"SA palagay mo ba hindi na sila galit sa akin ngayon?" tanong ni Aurora habang mabilis ang hakbang patungo sa multi-purpose hall kung sila mag-eensayo ng dula.
"Oo naman. Dadalhan mo ba naman sila ng nilupak na saging na may langka ni Manay Soling. Mag-e-evaporate ang galit nila kapag natikman ito," anang binata na bitbit ang basket ng nilupak.
Buong umaga silang nagluto ng nilupak. Sina Alvaro at Kenzo ang nagbayo ng saging habang siya naman ang tumulong kay Manay Soling sa pagluluto. Nararamdaman niya ang matalim na tingin ng ama niya kanina habang kasama si Alvaro sa pagluluto pero wala naman itong sinabi. Hangga't maari kasi ay kinokontrol nila ng binata ang mga kilos nila. Ngayon naman ay sasabog ang puso niya sa sobrang kilig.
"Maraming salamat sa ideya. Gusto ko talagang makabawi sa kanila sa nangyari kahapon. Konti na nga lang oras mag-ensayo at ayoko nang magkamali."
Pumalatak ang binata nang makita ang pag-aalala sa mukha niya. "Sabi ko naman sa iyo na huwag mo nang alalahanin iyon. Basta ipakita mo sa kanila lahat ng natutunan mo kahapon. Natatandaan mo ba ang lahat ng itinuro ko sa iyo?"
"Opo, Teacher," aniya at ngumiti.
Inaral nila hanggang gabi ang mga linya niya. Si Alvaro ang nagturo sa kanya kung paano humugot ng malalim na emosyon sa puso niya. Itinuro din nito sa kanya kung ano ang tamang kilos ng isang eleganteng babae noong unang panahon base sa napanood din daw nito sa mga dula gaya ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Itinuro nito sa kanya kung paano mag-internalize ng character. Kung paano humugot ng emosyon mula sa karanasan, mula sa bubog sa puso niya.
Parang ibang tao ito habang tinuturuan siya sa pag-arte. Hindi ito ang Alvaro na malaro at mahilig makipagbiruan. Seryoso ito sa pagtuturo sa kanya. Masasabi niya na mahal nito ang pag-arte at seryoso ito lalo na pagdating sa disiplina. Ayon dito ay di laro ang pagiging artista sa teatro at wala daw malaki o maliit na gampanin sa teatro. Kahit ang mgam nasa likod ng entablado ay dapat daw irespeto.
Malalim ang karanasan nito sa pagtatanghal. Isang bahagi na naman nito ang nakita niya at hinangaan niya. Marami siyang napulot dito at nasasabik na siyang gamitin ang mga natutunan niya.
"Aba! Malayo pa lang naaamoy ko na ang laman ng basket na iyan," sabi ni Celso pagdating pa lang nila at pinagkiskis ang palad.
"Nilupak na saging," sagot naman ni Aurora at ngumiti sa lahat. Bilin sa kanya ni Alvaro, dapat daw ay ngumiti lang siya na parang walang nangyari nang nakaraang araw. Makakatulong daw iyon para mawala ang tensiyon sa set.
"Alvaro, ikaw ba ang nagluto niyan para sa akin?" malambing na tanong ni Inez.
"Ipinaluto ni Aurora kay Manay Soling para sa ating lahat. Pero kami ni Kenzo ang nagbayo," sagot ng binata at ibinaba ang basket sa mesa.
"Bayuhin mo rin ako, Alvaro," sabi ni Bebang na nakadikit agad sa lalaki.
"Bebang! Huwag kang malaswa," saway ni Aurora dito.
"Ipagbayo din niya ako ng saging para sa nilupak. Anong masama doon?" depensa naman ni Bebang at kumindat kay Alvaro.
"Berde na ang utak ni Aurora. Akala ko habambuhay ka nang inosente," natatawang sabi ni Torya. Lagi siyang tinutukso ng mga ito na pa-virgin. Pagdating sa mga green jokes ay hindi siya nakikisakay.
"Hindi madumi ang utak ko." At naramdaman niya ang pag-iinit ng mukha. Naiinis lang siya na may dumidikit na iba kay Alvaro at nagpapahayag ng pagnanasa dito. Hinalikan man niya si Alvaro, puro pa rin ang nararadaman niya dito. Hindi siya malaswang mag-isip pagdating kay Alvaro.
"Lantakan na iyan," sabi ni Celso at akmang dadakmain na ang loob ng basket.
Tinampal ni Ma'am Mercy ang kamay nito. "Mamaya pa. Di pa nga tayo nagsisimulang mag-ensayo. Salamat dito, Aurora." At inilayo ang basket sa iba. "Maghanda na ang mga kasali sa kaharian nina Artus. Mga maharlika at mga alipin, maghanda na."
Sinundan niya ang matandang babae habang itinatabi ang basket ng nilupak. "Pasensiya na talaga kayo sa nangyari kahapon. Alam ko po na malaking abala na nawala sa isip ko ang script."
Hinaplos ni Ma'am Mercy ang buhok niya. "Ayos na iyon. Lahat naman nagkakamali."
"Di pwedeng pasensiya lang," singit bigla ni Omar na nakikinig pala sa usapan. "Nauubos din iyon gaya ng nilupak na dala mo. Sana lang para di sayang ang oras natin ngayon."
"Handa na ako sa mga linya ko," nakataas ang baba niyang sabi.