webnovel

Dilim Ng Alaala (1)

~KABABALAGHAN~

"AAAHHH!" SIGAW NI Roy nang magising siya mula sa masamang panaginip. "Sino ba talaga ang babaeng 'yon?" tanong niya sa kanyang sarili nang mahimasmasan na siya.

Halos gabi-gabi pauilit-ulit siyang nananaginip ng masama mula nang masangkot siya sa isang car accident, tatlong buwan na ang nakakalipas. At sa kanyang panaginip, may babaeng duguan ang buong katawan na hinahabol siya at pinagbabantaang papatayin. Bakas ang galit ng dalaga sa kanya, ngunit hindi niya naman matandaan kung sino iyon at sigurado siyang hindi niya kilala kung sino man ang babaeng iyon na pinagtatangkaan siyang patayin. Pantaas at pang-ibabang underwear lang suot ng babae. Duguan ang buo nitong katawan at may mga tama ng bala. Nanlilisik ang mga mata nito at sadyang nakakatakot ang duguan nitong mukha.

Ang babae sa kanyang panaginip ang halos laman ng isip niya sa buong araw. Kaya naman kahit gising siya pakiramdam niya ay pinagmamasdan siya ng duguang dalaga at sinusundan siya nito kahit saan man siya magpunta. Minsan may mga nakikita na rin siya na di niya maipaliwanag. Tulad ng anino niyang nag-aanyong babae at may biglang dadaan na lang sa kanyang harapan. At minsan, sa tuwing mapapatingin siya sa salamin, makikita niya ang babae na nanlilisik ang mga matang nakatitig sa kanya. May pagkakataon rin na bigla na lamang siyang kakabahan at manlalamig ang buo niyang katawan na para bang may susugod sa kanya at gusto siyang saktan. Bagama't natatakot sa mga kababalaghang iyon, iniisip niyang guni-guni lamang ang mga iyon at nasa isip niya lamang. At ang babae sa kanyang panaginip, ay panaginip lamang na hindi dapat paniwalaan.

"ANAK, NANAGINIP KA na naman ba?" tanong ng kanyang ina nang mapansin nitong nakatulala na naman siya habang kumakain sila ng almusal.

"Opo, ma," sagot niya sa nag-aalalang ina.

"Roy, tama ang doctor mo. Dala lamang ng naranasan mong trauma at stress mula sa aksidente, kaya kung ano-ano ang nakikita mo. Marahil ay hindi ka pa tuluyang nakaka-recover mula sa aksidenteng 'yon, at sana 'wag mong pilitin ang sarili mo na alalahanin ang mga nangyari no'ng gabing iyon. O baka kailangan mo na sigurong makalanghap man lang ng sariwang hangin. Ano kaya kung ituloy na natin ang plano natin na magbakasyon sa Batangas? Tutal naman wala nang pasok itong kapatid mo," suwestyon ng kanyang ama.

"Oo nga, Kuya. Lagi ka na lang kasing nakakulong dito sa bahay. Paglabas mo naman, usok ng tambutso ng sasakyan ang malalanghap mo." sabat ng kanyang bunsong kapatid na si Ryan. Tumango lamang siya bilang pagpayag sa alok ng ama at kapatid.

"Bukas na bukas din, aalis tayo. Ibibilin ko na muna sa Tito Carlo ninyo ang negosyo," masayang anunsiyo ng kanyang ama.

Mayaman ang pamilya nina Roy. May mga negosyo sila na kilala sa buong bansa. Dalawa lamang silang magkapatid at siya ang panganay. Sa edad niyang twenty-nine, wala pa siyang asawa dahil masyado siyang babaero at wala pa siyang sineryosong babae sa dami ng kanyang naging karelasyon. At dahil sa sobra siyang mahal ng kanyang magulang, kaya naman sunod siya sa layaw at maging ang pambababae niya ay kinukonsente ng mga ito.

KINABUKASAN, HABANG NASA biyahe sila, labis na kaba ang nararamdaman ni Roy at pilit niya itong itinatago sa kanyang pamilya upang hindi na mag-alala pa ang mga ito. Pakiramdam niya papalapit na papalapit siya sa kinaroroonan ng duguang babae sa kanyang panaginip habang papalapit sila sa bahay nila sa Batangas. May babae rin na paulit-ulit niyang nakikita sa labas ng sasakyan habang binabagtas nila ang daan. At ang babaeng iyon ay ang dalagang kanyang kinatatakutan.

GABI NA NANG makarating sila sa kanilang bahay sa Batangas. Agad siyang nagpahinga sa kanyang kwarto. At habang nagpapahinga ay may mga pumapasok sa kanyang alaala na may dinala na siyang isang dalaga sa kuwartong iyon at nagkaroon sila ng pagtatalo. Ngunit hindi niya matandaan kung ano ang pinagtatalunan nila. Nabuo sa isip niya na ang dalagang iyon at ang babae sa kanyang panaginip ay iisa. Biglang sumakit ang ulo niya at pinagpawisan siya ng husto nang pilit niyang inaalala ang lahat.

"Aaaaaaggg..." biglang may naramdaman si Roy na sumakal sa kanyang leeg nang patayo na siya ng kama at nahirapan siya sa paghinga. Nararamdaman niya rin na may kukong bumabaon sa kanyang leeg. Napaluha siya sa sakit at takot na nararamdaman. Naririnig niya ang nakakahilakbot na paghinga ng taong sumasakal sa kanya o kung ano'ng nilalang man iyon, ngunit wala naman siyang makita.

"Kuya?!" gulat na sigaw ni Ryan nang maabutan siya nitong sakal ang kanyang sarili pagpasok nito sa kanyang kuwarto. Agad siya nitong nilapitan at inawat sa kanyang ginagawa. "Ano ba'ng ginagawa mo, kuya?" pagtataka ng kanyang kapatid.

"W-Wala," sagot niya na naguguluhan din sa kung ano'ng nangyari. Tumayo siya at tinalikuran ang kanyang kapatid para lumabas ng kuwarto.

"Roy..." narinig niyang mahinang pagtawag ng isang babae. Para itong bulong sa hangin na nagtayuan kanyang mga balahibo.

Dahan-dahan niyang nilingon ang boses na nagmula sa kanyang likuran at tumambad sa kanya ang babaeng duguan. Nanlaki ang mga mata niya at lalo siyang nangilabot sa takot. Nanginig ang buo niyang katawan. At napaatras siya nang makitang papalapit ito sa kanya.

"Kuya, okay ka lang? Ano ba'ng nangyayari sa 'yo?" boses ng kanyang kapatid ang lumabas na tinig mula sa babaeng duguan sa kanyang harapan. Natauhan siya sa boses na iyon at ang kapatid na niya ang kanyang nakita. "Ayos ka lang? Kakain na raw sabi ni mama." Tumango na lamang siya sa sinabi ni Ryan, at pinilit ipakita sa kanyang kapatid na ayos lang siya.

"Napagod lang siguro ako sa biyahe?" palusot ni Roy. Napailing na lang ang kanyang kapatid. Alam nitong nagsisinungaling siya.

Siguiente capítulo