webnovel

IKA-PITONG KUWARTO 3

~SI ELSA~

SA IKAANIM NA araw sa paupahan ni Evelyn, hindi na siya nagdalawang isip pa na pumunta na sa may ari ng paupahan upang isumbong ang mag-asawang laging nagsisigawan sa madaling-araw dahil sa nakakaistorbo na ito sa kanya at naaapektuhan na rin nito ang buhay niya – natatakot na siya sa mga nararanasan niya. Habang nila-lock niya ang pinto bago pumunta sa bahay ng land lady, tulad ng mga nakaraang araw ay muli niyang nakitang nakatayo ang babaeng buntis sa harap ng ika-pitong kuwarto at nakatitig ito sa kanya. At muli ay binale-wala niya ito ngunit laking gulat niya ng bigla itong magsalita.

"Hanapin mo ang asawa ko..." usal ng babae. Sa unang pagkakataon ay kinausap siya ng babae. Nanlamig siya at nanginig. Ngunit hindi niya ito pinansin at tinalikuran na lamang ito.

"Adik! Baliw ba siya? Ba't niya ipapahanap sa 'kin ang asawa niya? Pa'no kung ako naman ang saktan no'n? May sira siguro sa tuktok ang babaeng 'yon?!" nakakunot-noo at inis na sambit niya habang naglalakad patungo sa bahay ng may ari ng paupahan. "Nakakakilabot naman ang boses niya," dagdag pa niya nang nagtayuan ang kanyang mga balahibo.

"A-ANO PO? WALANG umuupa sa ika-pitong kuwarto?" gulat na gulat na tanong ni Evelyn nang sabihin ng land lady na walang umuupa sa kuwartong inirereklamo niya, kung saan niya naririnig ang sigawan ng mag-asawa – at kung saan niya nakikita na pumapasok ang babaeng buntis. "P-Pero may nakikita po akong babaeng buntis na pumapasok sa kuwartong 'yon?" pagpupumilit niya.

"Ano kamo, hija? Babaeng buntis?" gulat na tanong ng matandang may ari ng paupahan.

"Opo. 'Yong lalaki po 'di ko pa nakikita. Pero gabi-gabi, ay hindi, sa madaling-araw, mga ala-una, nagigising ako dahil sa sigawan nila. Pinagbabantaan ng lalaki ang babae na papatayin niya. Paulit-ulit pa nga ang laman ng sigawan na naririnig ko sa kanila," naguguluhang sagot niya.

"D-Diyos ko!" takot na sambit ng matanda. Saglit na iniwan siya ng matanda, at sa pagbalik nito may dala na itong litrato at ipinakita sa kanya. "Ito ba ang buntis na sinasabi mo?" tanong nito at itinuro ang babaeng buntis sa litrato.

"O-Opo, siya po 'yan."

"Sigurado ka ba?"

"S-Sigurado po ako."

"Diyos ko, hija, mag-iisang taon nang patay ang babaeng sinasabi mo." hindi makapaniwalang wika nito.

"Ho? Nagbibiro po ba kayo? Nakikita ko po siya, buhay na buhay. At isa pa naririnig ko po ang pag-aaway nila ng asawa niya sa madaling-araw."

"Hindi kaya kaluluwa na lamang ang nakikita mo? Dahil sigurado ako na patay na si Elsa, iyon ang pangalan niya."

"P-Pero -" sandali siyang natigil bago muling nakapagsalita. Nanlaki ang mga mata niya at hindi makapaniwala sa natuklasan. Nanginig ang buo niyang katawan tindi ng kaba at takot. "Ano po ang ikinamatay niya?" tanong niya bagama't hindi pa rin lubusang naniniwala sa sinabi ng land lady.

"Bugbog – tadtad ng saksak. Iyon ang ikinamatay niya. Pinatay siya ng kanyang kinakasama," nahahabag na sagot ng matanda.

Gulong-gulo parin ang isip ni Evelyn. Hindi niya alam ang sasabihin. Gumugulo sa isip niya kung maniniwala ba siya o hindi? Kung posible ba'ng mangyari ang lahat na iyon? Guni-guni lang ba? Namamalik-mata lang ba siya? Pero bakit kamukha ng nasa litrato ang babaeng buntis na nakikita niya? "Puwede n'yo po ba'ng ikuwento sa 'kin ang lahat ng alam niyo tungkol kay Elsa?" pakiusap niya.

"Ayon sa mga naririnig ko, isang dating adik ang kanyang kinakasama. Ngunit ng makilala siya ay nagbago ito. Lalo na nang mabuntis si Elsa. Ngunit isang araw ay bigla na lamang bumalik sa bisyo ang lalaki. At gabi-gabi, lasing itong umuuwi. Minsan pa, lulong daw sa droga. At gabi-gabi, sinasaktan si Elsa at pinagbabantaang papatayin. Wala kaming magawa dahil takot kami sa lalaking iyon. Gustuhin man naming isumbong sa pulis ang gagong 'yon, si Elsa mismo ang pumipigil sa 'min dahil mahal na mahal niya ang kanyang asawa," kuwento nito.

"Dahil po ba sa pagdududa ng asawa niya kaya siya sinasaktan? Kaya siya pinatay?"

"Tama ka. Narinig mo ba 'yan sa pagtatalo nila?"

Tumango lamang si Evelyn.

"Ayon sa mga naririnig namin, isang araw ay nahuli si Elsa ng ka-live-in niya sa isang mall na may kayakap na lalaki. Pero sabi ni Elsa, pinsan niya lamang 'yon na matagal niya rin na hindi nakita. Pero do'n na nagsimula ang pananakit ng lalaking 'yon kay Elsa. Sinasabi rin ng lalaki na hindi niya anak ang dinadala ni Elsa. Kahit anong paliwanag ni Elsa ay hindi siya pinaniniwalaan ng kanyang kinakasama. Isang gabi, nagkaroon sila ng matinding pag-aaway. Gustong-gusto na naming mangialam no'n, ngunit natakot din kami. At kinabukasan, natagpuan na lang namin na patay na si Elsa. Naliligo ito sa sarili niyang dugo. Sising-sisi kami sa mga nangyari. Kung tumawag na sana kami ng tulong sa pulis ay buhay pa ang kawawang si Elsa, at ang kanyang magiging anak... At mula no'n hindi ko na pinaupahan pa ang ika-pitong kuwarto... Napakabait at napakalambing na bata ni Elsa. Hindi niya dapat dinanas ang bagay na 'yon..." luhaang salaysay ng matanda.

"Bago po ako umalis papunta rito, nakita ko po siya, si Elsa. At may sinabi po siya sa 'kin. Hanapin ko raw po ang asawa niya. Nakakulong na po ba ang asawa niya?"

"Matapos ang krimeng 'yon, hindi na nagpakita pa ang Robert na 'yon. Sigurado akong nagtatago na ang gagong 'yon. Wanted na 'yon at pinaghahanap ng mga pulis. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nahahanap ang lalaking 'yon. Minsan dumadaan ako sa presinto upang makibalita kung nadakip na ang walang-pusong Robert na 'yon, pero hindi pa rin. Marahil ay hindi matahimik ang kawawang si Elsa dahil hindi pa napaparusahan ang taong pumatay sa kanya. Kaya siguro siya nagpaparamdam at nagpapakita," gulat na tinuran ng matanda. "Ang pinagtataka ko, ngunit bakit sa 'yo, na walang alam sa mga nangyari?"

Kinabahan si Evelyn nang marinig ang pangalan na binanggit ng land lady na pangalan ng lalaking pumatay kay Elsa na nagpapakita sa kanya. "Robert? Robert ang pangalan ng lalaking pumatay kay Elsa?" kinakabahang tanong niya.

"Oo. Bakit, hija?" pagtataka ng land lady.

"May picture po ba kayo ng lalaking tinutukoy n'yo?"

"Ito siya hija." Itinuro ng matanda ang lalaking nakasombrero sa gilid ng litratong hawak niya, at tsaka niya lang napansin ang pamilyar na mukha ng lalaking nasa litrato.

"Diyos ko, si Kuya Robert? Siya ang Robert na pumatay kay Elsa? Hindi ako puwedeng magkamali. S-siya nga ito..." laking gulat niya ng mamukhaan ang lalaki.

"Kapatid mo si Robert?" gulat namang tanong ng matanda.

"Hindi po. Asawa po siya ng Ate ko. Kakakasal lang po nila noong isang buwan. Hindi pa namin lubos na kilala si Kuya Robert, pero mahal na mahal siya ng kapatid ko kaya wala na kaming nagawa. At nakita naman namin na mabait siya at mahal na mahal niya rin si Ate, kaya pumayag na kaming makasal sila," sagot niya. "May iba pa po ba kayong picture ni Robert? 'Yong di po nakasombrero, para talagang makasiguro ako," hiling niya sa land lady. Dahil kung isang Robert nga lang ang tinutukoy nila, maaring malagay rin sa panganib ang buhay ng kanyang kapatid. Kumuha ng iba pang litrato ang matanda at inabot inabot sa kanya. "S-Siya nga... Siya nga talaga!" pagkumpirma niya nang makita ang iba pang larawan ng lalaking pumatay kay Elsa na nagngangalang Robert, na siya rin na Robert na kilala niya na asawa ng kanyang kapatid sa probinsiya.

"Hija, kailangan nating mapahuli ang lalaking 'yan. Mamamatay tao 'yan. Baka kung ano pa ang magawa niyan sa kapatid mo? Baka kaya sa 'yo siya nagpapakita, dahil alam mo ang kinaroroonan ng kriminal na 'yon at alam niyang matutulungan mo siyang mabigyan ng hustisya ang kanyang pagkamatay at ng anak niya."

At doon napagtanto ni Evelyn kung bakit niya naririnig ang sigawan sa madaling-araw. At kung bakit nagpapakita at naririnig niyang humuhingi ng tulong ang babaeng buntis. At kung bakit sinabi nitong hanapin ang kanyang asawa. Isang babala pala ito upang iligtas ang kanyang kapatid sa kamay ng mamamatay taong si Robert at mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Elsa at ng anak nito sa sinapupunan.

Siguiente capítulo