~KATANUNGAN~
"KAILAN PO BA tayo huling pumunta rito?" tanong ni Roy sa kanyang mga magulang habang kumakain sila ng hapunan.
"Halos isang taon din," sagot ng kanyang ina.
"Bakit, anak?" tanong ng kanyang ama.
"Para kasing kagagaling ko lang dito - at may kasama akong babae?" naguguluhang sagot niya.
"Imposible 'yan, anak. Kasi sabi mo sa 'min ng papa mo, ang babaeng dadalhin mo sa bahay na ito ay ang babaeng pakakasalan mo. At bago mo siya madala rito, ipapakilala mo muna siya sa 'min ng papa mo," pahayag ng kanyang ina.
Nakangiting tumango na lang si Roy. "Siguro nga po. Baka nalilito lang ako sa mga naaalala ko." At itinuloy niya na lang ang pagkain.
MALALIM PA RIN ang iniisip ni Roy. Nakatingin lang siya sa kisame habang nakahiga sa kama niya. Ayaw niyang matulog. Natatakot siyang muling mapanaginipan ang babaeng duguan. Pero 'di naman mawaglit sa isip niya ang dalagang iyon. Sinusubukan niyang maalala kung sino man ang babaeng iyon o kung kilala nga ba talaga niya at 'di lang gawa-gawa ng isip niya. Sinusubukan niyang pagtagpi-tagpiin ang mga nabubuong palaisipan sa utak niya at ang mga kapiranggot na alaalang bumabalik sa kanyang sa tuwing pipikit siya.
Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan niya. Walang mabuong kongkritong alaala sa kanyang isipan kundi mga hakahaka lamang na sa tingin niya ay isang malaking kalokohan. Naiisip niyang baka kasama niya sa aksidente ang babaeng iyon o nadamay sa aksidente at namatay. At ngayon, sinisingil siya nito. Pero sabi naman sa kanyang ng mga magulang niya ay wala namang nasawi sa aksidenteng kinasangkutan niya at naariglo na ang lahat.
Tumagilid ng pagkakahiga si Roy, posisyong nakasanayan niya upang makatulog siya. Nanlaki ang mga mata niya - tumambad sa kanya sa tabi niya ang babaeng duguan na kanina pang laman ng isipan niya. Nakatagilid itong nakaharap sa kanya - walang imik na nakatitig lang sa kanya. Pumikit si Roy at inisip na hindi totoo ang nakikita niya. Pero pagdilat niya, nandoon pa rin ang babae. Muli niyang ipinikit ang kanyang mga mata sa pag-aakalang guni-guni lamang talaga ito o isang masamang panaginip na lagi niyang nararanasan. Ngunit sa muling pagdilat niya, nandoon pa rin ito.
Unti-unting inaangat ng babae ang kamay nito at bigla siya nitong sinampal. Napatayo si Roy hawak ang nasaktang mukha at lumayo siya sa kama. Paglingon niya sa kinahihigaan, walang duguang babae siyang nakita. Nalilito siya kung totoo ba'ng nangyari iyon - kung may babae nga ba sa tabi niya kanina lang. Sa kabila ng duda niya, nararamdaman niya ang sakit ng pagkakasampal sa kanya.
Napaupo na lamang si Roy sa sahig sa sulok ng kuwarto. Napaiyak na lamang siya sa mga nararanasan niya. Palala na nang palala ang pagpapakita sa kanyang ng misteryosang dalaga. At mas dumarami ang katanungan na nabubuo sa kanyang isipan.
DOON NA NAKATULOG si Roy sa sahig, at umaga na pagdilat niya. Nang maghihilamos na sana siya pagpunta niya ng banyo, nakita niya sa salamin na may tuyong dugo sa mukha niya at bakas ang palad sa marka ng dugo. Mabilis niyang hinugasan ang kanyang mukha at agad siyang lumabas ng kuwarto.
"MAY PROBLEMA BA, anak?" tanong ng kanyang ina pagkatapos nilang mag-almusal.
"Wala po, ma," Matipid na sagot ni Roy.
"Nanaginip ka na naman ba?"
"Hindi po. Ayos lang po ako, ma."
Ngumiti ang kanyang ina at hinawakan nito ang kanyang kamay. "Mamaya magsi-swimming tayo. Mamangka tayo ng papa mo." Tumango siya at tipid na ngiti lamang ang naging tugon niya.
Pag-alis ng kanyang ina, kusa na lamang pumatak ang luha mula sa mga mata ni Roy at napatulala na lamang siya. Para siya ngayong nakakulong sa kadiliman. Nabablangko na lang utak niya sa dami ng mga katanungan niya - walang nararating ang iniisip niya.
PINILIT MAGING MASAYA ni Roy kasama ang pamilya niya. Namangka sila at in-enjoy ang paliligo sa malinis na dagat. Pero habang nagkakasiyahan sila may umagaw ng pansin ni Roy at napatigil siya, isang babaeng nakatanaw sa kanila na bigla na lamang nawala. Na noong una'y inakala niyang maliligo lamang sa dagat tulad nila. Nang sumisid si Roy, sa paglubog niya, nakita niya ang duguang babae sa kanyang panaginip na lumalangoy papalapit sa kanya. Agad siyang umahon at nabalot ng takot ang kanyang dibdib.
Hinanap niya ang babae at naghintay siya sa pag-ahon nito, ngunit wala siyang nakita. Hindi na lang talaga sa panaginip nagpapakita ang babae, at wala na itong pinipiling oras para gambalain siya. Pero ang mas inaalala niya, na baka gawa-gawa niya lamang ang nakikita niya - na baka nawawala na siya sa kanyang tamang pag-iisip, at siya mismo ang gumagawa ng halimaw para takutin ang sarili niya. Hindi imposible 'yon, naisip niya. Dahil dati siyang gumagamit ng bawal na gamot.
"Bakit, Roy?" tanong ng kanyang ama nang mapansin nito ang pagkabahala sa kanyang mukha.
"W-Wala po, pa," pilit na nakangiting sagot niya. Dahil sa nagkakasiyahan ang mga magulang niya at kanyang kapatid kaya naman hindi na niya sinabi pa ang tungkol sa kanyang nakita, at hindi rin naman siya sigurado kung totoo iyon o guni-guni niya lamang. Agad siyang umahon at nagpaalam na may kukunin lang sa bahay. Mistulan siyang wala sa sariling naglakad pabalik sa kanilang bahay.
Pagdating sa bahay agad pumunta si Roy sa shower room sa loob ng banyo at doon umiiyak siyang nagsisigaw. "Ano na ba'ng nangyayari sa 'kin?! Ba't kung ano-ano na ang nakikita ko?! Sino ka baaaa?! Ba't ayaw mo akong tigilaaaaan?! Ano ba'ng kasalanan ko sa 'yooooo?!" mga katanungang paulit-ulit niyang isinisigaw at halos iuntog na rin niya ang kanyang ulo sa pader. Nanginginig ang kanyang mga kamay na nakasabunot sa kanyang ulo - parang gusto na lamang niyang biyakin ang ulo niya. Napahagulhol na lamang siya.
Paglabas ni Roy ng shower room, narinig niya ang pagbukas ng shower. Dinig niya ang buhos ng tubig mula rito. Alam niyang hindi niya ito iniwang bukas, kaya naman bumilis na naman ang tibok ng puso niya sa kaba. Nanginginig niyang hinawi ang kurtina ngunit wala siyang nakita. Nanlaki ang kanyang mga mata ng mapatingin siya sa sahig - nagkalat doon ang mga pinagsamang dugo at putik. Napaatras siya. At nang mapatapat siya sa salamin, nakita niya ang kanyang sarili na balot ng putik at dugo ang buo niyang katawan. Naramdaman niya ang lapot at lamig ng dugo at putik sa kanyang katawan. Natigilan siya at nanlaki na lamang ang kanyang mga mata. Biglang nagbukas ang pinto ng banyo at napalingon siya rito.
"Anak, may problema ba?" tanong ng kanyang ama na nagbukas ng pinto.
Muli niyang tiningnan ang kanyang sarili sa salamin ngunit malinis na ang buo niyang katawan. "Wala po, pa," nanginginig niyang sagot na nakatitig lang sa kanyang sarili sa salamin.
MATAPOS NILANG MANANGHALIAN, habang nagpapahinga ang kanyang mga magulang at kapatid, nagpasya si Roy na maglakad-lakad muna. Sa kanyang paglalakad, may kung ano'ng puwersang humuhila kay Roy at dinadala siya nito sa kagubatan. Habang naglalakad, may narinig siya sa kanyang utak na putok ng baril. At pakiramdam niyang nanggaling na siya sa lugar na iyon.
Nagpatuloy sa paglalakad si Roy, hanggang sa may nakita siyang luma at abandunadong bahay na may dalawang palapag. Masukal ang lugar at malayong-malayo ito sa mga kabahayan. Nang mapagmasdan niya ang bahay, sumakit ng bahagya ang kanyang ulo at may mga pangyayari siyang naaalala. Sa kanyang alaala, may babae siyang hinahabol na pumasok sa lumang bahay na nasa kanyang harapan.
Bagama't kinakabahan, pumasok si Roy sa abandunadong bahay. Medyo madilim sa loob ng bahay dahil halos nasa gitna ito ng kagubatan. Nang makapasok na siya, biglang nagsara ang pinto at nayanig ang buong bahay sa lakas ng pagsara ng pinto. Ikinagulat niya iyon, ngunit hindi siya lumabas dahil pakiramdam niya naroon ang kasagutan sa mga katanungang bumabagabag sa kanya. Dahil nang makapasok siya sa bahay, naramdaman niyang nanggaling na siya roon kasama ang babae sa kanyang panaginip.
Nang may makita siyang kwarto ay pinuntahan niya iyon dahil may kung ano'ng tinig na tumatawag sa kanya. Naririnig niya ang pagtawag ng isang babae, ngunit hindi niya matukoy kung totoo ito o nasa isip niya lamang. At nang makapasok na siya sa kuwarto, nanlaki ang kanyang mga mata nang makita roon ang babae sa kanyang panaginip na tadtad ng tama ng bala at duguan ang buong katawan. Nakadapa ang babae, at tanging bra at panty lamang ang suot nito. At gumagapang ito papalapit sa kanya.
"Roy, akala ko 'di mo na ako babalikan?" nakangiting wika ng babae habang inaabot ang kamay kay Roy. Malamig ang tinig ng dalaga na nagpanginig sa buong katawan niya.
Napaatras siya. "S-sino ka?" takot na takot na tanong niya.
Nanlisik ang mga mata ng babae at tumayo ito mula sa pagkakadapa, at dahan-dahang naglakad papalapit sa kanya. "Ano'ng sinabi mo? Sino ako? Napakasama mo Roy! Pa'nong gano'n mo na lamang akong kinalimutan? Sabi mo mahal mo ako, 'di ba? Ang sabi mo, 'di ka mabubuhay nang wala ako. Sabi mo, ibibigay mo ang lahat sa 'kin. Sabi mo, pakakasalan mo ako!" galit na sumbat ng dalaga. Nang malapitan siya nito, hinihimas-himas nito ang kanyang mukha at katawan na may maalindog na kilos. At sa bawat himas ng duguang dalaga, napapahiran siya ng malansang dugo nito na may nakakasukang amoy.
Hindi makakilos si Roy. Ni 'di niya makuhang magsalita.
"Hindi mo ba ako na-miss? Halikan mo ako, Roy. Halikan mo ako ng mainit mong labi. Ipadama mo sa 'kin ang init ng iyong pagmamahal. Paliguan mo ako ng matamis mong halik, Roy. Balutin mo ako ng iyong pag-ibig..." Mapang-akit ang tinig ng dalaga. Nakatulala lang si Roy at 'di pa rin makakilos. Hinalikan siya nito, at naiwan sa labi niya ang dugo na mula sa labi nito. Ipinasok pa ng dalaga ang mahabang dila nito sa kanyang bibig, habang haplos nito ang kanyang katawan na ipinasok pa ang kamay sa kanyang damit habang haplos naman ng isa pang kamay nito ang kanyang mukha. "Masarap ba? 'Di ba, sabi mo noon, pinagpapantasyahan mo ang lasa ng labi ko?" malambing na wika nito. "Ba't ang tahimik mo? Natatakot ka ba sa 'kin, Roy?" may lambing pa rin sa tinig nito. "Nasaan na ang tapang mo! Siguro 'di mo na ako maalala dahil sa dami ng babae mo, 'no! O dahil sa aksidenteng nangyari sa 'yo?!" galit na sigaw ng dalaga.
Hindi pa rin makaimik si Roy. Gustuhin man niyang magsalita ay 'di niya magawa. Nanigas na siya sa sobrang takot. Gusto niyang isiping panaginip lamang ang lahat. Ngunit alam niyang hindi panaginip ang nangyayaring iyon, at sa unang pagkakataon ay naramdaman niya ang malamig na katawan ng duguang babae sa kanyang panaginip. Kinausap siya nito at tinawag ang kanyang pangalan. At nalasahan niya ang nakakasukang halik nito at naamoy ang nabubulok nitong katawan.
Sinakal si Roy ng dalaga - sakal na tila gusto na nitong ihiwalay ang ulo niya sa kanyang katawan. "Gusto mo ba'ng ipaalala ko sa 'yo kung sino ako, Roy?! At kung pa'no mo ako binaboy at pinataaaay?!" bakas ang matingding galit sa sigaw nito.
Lalong nanlaki ang mga mata ni Roy sa mga narinig. Habang pinoproseso niya sa kanyang utak ang sinabi ng dalaga, bigla na lamang siyang inihagis nito ng malakas at tumama ang ulo niya sa pader na bagama't kahoy ay matigas. At doon ay napasigaw na si Roy dahil sa sakit ng pagkakauntog ng ulo niya. Hilo siyang tumayo at tinangkang tumakas.
Agad namang lumapit ang babae sa kanya at muli siya nitong sinakal. "Naaalala mo na ba ako?! Sabihin mo kung sino ako! Sabihin mo ang pangalan kooo!"
Hindi siya sumagot dahil hindi pa rin niya maalala kung sino ba talaga ang babaeng iyon sa buhay niya. At nalilito pa rin siya kung totoo ba ang nangyayaring iyon sa kanya o masamang panaginip lang na lagi niyang nararanasan. At kung ano ang babaeng iyon na sinasaktan siya? At kung bakit sinasabi nitong binaboy niya ito at pinatay gayung 'di niya ito kilala?
"Aaaaaaahhh!" nakakakilabot na sigaw ng dalaga. "Hayop kaaa!" at muli siya nitong hinagis. Napatilapon si Roy sa labas ng kuwarto.
Habang nakadapa siya sa sahig at pinipilit bumangon, biglang malakas na sipa sa ulo ang nagpatihaya sa kanya. At madiin siyang tinapakan sa mukha ng duguang dalaga, at ipinasok pa ang maputik nitong mga daliri sa paa sa kanyang bibig. Matapos siyang apakan, pumatong ito sa kanya at niyakap siya nito na animo'y dinadama ang init ng kanyang katawan. At dinilaan pa ang kanyang leeg hanggang sa kanyang mukha. Ngumiti ang babae nang makita ang kanyang takot at muli siya nitong sinakal. Napagmasdan niya ang mukha ng dalaga. At habang pinipilit niyang alalahanin kung sino ito, bigla na lamang nitong iniuntog ang kanyang ulo sa sahig nang paulit-ulit.
"S-Sino ka ba? Halimaw ka!" sa wakas ay nagawang makapagsalita ni Roy.
"Halimaw?! Aaaaaaaaahhh!" galit na galit na sigaw ng dalaga. "Alalahanin mo ako! Alalahanin mo akooo!" at paulit-ulit nitong muling inuntog sa sahig ang ulo ni Roy na noo'y duguan na.
Tumayo ang babae at itinayo siya nito hawak ang kanyang leeg, at sinakal siya ng mahigpit. At muli ay napagmasdan niya ang mukha ng dalaga. At doo'y nasambit ni Roy ang pangalan nito.