webnovel

Siks - ...sa bahay niyo

Tuesday nang ipagtapat ko kay MJ ang nararamdaman ko, at dalawang linggo na ang nakalilipas mula nung araw na 'yon ay hindi pa rin ako pinapasin at kinikibo ni MJ. Iniiwasan niya ako sa kahit na anong paraang magagawa niya at sumasakit na ang ulo ko sa kakaisip kung paano ko siya susuyuin gayong panay naman ang layo niya sa akin.

                            

"E, halikan mo ba naman kasi sa harap ng maraming tao, e. Ayan tuloy at nagulat ng sobra 'yung tao." Naiiling na sabi ni Ken habang sumisipsip sa softdrinks niya.

"Alam ko namang 'yun ang dahilan, pre. Ang problema ko, paano ko siya susuyuin kung panay ang layo niya sakin?" frustrated na sabi ko at napagulo nalang ng buhok ko.

"Feeling siguro ni MJ na-harass siya. Ang dami niyo nga namang audience nung magtapat ka sa kanya, e." dagdag naman ni Kid na abala sa pagtitig sa tablet niya. Syempre, nagwa-Wattpad. Na-adik na siya—este silang dalawa pala.

"Nako, pre. Yari ka pala kung gano'n! Naaalala mo nung panahon pa ng mga lolo't lola natin? 'Yung mahawakan lang ang dulo ng daliri nung babae, kailangan pakasalan mo na? E ikaw pre, hinalikan mo pa! Nako, mamanhikan ka na."

Napatingin ako kay Ken dahil sa sinabi niya. "Alam mo, Ken? Madalas akala ko puro kalokohan ka lang, e. Hindi pala," nakangiting sabi ko saka tinapik ang balikat niya.

Napakunot naman ang noo ni Kid, naguguluhan. "Anong plano mo, Felix?"

Ngumisi ako sa kanilang dalawa at unti unti nang binubuo ang plano ko sa isip ko. "Edi magpapakilala sa mga magulang niya."

~ ~ ~ ~ ~ ~

Kinabukasan, araw ng Sabado, kasama ko sina Kid at Ken. Nasaan kami? Eto, sa harap ng bahay nila MJ.

"Pare, desidido ka na ba? Pwede ka pang umatras habang maaga pa." Ani Ken na mas kinakabahan pa ata sa'kin.

"'To talaga!" saway ni Kid sa kanya sabay batok ng isa, "Nandito na tayo, e! Saka, ba't ba parang mas takot ka pa kay Felix, ha? Ikaw ba ang magpapakilala?"

"E... parang pakiramdam ko kasi mas malala pa kay MJ 'yung mga magulang niya, e. Tingnan mo naman kasi, mas lalaki pa sa ating kumilos si MJ. Paano kung 'yung nanay niya, dating gangster? Ta's 'yung tatay naman niya, mafia boss! Baka hindi na tayo makalabas ng buhay dito pagkatapos!" ani Ken na hindi na makali sa kinatatayuan niya.

"Kung alam ko lang na ganyan ang mapapala mo sa pagbabasa ng mga gangster stories sa wattpad, di ko na sana sayo pinakilala ang site na 'yon." Naiiling kong sabi. "Tsaka, h-hindi naman siguro ganun ang mga magulang niya, 'no! S-Sana..."

Nagtinginan kaming tatlo at sabay sabay na humugot ng malalim na hininga bago pinindot ang doorbell ng gate niya. Sa oras na bumukas 'to, wala na talagang atrasan 'to.

Maya maya, may isang may kaidaran nang babae ang lumabas at nagbukas ng gate. Siguro ay nasa edad trenta pataas na siya. May maaliwalas at maamo siyang mukha kaya naman medyo nakahinga ako ng maluwag.

"Magandang umaga, anong sadya niyo mga bata?" tanong niya sa malumanay na tono.

Siniko ako ni Kid at Ken na nasa magkabilang gilid ko. "A-ah... Good morning ho," Bakit nauutal ako?! "K-Kaibigan po kami ni MJ—"

"Ah! Ganun ba? Naku, pasok kayo!" nakangiting sabi niya at nilakihan pa ang bukas ng gate nila.

"Parang ang bait. Kaano ano kaya siya ni MJ?" bulong ni Ken.

Pinatuloy niya kami hanggang makarating kami sa—sa tinigin ko ay receiving area nila. May pagka old style ang kabahayan dahil kahoy ang sahig nila at may ilan ding mukhang antique na gamit. Ang mga sofa, center table at ilan pang gamit ay kagaya ng mga nakikita ko sa palabas sa tv. 'Yung parang gamit pa noong panahon ng Espanyol? May chandelier din sila na sakto lang ang laki na nakadagdag pa sa pagka-classy ng disenyo ng salas. Basta ang masasabi ko lang, ang ganda ng bahay nila.

"Upo kayo mga hijo. Naku! Natutuwa naman ako't may dumalaw nang kaibigan ni MJ dito sa bahay!" nakangiti at kababatiran ng kasiyahang sabi ng... ano nga kaya siya ni MJ? "Ay! Ako nga pala ang Mama ni MJ. Naku! Pagpasensyahan niyo na't ganito ako, ah? Natutuwa lang kasi talaga ako!" aniya na hindi mabura ang ngiti. "Pa! Pa, may bisita tayo dito!" aniya na nakabaling sa kabilang panig ng kabahayan.

Maya maya'y may pumasok na may kaidaran na ring lalaki na sa tingin ko ay ang papa ni MJ.

"Papa! Kaibigan daw sila ni MJ! For the first time may kaibigan din siyang dumalaw dito sa atin!" nakangiting salubong ng Mama ni MJ.

"Ganun ba? Naku, ipaghanda mo sila ng miryende, Ma." Nakangiti ding sabi ng papa ni MJ na agad namang sinunod ng asawa niya.

"Pagpasensyahan niyo na ang asawa ko, ah? Sadyang natutuwa lang 'yon dahil ito ang pinakaunang beses na may nagpuntang kaibigan dito ang anak naming si MJ," nakangiting paliwanag niya saka umupo sa katapat na upuang kinauupuan namin. "Maaari ko bang malaman ang mga pangalan niyo at kung anong ipinunta niyo rito?"

Siniko ako ng dalawa na parehong kanina pa hindi umiimik. "A-Ah... ako po si Felix. Siya po si Ken," turo ko kay Ken na nasa kanan ko, "At siya naman po si Kid," turo ko naman kay Kid na nasa kaliwa ko.

"Ah, ako naman ang papa ni MJ. Tawagin niyo nalang akong Tito Jun. At ang asawa ko naman—"

"Tawagin niyo nalang akong Tita Jenny!" putol ng mama ni MJ na si T-Tita Jenny. Inilapag niya sa lamesa sa harapan namin ang dala niyang juice at mga sandwich. Matapos ay umupo siya sa tabi ng kanyang asawa at nakangiting humarap sa amin. "Ano nga palang pakay niyo at nagawi kayo dito sa amin? Wala si MJ, e. Lumabas at nagkipag-basketball sa mga ka-village namin." Aniya na ikinangiti ko. Sakto! Wala siya dito.

"Pare, ang babait ng mama at papa ni MJ. Anyare sa kanya?" bulong ni Ken.

"Shh! Baka marinig ka!" saway naman sa kanya ni Kid.

Tumikhim ako at pilit na kinalma ang sarili ko. Tumingin ako sa mga mata ng Papa ni MJ. Kinakabahan man pero, kailangan kong gawin 'to.

"Ang totoo po niyan, kayo po talaga ang pakay namin... lalo na po ako." Simula ko na bahagyang ikinakunot ng noo ng Papa ni MJ. Umupo ako ng tuwid at huminga ng malalim bago muling magpatuloy. "A-Ang totoo po niyan... baka po matapos kong sabihin ang pakay ko sa inyo, e baka po magalit kayo sa akin."

"Hanggat hindi masama ang pakay mo sa amin ay hindi ako magagalit sayo, hijo. Ituloy mo." aniya sa tonong seryoso. Maging si Tita Jenny ay natahimik at tila inaantay ang susunod kong sasabihin.

Muli akong huminga ng malalim at tumingin sa kanilang dalawa. Pakiramdam ko konti nalang ay iiwan na ako ng puso ko dahil ang lakas at ang bilis ng tibok nito. Para rin akong kinakapos ng hininga na hindi ko maintindihan kung bakit.

Kinakabahan ako pero para kay MJ ay gagawin ko 'to!

"A-Ang totoo po n'yan, T-Tito, T-Tita," nauutal na simula ko. "Magiging honest po ako sa inyo dahil ginagalang ko po kayo at gusto ko rin pong malaman ang lahat lahat." Shiz! Grabe na 'yung kabog ng dibdib ko!

"Ituloy mo, hijo. Ako ata ang kinakabahan dahil sa pangbibitin mo, e." Ani Tita Jenny.

"G-Gusto ko po ang anak niyo. At nandito po ako para ipagpaalam siya sa inyo. Na, kung pwede po, liigawan ko po siya."

Matapos kong sabihin 'yon ay nag antay na ako ng pagwawala o kaya naman ay pagkasa ng baril. Pero wala. Bagkus ay nakarinig lang ako ng pagbuntong hininga na para bang kanina pa nagpipigil ng paghinga.

"Susmaryosep. Akala ko naman kung ano na!" ani Tita Jenny na napahawak pa sa dibdib niya. "Kung makapambitin ka naman bata ka! Akala ko naman nakagawa ka na ng kasalanan!" aniya at natawa pa.

Tumingin naman ako sa Papa ni MJ na hanggang ngayon ay hindi pa kumikibo. "S-Sir...?"

"Hanga ako sa tapang mo, hijo. Akala ko ay hindi na uso ang panliligaw sa bahay ngayon lalo na sa mga kabataang tulad niyo. Pero pinatunayan mong iba ka at marunong kang rumespeto." Aniya at gumuhit ang isang ngiti sa kanyang labi.

Nakahinga kaming tatlo ng maluwag nang marinig ang sinabi ng papa ni MJ. "Akala ko ipapatapon na tayo palabas!" bulong ni Ken na ngayon ay napainom pa ng juice.

"Felix, hijo," pagtawag sa akin ni Tita Jenny, "Payag kami sa balak mong panliligaw sa anak namin. At gusto ko ring ipagpasalamat na nililigawan mo siya nang pormal at nagpakilala ka sa amin nang personal. Do'n palang ay nakuha mo na ang tiwala ko, hijo." Aniya at nakangiting bumaling sa kanyang asawa. "Kaya lang..."

"Kaya lang ano po?" tanong ko. Hindi naman siguro naka-arrange marriage si MJ sa ibang lalaki gaya nung sa mga kwentong nabasa ko, di ba? 'Wag naman sana!

Muli siyang bumaling sa akin at may bahid ng pag aalangan ang kanyang mga mata, "Hindi naman siguro lingid sa kaalam mo ang ugali ni MJ, hindi ba? Kahit kasi anong gawin naming pagsasabi ay hindi siya nakikinig sa amin ng Papa niya. Ibig kong sabihin, kilos lalaki siya, asal tambay, hindi marunong manamit ng kagaya ng karaniwang babae, bulakbol sa klase, mahilig uminom—mga bagay na kinaiba niya sa normal na teenager na babae. Kaya mo bang tagalan ang ganoong ugali niya? Ang pagiging asal... asal—"

"Kahit ano pa pong asal ang meron siya, gusto at tanggap ko po siya." Putol ko sa kung anumang gusto niyang sabihin. "I like her even with her flaws and her bad side. Lasenggera, boksingera, miski po pala mura siya. Lahat po 'yan nakita ko na. Gusto ko po siya kahit na hindi siya pala-ayos, gusto ko po siya kahit na hindi siya marunong magkilos babae o kahit pa po may bisyo siya. Gusto ko po siya at  handa po akong tumulong para mapatino siya." Pahayag ko sa kanilang dalawa.

Nagkatinginan silang mag asawa at sabay na bumuntong hininga. "Siguro nga totoo 'yung kasabihang, "Walang matigas na tinapay sa mainit na kape." Sana nga ay mapalambot mo ang pusong bakal ng anak ko, Felix. Ipinagkakatiwala ko siya sa'yo." Pahayag ni Tito Jun na talaga namang ikinalundag ng puso ko sa saya.

"Hijo, ikaw ang kauna unahang lalaking susubok pasukin at palambutin ang puso ng anak ko, sana naman ay hindi mo siya saktan nang sa ganun ay hindi namin pagsisihan ang desisyon naming 'to," nakangiting sabi ni Tita Jenny.

"Opo! Maaasahan niyo po ako! God! Salamat po talaga!" sabi ko at hinid na napigilang mapatayo at mapayakap sa kanilang dalawa.

"Pre, pinayagan ka palang manligaw. Di ka pa pinapayagang magpakasal kay MJ. Kung makayakap ka naman," sabi ni Ken na ikinatawa naman nina Tito at Tita. Agad akong lumayo at nakangiting humingi paumanhin. "Sorry po. Nadala lang ako sa sobrang saya."

"Basta Felix, daanin mo sa matinong panliligaw ang anak ko, ha? Ayokong malalamang kaya mo lang siya nililigawan ay dahil sa kalokohan. 'Wag mo din munang nanakawan ng halik ang anak ko. Hanggang pisngi ka lang muna!" paalala ng Papa ni MJ.

Doon ako natigilan at napatingin kina Kid na may ekspresyon ding tulad ng sa akin.

"Nako,"

"Patay tayo d'yan." Bulong nilang dalawa.

Muli akong tumingin sa Papa ni MJ na nasa harapan ko't nakatayo. Dumistansya ako ng konti para naman kung susuntukin niya ako ay makakailag pa ako dahil sa ipagtatapat ko.

"Uhm... dahil po d'yan sa sinabi niyong 'yan, may isa pa po akong gustong ipagtapat sa inyo." Napalunok ako nang makitang tila dumilim ang anyo ng Papa ni MJ. Diyos ko, kayo na pong bahala sa'kin matapos 'to! "At ano 'yon?" tanong niya sa mabagal at tila nagbabantang tono.

"K-Kasi po... Kasi po... Ilang linggo na po ang nakakaraan, h-hinalikan ko po si MJ... s-sa labi."

Siguiente capítulo