pa rin nagri-ring ang cellphone ko pero hindi ko ito pinapansin. Ayoko munang makipag-usap sa kanila.

Nang makalayo layo ako ay dinampot ko ang cellphone ko at pinindot ang tanging taong gusto kong makausap. Para pa rin akong litang at tuloy pa rin ang pagda-drive ko kahit na hindi ko naman alam kung saan ako pupunta. Ilang ring lang ay sinagot na niya ito.

"Hello, Felix?" Sagot niya na halatang naalimpungatan lang.

"Drei..." pagtawag ko at saka humalakhak pero nag-umpisa ding tumulo ang luha ko.

"T-Teka... nagda-drive ka ba? Ihinto mo ang sasakya-"

"Drei, may iba na siya... Haha! May iba na siya, Drei! Tangina may iba na pala siya..." putol ko sa sasabihin niya saka muling tumawa habang panay naman ang patak ng luha ko.

"Lasing ka ba, Felix? Gago ka, itigil mo 'yung sasakyan! Asan ka ba, ha? Tsaka anong-"

"Kaya pala ayaw niya sa'kin! Kaya pala ayaw niya sa'kin dahil babae din ang gusto niya! Hahaha! Tangina, pre! Di ko naisip 'yon! HAHAHA! Mukha akong gagong nanunuyo sa kanya ta's di pala lalaki ang gusto niya! Putangina lang talaga!" tuloy tuloy kong sabi na hindi pinapakinggan ang sinasabi niya.

"Ihinto mo 'yang sasakyan mo, Felix! Nakainom ka lang kaya ka ganyan!" sermon niya pero tumawa lang ako't di siya pinakinggan.

Sa harap ko ay nakatingin naman ako pero nagdadalawa na ang paningin ko. Pumikit ako nang mariin sa pag-asang titino ang paningin ko pero 'pagdilat ko, nakabig ko agad pakaliwa ang manibela. May naaninag akong dumaang tao at dagli ko itong iniwasan pero huli na nang makita kong may malaking puno pala ng balete sa harapan ko.

Tanging malakas na pagsalpok nalang ang narinig ko, sunod ang pagdilim ng paningin ko...

~ ~ ~ ~ ~ ~ ~

Unti unti, pakiramdam ko hinihila ako ng liwanag na hindi ko mawari. Dahan dahan kong iminulat ang mga mata ko at ang una kong nakita ay ang purong puting kisame. Malabo pa ang paningin ko at inantay ko itong mag-adjust bago inikot ang aking paningin sa paligid.

"Si Felix! Gising na si Felix!" dinig kong may sumigaw at sunod sunod nang ingay ang narinig ko.

"Tawagin niyo sina Tita! Sabihin niyo gising na siya!" anang isa pa kasunod ang pagbukas at sara ng pinto.

"Felix! Anong masakit sayo?"

"May nararamdaman ka bang kakaiba?"

"Nakikilala mo ba ang sarili mo? Kami? Kilala mo ba kami-Aray!"

"Gago ka talaga, Ken! Manahimik ka na nga lang!"

Inaninag at kinilala ko ang mga mukhang nasa harap ko at sinubukan kong bumangon para maka-upo.

"'Wag ka munang gumalaw! May bali ka pa!" pigil ng isa na nakilala kong si Jin.

"A-Anong nangyari?" tanong ko saka humawak sa ulo ko nang makaramdam ako ng kirot. Nakapa kong may benda ito, pati na rin ang braso't binti ko.

"Sinuro mo lang naman 'yung puno ng balete! Akala mo ata toro ka!" sarkastikong sagot ni Ken na umani ng batok mula kay Maiko. Muling nagbaling ng tingin sa'kin si Maiko at bakas ang pag-aalala. "Ok ka lang ba, Felix? May masakit ba sayo?"

"Nagpakalasing ka nung gabi ng overnight natin. Di mo ata kinaya 'yung sinabi ni MJ kaya lumaklak ka ng San Mig at apat na latang root beer. Nag-drive ka ng lasing at ayan, naaksidente ka sa sobrang kalasingan at sumalpok sa puno ng balete." Paliwanag ni Kid.

Inalala ko ang mga pangyayari nang gabing 'yon at isa isang nanumbalik sa alaala ko ang mga 'yon. 'Yung overnight, si MJ, si Annie, 'yung pag-inom ko nang sobra, 'yung pagda-drive ko nang napakabilis, si Drei, at 'yung naaninag kong tumawid. Kumirot ang ulo ko nang isa isang magpasukan sa utak ko ang mga 'yon.

"Sabi nung mga pulis, accident prone area daw 'yung lugar na 'yon at madalas talagang may sumasalpok sa puno na 'yon. Sabi din nung mga nakatira do'n ay may white lady daw na laging nagpapakita do'n na nagiging dahilan kung bakit may naaaksidente." Dagdag pa ni Ben.

Marahan akong tumango sa sinabi niya. "P-Parang may naaninag nga akong dumaang nakaputi non. Kaya ko kinabig pakaliwa 'yung manibela at... ang huli ko nalang natatandaan ay 'yung malakas na pagsalpok tapos no'n... wala na akong matandaan." Pagsasaad ko kasunod ang malakas na pagbukas ng pinto at nakita ko ang humahangos mga magulang ko. Kasunod nila ang isang doctor na agad lumapit sa'kin upang tingnan ako.

"Anak, may masakit ba sa'yo? Sabihin mo. May kumikirot ba?" alalang tanong ni Mama na kababakasan ng pag-aalala. Halata din sa mukha niya ang pagod at pag-iyak dahil namumula pa ang kanyang ilong at mga mata. Katabi niya si Papa na walang imik ngunit bakas din ang pagod at pag-aalala.

Kinausap at tinanong lang ako ng doctor, matapos ay humarap na siya kina Mama. "Ok naman siya, misis. Mukhang malakas lang talaga ang pagkakahampas ng ulo niya kaya natagalan siyang nagising. Pero isasailalim ko pa rin siya sa iba pang mga test lalo na sa ulo niya dahil baka may damages ito dahil sa pagkakahampas niya sa manibela. 'Yung fractire naman niya sa kaliwang binti ay hindi naman ganoong kalubha at sa ilang araw ay gagaling din. Ganon din ang mga galos niya sa katawan. Liban do'n ay ok na siya." Anang doctor.

"Sige po, doc. Salamat po," sagot ni Mama saka nagpaalam at umalis ang doctor. Sa gilid ng aking mata'y nakita kong sumunod sa kanya sina Ben. Mukhang alam na nilang kailangan naming mag-usap usap.

Hinarap ako ni Mama na maluha luha pa rin. "Nag-alala ako nang sobra sayo, anak." Aniya habang hinahaplos ang pisngi ko. Si Papa naman ay nakatayo lang at nakatingin sa'min. Hindi ko magawang makatingin sa kanya ng diretso dahil nahihiya ako sa ginawa't inasal ko.

"S-Sorry po... Ma, Pa." nakayukong sambit ko. Nahihiya ako sa kanila dahil hindi nila ako pinalaking ganito.

"Siguro naman may matino kang dahilan kung bakit mo nagawa 'to, Felix. Ilang beses kong sinasabi't ibinibilin sa'yo na 'wag ilalagay sa utak ang alak! Tapos nag-drive ka pa ng lasing! Napaka-iresponsableng kilos no'n! Buti nalang at wala kang kasalubong at wala kang naperwisyo sa pinaggagagawa mo!" bulyaw ni Papa at pumapailanlang ang boses niya sa buong kwarto. Nanatili akong nakayuko.

"Tama na 'yan, Fred,"awat ni Mama kay Papa. "Felix, sabi nila Kid, naglasing ka daw at umalis sa clubhouse na pinuntahan niyo. Sinubukan ka daw nilang habulin pero pinasibad mo ng takbo ang kotse mo. Anak, bakit mo ginawa 'yon? Ano bang nangyari't naglasing ka nang ganun?" marahang tanong ni Mama na punong puno ng pang-unawa ang tinig.

Hindi ko na napigilan ang sarili ko nang isa isang tumulo ang mga luha ko't napayakap ako sa kanya. "Ma... Ma, ang sakit..." pagsusumbong ko at nagsunod sunod na ang pagtulo ng luha ko.

Niyakap niya ako pabalik at marahang hinagod ang likod ko. "Ano bang nangyari?"

Isinalaysay ko sa kanila ang mga nangyari't nalaman ko nung gabing 'yon. Nanatili akong nakayakap at umiiyak sa balikat ni Mama dahil pakiramdam ko bibigay ako nang tuluyan. Sa kanya ako humuhugot ng lakas tuwing pakiramdam ko iniwan na ako ng lahat. Sa kanilang dalawa ni Papa ako tumatakbo.

Naramdaman kong umupo si Papa sa paanan ko kaya napatingin ako sa kanya. Nawala 'yung kanina'y galit niyang ekspresyon at napalitan 'yon ng simpatya't pang-unawa. Tinapik niya ako sa balikat at marahang tumango.

Kumalas sa pagkakayakap si Mama sa akin at pinunasan ang magkabilang pisngi ko. Gumuhit ang ngiti sa kanyang labi sa kabila ng pagatak din ng mga luha niya. "Ang bunso ko, nagbibinata na talaga," nakangiting sabi niya saka ako tinitigan sa mata. "Pero anak, 'wag mo nang gagawin 'yon sa susunod, ha? 'Wag ka nang magda-drive ng lasing at ibabangga sa puno ang sasakyan dahil aatakihin si Mama sa puso kahit wala akong sakit sa puso." Aniya na bahagya kong ikinatawa.

"Sorry po ulit," tangi kong nasabi sa kanya.

"Anak, naiintindihan kong nasaktan ka sa nalaman mo dahil maging ako at ang Mama mo ay nagulat sa sinabi mo. Pero hindi sulusyon ang alak at aksidente." Pangaral ni Papa saka ako tinapik sa balikat.

"Pasensya na po ulit."

Bading man kung pakikinggan pero Mama's boy ako. Sobrang lapit ko sa nanay ko na umiiyak at nagsusumbong talaga ako sa kanya sa tuwing may problema ako at hindi ko na kaya. Tapos nand'yan din lagi si Papa para payuhan at pangaralan ako. Tapos no'n ay magiging ok na ulit ako. Nakalakihan ko 'yon kaya naman hanggang ngayon ay hindi 'yon nawawala sa'kin. Madalas nga akong inaasar ni Ate na bakla dahil napakalambing ko daw, daig ko pa daw siya.

Narinig kong nagri-ring ang telepono ni Papa kaya naman napatingin kami sa kanya. Tumayo siya at agad kinuha sa bulsa niya ang cellphone niya. "Ang Ate Alexa mo," aniya at agad itong sinagot. "Hello, Alexa?"

"Hello, Pa? Si Felix? Gising na ba?" dinig kong tanong ni Ate sa kabilang linya, naka-loud speak.

"Oo, kagigising niya lang. Gusto mong makausap?" ani Papa saka ibinigay sa'kin ang telepono.

Tumikhim ako para tanggalin ang nakabara sa lalamunan ko bago nagsalita, "Hello, Ate?"

"KURT FELIX VINZON! Ano 'tong nabalitaan ko kina Mama'ng naaksidente ka daw?! At dahil daw sa babae?!" bulyaw ni Ate dahilan para ilayo ko sa akin ng bahagya ang cellphone. Napaisip tuloy ako kung kanino niya nalamang dahil sa babae gayong ngayon lang naman nalaman nina Mama.

"Hinay hinay sa pagsigaw, Ate. Naka-loud speak ka kaya," sagot ko sa pag-asang kumalma siya ng konti pero hindi.

"HUWAG MO 'KONG ILIGAW! Ano na naman bang pinaggagagawa mo't gumaganyan ka?! At dahil pa sa babae, ah! Ano?! Magpapakamatay ka nang dahil lang do'n?! Ni hindi mo pa nga asawa gumaganya ka na! Minsan ka na nga lang ma-inlove, buwis-buhay pa!" tuloy tuloy na sermon ni Ate. Napapangiwi nalang ako dahil ang tinis ng boses niya tapos sunod sunod pa kung magsalita.

"Ate..." Naghanap ako ng mga salita para ipaliwanag sa kanya pero napabuntong hininga lang ako. "Sorry na. Tinamaan ako nang sobra, e."

Narinig kong malakas siyang napabuntong hininga at napapalatak. "Anak ng hopyang dahilan 'yan! Tinamaan?! Ikaw ang tatamaan sa'kin 'pag uwi ko!" aniya na ikinabahala ko. Agad inagaw ni Mama sa'kin ang telepono at siyang kumausap kay Ate. Napatingin naman ako kay Papa na mukhang nabigla din sa panganay niya. "Pa..."

"Nabigla lang siguro ang Ate mo," aniya at muling ibinalik ang tingin kay Mama na kausap pa rin si Ate.

"Anak, kami na ang bahala dito. Kumalma ka na d'yan at OA ka nang mag-react. Daig mo pa ako, e," biro ni Mama saka bahagyang tumawa. "Oo, nakilala na namin siya ng Papa mo. Nabigla nga din kami nang malamang ganun pala... Oo, kaya kumalma ka na d'yan at 'wag ka nang magmadaling umuwi."

Pinagmamasdan ko lang si Mama habang kausap si Ate. Nabigla talaga ako nang sinabi niyang uuwi siya dahil nasa ibang bansa siya ngayon at nagtatrabaho bilang nurse. Nasa London siya at sa ngayon ay madaling araw palang doon dahil alas tres na ng hapon dito ayon sa wall clock sa dingding.

Maya maya ay ibinaba na ni Mama ang telepono at ibinigay ito kay Papa. "Ok na. Kumalma na ang ate mo," nakangiti niyang sambit dahilan para makahinga ako nang maluwag.

"Dragon talaga 'yang panganay mo 'pag nagalit, Ma. Pabigla bigla din kung magsalita," naiiling na sabi ni Papa kay Mama.

"Nag-aalala lang 'yon. Alam mo namang OA din 'yun madalas," ani Mama saka bumaling sa'kin. "Itatanong lang namin sa doctor kung kelan ka pwedeng i-discharge. Tatawagin nalang muna namin ang mga kaibigan mo para makausap mo sila," nakangiting sabi niya saka ako hinalikan sa pisngi. Tumango ako sa kanila ni Papa at agad nagtungo sa pinto. Narinig kong nagkakagulong nangamusta't nagtanong silang lahat sa'kin, tapos ay sumugod sa loob patungo sa'kin.

"Akala namin matutuluyan ka na, e! Alam mo bang grabe 'yung itsura nung hood ng kotse mo? Tapos hindi ka pa naka-seatbelt!" sunod sunod na sabi ni Ken. "Dalawang araw ka na kayang tulog!" dagdag pa niya.

"Oo nga! Grabe ka palang ma-broken! Nagpapakamatay! Nakakatakot ka palang magmahal!" singit naman ni Kevin saka tumawa. Nakitawa na rin 'yung iba at miski ako. Maya maya ay humupa ang tawanan namin.

Isa isa ko silang tiningnan at alangang nagtanong, "Si... Dumalaw ba siya nung... nung tulog ako?" tanong ko at napansin kong nagkatinginan silang lahat. Nakita ko pang napakagat ng ibabang labi si Maiko.

"H-Hindi, e. Nung sundan ka namin, naiwan sila ni Annie doon. Tapos nung isugod ka namin dito sa ospital ay hindi namin siya nakitang sumunod. Pinabalik namin sina Jin sa clubhouse at sabi niya ay mukhang umalis na rin sila do'n. Tapos no'n..."

"Ok na," putol ko kay Riz. "Gets ko na," malungkot kong sabi at napabuntong hininga.

"Uhh... guys," sabay sabay kaming napatingin kay Eliza na siyang nakatayo sa pinto. "M-May bisita si Felix." Alangang sabi niya dahilan para mapakunot ang noo ko

"Sino?" tanong ko.

Hindi 'yon sinagot ni Eliza. Nagbigay daan nalang siya sa 'bisita' ko na ikinabigla naming lahat nang mapag-sino ito.

"Ako, Felix." Aniya habang nakatitig sa'kin diretso sa mata. Napaawang ang bibig ko dahil hindi ko inaasahang pupunta siya dito sa kabila ng mga nangyari.

"A-Anniesette..."

Siguiente capítulo