"GANYAN bang klase ang mga empleyado ninyo dito? She should be trained. Pero anong ginawa niya? Kumuha lang ng simpleng order, hindi pa niya kayang gawin. Someone like her should be assigned at the kitchen. Hindi siya dapat na ihinaharap sa mga customer na tulad namin."
Bumubula ang bibig ni Mitchell sa galit kahit na kaharap na nito ang manager niya. Ilang minuto na ring nakababad si Miles sa kahihiyan. Bawat pagbukas kasi ng bibig ni Mitchell, kung anu-anong insulto ang natatanggap niya.
"Don't worry, Ma'am. Sasabihan po namin siya," mahinahong sabi ni Arlene.
"Sasabihan? She ought to be fired!" wika ni Mitchell.
Nanlaki ang mata niya. Siya? Ipapatanggal sa trabaho dahil lang sa isang pagkakamali na hindi naman niya magawa. Naku! Sumosobra na ang babaeng ito!
Orientation sa kanila na dapat ay maging pasensiyosa sa mga customers. Pero hindi talaga siya papayag na apak-apakan ang pagkatao niya.
"That's enough, Mitch!" mas mariing wika ni Gino. Sa palagay niya ay nauubusan na ito ng pasensiya sa kasama. "I guess we'd better leave."
Tinabig ito ni Mitchell. "I am not yet through with her. You shouldn't hire a stupid girl like her on your staff. Nakakasira sa image ng restaurant ninyo. Please get her out of my sight!" anito at iwinasiwas ang kamay. Parang nagbubugaw ng langaw o kaya ay aso. It was degrading.
Nang lumingon siya ay nasa pinto ng nakabukas na function room si Alain at ang mga kasamahan nito. Mukhang kanina pa ito nakikinig sa kanila.
Yumuko siya sa sobrang kahihiyan. Nasaksihan pa ni Alain kung paano siya eskandaluhin ng impaktang babae. Baka isipin nga nito na stupid siya.
This is too much! Ano pa ba ang gusto ng babaeng ito? in-eskandalo na niya ako sa harap ng lahat pati ni Alain. Baka gusto na rin niyang ibitin ako nang patiwarik para matahimik na siya nang tuluyan?
"Excuse us," wika ni Gino at inilapag ang bayad sa table. Saka nito hinila sa kamay si Mitchell. "I hope you said your piece. Let's go."
Nanlalambot siyang nagkulong sa restroom sa sobrang kahihiyan. Parang wala na siyang mukhang ipapakita sa iba. Sinundan siya ng manager niyang si Arlene. "It's okay, Miles. Wala ka namang kasalanan."
"Sobra naman kasi ang pamamahiya niya sa akin, Ma'am. Kulang na lang laitin niya ako mula ulo hanggang paa," humagulgol niyang sabi at kumuha ng tissue. "Alam naman ninyo kung gaano ako ka-particular sa demands ng mga customers. Iyon ang orientation sa amin. Kung sinabi niya sa akin na gusto niya ng skim milk sa coffee niya, hindi ko iyon kakalimutan."
"Sabi ko naman sa iyo, di ba? Makakatagpo ka ng mga customers na eskandalosa at masasama ang ugali. You have to be strong dahil marami sila."
"Sa buong buhay ko po kasi, ngayon lang ako naeskandalo nang husto. Tapos sa harap pa ni Alain. Sa harap pa ng crush ko. Di ba nakakahiya iyon, Ma'am? He must think that I am stupid. Sira na ang image ko sa kanya."
Natawa ito. "Kaya naman pala umiiyak ka. Dahil napahiya ka sa crush mo. Tumahan ka na nga. Sa lahat ng staff ko, ikaw itong hindi basta-basta nagbe-breakdown kahit gaano pa ka-terror ang customer. So just forget it."
"Okay ka na?" tanong ni Weng nang mag-break sila.
Huminga siya nang malalim at tumango. "Pinipilit maging okay kahit na hindi. Kung nakita mo lang ang itsura ni Alain habang nilalait ako ng Mitchell na iyon. Paano kung ikaw ang na-eskandalo sa harap mismo ng crush mo?"
"Baka mag-walk out na lang ako o kaya magngangangawa ako sa harap ni Gino. Kung bakit kasi may girlfriend siyang impakta."
Tumango-tango siya. "Tama ka. Kasalanan talaga ng crush mo! Kung sino-sinong babae ang ipinaparada niya mga bitches naman! Nakaka-imbyerna talaga."
Bagamat magaganda at sexy ang idinadalang girlfriend ni Gino, puro naman mga suplada. At ang pinakahuli nga ang eskandalosa. Sayang! Guwapo pa mandin si Gino. Nuknukan ng guwapo at mukha rin namang matalino. Bakit kaya di ito makakuha ng matinong babae?
Mabigat pa rin ang pakiramdam niya nang nagliligpit sa restaurant. Kailangan lang siguro niyang matulog para makabawi kinabukasan.
Sumama ang pakiramdam niya nang makita ang picture ni Mitchell sa magazine na inililigpit. Kung pwede lang pagbayarin niya ang bruhang Mitchell na iyon sa paninira sa reputasyon niya.
Hanggang paglabas ay iniisip pa rin niya kung paano makakabawi kay Mitchell. "Naku! Sisiraan ko talaga ang papaya soap mo. Sasabihin ko na hindi siya nakakaputi ng kaluluwa. Kahit na gaano ka pa kaputi, maitim pa rin ang budhi mo," maisip-isip niya at natawa.
"Good evening, Miles."