Ten years ago…
"Discipline is one of the most important ingredients to have a successful career. Lagi mong tatandaan iyon, Apple." Mahigpit na bilin ng kanyang ama. Kahit pagod na siya ay determinado pa rin siyang tumango dito. Mahirap ng malintikan. Kapag napapansin ng ama na lumulutang ang utak niya sa pagaaral o ensayo, nasasabon siya ng todo.
Nang makuntento ito ay pinagbisikleta pa siya nito ng isang ikot sa athletic bowl. Hinahanda na siya nito para sa pagsakay ng motorsiklo. Nasasabik na siyang makasakay ng totoong motor! Pangarap niyang maging katulad ng ina, isang sikat na motocross racer noong kapanahunan nito.
Iyon na marahil ang ikinatutuwa sa kanya ng ama—ang marinig ang pangarap na iyon. Dahil doon ay puspusan ang kanyang ensayo. Bisikleta muna para daw matuto siya sa balancing. Susunod doon ay scooter hanggang sa masanay at tuluyang pahahawakin ng 'real thing!'
Lalo siyang naging determinado sa naisip. Elementary pa lang siya, pinagbibisikleta na siya nito. Kinse anyos na siya at balak nitong bumalik sila sa Pennsylvania pagsapit niya ng labing anim. Taal na taga-Newston ang kanyang ina. Pinoy ang kanyang ama at purong American ang kanyang ina. Karamihan ng physical features niya ay namana niya sa ina. Blonde at tisay siya. Ang height naman niya ay namana niya sa ama kaya may katangtakaran siya higit sa mga kaedad niya.
Nagkakilala ang dalawa dahil sa motocrossing. Namatay ang kanyang ina apat na taon ng nakararaan kaya umuwi sila. Maraming naging utang ang kanyang mga magulang dahil sa pagkakaaksidente ng ina sa motorsiklo kaya minabuti muna nilang mamirmihan sa Pilipinas para makapagipon. Hanggang ngayon ay binabayaran pa nila iyon. Sa ngayon, pinamamahalaan ng kanyang ama ang gasolinahan na naiwan ng kanyang mga lolo't lola sa San Bernardino. Pagkatapos ng ensayo nila ay pupunta ito doon para tingnan iyon at siya naman ay papasok sa eskwela ng… nakabisikleta.
Para daw masanay siya. Palibhasa, hindi ganoon kadelikado ang daan patungong San Bernardino Academy. Sa labas lamang ng subdivision ang kanyang eskwelahan. Ilang minuto lang ay nandoon na siya. Paghahanda na daw niya iyon para sa AMA District 6 Motocross Men's B Championship na maaaring sumali ang mga kasing edad niya. Iyon ang napili ng kanyang ama dahil malaki ang premyo doon. Siya naman ay payag dahil nauunawaan niyang malaking tulong iyon para mabayaran ang mga utang nila.
Nakakapagbayad naman sila sa ngayon dahil na rin sa sahod ng kanyang ama. Pero kung may maitutulong siya, bakit naman hindi? Naaawa na rin siya sa kanyang ama na magisa siyang tinataguyod. Kaya lahat ng pinagagawa nito ay sinusunod niya.
"Okay, that's enough. Tomorrow morning, we'll be here again, okay?" awat ng kanyang ama.
"Yes, dad," aniya saka ngumiti dito.
Ngumiti rin ito ngunit hindi iyon umabot sa mga mata nito. Nauunawaan niya. Nalulungkot pa rin ito sa pagkawala ng kanyang ina. Sa aspetong iyon, hanga siya rito. Ni minsan ay hindi na ito nagtangka pang maghanap ng ipapalit sa mommy niya. Nanatiling dedikado ito sa pagpapalaki sa kanya.
Umuwi na sila. Alas sais na ng umaga kaya nagluto na rin ng agahan ang kanyang ama pagdating nila. Siya naman ay naligo at nagayos na ng sarili. Ilang sandali pa ay bumaba na siya at sabay silang nagagahang mag-ama. Nang matapos ay sabay na sila nitong lumabas.
Pagdating sa eskwelahan, agad niyang ipinarada ang bisikleta malapit sa guard house. Wala namang kaso iyon. Pinapayagan naman ang bisikleta bilang service ng mga estudyante.
Nang masiguro ang lahat ay inayos na niya ang sarili. Doon niya nakita si Castiel! Ang kanyang crush! Papadating na ito kasama ang grupo nito. Kaklase niya ang lalaki sa loob ng tatlong taon. At sa loob ng mga panahong iyon, hindi siya nito napapansin.
Paano'y pinuputakti ito ng mga girls! Napasimangot siya sa naisip. Hindi naman niya masisisi ang mga kapwa kababaihan dahil si Castiel Nicolas ay sikat sa eskwelahan. Varsity ito ng basketball.
Mapa-tres o fade-away shot ay kaya nito. Bukod doon, matalino, guwapo at charming. Nandito na ang lahat!
At siya ay isang lihim na tagahanga lamang. Sa tuwing dadaan ito, nagkakasya na lamang siyang kiligin at nagpapantasya ng lihim. Pambihira. Puro lihim ang lahat dahil kapag nalaman ng kanyang ama iyon, siguradong masasabon siya forever!
Kilig na nayakap na lamang ni Apple ang bag ng dumaan si Castiel sa kanyang harapan. Nang lumampas ito, napapikit siya. Napangiti siya ng maamoy ang mabangong amoy ng lalaki. Isa iyon sa mga nagustuhan niya rito. Mabango ito at tila hindi pinagpapawisan. Laging kay linis-linis nito.
Napabuntong hininga na lamang siya at nagtungo sa silid. Pagdating doon, muli siyang napangiti. Paano, katabi niya si Castiel! Nagbase ang guro nila sa height nila para sa sitting arrangement at kasama niya si Castiel sa likurang hanay. Pareho kasi sila nitong mataas higit sa mga kamagaral.
"E-excuse me," aniya dahil nakaharang ang mga kaibigan ni Castiel. Dahil wala pa ang kanilang guro, nasa hanay pa nila ang mga ito para makipagkwentuhan.
"Padaanin ninyo si Apple." Nakangiting saad ni Castiel. At sa kanya ito nakatingin! Parang lumiwanag ang mundo niya sa ngiti nito. Pati ang puso niya, natuwa! Pumitlag iyon sa simpleng ngiti nito. "Pasensya ka na, ha. Nakikipagkwentuhan lang sila tungkol sa nanalo kagabi sa NBA,"
OMG! Bakit siya nage-explain sa akin? Kinikilig ako! 'Wag ganoon! Napatikhim siya at kiming ngumiti na lang. Super willing siyang igawad ang kanyang pangunawa. Naks! "Okay lang." simpleng sagot niya saka naupo na sa tabi nito. Ah, ligaya sa kanya ang sandaling iyon.
Si Castiel ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng kulay ang kanyang mundo. Gayunman, nanatiling lihim iyon. Siguradong ikakagalit ng kanyang ama kapag natuklasan nito na bukod sa kanyang pangarap, mayroon pang ibang laman ang kanyang isip. Kaya pinagsisikapan niyang huwag mapansin ng kanyang ama iyon.
"Okay ka lang? Kanina ka pa buntong-hininga ng buntong-hininga," untag ni Castiel.
Napamaang siya! Kinakausap niya ako! Diyos ko… anong sasabihin ko?! Tarantang hiyaw ng isip ni Apple. Nakakalito! Ngayon lang nito inalam ang tungkol sa kanyang buntong hininga, nalakasan yata. Napangiwi siya sa naisip.
"Wala. Tungkol lang sa assignment natin ang iniisip ko," alanganing sagot niya. Halos manginig na! Paano'y kahit magkatabi sila nito ay hindi naman ito nakikipagkwentuhan sa kanya. Nagtatanong naman ito pero madalas ay tungkol lamang sa mga aralin nila at hindi iyon matagal.
Napatango ito. Siya naman ay windang na windang pa rin ang sistema! Kinalma niya ang sarili.
"Mahirap nga ang assignment natin sa Math. Maski ako nahirapan," sagot nito.
Lalo siyang nataranta! This is it! Nakikipagusap na siya sa akin ng diretso! OMG. OMG. Mamatay na yata ako sa kilig!
Tumikhim siya. Nalilito pa rin hanggang sa napabuga na lamang siya ng hangin. Kinalma niya ang sarili para hindi naman magmukhang atat sa pakikipagusap kay Castiel. Kimi siyang ngumiti dito. "Tama ka kaya ire-review ko 'yung ginawa ko mamaya,"
Tumango ito. "Sige, sama ako,"
Waging-wagi! Gusto niyang mapahalakhak sa tuwa pero nagpakapigil siya. Itinuon na lamang niya ang sarili sa klase hanggang sumapit ang recess. Magalang itong tumanggi sa mga kaibigan dahil… sumama sa kanya!
"Nakakahiya naman sa mga kaibigan mo…" nahihiyang komento niya pero sa loob-loob niya, namimilipit sa tuwa ang puso niya. Ang bilis-bilis na ng tibok noon!
Ngumiti si Castiel at natunaw ang puso niya. Ang pogi naman ng ngiti nito! Lumabas ang dalawang biloy nito sa pisngi at lumitaw ang mapuputi nitong ngipin. Sa tingin niya, bukod sa mga mata nitong mapupungay, asset din nito ang killer smile na iyon. Kaya maraming nagkakandarapang magpapansin dito.
"Okay lang 'yun. Pagkatapos nating kumain, saka natin i-check 'yung assignment natin, ha," suhestyon ni Castiel.
Nanginig siya sa kilig! Halos mangisay na ang puso niya dahil sa ideyang magtatagal silang magkasama nito pero hindi niya pinahalata. Napatikhim siya para kalmahin ang lalamunang nanginginig na rin sa kilig.
"Sige…" aniya saka kumain na sila.
Ilang sandali pa ay nagsalo na sila nito at halos hindi siya makakain! Nadi-dyahe siya! Baka ma-turn off ito sa subo niya o ano. Gusto na niyang sabunutan ang sarili! Anu-ano ang naiisip niya dahil sa sobrang pagkalito ng sistema niya.
Panay ang kwento nito tungkol sa aralin nila at doon niya natuklasan kung bakit gustong-gusto itong kasama ng mga kaibigan: masarap itong kausap at may sense. Hindi ito puro hangin lamang at marunong makinig sa sinasabi ng iba.
"Ikaw? Mahilig ka bang maglaro ng basketball?" tanong nito kapagdaka.
Umiling siya. "Motor ang hilig ko," pigil hiningang sagot niya rito.
Nanlaki ang mga mata nito. "Talaga? Marunong ka?"
Napangiwi siya at para ganap na maunawaan nito ang lahat, hiyang-hiya man, sinabi niya rito ang plano nila ng ama. Maging ang dahilan kung bakit siya nagbibisikleta ay sinabi niya rito.
Nagawa niyang sabihin ang mga bagay na tanging ang ama lamang niya ang nakalaam hanggang sa napakagat labi siya. "Alam ko, nakakatawa ang pinapangarap ko—"
"Ano ka ba? Hindi nakakatawa 'yun! Ang galing nga ng gusto mo! Nakakabilib!"
Napamaang siya rito hanggang sa pinamulahan ng mukha. Pinupuri siya ng crush niya! Halleluiah! Baka hindi siya makatulog sa sobrang kilig noon!
"Kapag sumikat ka, ipagmamalaki kong naging kaklase, kaibigan at katabi kita." Pangako nito.
Napamaang siya rito. "Hala… Ngayon mo lang ako kinausap, parang sobrang close na tayo kung ipagmalaki mo…" nahihiwagaang saad niya. Sa kabilang banda, nakakatuwa na marinig iyon dito na ganoon na lamang siya nito ipagmalaki. Hindi pa man din, ang taas na ng tingin nito sa kanya.
Bahagyang namula ito. Napakamot ito ng ulo. Astang nahihiya. "Nahihiya kasi akong kausapin ka. Akala ko noong una, hindi ka marunong magtagalog. Alam mo na? Mukha kasing foreigner. Tapos, lagi kang pormal at tahimik. Akala ko suplada ka pero mabait ka naman pala. Astig pa!"
Napabungisngis na siyang tuluyan. Ngayon niya ganap na naunawaan kung bakit hindi ito nagtatagal na kausapin siya o nakikipagkwentuhan at natutuwa siya. Ngayon alam na nitong mabait siya, siguradong maguusap na sila nito sa loob ng klase.
At kikiligin siya always! Napangiti na lamang siya sa naisip.
"Tama ang ginawa natin!" natutuwang untag ni Apple kay Castiel saka sila nito nag-high five. Dalawa lamang silang nakakuha ng tamang sagot sa assignment nila at kapwa sila pinuri ng guro. Magmula ng maging malapit sila ni Castiel ay naging ganoon na sila nito. Nagtutulungan sila sa mga assignments at projects. Dumalang na rin itong kasama ang mga kaibigan at siya na ang madalas na kasama nito. Kung wala rin lang practice ang mga ito, hindi na rin ito sumasama sa mga ka-team.
Tinutudyo tuloy sila sa silid! Syempre, pinamumulahan na lamang siya ng mukha at lihim na nagdiriwang ang puso. Sinong hindi matutuwa kapag kay Castiel itinutudyo? Aba, lahat yata ng babae ay kikiligin! At mapalad siya dahil sa lahat ng babaeng nagkakagusto dito, siya lang ang 'trending' kumbaga.
Sa canteen at classroom, binibiro sila. Kapag nagsabay silang pumasok o lumabas sa silid, tinutudyo sila. Natural! Tuwang-tuwa siya. Pero hindi nga lang niya maipakita ng harapan at ayaw din naman niyang masabihang garapal.
Napangiwi siya sa naisip.
Nagklase na sila. Ganado siya ng araw na iyon dahil pawang papuri ang natamo niya sa ama. Natuwa ito sa mga marka niya sa eskwela. Malaki ang partisipasyon ni Castiel doon dahil laging ito ang kasama niya sa pagaaral at inspirasyon. Itinuon niya ang sarili sa klase sa loob ng maghapon. Pagsapit ng uwian magana siyang nagayos ng gamit. Nagsabay na sila ni Castiel palabas. Tila may pakpak ang kanyang mga paa na nagtungo kung saan niya ipinarada ang bisikleta.
At napanganga na lamang siya ng makitang flat na iyon! Agad niya iyong nilapitan upang siguraduhin. Namasa ang mga mata niya. May nakabaong pako doon! Kinukumpuni kasi ang gurad house at mukhang doon siya nakasagasa ng pako. Hindi na niya napansin iyon kanina dahil nagmamadali na siyang makapasok.
"Ano'ng nangyari?" untag ni Castiel at binusisi ang bike. Napailing ito. "Ipa-vulcanize na natin ito. Mayroon naman sa labasan. Tara? Sasamahan kita," anito. Ito na rin ang tumulak noon palabas ng eskwelahan. Sumunod na lamang siya rito. "O, huwag ka ng malungkot. Madadaan naman sa vulcanize iyon." pampalubag loob na saad nito.
Napatango siya. Gayunman, may agam-agam pa rin sa puso niya. "B-baka mapagalitan ako ng daddy ko," amin niya rito. Napabuntong hininga siya. May ugali kasi ang daddy niyang mabilis magalit. Ayaw pa naman niyang nagagalit ang kanyang ama sa kanya. Hindi kasi magaan sa dibdib niya ang ganoon.
Napasinghap na lamang siya ng maramdaman ang palad ni Castiel sa balikat niya saka marahang pinisil iyon. Agad na dumaloy ang mabining kuryente sa katawan niya. Napalunok siya ng makatitigan ito. "Hindi mo naman ito sinasadya. Siguro naman, hindi niya ikagagalit na ginawan mo ng paraan iyon, hindi ba?"
Napatango na siya. Napaigtad na lamang siya ng haplusin nito ang noo niya. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya sa ginawa nito. "P-Para saan iyon?" takang tanong niya. Nawiwindang na naman ang sistema niya sa moves nito.
Ngumiti ito. "Hindi bagay na lukot iyang noo mo, mas bagay na nakangiti ka."
Napalabi siya pero sa loob-loob niya, tuwang-tuwa siya! Kinikilig siya ng super secret! Gusto niyang matawa sa sarili. May nalalaman pa siyang ganoon. Pero aaminin niya, kahit simpleng gawi ni Castiel ay kakaibang ligaya na ang hatid sa kanya.
Pagdating nila sa vulcanizing shop ay ito na mismo ang nakipagusap. Siya naman ay matyagang naghintay hanggang sa naging maayos iyon. Napamaang na lamang siya ng si Castiel pa ang nagbayad! Bigla tuloy siyang nahiya sa kanyang ultimate crush!
"Ihahatid na kita," anito saka naupo sa bike.
Nagkadailing siya. "Nakakahiya! Ikaw na nga ang nagbayad, ihahatid mo pa ako? Mabigat ako. Baka hindi mo ako kayang iangkas. Isa pa, b-baka makita ng daddy ko…" nahihiyang amin niya rito.
"Ganoon ba?" anito saka malungkot na tumango. Bigla siyang na-guilty! Hindi siya sanay na makitang nalulungkot si Castiel. Hindi siya mapakali. Pakiramdam niya, ang sama-sama tuloy niya.
"Ah, C-Castiel… pasensya ka na talaga, ha. P-Pero, pwede naman sigurong iangkas mo ako hanggang labasan ng subdivision." Pigil hiningang saad niya. Aaminin niya, gusto pa niya itong makasama at lihim siyang nanalangin na sana ay mapahinuhod niya ito.
Umiling ito pero ngumiti na sa pagkakataong iyon. Umalis na ito sa bisikleta at inalalayan siya nitong sumakay. Bumilis ang tibok ng puso niya sa pagkakadaiti ng mga balat nila. Nabilib siya sa paraan nito. Maingat iyon at puno ng paggalang. Kinikilig tuloy siya! "Ayoko namang mapagalitan ka ng dahil sa akin. Ganito na lang, gusto din kasi talaga kitang ihatid pero maglalakad na lang ako at sasabayan kita," nakakaunawaang saad nito na siyang nakapagpatunaw ng kanyang puso.
Lalo niyang hinangaan ang lalaki sa reasoning nito. Hindi na niya ito nakitaan ng lungkot o yamot. Naging maunawain ito sa kalagayan niya.
Napangiti siya rito ng matamis. "Salamat, ha," aniya saka tuluyang sumakay sa bisikleta.
Tumango ito saka ngumiti na. Ilang sandali pa ay pumidal na siya. Mabagal lamang iyon para makasabay ito sa kanya. Habang nasa daan ay panay ang kwentuhan nila nito at lihim siyang napangiti. Ang bait talaga ng crush niya. Lalo niya pa itong naging crush! Napabungisngis siya sa naisip dahil siguradong hindi na naman siya matitigil kakapangarap kay Castiel sa kanyang silid.
Kilig na napangiti na lang siya sa naisip.